Friday, February 24, 2006

Noon at Ngayon (aka Moral II), pelikula ni Marilou Diaz-Abaya, 2003

Ganito Kami Noon, Heto na Kami Ngayon

Noon at Ngayon
pelikula ni Marilou Diaz-Abaya
Star Cinema 2003

Sino pa kaya ang nakakaalala sa pelikulang Moral? Mga die-hard na tagapagtangkilik ng pelikulang Pilipino? Mga fans ni Ricky Lee? Mga kulturating tambay na nag-aabang ng film festival? Mga estudyante ng sinema? Mga kritiko?

Sino pa, bukod sa maliit na “kulto” ng mga napahanga at napamahal sa pelikulang Moral mismo? Maagang bahagi ng dekada ’80 ang tagpo ng Moral: naging magkakaibigan sa unibersidad ang apat na babae. “Pakawala” si Joey (Lorna Tolentino), maabisyong singer si Kathy (Gina Alajar), single mother si Sylvia (Sandy Andolong) at buntis-kaya- nagpakasal si Maritess (Anna Marin.). Nakakatuwa at nakakaantig ang mga kwento ng apat na babaeng ito. Ngunit higit dito, ipinakita ng pelikula ang mga pakikipagsapalaran ng kababaihan sa mga pamantayang “moral” ng lipunan. Simpleng pelikula ngunit masalimuot ang mga inilalatag na isyung peminista at pulitikal.

Kaya’t balita na mabibigyan ng bagong buhay ang pelikulang Moral sa isang sequel o part two. Tuntungan ng bagong pelikulang Noon at Ngayon ang buhay na iniwan nina Joey, Kathy, Sylvia, at Maritess. Ngunit kung maganda o masama ang balitang ito, magdadalawang-isip ang mapanuring tagahanga.

Noon

Bahagi ang Moral ng tinaguriang peministang trilohiya ni Marilou-Diaz Abaya, kasama ng ibang mahuhusay na pelikulang Karnal at Brutal. Sa mga pelikulang ito, masinsin at masining ang paglalantad, pagtalakay at pagkwestyon sa papel ng kababaihan sa lipunan.

Matapos ang humigit-kumulang 20 taon, magiging matunog muli ang pangalan ni Diaz-Abaya bilang direktor ng trilohiya ng “makikisig at magigiting” na pelikula: ang Jose Rizal, Muro-ami at Bagong Buwan. Lahat ito ay kinatampukan ng action star na si Cesar Montano, sa iba’t ibang papel bilang pambansang bayani, mapang-aping peskador, at mapayapang Muslim.

Lahat ay mga “seryosong pelikula.” Ibig lamang sabihin, kapansin-pansin ang kinis at kalidad sa lahat ng aspeto ng produksyon – ibang-iba sa mga pelikulang pormula o pito-pito na minadali at halos hindi na pinag-iisipan. Dahil sa antas ng teknolohiya, malaki ang pagbabago sa teknikal at artistikong bahagi ng dalawang trilohiya. Halimbawa, parehong “period film” ang Karnal at Jose Rizal. Pero kung ikukumpara ang disenyo ng produksyon, mas nakahihigit siyempre ang Jose Rizal sa epiko nitong proporsyon. Ginamitan ito ng digital imaging upang maging eksakto ang rekonstruksyon ng mga lumang gusali ng UST (kung saan nag-aral si Rizal) at iba pang tagpo.

Ngunit malaki rin ang naging pagbabago sa tono at “pananaw sa daigdig” ng direktor na si Diaz-Abaya. Mapapansin ito sa mga ideya at mensahe na ipinapahiwatig ng mga pelikula. Noon ay mapangahas at seryosong dagok ang inuunday ng mga pelikula sa kaayusan at sa lipunan, lalo na syempre sa usapin ng kababaihan. Ngayon ay malumanay at mapayapa. Wala na itong sinisisi sa pagdurusa o conflict ng mga tauhan ng kanyang pelikula. Karamihan ay pagpupugay na lamang sa indibidwal na kakayanan at galing ng mga bida. Noon ay nakaugat ang mga tauhan sa konteksto ng ginagalawan nilang lipunan. Ngayon ay lumulutang na ang mga tauhan sa ideyal, abstrakto at unibersal. Sa madaling salita, nahuhumaling na lamang sila sa pag-ibig o pag-asa, kagaya ng pormula ng iba pang karaniwang pelikula.

Ngayon

Ano ang lugar ng Noon at Ngayon sa mga trilohiyang ito? Wag nang pag-isipan.

Karamihan sa dayalogo at pangyayari sa Noon at Ngayon ay alusyon o halaw sa Moral. Naging matapat ang bagong pelikula sa naging karanasan ng mga lumang karakter (maliban sa ilang maliliit na detalye, gaya ng edad ni Levi). Gayunman, para sa manonood na nais lamang mag-enjoy sa pelikulang ito, mas mainam na huwag nang pansinin o pag-isipan ang mga alusyon. Mas mapapanatag ang inyong kalooban kung titingnan ito bilang hiwalay at walang kaugnayan sa orihinal.

Maaaring tama ang linyang “Lahat ng kalokohan ay nagawa na namin, wala na kayong magagawang bago,” na nabanggit ng bagong Kathy (Jean Garcia) sa Noon at Ngayon. Tinatalakay ng Noon at Ngayon ang homosekswalidad, ang pagiging single mother, at iba pang usapin na maaaring hindi pa rin katanggap-tanggap sa lipunan hanggang ngayon – ngunit natalakay na rin ng Moral noon. Ang malaking kaibhan na lamang ay ang “pagpatol” ni Joey (Dina Bonnevie) sa ampon ni Maritess (Cherry Pie Picache) na si Levi (Jericho Rosales). Halos pantastiko ang rebelasyon na si Levi ay tunay palang anak ni Gerry, ang NPA na “true love” ni Joey sa Moral – ang tanging lalaki na minahal, ngunit hindi “pumatol” sa pakawalang si Joey.

Sa ganito, halos buhaghag ang kwento. Nakakaaliw lang sa mga tampok na pangyayari dahil mahusay ang pagganap ng mga artista gaya ni Aiza Marquez (sa papel ng “kikay” na anak ni Kathy) o ni Paolo Contis (sa papel ng baklang anak ni Maritess). May mga pangyayari na walang paliwanag at walang katuturan, gaya ng pagsabog na dahilan ng pagkaka-ospital ng mga mahal sa buhay ni Sylvia (Eula Valdez) – ang baklang ex-husband na si Robert (Noni Buencamino) at ang kanilang anak na si Bobby (Marvin Agustin). Ang karakter naman ng naghihingalong si Maggie (Laurice Guillen), ang ina ni Joey at isang “sentral” na tauhan na iniikutan ng buhay ng lahat ng iba pa, ay parang naging “tagapagsalita” na lamang ni Diaz-Abaya. Maaaring simbolo lamang sa pagbitiw ni Abaya sa vanidosang daigdig at pagyakap sa pagkakuntento at kapayapaan. Ngunit sa maraming pagkakataon, tila si Abaya mismo ang nagtatalumpati sa mga linyang binibitiwan ni Maggie.

Kinakatawan ng Noon at Ngayon ang isang buong proseso na lubhang napakapersonal para kay Diaz-Abaya. Tinatalakay nito ang ipokrisya, ngunit tila may “mas malalim” at ispiritwal na resolusyon para sa usaping ito at sa iba pang problema sa lipunan. Hindi mawari kung nag-mature ang pananaw o naging paurong.

Ngunit kung ikukumpara sa ibang pelikula sa ngayon, naiiba ang Noon at Ngayon. Maaari nating sabihin na sana ay marami pang pelikula na tulad nito sa ngayon – kakaiba sa negosyong pelikula at inilalakong kaisipang basura. Nakakapanatag ng loob na malaman na may iba pang nag-aalala para sa kapakanan ng bagong henerasyon at kinabukasan. Anuman ang ibig sabihin noon.

Thursday, February 16, 2006

Salinlahi at iba pang kwento, ni Ditan Dimase, 2006


Patikim

Salinlahi at iba pang kwento
ni Ditan Dimase
Inilathala sa seryeng Anahaw ng Palimbagang Kuliglig, 2006

Gaya ng ilang henerasyon ng mga batang manunulat, naging pangarap din ni Ditan Dimase na malathala ang kanyang mga kwento sa magasing Liwayway. Wika nga ng ilan – kapag nalathala ka na sa Liwayway, isa ka nang “tunay na manunulat.”

Nakapaglathala man sa Liwayway, sa paglipas ng panahon ang pangarap ni Dimase na maging manunulat ay naungusan na ng kanyang mithiin para sa isang bagong mundo. Mahilig pa rin siyang magsulat. Sa gitna ng iba’t iba at kakaibang karanasan at gawain bilang isang rebolusyonaryo ay nakapagsulat at nakapag-ipon si Dimase ng napakaraming akda. Ilan sa mga ito ay nalathala na rin sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat at nom de guerre sa mga andergrawnd na publikasyon gaya ng Ulos ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS-NDF).

Kung kaya patikim pa lamang ang anim na dagli mula sa seryeng Anahaw ng Palimbagang Kuliglig – ang Salinlahi at iba pang kwento – sa maituturing na “body of work” ni Ditan Dimase. Sa anim na dagli na ito, ay dagli ring matutunghayan ang lawak ng saklaw sa paksa at imahe na maasahan di lamang sa mga akda ni Dimase, kundi sa rebolusyonaryong panitikan lalo na’t mula sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA) sa kanayunan.

Sa mahabang panahon, ang rebolusyonaryong kilusan ang natatangi o katangi-tanging daluyan para sa paglikha at epektibong popularisasyon ng dagli, isang anyo ng katha (fiction) na tinatawag ding maikling-maikling kwento (short short story). Dahil mas maikli at mas madaling basahin kaysa sa karaniwang maikling kwento, ang dagli ay isang anyo ng malikhaing panulat na naging mabisa para sa mabilis na pagpapalaganap ng mga karanasan, ideya at aral sa loob at labas ng rebolusyonaryong kilusan. Bukod sa pagtulong sa konsolidasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa, naging paksa rin ng pag-aaral ng panitikan sa akademya, halimbawa, ang mga koleksyong Kabanbanuagan ni Kris Montañez at Kung Saan Ako Pupunta ni Zelda Soriano, na kapwa naglaman ng mga dagli. Ang tatas, talas at sinsin ng mga dagli nina Montañez at Soriano ay maaasahan din sa Salinlahi, at maaring higit pa.

Dalawang henerasyon ng karahasan ang inilarawan sa dagling “Salinlahi” na siyang nagbitbit ng pangalan ng buong koleksyon. Ang simpleng kwento ng pag-iibigan sa “YS” (o youth sector, kung tawagin nga ng mga aktibista) ay may wakas na kung sa mga kurso sa panitikan, ay karaniwang inihahambing sa karakteristik na twist ng mga maikling kwento ni O. Henry. Gayunman, makapanindig-balahibo ang hilakbot ng twist na ito, na naglalantad sa malalim na sugat na iniiwan ng abusong militar sa mga biktima nito, at ang pagkamuhi at paghulagpos ng mga inaasahang “tagapagmana” sa mersenaryong tradisyon ng hukbong sandatahan ng estado.

Ang pagpipinta ng isang tiyak na larawan ng kaaway ay lalo pang pinatingkad ni Dimase sa “Ambisyon.” Ang kwento ng engkwentro sa pagitan ng AFP at NPA, na hindi mahugisan ng maiikling report sa dyaryo, radyo o telebisyon ay lalo pang nabigyan ng buhay sa matingkad na kontrast sa pagitan ng karakter ng mga Pulang mandirigma at ng pasistang militar.

Makikita sa unang dalawang kwento ang pangangahas na talakayin ang mga paksang “di-karaniwan,” lalo na sa ordinaryong mambabasa ng kwento sa Pilipino. Ngunit dahil kinatha sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, maaaring ang mga “di-karaniwang” paksang ito na nagpapakita ng matalas na pagkakaiba ng kaaway (AFP o militar) sa kasama (comrade) ang siya nang karaniwan o malaganap sa kilusan, o di kaya’y wala nang pinuhunan pang kapangahasan. Sa gayon, maaaring payak, mahinahon o magaan ang pagsasalaysay sa mga dagling “Hindi Kriminal ang Anak Ko,” “Ang Manggagamot” at “Silang Anak ng Magsasaka.” Ngunit kung susuriin, kinakailangang mas maingat – at kung gayon ay mas mahirap at mapangahas – ang maglahad ng mga kwentong pumapaksa sa mga kontradiksyon sa hanay ng NPA o kilusan; at ng masa.

Magaan ang pagtalakay nito sa mala-anekdotang “Ang Manggagamot.” Sa kwento ay organisado na ang masa – ibig sabihin, sila’y aktibo na rin sa rebolusyon at sumusuporta sa NPA. Ngunit ipinapakita rito na bagamat sila’y organisado, nariyan pa rin ang maingat na pagbasag sa mga nakagawiang kultura at atrasadong paniniwala ng masa, o ang patuloy na paghubog ng syentipikong kaisipan sa hanay ng mga kadre at aktibistang sangkot sa rebolusyon. Hindi lantad ang ganitong tunggalian (conflict) para sa mga mambabasang hindi malay sa mga prinsipyo at pananaw-sa-daigdig ng kilusan, kung kaya para sa kanila maaaring isa lamang itong kwento na kapupulutan ng bagong aral. Para sa mga rebolusyonaryong pwersa, ang namumuong tensyon sa pagitan ng isang Pulang mandirigma na si Ka Ayong at ng “manggagamot” na si Ka Nora ay naresolba dahil na rin sa malapit at magiliw na relasyon ng Hukbo at ng masa.

Mas mabigat naman ang lumulukob na tensyon sa “Hindi Kriminal ang Anak Ko,” na may maselang paksa tungkol sa proseso ng imbestigasyon ng NPA, pagpapatupad ng rebolusyonaryong hustisya, at mga patakaran o pamantayan sa pagpapasampa sa hukbong bayan. Halos kinakaladkad sa bigat ang palitang-kuro sa pagitan ng yunit ng NPA, at ni Inang Trining, ina ng kabataang si Rico na nasasangkot sa kaso ng pagpatay ngunit matagal nang gustong sumapi sa NPA. Sukat ipadama ang tensyon na ito sa mabusising pagsasalarawan ng maliliit na kilos ng bawat tauhan habang nag-uusap: (Bigla ang ginawang paghigit ni Inang Trining sa isa sa ginislang yantok. Nagdugo ang kanyang palad. Patuloy sa pagkayas ng yantok si Ka Ilyong. Ang kasamahan na kanina ay nagdodrowing sa lupa ay naghuhukay-hukay na ngayon sa lupa.) Sa wakas nito, ang paghagulgol lamang – sa kasiyahan o ginhawa – ang tanging paraan upang itiwalag ang tensyon na bumalot kay Inang Trining.

Mabusising detalye o pagsasalarawan din ang siyang naging kapangyarihan ng “Silang Anak ng Magsasaka” upang epektibong ipakita ang ubod ng kwento. Dito, ang tunggalian sa pagitan ng militar at NPA ay pambihirang pumaling upang ilahad ang pakikitungo ng NPA sa masa na nasa panig ng kaaway. Ang “niruruker na paa” ng kabataang magsasaka ang siyang naging simbolo ng makataong prinsipyo ng kilusan (o pagtalima sa mga patakaran sa pakikidigma at international humanitarian law), at ng rebolusyonaryong linyang makauri na kumikilala sa mga magsasaka bilang pinakamalaki at maaasahang pwersa ng rebolusyon.

Naiiba sa koleksyong ito ang kwentong “Casiguran” sapagkat wala sa kontemporaryong tagpo, bagkus ay may pakiwari pa nga ng isang makabagong alamat. Bagamat ipinuwesto sa panahon ng mga Espanyol at pumapaksa sa pakikibaka ng mga Bikolano laban sa kolonyalismo, ang mga aral sa pakikidigma – sa taktika, istratehiya at kaisipang Mao Zedong – ay inilangkap sa lokal na talinhaga at kinathang mga eksena at sitwasyon.

Ang realistiko at halos testimonyal na naratibo ng mga karanasan at aral mula sa rebolusyonaryong pakikibaka ang naging karaniwan sa mga dagli nina Montañez, Soriano at ng iba pang manunulat na nasangkot sa kilusan gaya nina Jun Cruz Reyes at Levy Balgos dela Cruz. Nagkakahalintulad ang kanilang husay sa matalas na paglalantad at pagpapaigting sa tunggalian ng mga uri, karakterisasyon at pagtatanghal sa masa bilang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan, habang gumagamit ng mga inobasyon gaya ng katatawanan, mga lokal na anyo ng panitikan, o masinsin at masining na paglalarawan. Sa mga akda ni Ditan Dimase ay masasabing buhay at lalo pang naging dinamiko ang mga pagsisikap upang maging balanse sa porma at nilalaman ang rebolusyonaryong panitikan. Ang mga tula at kwento ay naisusulat at tuluy-tuloy na napapaunlad ni Dimase, sapagkat patuloy rin siyang nasasangkot at kumikilos para sa rebolusyon.

Masasabi rin na napakarami pang mga kwento mula sa rebolusyon, lalung-lalo na sa kanayunan, ang naghihintay lamang na maisalaysay at maibahagi upang magbigay ng inspirasyon at aral hinggil sa digmang bayan na nagaganap at yumayanig sa buong kapuluan. Ang mga kwento ni Ditan Dimase ay patikim lamang ng mga akdang nagawa na, at gayundin ng napakarami pang mga akda na malilikha sa patuloy na pagsulong ng rebolusyong pangkultura.

Wednesday, February 08, 2006

Rosas ng Digma, album ng MusikangBayan, 2001

Nahuling Pagsusuri

Hindi maikakaila na ang awit ang anyo ng sining na pinakapopular at pinakamadaling ipopularisa sa masa.

Ayon sa pagsasalarawan ng PAKSA ”Sa isang bansang mabulas ang tradisyon ng pagbigkas (pagkat ang karamiha’y di makasulat ni makabasa) ito (awit) ang pinakamabilis sa pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong adhikain. Ang awit ang una at nangungunang anyo (ng sining) sa pagsusulong ng rebolusyong pangkultura. Ang nilalaman nito ay madaling mapasanib sa umaawit o nakikinig...”

Kung kaya hindi kataka-taka ang pagkakaroon ng napakaraming awitin na iniluwal ng rebolusyonaryong pakikibaka. Marami nang maituturing ang mga awiting naisadokumento sa pamamagitan ng mga proyektong album sa kaset at CD mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ngunit hindi pa natin natitiyak kung gaano pa karami ang mga awitin na nananatili o naipapalaganap lamang sa pamamagitan ng alaala ng mga kasama at masa sa iba’t ibang sonang gerilya sa kanayunan.

Ayon pa sa PAKSA,”Ang awit ay nagpapahiwatig ng marubdob na damdamin at likas na indayog... Maigting sa awit ang pagsasanib ng mensahe at tugtugin kaya ang epektong sikolohikal ay higit pang nakapagpapasidhi sa pagiging militante ng nakikinig o umaawit... Ang awit ay may ritmo o indayog na may malaking naitutulong sa pagpapaalab ng damdamin at sa gayon ay nakapagpapakilos…”

Ito rin ang layunin ng MusikangBayan sa paglalabas nito ng album na may pamagat na Rosas ng Digma: Mga Awit ng Pag-ibig at Pakikibaka noong 2001. Sa sariling salita ng mga manlilikha: “ang mga titik at tunog na naiiwan sa isipan ng nakikinig (ay) nag-aanyayang magsuri at kumilos.”

Ang pagpapakilos sa pamamagitan ng pagpapaalab ng damdamin ang layunin ng Rosas, at sinasabing higit pa: ”Maituturing ang Rosas... bilang isa sa mga produkto ng mga pag-unlad... sa iba’t ibang larangan ng pagkilos. Sa porma ng isang album, nangahas talakayin sa himig at musika ang usapin hinggil sa pag-ibig at pakikipagrelasyon na nakabatay sa makauring paninindigan.” Kung gayon, ipinagpapalagay na layunin din ng mga manlilikha ang makatulong sa paglilinaw ng wastong pampulitikang linya o paninindigan partikular sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Gayunman, kailangan nating isaalang-alang ang epekto ng mga awiting ito sa masa. Lalong higit na kailangang kilatisin ang epekto nito sa mga aktibista, kadre at mandirigma, sapagkat sila ang pangunahing isinasalarawan at pinatutungkulan ng mga awit.

Ang karamihan sa mga awit sa Rosas ng Digma ay nakatamasa ng isang antas ng pagtangkilik sa masa at mga kasama bago ito tinipon sa isang album noong 2001. Naisulat ang mga ito sa ikalawang hati ng dekada ’90, at naipalaganap sa sektor ng kabataan, at iba pang teritoryo kung saan naitalaga o naging malapit ang mga kompositor.

Bilang hiwa-hiwalay na mga kanta, masasabing nagsilbi ang ilan rito sa epektibong paglalahad at paglalarawan ng pinapaksa. Isang mahusay na halimbawa ang awiting ”Duyan ng Digma.” Sa payak nitong himig at titik ay naipahiwatig nito na laging may kondisyon para sa pagyabong ng pag-ibig na nakabatay sa nagkakaisang mithiin (makauring paninindigan) at pagkilos. Naging malugod ang pagtanggap dito sapagkat napakakaraniwan ng paksa at napakapamilyar ng himig. Gaya ng katangian ng karaniwang awit, maaari o madali itong iangkop ninuman sa sarili o indibidwal na karanasan.

Dahil sa pagiging karaniwan o pamilyar ay may kongkretong panganib na sinusuong ang mga awit, lalo na kung ilalagay ang mga ito sa mas malawak na konteksto. Ang paksang pag-ibig ang siya naman talagang pangunahing tema na ginagamit ng naghaharing-uri upang langisan ang dominanteng industriya ng musika, at linlangin ang masa. Sa ganito tunay na ”nangangahas” ang mga awitin sa pagguhit ng linya sa pagitan ng pyudal/burgis at ng proletaryadong pag-iibigan. Sa pagitan ng eskapismo at pagkalango, na siyang epekto ng mga dominanteng awit ng pag-ibig; at ng pagpapatatag ng proletaryadong relasyon para sa tuluy-tuloy na pagkilos, na inaasahang maging epekto ng mga awit sa Rosas ng Digma.

Ang antas ng pagtangkilik ng masa at mga kasama ay nangangahulugan ba na nagtatagumpay ang mga awit sa Rosas ng Digma sa pagguhit ng linyang ito? Gayundin, sapat ba itong batayan upang ilagay sa isang koleksyon ang mga awit para sa mas malawak na pagpapalaganap?

Sa pagbabalik-tanaw, masasabi nating hindi. Pinakamatibay na batayan para rito ang taliwas na epekto ng Rosas, bilang koleksyon ng mga awit, sa mga kadre, aktibista at mandirigma. Tampok dito ang pagtaas ng bilang ng mga kasamang nanamlay sa pagkilos (”lie low” ) at nag-AWOL dahil sa pakikipagrelasyon. Maituturing na signipikante ang bilang ng mga kasamang ito, sapat upang tahasang itigil ang pagpapalaganap ng Rosas sa ilang rehiyon.

Siyempre ay hindi ”maisisisi” nang buong-buo sa Rosas ang penomenon na ito. Marami pang ibang salik, gaya ng kongkretong kalagayan sa mga rehiyong ito, at konsolidasyon sa mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng edukasyon. Magkagayunman, hindi nawawala sa Rosas ng Digma ang responsibilidad bilang isang koleksyon ng mga awit na nakatamasa ng malawak na pagpapalaganap at pagtangkilik.

Paano nga ba tinatangkilik ng mga kasama ang isang album? Ang mga kasama ay laging ”sabik na sabik” dahil sa kasalatan ng mga materyal na gaya nito, relatibo sa pagbaha ng mga awitin sa burgis na masmidya. Ang isang album ay karaniwang napapatugtog nang buo sa tuwing may pagtitipon, aktibidad o okasyon. Ito’y pinakikinggan nang buo (at paulit-ulit!) sa libreng oras ng mga kasamang may kaset o radyo – lalung-lalo na ng Hukbo. Sa ganito, ang isang album na ”naiisyu” sa isang kasama ay halos nakakabisado. Lalo pang lumalawak ang pagpapalaganap nito kung ito’y inaawit o itinatanghal ng Hukbo sa iba’t ibang lugar at pagkakataon sa loob ng eryang saklaw.

Tumitingkad ang responsibilidad ng manlilikha sapagkat napakadaling sabayan ng mga himig na gaya ng karaniwang ”love song,” o di kaya ng tradisyunal na kundiman sa ilang awit sa Rosas. Sa ganito, masasabing may antas ng kasinupan na naabot ang mga manlilikha sa pagrerekord ng mga awitin. Pinahusay ang mga areglo at gumamit ng iba pang mga instrumento gaya ng byulin at plawta labas sa karaniwang saliw ng gitara na nakakayanan ng payak at ”low-budget” na rekording ng rebolusyonaryong kilusan sa nakaraan (at hanggang sa kasalukuyan lalo na para sa mga kasama sa kanayunan).

Dahil sa napakaepektibong midyum, inaasahang mapapabilis ng isang album ang pagpapatining ng mga ideya at pagpapasidhi ng militansya bilang pagtugon o suporta sa mga kampanyang inilulunsad ng Partido o rebolusyonaryong kilusan. Isang kongkretong halimbawa, ang pagiging napapanahon at epektibo ng album na Dakilang Hamon na inilabas ng Armas-Timog Katagalugan sa kasagsagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Anong kampanya ng kilusan ang tinugunan ng Rosas ng Digma? Sa panahon ba ng paglalabas nito ay may kagyat na pangangailangan upang malawakang ilinaw ang ating pananaw at paninindigan partikular sa pag-ibig at pakikipagrelasyon?

Gaano man kahusay ang awit o kadalisay ang layunin ng manlilikha, mananatiling taliwas ang epekto ng isang awit kung nagtataglay ito ng mga maling ideya. Kaya’t sa kabila -- o bunsod -- ng kasinupan sa anyo ng sining, ang tanong ay kung matalas -- o wasto nga ba – ang pampulitikang linya na dala-dala ng mga awit sa Rosas ng Digma?

Halimbawa, ang pangungulilang nabibigyang-diin sa malumbay at mariing koro ng ”Sana” ay tiyak na may sikolohikal na epekto sa tagapakinig. (Sana sa tuwina kapiling kita / Sa paglikha ng mga awit ng paglaya / Sana laging kasama kita.../ Sana sa tuwina kapiling kita...) Ang damdaming napapaigting ay hindi maaasahang makapagpapatatag sa mga magkarelasyong nagkakalayo dahil sa gawain. Ihanay pa sa iba pang mga awit ng pag-ibig, ay lalo lamang nakapagpapatamlay, at nagpapasidhi lamang sa pangungulila.

Pinakatampok na awit ang ”Rosas ng Digma” at ang katambal nitong awit na may pamagat na ”Ang Tugon.” Bilang awit na nagdadala ng buong koleksyon, aasahan na ito ang pinakamatalas. Kahit sukdulang ipaliwanag – sa masining na pamamaraan, syempre – ang mga konsepto ng class love at sex love, kung kinakailangan ito sa layuning ilinaw at ipalaganap ang ating mga pananaw at paninindigan sa pakikipagrelasyon.

Ngunit sa pamagat pa lamang ay nakaamba na ang panganib.Totoong pamilyar sa masa ang pagsasalarawan sa babae bilang rosas o bulaklak, ngunit ano ang ideolohikal na implikasyon nito? Sinisikap nitong tanggalin ang mga pyudal na konotasyon sa paggamit ng imahe (Tinik mo’y sagisag ng tapang at giting / Sa laranga’y kislap ng bituin) subalit mapaglunggati ang ganitong proyekto. Mas madalas kaysa sa hindi ay pyudal na relasyon ang mahihinuha, lalo na sa mismong koro (Ako’y nangangarap na ika’y makasama / taglay ang pangakong iingatan kita). Maaaring ”macho” ang tanggap dito ng kababaihan. Bukod dito ay maaari ring ”iba” ang interpretasyon dito ng kalalakihan, lalo na ang mababa pa ang kamulatan. Ang ”pagsasama at pag-iingat” ay maaaring paglayo sa ”marahas” na pinagsibulan (digma o pakikibaka), na sa aktwal ay karaniwang kahinaan ng mga kasamang nananamlay sa pagkilos upang itaguyod ang pagpapamilya.

Masaklap kung ang ganitong pyudal na kaisipan ang siya mismong naging panghalina ng awit, o dahilan kung bakit madali itong tinangkilik ng masa at maging ng mga kasama. Pumapasa nga ba sa rebolusyonaryong romantisismo ang linyang ”ang ganda mong nahubog sa piling ng masa / hinding-hindi kukupas / hindi malalanta” o simpleng pahaging lamang ng ideyalistang pananaw? Huwag nang banggitin pa ang pagpapalawig ng ganitong konsepto sa ”Ang Tugon,” kung saan ang lalaki ay inihalintulad na sa paru-paro.

Nababahiran nito ang pagbasa o panunuri sa iba pang mga awit, gaya na lamang sa awit na ”Iisa.” Bagamat isinasalarawan nito ang pag-iisang dibdib sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, may pakiwari itong pyudal dahil sa paggamit ng punto de bista ng lalaki. Dahil sa pinagsama-sama ang mga awit sa iisang koleksyon, naging paulit-ulit at halos kabagot-bagot na ang pagtalakay sa paksa. Gayunman, totoong hindi mababagot o magsasawa ang masang tagapakinig sa ganito. Sa halip, talagang maasahan ang mainit at marubdob pagtangkilik. Mapanganib ito, sapagkat sa isang banda, ang ganitong hilig ng masa sa mga awit ng pag-ibig ay maaaring bunga ng pyudal na tradisyon o ng pagkokondisyon ng burgis na masmidya.

Sa pangkalahatan, nagtatagumpay ang koleksyon sa paglalarawan o pagpapahayag ng damdamin ng mga indibidwal na kompositor, ngunit hindi sa layunin nitong ”isalarawan ang lugar ng pag-ibig sa gitna ng pakikibaka.” Sa pagtalakay ng pulos pag-ibig, nawawalan ng puwang para sa mas kongkretong pagsasalarawan ng pakikibaka. Kung susuriin, hindi naging masama ang epekto ng ilan sa mga awit sa inisyal nitong pagpapalaganap. Sa gayon maaaring hindi rin naging masama kung ito’y naipalaganap sa ibang pamamaraan. Halimbawa, bilang isa o ilang awit ng pag-ibig sa loob ng koleksyon ng iba’t ibang rebolusyonaryong awitin – at hindi bilang koleksyon ng mga awit ng pag-ibig lamang. Sa ganito, maisasakonteksto ng tagapakinig ang pinagmulan ng mga awiting ito at ang sinasabing ”lugar ng pag-ibig sa gitna ng pakikibaka.”

Kailangang paglimian ng mga manlilikha kung ano nga ba ang naging konsiderasyon sa ”pangangahas” sa ganitong klaseng proyekto. Naging primarya nga ba ang kapakanan ng masa? O dahil sa tinamasang pagtangkilik sa inisyal na pagpapalaganap ng mga awit, ay mas nauna ang hangaring ”(ipa)laganap (ang mga awit) sa kanilang orihinal na bersyon ayon sa intensyon at konsepto ng mga kompositor” ? Hindi sapat bilang batayan ng malawakang pagpapalaganap ang ganitong ”pagtataas ng pamantayan,” sabihin pang inisyatiba naman ito ng MusikangBayan. Isang bagay ang pagrerekord ng isang ”demo tape” o koleksyon ng mga awit ng pag-ibig. Ito’y mabuti sa pagpapayabong ng inisyatiba sa hanay ng mga kasama. Ngunit mas malaking responsibilidad ang dapat tanganan sa sistematiko at malawakang pagpapalaganap ng koleksyong gaya ng Rosas ng Digma.

Mas malaki pa ang pakinabang ng masa at ng rebolusyonaryong kilusan sa antas ng kasinupan na naabot ng MusikangBayan sa larangan ng rekording. Lalo na kung pauunlarin ang praktika ng kritisismo at pakikipagtulungan sa pagitan nila at ng iba pang rebolusyonaryong pwersa. Mas mainam kung sila’y mabibigyan ng kakayanan na suriin at punahin ang mga sariling likhang-awit at ang pamamaraan ng pagpapalaganap sa mga ito. Pinakamahalaga ang paghingi ng puna at mungkahi mula sa masa. Ang walang-sawang pagsisiyasat sa aktwal na epekto nito sa kanila ang batayan ng mga pagsisikap upang paunlarin ang ating mga likhang-sining.

Ultraelectromagneticjam, tribute album sa Eraserheads, 2006

QUO VADIS, ERASERHEADS? HEHEHE!

Ultraelectromagneticjam
Tribute album sa Eraserheads
BMG Pilipinas, 2006


Siguro’y lumundag nang ilang tibok, at saka kumaripas ang kaba sa puso ni Marcus nang una niyang marinig ang pasakalye ng "Ligaya” mula sa sabog na ispiker ng sinasakyan niyang dyip. Ang taon ay 1993. Sikat na sikat noon si Bon Jovi.

Tuwang-tuwa si Marcus. Bente uno anyos lang siya noon, at siya ang tumugtog ng gitara sa kanta. Ganundin siguro ang pananabik ng mga kabanda niya, at ng marami pang ibang nakarinig sa kanta. Maraming pang iba ang nakarinig – lalo na sa mga eskwelahan, sa mga umpukan ng magkakabarkadang naghiraman ng nabiling kaset teyp, nag-aral ng kords sa gitara at bumili ng mga songhits.

Marami pang iba ang nakarinig. Makakasalubong kasi sa mga kanta ang karaniwang kakulitan ng kanilang buhay bilang nagbibinata o binata, nagdadalaga o dalaga. Sila na bago at matapos pumasok sa eskwela ay nakatutok sa telebisyon, at pamilyar sa tinutukoy ng banda na pambihirang trumpo ng kanilang paboritong bayaning robot. Noong 1993, ang pinoproblema nila ay taghiyawat, ang masungit nilang titser, ang mga pangarap ng mga magulang nila para sa kanila, at siyempre, pera – pang-alawans, panigarilyo o pambili ng deodorant. Nakalimutan nila nang saglit ang pagtutok sa basketbol at showbiz, at lahat ng atensyon ay naibaling sa bandang ang pangalan ay Eraserheads.

Parang multo na lang ang alaala ng mga panahong iyon, gayong mahigit sampung taon pa lang naman ang nakaraan. Hindi pa rin naman napakatagal mula nang maghiwa-hiwalay ang Eraserheads. Sa katunayan, sa nakaraang limang taon ay aktibo pa sila sa kanya-kanyang proyekto at banda gaya ng Cambio, Mongols, Kamonkamon, Sandwich at ngayon ay Pupil ni Ely Buendia. Pero walang duda, walang ni isa man sa mga bandang ito ang nakapantay sa kapatukan ng mga kanta at impluwensya sa napakalawak na bilang ng mga tagasubaybay -- o fans – ng Eraserheads.

Ngayon, naghahalinhinan sa radyo ang mga lumang awit ng Eraserheads, at ang mga bagong bersyon nito mula sa mga banda at mang-aawit na kasali sa album na ultraelectromagneticjam. May kapanapanabik pa ba sa pag-alingawngaw ng bungisngis ni Kitchie Nadal sa linyang ”Ilang ahit pa ba ang aahitin?” habang nagkakandarapa ka papunta sa trabaho mula sa istasyon ng MRT?

Siguro. Siguro, kahit kaunti. Maaaring ireserba ang pananabik para sa bagong henerasyon ng mga tagapakinig na kung ilang taon ding binuro sa monotono ng komersyal na remix (halimbawa, mula sa ”Dayang-dayang” hanggang ”Crazy Frog”). Nahahagip ng mga awit ang bago at mas malawak na awdyens sa pamamagitan ng bagong interpretasyon, halimbawa sa mahusay na bersyong R&B ng ”With A Smile” mula sa Southborder, o sa ”malinis na pop” na pagkakaawit ng ”Huwag Mo Nang Itanong” ng MYMP, o ”Overdrive” ni Barbie Almalbis.

Sa pakikinig ng bagong album na ito, magniningning din ang mga mata ng mga nagdalaga’t nagbinata kasabay ng pag-inog ng musika ng Eraserheads – siguro sa dami ng mga naaalala. Naging disente ang ”krudong reggae” ng unang bersyon ng ”Maling Akala” na ginawan ng Brownman Revival ng halos plakadong interpretasyon. Dahil si Rico J. Puno ang umawit ng ”Ang Huling El Bimbo” – lalo pang lumalayo ang panahong iniuurong sa pagsesentimyento.

Hindi naman paiiwan ang mga kanta tungkol sa pagkalango, na pambihirang ”pinili” ng mga banda kahit hindi gaanong sumikat ang mga ito bilang single. Ang una ay ang ”Spoliarium” ng Imago, isang hilo -- kung hindi man bangag -- na alusyon sa sikat na painting ni Juan Luna (iyong may mga patay na gladiator na hinihila mula sa arena.) Kinakaladkad ng Imago ang tagapakinig sa paglikha ng ganitong hilong paningin sa ”walang katuturang kadaldalan” sa bumabagal, umiikot na musika ng isang lasing. Sa ”Alkohol” inilapat ng Radioactive Sago Project ang kanilang estilo ng kinulapol na jazz at bargas na pagtula.

Kaya naman, kung pagsisintemyento lang ang tema ng pakikinig sa album na ito, siguradong hindi maiiwasan ng ilan ang magngitngit lalo na sa interpretasyon ng mga bagong banda.

Halimbawa, masyadong maarte ang "Alapaap” ng 6cyclemind. May hindi nasasapol ang banda sa "rebelde” ngunit mapaglarong tema ng awit, tuloy ang bersyon ay lumalabas na hungkag at nakakaasiwa. Ganundin ang pakiwari sa minsan-dramatiko-minsan-hindi na boses ni Paolo Santos sa "Magasin.” May pagkakapareho ito sa estilo ng Cueshe sa "Hard to Believe” na para bang basta na lang pinasadahan ang kanta sa sariling pormulang pinasikat nila. Naunawaan naman kaya nila ang ibig-sabihin ng mga kanta?

May katulad pero naiibang pakiwari naman ang ilang kanta, na tila nag-aastang "mas dakila pa” sa Eraserheads dahil masinop nga, pero maburloloy ang interpretasyon. Hindi naman siguro masama, at pwedeng mahusay pa nga ang ganito para sa iba. Halimbawa nito ang "Tikman” ng Sugarfree, na bandang tiyak na naiimpluwensyahan ng Eraserheads sa kanilang musika. Sa bersyon naman ng "Huwag Kang Matakot,” para bang gusto pang daigin ng bandang Orange and Lemons ang Beatles.

Samantala, mukha namang mas krudo pa ang interpretasyon ng Spongecola sa krudong produksyon ng unang album ng Eraserheads na naglaman ng hit na "Pare Ko.” Bigung-bigo ang banda sa pagtatangkang lagyan ng kunwang "fireworks” ang tempo at interpretasyon ng isang napakasimpleng kanta na tungkol lang naman sa isang napakakaraniwang karanasan ng, oo, pagkabigo. Gayundin ang kabiguan ni Isha sa kanyang proyekto sa "Torpedo,” na hindi mahagip ng hinagap kung bakit pa nga ba pinagtangkaan pa.

Kung ganito rin lang ay mas mabuti pang makinig sa atungal at hiyaw na bersyon ng mga kantang ito mula sa mga umpukan ng magkakabarkada sa kanto. Kahit ang saliw ay basag na gitara, mas sigurado pa na nauunawaan at nararamdaman ng mga ”mang-aawit” na ito ang mga damdamin at ideya ng mga naunang simpleng kanta ng Eraserheads, dahil katulad o malapit sa kanilang buhay ang mga paksa at tono. Sa ganitong konteksto, talagang kalapastanganan na gawing "finale” (at sa estilong "We are the World” pa man din!) ang kantang "Para sa Masa.”

Dito, hindi na usapin kung mahusay ang interpretasyon o bagong bersyon, dahil wala naman talagang katarungan ang pagkakasulat ng Eraserheads sa kantang ito mismo. Sinalamin lang ng "Para sa Masa” ang mababang pananaw ng banda sa sariling awdyens o masang tumangkilik sa kanila sa loob ng mahabang panahon -- na para bang sila ay hindi nagmula sa katulad na "kakornihan” o "mababaw na kaligayahan sa buhay.”

Sa kantang ito ay inilarawan ang masa ayon lang sa mababa at makitid na hubog na kinondisyon ng masmidya (”Mahilig sa love song at drama... fans ni Sharon Cuneta”). Gayong kung tutuusin, ang Eraserheads ay naging ”mas mataas” lamang dahil sila ay naging mas ”sopistikado” – mula sa mga simpleng karanasang kanto, lumawig ang mga paksa, imahe at tunog ng banda tungo sa mga kabaliwan ng industriya ng musika at karanasang rockstar. May astang ”rebelde” at ”hindi nagpapakahon,” pero sa suma-total, ang ganitong ”artistikong” estilo, pananaw at pamumuhay ay kasing-baba rin ng palasak na artipisyal na kulturang masa na inilalako ng masmidya – dahil, sabihin na nating pareho lang namang komerysalisado at eskapista, kung tutuusin.

Pwedeng hindi naman malay ang banda sa ganitong implikasyon. Sobra nga kaya na asahan sa Eraserheads ang pagkakaroon ng sensitibidad na gaya ng kay John Lennon, para makapagsulat ng isang kantang gaya ng "Power to the People” sa halip na isang "Para sa Masa?” Wala rin namang duda sa husay at pag-unlad ng Eraserheads mula sa manipis at low-budget na rekording o kaya mula sa mga taon ng wala sa tono at wala sa tyempong tugtugan. Nahasa nila ang husay na ito dahil matagal silang tinangkilik o sinuportahan ng masa. Kaya talagang nakakalungkot ang sabihin nila na ang masa ay ”pinilit na iahon, pero ayaw namang sumama” -- sa hindi naman mawari kung saang landas na kinahantungan na ngayon ng Eraserheads. Kung ikokober pa ng iba’t ibang banda bilang isang kanta na nagpaparangal at para bang kumakatawan sa buong career ng Eraserheads, hindi lang ito nakakalungkot, kundi nakakainsulto.

Kaya naman para bang pinupuntirya rin ng Eraserheads ang sarili – na isang magandang bagay -- lalo na sa kantang ”Superproxy 2k6” ni Francism (at Ely Buendia) dahil sa pagkahumaling sa "artipisyal na aliw” na dala ng midya, lalo na sa mga bagong daluyan nito sa teknolohiya. Bukod sa makabuluhan, mahusay din ang bago at makabagong bersyong ”2k6” ng ”Superproxy.” Mula sa "Ligaya,” isinasalarawan nito kung gaano na kalayo ang saklaw ng paksa at interes ng Eraserheads sa paglipas ng panahon.

Siguro, ang multo ng nakaraang sampung taon at mahigit ang gustong ”parangalan” ng ultraelectromagneticjam dahil, sabi nga, hindi pa naman patay ang mga miyembro ng Eraserheads. Matapos ang kung ilang pagtambay sa mga konsyerto, libu-libong yosi at kwatro kantos, pagkabaliw ng mga kaibigan, pagdating at paglaki ng mga anak, at mga pagbabago sa teknolohiya na hindi na masundan – tuloy pa rin ang pagrurok, paghupa, pagrurok ng eksena.

Laging may bagong kanta at bagong tagapakinig. Pero ipinapaalala lang nito kung gaano kalawak at kasugid ang awdyens para sa mga kantang gaya ng sa Eraserheads. Ang mga kantang ito ay naging "dakila” at "makapangyarihan” dahil sa nakakahawang tono at mga simpleng karanasang kanto na isinalarawan. Pinapatunayan lang ng album na hanggang ngayon ay nananatiling alternatibo ang mga kantang ito sa karaniwang pormula (gaya na lang ng pagiging "iyakin” ng marami sa mga bagong banda sa kasalukuyan, kasama na ang ilan sa tumugtog sa ultra...jam), karaniwang love song, o karaniwang buhos ng mga awit mula sa Kanluran.

Para sa masusugid na tagasubaybay ng eksena, lumulundag pa rin ang tibok ng puso, at laging may kumakaripas na pananabik para sa mga bago at makabuluhang kanta – kahit ang dating puting kamiseta at pudpod na Chuck Taylor ay napalitan na ng kwelyong asul at pangharabas na de-goma, o kahit pa ng sapatos na balat at kurbata. Ni hindi pa nakakaabot sa edad-kwarenta sina Ely, Buddy, Marcus at Raymund, pero gaya ng mga tagapakinig nila noon, ipinapaalala lang ng album na ito na may panahon pa kahit sila rin ay tumatanda na.

24/7 Walang Panahon: The 2004-2005 Philippine Collegian Anthology

Kung hindi ngayon, kailan?

24/7 Walang Panahon: The 2004-2005 Philippine Collegian Anthology

Ang bawat sandali ay panahon ng pagpapasya at “walang panahon para sa pananahimik.” Hindi kataka-takang mabasa ang pahayag na ito mula sa mga pahina ng Philippine Collegian, ang prestihiyoso-notoryus (?) na opisyal na pahayagan ng mga estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman. Para sa patuloy na sumusubaybay sa buhay-aktibismo sa loob ng nasabing unibersidad, ang pahayag na ito ay mababasa ngayong taon sa antohohiyang 24/7 Walang Panahon, ang literary folio ng Collegian na inilunsad nito lamang nakaraang Mayo 10.

Hindi rin kataka-taka na lumipas ang limang taon bago muling makapaglabas ng antolohiyang pampanitikan ang Collegian. Gayundin ang nangyari noong 1995, nang muling maglathala ng folio, ang F1 (sa pamamatnugot nina Ericson Acosta at Michael Ac-ac), pagkatapos ng walong taon. Ang naging “tradisyon” yata ng ilang patnugot ng Collegian ay pagsasawalambahala sa paglalabas ng literary folio. Napakabilis nga ng panahon, at tila wala namang umalma o nanghinayang para sa publikasyong nagsimula bilang isang “College Folio” noong taong 1910!

Kaya naman sineguro ng patnugutan ng 24/7 sa pangunguna nina Carlos M. Piocos III at Jayson DP. Fajarda na siksik sa nilalaman ang kasalukuyang antolohiya. Naisakatuparan ito gayong ang mga kontribusyon mula sa mga manunulat ay binakuran ng isang tema: ang sinasabing 24/7 -- o dalawampu’t apat na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo na pagkatali ng tao sa panahon at pitik ng relo.

Naglaan ng isang hiwalay na seksyon ang antolohiya para sa mga litrato, ang Sipat na pamagat ng regular na espasyo ng litrato sa Collegian. (Huling bahagi ng dekada ’80 o maagang dekada ’90, nang ilathala ng Collegian ang Sipat, isang buong libro na koleksyon ng mga litrato.) Masasabing mahusay na rin ang ganitong pagsisikap, bagamat hindi kasing-sinsin ng mga munting granahe na nagpapaandar sa orasan ang pagtutugma ng bawat akda upang tupdin ang kredo ng antolohiya. Mainam ang kabuuan ng 24/7 para sa pagpapasigla ng paglikha at pagtangkilik sa makabuluhang panitikan.

Sasambulat sa simula ang isang pagtatangka sa ars poetica, ang “Poetry-de-Luxe” ni Mark Angeles: sa poetics, you let your subjects mutate / pormalismong tumutulo sa isang plangganang pormalin… Para sa mga sinikal, maaaring isa na naman itong musmos kung hindi man bigong pangangarap upang pantayan o higitan sa isang halaw ang tulang “Sa Poetry” ng pinagpipitaganan (at ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining) na si Rolando Tinio. Pero tila walang pakialam roon ang persona ng “de Luxe,” at sa huli ay may babala pa nga sa mga musmos na nagtatangkang maging manunulat, o di kaya’y sa mga nagugurang na sa pagiging sikat: ’Pag political power ay naagaw ng Neps, / sa kangkungan kayo pupulutin./

Palalawigin ni Edel Garcellano ang ganitong “gerang pang-ideolohiya sa sining at panitikan” sa “Extra Memo” isang sanaysay na nalathala sa Collegian noon pang taong 2002. Samantala, ang mga sanaysay nina Neferti Xina Tadiar, at E. San Juan ay hamon para sa kilusang pangkultura at feministang pag-aaral sa harap ng “gera laban sa terorismo” ng imperyalismong Estados Unidos. Muling ipinalaganap ang mga papel-talumpati ng dalawang huling awtor na bagamat napapanahon ay maaaring hindi na naipatatampok sa ibang mga dyornal o publikasyon.

Hindi mawawala ang mga “eksenang Peyups (UP)” na inilalarawan sa ilang mga likha, gaya ng paglalango ng tulang “Sarah’s”ni Princess Marasigan, o ang sinubaybayang komik-istrip na “Leni Bedspacer” ni Kenikenken na nalathala sa mga pahina ng Collegian. Nakakikilabot naman ang pamilyaridad sa UP na inilalahad ni U.Z. Eliserio sa kwentong “Failure to Punctuate.”

Ngunit dahil na rin sa tema ay mas kapansin-pansin ang pangingibabaw ng pagtalakay sa oras batay sa isyu ng paggawa (labor). Matutunghayan ito maging sa komiks na “Ang Makina” ni Ivan Reverente na matatagpuan sa pagitan ng mga kwento at tula. Mapapansin din na may mga lebel ng pang-unawa at pakikisangkot na sinasalamin ang ilang akda. Nariyan ang walang-humpay at walang-puntirya na paghahambing ng tao sa makina. Nariyan ang paglalarawan sa alyenasyon ng manggagawa o di kaya’y ang paglalantad ng mga makauring kontradiksyon sa isang lipunang “konsumerista.” Ngunit dahil sa mga akdang ito ay mapapansin ang pagsisikap ng ilang awtor na mag-isip, at sa gayon ay magsulat sa isip-manggagawa, o sabihin nang sa proletaryadong pananaw sa daigdig.

Simple ngunit patung-patong ang inilalahad na kontradiksyon sa dagli na may pamagat na “Mall Tour” ni Katrina G. Valdez. Ang bida, na isang saleslady sa SM, ay nananabik makapanood sa mall tour ng iniidolong si Regine Velasquez. Sa huli, siya’y mapupuno at “sasabog” (…kaninong hiyaw ang lumunod sa mga birit ni Regine…) dahil sa nadaramang alyenasyon sa lugar ng trabaho. Ang dispatsadora na nakakulong sa isang mall na tila kahon ay nakakahon din sa konsumeristang kultura.

Ang opus na “Walang Pahinga” ni Reagan Maiquez, ay tila may intensyon na pumanig sa anakpawis ngunit tila nalilito rin sa sarili at nagtatanong: Sino ang tunay na maylikha?/ Sino ang tunay na makapangyarihan?/ Inihahambing ang tao sa makina at ito ang tumatampok na tunggalian. Ipinapahiwatig na ang bawat sandali ng paggalaw ay rebolusyon o pag-ungos ng pagbabago ngunit gawa ng ano, laban sa ano at para kanino?

Ang ganitong kondisyon sa paggawa ay mas payak at epektibong isinalarawan ni Randy Evangelista sa kanyang tulang “Awtomatik.” Ipinipinta ng tula ang ilang sandali sa isang pangkaraniwang umaga sa buhay ng isang manggagawa. Mahusay ang simpleng paglalahad ng tunggalian na hindi lang patungkol sa mga bagay gaya ng makina o pabrika, kundi mas pumupuntirya sa mga aparatong ginagamit ng taong may-kapangyarihan: Pagbaba ng Trabajo, lalakad ng bahagya / Kakatok sa pinto ng gate ng pabrika / Kaytaas ng gate, hindi makakapasok ang maysamang nasa / Di rin makalabas ang nais kumawala / Ang pabrikang ito’y kulungan yata/ Hindi binibitin ang mambabasa sa pagtatanong, bagkus iginuguhit ng personang manggagawa ang kanyang sariling tadhana: Tatambad sa isip ang kahapon lang ginawa/ Hahawak sa makina / Hahawakan ng makina / Hahawakan ang makina.

Nagtatagumpay din sa pagpipinta ng iba’t ibang imahe ng paggawa at pakikisangkot, ang mga tulang “Oda sa Langay-langayan” ni Soliman Agulto Santos at “Pag-uwi sa Madaling Araw” ni Hilda Nartea.

Tila sinadyang ilagay sa dulo ng koleksyon ang dalawang tulang “Pag-aaral sa Oras” ni Ting Remontado at “Ulat” ni Sonia Gerilya, gaya na lang ng mga anino at yapak ng mga Pulang mandirigma sa mga larawan ni Nino Rojo na nasa dulo ng seksyong Sipat ng 24/7. Sa tula ni Remontado, ang sinasabing 24/7 ay ang buong panahon o pultaym na pagkilos bilang isang NPA o mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

At tila sinasabi nga ng mga nagkalat na armalayt sa disenyo ng aklat: kung hindi ngayon, kailan?

Lonely Table, eksibit ni Nunelucio Alvarado, 2005


PANGLAW AT KRISIS

Lonely Table
Eksibit ng mga peynting at drowing ni Nunelucio Alvarado
Penguin Café, Malate
Abril 15 – Mayo 15, 2005


Masisidhing iskema ng kulay. Solido’t maririing balangkas. Kakatwang mga anggulo. Abstrakto’t simbolikal na mga pigura ng tao na sukat nagiging totoo sa bisa ng panlipunang paksain at paninindigan ng mga ito. Klasikong Nunelucio Alvarado.

Sa “Lonely Table,” ang pinakahuling eksibit ng mga peynting (oil/acrylic) at drowing (pen & ink) ni Alvarado sa Penguin Cafe, Malate, tampok ang gayak at hugis ng panglaw. Kada pusong ligaw, isang lamesa’t isang kuwadro; kada damdaming ngimay, isang solitaryong debuhong animo’y binartolina (kundi ma’y inilagak sa ataul). Ibinibinbin ni Alvarado ang kanyang indibidwal na mga tauhan sa masugid niyang pagsipat sa masalimuot na katuturan ng pagkakatiwalag (alienation) ng tao.

Sa unang malas, tila ang “unibersal” na pangungulila ng indibidwalidad ang sinisiyasat at itinatanghal. Ano ang likas na ubod ng kalungkutan? Sa anong wagas na disenyo’t mahiwagang sumpa umiiral ang tao?

Gayunma’y matagal nang di musmos ang sining ni Alvarado, at para sa kanya, hindi na ito ang mga panukalang kagyat at lubhang mahalagang bunuin. Hindi sa nakaliliyong pamimilosopo sa matayog na kahulugan ng buhay lulumulutang ang mga kambas ng Ilonggong pintor. Bagkus, at sa huling pagsusuri, mariin pa ring nakaangkla ang mga ito sa materyal, panlipunan at maka-uring mga usapin bilang salalayang mga salik ng personal na hinagpis.

Pansinin, halimbawa, ang sakada sa “When the Smoke is Going Down.” Bakit tila namanhid na sa pakikipag-usap sa sarili ang naninigarilyong manggagawang-bukid? Kayraming paliwanag ang nakakubli— marahil sa ulo, ilong at bibig ng sakadang nakabalot sa kamisetang pula; o kaya’y sa kanang mata niyang saklot ng lambong. Kayraming kadahilanang hindi isinasalarawan. Liban na lamang, syempre pa, sa lantad na kadahilanang larawan nga ito ng isang manggagawang-bukid.

Hindi iwinawaksi sa ganitong pakahulugan, gayunman, ang mga saloobing sikolohikal at pasaning emosyonal ng indibidwal na sakada. Lamang, sa payak na ikonograpiyang ito, hindi kalabisan kung igigiit na ang kanyang samu’t saring saloobi’t pasani’y walang ibang iniinugan kundi ang kanya mismong pagiging dustang manggagawang-bukid, ang kanyang pagiging walang-ngalang representasyon ng uring anakpawis. Dito, nauupos ang sigarilyong tangan gaya ng isip na tulala sa upos na kabuhayan.

Samantala, may palasak na naratibong di maiiwasang mabuo kung itatambal ang “Gaaso-aso Nga Kape Kag Mainit Nga Monay” (Umaasong Kape At Mainit Na Monay) sa “Lutaw Sa Panagod” (Lutang sa Baha).

Sa unang larawan, may dalanging alay ang bagong-gising na manggagawa sa kape at tinapay. Para sa nagbabanat ng buto, ritwal ng pasasalamat ang almusal, gayong himala’t siya’y buhay pa at ngayo’y sapat na ang anumang sustansiyang nakahain upang kaladkarin ang sarili pabalik sa tarangkahan ng pinagtatrabahuhan.

Sa ikalawang tagpo, matapos ang kung ilang oras na pagkayod, alimura na ang sumbong ng obrero sa bote ng serbesa— kaltas sa sahod, kuwentada ng bayarin, banta ng tanggalan. Para sa sahurang alipin, sadyang nakapapasma sa ulirat ang gabi.

Kahalinhinan lamang, kung gayon, ng kape’t tinapay ang serbesa, gaya ng paikid na salimbayan ng nagbabawang pag-asa’t timitinding trahedya ng krisis.

At gaya ng inaasahan, walang ibang duduluhan ang ikid ng salaysay ni Alvarado kundi ang “Kapyot Sa Patalom” (Kapit Sa Patalim). Isang magsasaka, maringal sa balabal niyang asul at sa salakot na tila hinabing palay, ang nakaambang makihamok. Mistulang asero ang pulang bisig na batbat ng litid. Tikom ang bibig at kamaong mahigpit ang tangan sa pilak na punyal.

Masidhing imahe ito ng uri, walang duda; isang makutiltil na pagdaranas sa bingit ng kawalang-pag-asa sa isang banda, at ng katiyakan ng paglayang ipinapangako ng pagbabalikwas sa kabilang banda. At dito, tahasa’t ganap nang lumalabas sa diskurso ng pansumandaling panglaw ng indibidwal si Alvarado tungo sa radikal na pagdalumat sa kasaysayan at lipunan. Nagiging diyalektikal ang pagmumuni-muni, nagiging materyal ang dalangin. Nagiging pangkasaysayan ang temporal, nagiging panlipunan ang personal. Klasikong Alvarado.

Azucarera, mga tula ni Gelacio Guillermo, 2005

Pagbabalik sa Azucarera

Laganap ang bulung-bulungan
Tungkol sa diskontento ng mga manggagawa.
Kung anuman ang balak nilang gawin
Ay hindi pa alam, pero sila’y di matahimik.

- mula sa tulang “Laganap ang bulung-bulungan” ni Gelacio Guillermo

Hindi pa sapat ang lingguhang pagtataas ng presyo ng langis at nakaambang VAT. Kamakailan ay nagtaas naman ang presyo ng bigas. Gayundin, dalawang piso ang itinaas ng presyo ng isang kilo ng asukal. Ngunit ayon sa DTI, hindi langis kundi ang patuloy na di-pagkakaintindihan sa Hacienda Luisita ang dahilan. Waring ipinapaalala sa atin na hindi pa nga tapos ang laban ng mga welgista.

Masaya si Gelacio Guillermo nang pumutok ang balita ng welga sa Luisita noong huling bahagi ng nakaraang taon. Si Gelacio o “Tsong Gelas”, 65 taong gulang, ay madaling makita sa laylayan ng mga unibersidad, may pinupulutang diskusyon kasama ang kanyang naglipanang mga kapanalig at “pamangkin”. Ngunit sa mga unang gabi ng welga, agad siyang sumakay sa isang bus patungong Tarlac: amoy-serbesa, ayon sa estudyanteng nakasakay niya. Ang nakamalas sa kanya ang siya ring nagtanong:

“Saan kayo pupunta, Tsong Gelas?”

“Sa welga sa Hacienda Luisita.”

“Bakit pa ho, e gabing-gabi na?”

Sapagkat nito lamang nasaksihan ni Gelacio Guillermo ang ganitong klaseng militansya mula sa mga manggagawa at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita. Isang tula mula sa kanyang koleksyong Azucarera, ang “Dalaw,” ang madaling sasagi sa alaala: Tinitimpi namin ang sarili, kahit walang pagtitimpi. / Sa pagbagtas sa daang ito, nag-iisa, sa dilim,/ Anak akong dumadalaw na walang tuwa.

Paano ngayon ilalarawan ang pakiramdam ni Tsong Gelas sa kanyang dalaw sa piketlayn sa Luisita, sampung taon matapos ilimbag ang Azucarera? Si Guillermo, na mas kilala bilang makabayang makata, manunulat at kritiko ay ipinanganak at lumaki sa Barrio Obrero, Central Azucarera de Tarlac noong 1940.

Unang inilimbag ang kanyang librong Azucarera: Mga Tula sa Pilipino at Ingles noong 1994. Ang bagong koleksyon ay pagsaludo sa mga welgistang upisyal at kasapi ng CATLU at ULWU, mga unyon sa Luisita. Muling inilabas ni Guillermo ang Azucarera, sa limitadong bilang ng kopya sa tulong ng “limbag xerox,” at pagpapalaganap sa pamamagitan ng paglalako at mga kaibigan, nito lamang nakaraang buwan.

Walang bagong tula si Guillermo sa Azucarera 2005. Nilalaman nito ang labing-apat na tula sa Ingles na lahat ay may salin sa Pilipino. Ang bago rito ay ang pagkakasalin ng ilang tula sa Ilokano, Hiligaynon, Pranses, Dutch at German. Kabilang din sa koleksyon ang titik at pyesa ng martsang “Araw ng Manggagawa” na isinulat ni Guillermo at nilapatan ng musika ni Billy Guerrero noong 1978.

Ang mga tula sa Azucarera ay mga tula kung kailan ang welga ay mga “bulung-bulungan pa lamang.” Ang koleksyon ay madilim at halos malagim na paglalarawan ng paghihikahos, na lalong nagiging nakapangingilabot at makatotohanan sapagkat nagmumula sa husay at sinop ng isang makatang anak mismo ng Luisita. Ipinipinta ang ganitong pagkalugmok sa tulang “Azucarera”: Bagamat ang braso ng aming ama at kapatid…/Ang nagpapabago ng mga panahon / Ang nagbibigay-dangal sa pawis at dumi…/ Tinitiis ng kanilang mga asawa ang kabuntisang walang kulay, / Namamatay sa kahihiyan ang kanilang mga anak o tumatakas, / Sila mismo’y naghihintay ng pagtanda na naghihingalo.

Tumatangis ang tulang “Tatay,” Pinanday mo ang bakal /Hanggang naging sintigas ng bakal / Ang iyong mga kamay, / Ngunit para sa iyong palad, / Isang butil ng asukal. At sa “Pandisal”: Ito ang tinapay ng umaga. Gawa ito sa anong hikbi / Ng gutom, Pagtubog sa madilim na lungkot ng kape, / Nalulusaw ito para maging pagkain… Gayundin, ang kalagayan ng uring tinatadyakan at inaalipusta ay maingat na isinasalarawan ng mga tulang “Nasaan sa marusing na mukhang ito” at “Damit ng trabahador.”

Halos walang inilalarawang militansya ni pagtutol sa koleksyon, sa simpleng dahilan na sa mundo ng azucarera na nakagisnan ni Guillermo, ito ay halos wala. Halos, sapagkat laging naroon ang pang-aapi at pagsasamantala na laging nagluluwal ng kung anong pagbabanta. Ang mga tula ay naglalahad, ngunit naglalantad din ng relasyon sa pagitan ng abang mga trabahador at ng senyorito’t senyoritang asendero. Walang militanteng pagkilos, ngunit ito ay ibinabadya sa tema ng tulang “Laganap ang bulung-bulungan,” na may rurok sa makapangyarihang tulang “Kung kami’y magkakapit-bisig.”

Ang umaalimpuyong pang-uusig ng mga tula ay nagkaroon lamang ng katuparan matapos ang sampung taon. Ito’y nabigyan ng buhay at hugis sa ipinamalas na tapang at pagkakaisa ng mga welgista sa Luisita. At ang konteksto ng kasalukuyang nagaganap na welga sa Hacienda Luisita, ang siyang pinakabagong maihahandog ng koleksyong Azucarera ni Guillermo.

Noon, ang mga nakapagbasa ng Azucarera ay maaaring humanga lamang sa husay ng mga tula, sa pinagsamang talas at kinis ng pagtula sa dalawang lengguwahe (na maaaring hanggang sa ngayon ay si Guillermo lamang ang nakagagawa). Ang nakapagbasa ay maaaring namulat sa kalagayan ng isang hacienda, nagngalit at maaaring nagbuhos ng kaunting luha. Sa kasalukuyan, ang muling pagbabasa at pagbabalik sa Azucarera ay isang bago at naiibang karanasan. Ang kaunting luha ay maaaring maging hagulgol. Ngunit hagulgol dahil lamang sa kasiyahan, sa pagpupugay para sa mga tula ng pagdarahop at pighati na nakatagpo ng katuparan. Isang napapanahon at nararapat na pagsaludo para sa mga ama at kapatid na patuloy na nakikihamok para sa katarungan.

Tuesday, February 07, 2006

La Visa Loca, pelikula ni Mark Meily, 2005


Makabuluhang Tuwa

La Visa Loca
Tampok sina Robin Padilla, Johnny Delgado, Rufa Mae Quinto
Sa direksyon ni Mark Meily, para sa Unitel Pictures


Kahit pagtakas sa problema ay problema na rin.

Sa panahon ngayon, pirming napipilitan ang badyet sa piniratang pelikula kaysa sa tiket sa takilya. Kapag tinatamaan ng awa para naghihingalong industriya ng pelikulang Pilipino, pinipilit nating magpunta sa sinehan. Sakaling nakaya ng bulsa ang presyo ng malamig na erkon at aliw na hatid ng pagbukas ng telon, ipagdarasal pa natin na sana’y sulit na sulit ang ating ibinayad – na sana’y tunay na tuwa ang hatid ng pelikula, at hindi panghihinayang at dagdag na konsumisyon!

Kahit eksaktong pamasahe na lang ang matira sa ating pera ay lalakas ang loob nating panoorin sa sinehan ang La Visa Loca sapagkat ito’y Rated A ng Film Ratings Board. Ito ang ikalawang pelikula ng batang direktor na si Mark Meily (ang una niyang pelikula, ang Crying Ladies na kinatampukan nina Sharon Cuneta, Angel Aquino at Hilda Koronel ay Rated A din). Kahit pa hindi natin masyadong nauunawaan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng Rated A, lalo pang lalakas ang loob natin sapagkat tampok sa pelikula ang kinagigiliwang sina Robin Padilla at Rufa Mae Quinto. Isa pa ay naglakas-loob din ang megastar na si Sharon Cuneta upang pondohan at i-prodyus ang pelikulang ito.

At tunay na tuwa nga ba ang hatid ng La Visa Loca? Inilalako bilang comedy ang pelikula, ngunit ito nama’y hindi puro katatawanan. Walang jokes na lalabas sa mga linya ng Bad Banana na si Johnny Delgado (bagamat ang kanyang karakter ay mahilig magsabi ng mga salitang isinesensor tuwing tatawag sa paboritong programa sa radyo). Ang papel ni Rufa Mae Quinto bilang si Mara, isang sinisipong sirena sa peryahan, ay mas nakakaawa kaysa nakakatawa. Maaari ring madismaya ang mga umiidolo sa imahe ng Bad Boy na si Robin Padilla. Bagamat mahusay ang kanyang pagganap sa bagong papel bilang si Jess Huson, ang drayber na desperadong makarating sa Amerika, ang aksyon na mapapanood ng kanyang mga tagahanga ay isang Robin na nagpapabugbog at pinahihirapan.

Maaaring ikatuwa ang inobasyon na inihahandog ng pelikula. Tipikal lamang daw sa Pilipino ang mangarap na mangibang-bansa, ngunit hindi tipikal na maging leading lady ng ganitong karakter ang isang sirena. Karaniwan na rin sa atin ang makarinig ng mga mang-aawit ng pasyon tuwing Kwaresma, pero hindi karaniwan ang makita sila na biglang sumisingit at kumakanta sa bawat mahalagang eksena sa isang pelikula. Hindi naman kamangha-mangha ang papel na ginampanan ng koro na umawit sa pasyon ng buhay ni Jess Huson. Binubulabog nila ang naratibo ng pelikula upang bulabugin din ang pang-unawa natin sa realidad na inilalahad. Ngunit sa maraming pagkakataon, inaawit lamang nila ang literal o yaong natutunghayan na ng manonood. Ang kamangha-mangha lang ay ginampanan ito ng mga batikang gaya nina Noel Trinidad, Tessie Tomas, Isay Alvarez, at Robert Sena.

Sa ganitong hindi tipikal na pagkukwento ng mga pakikipagsapalaran ng isang Jess Huson, mapapansin ang interes ng direktor sa pagtatampok ng karaniwan ngunit kakaiba sa ating kultura. Naging batayan ng kabuuan ang iba’t ibang tradisyon at paniniwalang relihiyoso. Ngunit hindi lamang kabutihan ang umiinog sa ganitong tuntungan, sa halip ay tumatampok ang panggagantso, kabaliwan, kalaswaan, at desperasyon, na lahat ay pinilit lagpasan ng bidang si Jess upang makamit ang pangarap na visa patungong Amerika.

Inilalarawan din, sa kabilang banda, ang aktitud ng Amerika sa tipikal na Pilipinas o Pilipino: ang Amerika’y mapagsuspetsa na ito’y lolokohin, pagsasamantalahan o papasukin ng teroristang katutubo. Sa rurok ng sakripisyong sinuong ni Jess, pagpapantasyahan niya na ang mga dayuhan na ang gustung-gustong makapasok sa Pilipinas, at nasa kanya na ang kapangyarihan upang isa-isa silang biguin – kagaya na lang paulit-ulit na kabiguan na pinagdaanan niya.

Pinilit ng bida na hindi mamuhi sa kanyang kapaligiran, at lagi niyang ipinagtatanggol ang dangal upang makamit ang pangarap. Ngunit sa huli, malalaman niya na ang pangarap niya mismo -- ang paggawa ng kung anu-ano para lamang marating ang Amerika -- ang walang dangal. Hindi naman katatawanan ang ganitong tema, ngunit hindi mapipigil na matuwa o matawa sa ilang eksena. Bagamat madilim o malungkot na bagay ang ipinapakita sa isang katawa-tawang tagpo, tayo’y natatawa rin dahil katulad na pagkikipagsapalaran ang araw-araw nating binubuno. Para sa pagiging malikhain at mapagmasid, nais pa nating makapanood ng mas marami pang pelikula mula sa mga kabataang tulad ni Meily.

Ngunit ito nga ba’y naghahatid ng tunay na tuwa? Kung pagtakas sa problema ang dahilan sa panonood, maaaring hindi lubos ang galak dahil sa mga kabalintunaang ipinapaalala ng pelikula. Kabalintunaan din kung tutuusin ang pagtawanan ang ating mga problema. Bukod sa katatawanan, maaari ring ikatuwa na ang La Visa Loca ay isa sa iilang pelikulang Pilipino sa kasalukuyan na may tunay na kabuluhan. At para rito, maaari nating sabihin na kahit masakit sa bulsa ang pumasok sa sinehan, ang kalahati ng ating ibinayad ay nasulit sa sine, at ang kalahati naman ay para sa lamig ng ulo na dulot ng erkon.

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan, tinipon ng KM64, 2004


Bagong Buhay

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan
Koleksyong tinipon ng Kilometer64

(http://www.yahoogroups.com/kilometer64)

“Tanging sa ating pagkilos sila mananatiling buhay,” pangwakas ni Gelacio Guillermo sa koleksyong Kwarenta ng Kilometer 64, at ang wakas na ito ay nagbabadya ng isang masiglang panimula. Ang koleksyon ay tila agunyas para sa mga aktibistang nangamatay ngunit ang inihuhudyat nito ay panibagong buhay at sikad sa makabayang panulaan.

Itinaon sa okasyon ng ika-apatnapung taon ng pagkakatatag ng Kabataang Mabakayan (KM, Nob. 30, 1964) ang paglalabas ng Kwarenta ng grupong Kilometer64 (KM64). At ito’y hindi simpleng pagbibida sa galing at giting ng halos magkatukayong organisasyon. Sa pagpupugay sa mga kabataang nagbuwis ng buhay para sa pambansang demokrasya at kalayaan, ang KM64 -- bagamat isa lamang “malayang kulumpunan ng mga kabataang makata sa cyberspace,” -- ay tumutupad sa isang napakahalagang tungkulin ng makata sa lipunan.

Pinagtatangkaan ng Kwarenta na sumahin ang apatnapung taong kasaysayan ng kabataang aktibismo. Sa pamamagitan din ng koleksyon ay pinagtatagpo ang dalawang henerasyon ng mga martir at makata. Sa pagtaimtim sa mensahe ng mga pahina ng Kwarenta, malaki ang aral na mapupulot kapwa ng mambabasa at ng KM64 mismo na siyang nagtipon ng mga tula para sa koleksyon.

Sa pangkalahatan, maiiwan sa mambabasa na buhay na buhay ang buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Luwal nito ang napakaraming dakilang martir na muli’t muling binubuhay ng makabayang panulaan sa nakaraan at kasalukuyan. Sa gayon, inaanyayahan, kundi man ina-agit ng mga tulang ito ang mambabasa na “tanganan ang naiwang sandata ng mga nabuwal na martir.”

Isang mahalagang tungkulin ang magsulat tungkol sa mga martir ng rebolusyon. Ang pagtalima dito ay isang marangal na motibo. Gayunman, mahalagang matutunan ng mga taga-KM64 ang pagsasaalang-alang sa epekto – sa mga damdamin at ideyang hatid at iniiwan ng mga tula sa awdyens o mambabasa. Ito kung gayon ay pagiging sensitibo sa panlipunang praktika o pagkilos na iaanak ng bawat tula.

Hindi na maikakaila pa ang pagiging pulitikal ng pagtalima sa ganitong tungkulin. Dapat na lamang tiyakin ng KM64 ang kawastuhan at talas ng kanilang pagtangan sa napiling pulitika -- na hindi na rin maikakaila pang makabayan, kung hindi man tahasang kaliwa. Nangangailangan ito ng balanseng sensitibidad sa motibo at epekto sa paglikha at pagpapalaganap ng mga tula.

May malaking epekto sa paghahatid ng mensahe kapwa ang anyo at nilalaman. Interesante ang binabanggit ni Guillermo hinggil sa “tinig” ng makata. Sa halip na magparangal at manghimok, maaaring taliwas ang epekto ng mga tulang halos “nag-aawtopsiya” sa bangkay ng martir; o di kaya’y yaong nagsisiwalat ng bulag at nakaririmarim na paghihiganti. Kakila-kilabot din ang epekto ng mga tulang may tonong sampay-bakod -- yaong naglulunoy sa lungkot, yaong nagiging pasibo, yaong pantastiko, o di kaya’y may mga panawagang abstrakto sapagkat maaaring ang makata mismo ay tila takot o nalilito. Hindi ito dapat ipagkamali bilang “matulain,“ at hindi dapat isalin sa mambabasa ang takot at kalituhan. Samantala, menor naman ang suliranin ng ilang tula sa pagpili ng angkop na mga alusyon, simbolismo at imahe upang mapanatiling matikas ng tinig ng makatang nagbibigay-parangal.

Sa pagpasada sa mga tula sa Kwarenta, malaki ang matututunan ng kabataang makata ng KM64 sa antas na inabot ng husay, sinop at sinsin ng makabayan at rebolusyonaryong tula na iniluwal ng Unang Sigwa ng 1970, at mula sa “andergrawnd” o yaong isinulat sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan o NPA mula noon hanggang ngayon.

Laging kailangang banggitin ang “Enrique Sta. Brigada, Paghahatid sa Imortalidad,” ang huling tula ni Amado V. Hernandez. Dito, si Hernandez na kilalang makata (hinirang na Pambansang Artista nang siya’y patay na) at lider-unyon ng mas nauna pang henerasyon ay pumapanig sa bago at rebolusyonaryong panawagan na inihudyat ng Unang Sigwa.

Hindi maaaring mawala ang taginting nina Domingo Landicho, Bienvenido Lumbera, at Jesus Manuel Santiago sa pagpaparangal sa henerasyon ng mga tulad nina Emmanuel Lacaba at Lorena Barros. Pansinin ang kapayakan ng mga pahiwatig na tiyak na umaantig sa tula ni Landicho: “Unang alay/unang mithi…/Huwag pagupo sa dahas/ Huwag pagapi sa hapis…” Ang tulang ito na nilapatan ng musika sa isang dula ay popular pa rin sa mga pulong-parangal sa loob at labas ng mga sonang gerilya hanggang sa kasalukuyan.

Mapapansin din ang kaibhan ng tinig ng mga nag-andergrawnd na sina Ruth Firmeza, Jason Montana, Kris Montanez at mismong si Lacaba na martir na “kumopo” ng pinakamaraming tulang-parangal sa koleksyong Kwarenta. Sa mga tula ni Firmeza, kapansin-pansin ang paggamit ng lengguwahe ng masa sa eryang kanyang kinilusan (Ilokano), bagay na nagpapahiwatig na ang mga tulang ito ay hindi lamang para sa martir, kundi para tangkilikin din ng masa.

Ang tulang “Sa Alaala ni Nick Solana” ay masasabing naiiba maging sa ilang mga tula na isinulat ni Lacaba bilang NPA. Makikita rin dito ang transpormasyon ng lengguwahe at imahe ni Lacaba. Gayunman, hindi ito katulad ng mga tula niyang para sa kapamilya o kapwa-makata sa lungsod na may mga alusyong maaaring hindi angkop kung ang kausap niya ay kapwa-NPA o ang masa.

Ganito rin ang direksyon ng pagtula ng mga bagong makata sa andergrawnd gaya nina Mateo Marta, Ting Remontado at Sonia Gerilya. Ihambing sa tinig ng mga tulang “Punlo ang Kakalag sa Gapos ng Bayan” ni PD Rayos: “Disyembre, Ka Lirio, nang humawak ka ng armas, / Sa Hukbo ng Baya’y sumanib kang buong gilas.” – ito’y madaling bigkasin, itanghal at tangkilikin.

May sariling liga ang tulang “PULANG KANDILA” ni Bonifacio Ilagan. Ito’y bagong tula (2002) para sa kapatid na desaparecido mula 1977. Marubdob na damdamin ang hatid ng mariing retorika ng mahabang panahon ng paghahanap sa katarungan: “DI KO NA BINIBILANG ANG MGA TAON./ BASTA’T TUWING KAARAWAN MO, NAGSISINDI AKO/NG PULANG KANDILA.”

Ang pagkatuto ng KM64 mula sa karanasan ng sariling proyekto ay hahantong sa mas masiglang paglikha at pagpapalaganap ng mga tula. Ang regular at napapanahong publikasyon ay hindi na lamang nagiging kapritso, kundi pagtugon (gaya na lamang ng bagong proyekto ng KM64 para sa Hacienda Luisita; o para sa malaong pagpapabagsak sa isa na namang tiwaling rehimen.) Marami pang aktibidad na magpapasigla sa KM64, gaya ng palihan o workshop, talakayan at forum, pagmamaksimisa sa publikasyon sa internet, “peryodikit,”pagtatanghal sa lugar-publiko, piketlayn at iba pa. Gayunpaman, walang kapantay ang pagpapanday ng paglikha, pagpapalaganap at panunuri sa tula sa pamamagitan ng tuluyang pagsanib ng makata sa daluyong ng kilusang masa.

Sa ganito ang Kwarenta ay nagiging panandang-bato ng isang maningning na simulain, at hindi isang lapida ng kanonisasyon na ang layunin ay maibilang ang sarili sa hanay ng mga “dakila” (martir man o makata). Panahon ang humahamon sa KM64 upang maging mapangahas, at hindi na mangimi pang gamitin ang tula – para sa propaganda kung para sa propaganda – upang harapin at tupdin ang panlipunang responsibilidad ng makata.

Please Fasten Your Seatbelts, KM64 chapbook, 2004


Kapit Lang

Please Fasten Your Seatbelts
Ikalimang koleksyon ng mga tula ng Kilometer64
(
http://groups.yahoo.com/group/kilometer64/)


Sadyang pagbabyahe ang tema ng mga koleksyon ng Kilometer64 (KM64), isang grupo, o tawagin na nating kulumpunan ng mga kabataang makata na naglalakbay, tumatambay, at nagkatagpu-tagpo sa isang sulok sa malawak na cyberspace.

Ayon sa mensahe sa kanilang webpage: “Dito sa grupong ito, di kailangang magpagalingan, magpalaliman, ang mahalaga makagawa ka ng isang tulang magbibigay katuturan sa tintang iyong sinayang,” Nang-aanyaya ito ng bukas na pagbabahaginan at palitang-kuro sa anumang hinggil sa tula. Sa huling bilang, mahigit 300 na ang myembro ng KM64.

Sino ang naaanyayahan? Ang KM64 ay “pinasimunuan” ng ilang mga estudyante sa Taft Avenue. Ikalimang koleksyon ang Please Fasten your Seatbelts sa loob lamang ng mahigit isang taon. Bagamat hindi isang solidong grupo, ito’y isang aktibong grupo ng mga manunulat na naglalathala at nakikibahagi sa mga poetry reading at iba pang pagtitipon hinggil sa tula.

Ito’y bukas sa lahat, bagamat matingkad sa mga umiikot na tula sa web ang panlipunang komentaryo at kalakhang paggamit ng wikang Filipino. Mangyari pa’y tila may “di nasusulat” na pagkakaunawaan ang mga taga-KM64 sa pagiging “makabayan” ng kanilang panulaan. Sa pangalan pa lamang, maiisip na ang 40 taon ng Kabataang Makabayan o KM na itinatag noong 1964. May tendensyang malito ang usyoso sa direksyon ng KM64, lalo kung ang grupo ay makakasalubong lang sa internet. Maaaring hindi rin malinaw, kung bakit pinararangalan sa koleksyon ang mga rebolusyonaryong martir at makata gaya ni Wilfredo Gacosta. Ngunit sa introduksyon ng chapbook, naging malinaw si Alexander Martin Remollino ng KM64: “(ito’y)…mga tula ng pakikibaka para sa bayan…mga tula ng pagtalunton sa salimuot ng buhay.”

Paano ang pagtalunton sa pagtula para sa bayan? Sa unang bungad pa lamang, nagpapaumanhin na ang “Naligaw sa Pagtingin” ni Mary Jane Alejo ( “sadyang di pantay ating mga paa/ at kaya mo pang lakbayin ang ilang libong milya…/ may kalituhan man sa pagitan ng damdamin at tunguhin -- / natuto na akong hindi maligaw sa pagtingin.”)

Magtatanim ng pangamba sa mambabasa kung ituturing na “manifesto” ng grupo ang tulang “kip tiket por inspeksyon” ni Roy Monsobre: (kahit ano pwede/ kahit sino, anumang uri,/ kahit anong lengguwahe,/ kahit anong klase at istilo./ animnapu’t apat na kilometro…/). At sa chapbook, bagamat marami ang mga tulang “makabayan,” ito’y hindi nakaligtas sa mga tula ng tulirong pag-ibig, mala-ars poetica (“Ang makata’y magiging abo rin,/ ngunit hindi ang kanyang/ sipol at halina.”), ng rebeldeng psychedelia ( “toastedmarshamallow sa planet garapata”), at ng mala-Jose Garcia Villa na pagbibida (“Ang kinahinatnan ni Juan Tamad Habang Naghihintay Mabagsakan ng Bayabas sa Ilalim ng Puno ng Mansanas”).

Sa pagpasada sa chapbook ng KM64, matingkad ang dalawang suliranin ng sinumang nagnanais na tumula para sa bayan. Ang una ay sino ang bayan, o para kanino ang tula? Ikalawa’y paano? Paano maglilingkod sa bayan ang makata?

Ipinamamalas ng ilang tula ang karanasang aktibista sa lungsod. Ang “Araw ng Pagkakaibigan at Walang Tigil ang Ulan” ni Alejo, at isang halaw, ang “May Day” ni Spin ay parehong pumapaksa sa mga eksena sa isang rali.

Ngunit sa “May Day,” isinisiwalat: “tulad ng tipikal na cono/ Dapat sana’y nanonood/ Tayo ngayon sa Greenbelt 3…/ Pero para tayong nalilibugan/ tila may kumakati sa ating isipan…/Kaya agit tayong tumungo sa Recto…/ Sumigaw // ‘IMPERYALISMO, IBAGSAK!” Hindi mawari kung ito’y pagpuna (o pagkutya)-sa-sarili o seryosong pagpupugay para sa "kagitingan" ng uring perti-burgis.

Gayundin ang pakiwari ng “Ang Pagmamahal ay Pagrerebolusyon” ni Rheena, kung saan ang imahe ng “pagrerebolusyon” ay karanasang nakupot sa mga "pakikibaka" ng sektor ng kabataan.

Paliguy-ligoy ngunit literal si Rustum Casia sa “mars, intra at tamang pagdura ng plema”: “Ang langit sa piling ng masa. Ang makulay/ na kalawakan ng mga salita. Ang/ gobyerno sa kabundukan…/naroon ang mga guro ng kasaysayan./ ang lipunan para sa atin, isang malaking/ pamantasan.” Simple lang ang tulang “paglubog,” ngunit ito’y lunod sa hindi mawaring romantisismo na hindi naman matatawag na rebolusyonaryo, kundi, burgis?

Sa mga tula na nagpapakita ng pakikisangkot, simple at tiyak ang mensahe ng mga tulang “Gayagaya” at “Sabjektib kayo dyan” ni Roberto Ofanda Umil (bagamat maaaring pagmulan ng kalituhan ang mga pamagat). Samantala, may malalim na lungkot at pananalig sa “Walang Gabi” ni Umil. Sa tula, ang panunupil ay pambihirang itinutuon hindi sa mga karaniwang aparato ng estado o makapangyarihan (at maaaring nakatuon sa mismong pakikisangkot o “organisasyon.”) Ang nananaig ay ang personal na kaalaman, pananaliksik o paniniwala upang makarating sa “himlayang walang gabi.” Kung sa husay lamang ng imahe ay naiiba ito sa iba pang mga tula ng premyadong si Umil. Ngunit ano naman ang nais iparating?

Mahusay ang paglalarawan at komentaryo ng prosang tula ng “seryeng-Hotel” ni Kapi Capistrano (“Banyo Boy,” “Ang Restawrang Itim” at “Eden”), ngunit bakit nga ba ang kanlungan ng mayayaman ang sinisilip at naging paksa? Ang “Mucha’s Grasa” ay nagtatangka sa paglalantad ng kalagayan ng maralita, ngunit sa kanino nga bang punto de bista at lengguwahe?: (“madalas kasi ‘on the road ako’/ kaya eto ‘diet’…/ ako’y isang pulubi/) Tila nahuhumaling sa imahe ng kabaliwan si Remollino sa “Ang Lalong Baliw,” “Baka Sakaling Tubuan ng Katinuan” at “Emperador Nero, AD 2004.” Sa huli, waring hindi nagtitiwala ang makata na mauunawaan ng mambabasa ang alusyon kay Nero, kaya’t may talababa na mas mahaba pa kaysa sa mismong tula!

Naghahamon naman ang tulang walang pamagat ni Usman Abdurajak Sali: “sa mga bulaang pantas ng panitikan…/ nakangisi silang nakaupo sa matatayog na toreng-garing./ sila ang nagtatakda kung anong estilo ang makasining…/ ay! magiging abo-alikabok ang makukulay nilang balahibo!/ ang maniningil sa kanila’y apoy ng galit ng taas-kamao!”

Ito ang pagtatangka at simulain ng KM64 na kayang marating sa patuloy na pagsisikap ng grupo. Para sa maraming kabataang manunulat, matagal nang hinihintay ang isang organisasyon na may kababaang-loob (tulad ng “maamong baka” ni LuHsun) upang lumikha, magsuri, magpunahan at maglagom. Organisasyong patuloy na magpapaunlad at magpapayabong sa makabayang panulaan.

Marami pa ang maaaring paunlarin sa panulat ng mga taga-KM64. Maaari itong simulan sa tapat na pagsusuri sa sariling pinagmulan at paninindigan, unti-unting pagwawaksi sa aktitud at mga gawing petiburges sa paglikha ng sining, at muling-paghuhubog ng isang makauring pananaw na tiyak na kumikiling sa masang anakpawis.

Marahil ay hindi naman labis kung ating aasahan sa KM64 ang ibayong pagpupursige, at sa malao’y ang pagtahak sa rebolusyonaryong tunguhin na ibinandila ng KM noong 1964 o Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA noong 1971. Tungo sa isang masalimuot na paglalakbay, kapit lang!

Live Show, pelikula ni Jose Javier Reyes, 2001

ISA PANG TAKE SA LIVE SHOW

Live Show
Pelikula ni Joey Reyes
Di naipalabas noong 2001
dahil sa ban ni Gloria Macapagal-Arroyo


May itatanong pa ba kayo tungkol sa buhay ng isang torero? Marami pa siguro. Salamat sa ban ng bagong pangulo ng Pilipinas, napanood ko ang pelikulang Live Show sa isang gasgas at piniratang kopyang VHS.

Nang i- ban ang pelikula, maraming direktor, artista, at manggagawa sa industriya ng pelikula ang umalma laban sa censorship; laban sa “ultrakonserbatismo” ng simbahan
at estado; laban sa pagiging ”moral terrorists” nina Sin at Arroyo; at laban sa pagsikil
sa kalayaan sa pamamahayag ng mga alagad ng sining. Nagbitiw si Nicanor Tiongson, ang bagong- appoint na chair ng MTRCB. Si Klaudia Koronel, bida ng Live Show, sampu ng maraming kapanalig, ay taas-kamaong nagmartsa sa Mendiola.

Nang lumaon, nahati ang mga artista sa isyu, nang magbitiw ang ilang kasapi ng Directors’ Guild sa pamumuno ni Marilou Diaz-Abaya, direktor ng Jose Rizal. Mula sa censorship, ibinaling niya ang usapin sa mga “gamahang producers” at eksploytasyon ng mga artista. Si Gloria Arroyo naman, sa kanyang bahagi, ay nagpa- photo-op kasama sina Jolina at Rica sa Malacañang, at nagbigay ng 15% tax rebate sa industriya ng pelikula. Dagdag dito, pinanood din daw ng pangulo ang Live Show . Ayon sa kanyang pagsusuri, ang Live Show ay isang “ well-made, softcore pornographic film.”

Salamat sa ban ng pangulo, “ tapos” na ang lahat ng aberyang ito nang mapanood ko ang Live Show .

Toro

Ang mga sitwasyon at tauhan sa Live Show ni Jose Javier Reyes ay hindi na bago sa pelikulang Pilipino. Ang “toro” o live sex shows, at ang buhay ng mga torero’torera ay paksa rin ng marami nang nauna at “lehitimong” pelikula gaya ng Boatman ni Tikoy Aguiluz, Private Show at Curacha ni Chito Roño, Macho Dancer ni Lino Brocka, at iba pa.

Umiikot ang pelikula sa “testimonyal” ng bidang torero. Sa salaysay ni Rolly (Paolo Rivero), dinala ang manonood sa kanyang tirahang looban. Pumasada rin ang kwento sa buhay ng kanyang mga kaibigan at “katrabaho”: ang isa’y suicidal na ang tanging pangarap ay mayakap ulit ang ibinentang anak (Ana Capri), ang isa nama’y sa Japan na lang nakikita ang pag-asa at katubusan (Klaudia Koronel).

Sa lugar ng mga bugaw, tsismoso, manggagantso, raketir, sugarol at magnanakaw, nangangamba si Rolly na matulad “sa kanila” ang nakababatang kapatid na lalaki. Inihanda ni Reyes ang konteksto at tagpo para sa matingkad na paglalarawan ng buhay ng mga “antisosyal” at “lumpen.” Sa bungad ng pelikula, inilahad ang “kasaysayan” ng pamilya ni Rolly at ng kanyang putang ina (Daria Ramirez). Tulad ng mga tauhan at sitwasyong ibinubunsod nito, ang inilarawang panlipunang realidad at krisis sa Live Show ay hindi na bago.

Sa bakgrawnd ng isang bulok at dekadenteng kapaligiran, marami pang ibang tauhan at sitwasyon na inilahok sa pelikula upang mas mapasidhi ang drama ng gayong kalagayan. Ang nanay ni Rolly ay nakaratay at sa malao’y mamamatay dahil sa kanser sa matris. Nang yakapin ni Ana Capri ang kanyang anak, dinuraan siya ng bata. Mabubugbog at mamamatay rin ang isang baguhang magnanakaw na “nagrerekrut” sa kapatid ni Rolly. Ang “tanging disenteng babae” sa komunidad ni Rolly ay nag-OFW, gagahasain ng among dayuhan at ibabalik sa Pilipinas sa isang kahon. Mabubugbog at mananakawan ang baklang rekruter na pag-asa ni Klaudia Koronel. Rurok ng trahedya ang “pasya” ng nagretirong mag-asawang torero (Hazel Espinosa at isa pang aktor na hindi ko maalala ang pangalan). Na- lay-off sa trabaho ang lalaki, nag- call boy ulit siya. Nang magkasakit ang anak nila, napilitan silang bumalik sa pagtotoro. Kabaligtaran ng isang titillating fare ang trahedya ng eksenang ito.

Ayon kay Rolly, “tumitibay ang loob” niya dahil sa pagharap sa ganitong pang-araw-araw na katotohanan, kalagayan at sitwasyon. Paulit-ulit sa kanyang pagsasalaysay, sinasabi niyang hindi na siya marunong umiyak. Sunod-sunod na “kamalasan,”at walang puknat na pangangawawa sa mga tipikal na tauhan ang kwentong inikutan ng Live Show.

Maaari.

Pero maaari rin namang makita ang pelikula sa tradisyon ng mga mahuhusay na direktor na sina Brocka at Ishmael Bernal (direktor ng Himala at Manila by Night.) Sa tradisyon ng malay na pagtatalaga ng mga tauhan sa isang tiyak na kalagayang panlipunan, at matalas na komentaryo laban sa ipokrisya ng simbahan at iba pang institusyon — laban sa kabulukan ng dominanteng kultura at kaayusan ng lipunan sa pangkalahatan.

Hindi “malas” ang mga tauhan, may kongkretong kondisyong ugat ng kanilang kahirapan. Bagamat mahusay na naisakonteksto ni Reyes ang mga tagpo sa Live Show , nanatiling kawawa ang lahat ng kanyang tauhan. Sa Macho Dancer ni Brocka, pinatay ni Alan Paule – sparrow-unit-style — ang gahamang pulis na ulo ng sindikato. Sa dulo ng Live Show, ipapakita si Rolly na humahagulgol sa isang tulay.

Sex trip at bad trip

Tulad ng buhay ng mga tauhan sa Live Show, sala-salabid din ang mga isyu ukol sa pagbabawal ng pelikulang ito. Usapin lamang ba ito ng sining at pornograpiya, kalaswaan at pagkadisente, labanan ng mga moralista’t artista, o isang masalimuot na isyung pangkultura, pampulitika at pangekonomiya?

Nag-iisip ang manonood kung alin ang malaswa at hindi matanggap ng administrasyon sa Live Show . Ang eksena ng “bote” at “helikopter”? Ang eksenang nginaratan ng anak ang putang ina? Ang bangag na live show ni Klaudia? Ang maruming bunganga ng mga torero? Ang shooting ng porno para sa isang Koreano?

O ang mga eksena ng kahirapan? Ang malilibag na looban at eskinita? Ang mga manggagawang basta tinatanggal sa trabaho? Ang kawalang pag-asa habang nananatiling mayaman ang mga mayayaman? Ang lipunang nandidiri dahil mayroon itong putang kapitbahay? Nalalaswaan ba ang gobyerno sa mga realidad na bunsod ng sarili nitong kagagawan at kapabayaan?

Sa ganitong punto, maaaring “kasinlaswa”ng Live Show ang iba pang pelikulang kinailangang ipagbawal ng gobyerno dahil sa tapat na pagsasalarawan ng mga katotohanan sa lipunan. Kahit kailan, hindi naman “pagtatanggol sa moralidad” ang pangunahing dahilan sa paghihigpit — o pagluluwag – sa kalidad at tema ng mga pelikula sa bansa.

Hinahayaang mamayagpag ang “bold,” habang napapakinabangan itong behikulo para sa kita at eskapismo. Sa panahon ng mapanupil na rehimen ni Marcos, naghigpit sa mga pelikulang “bomba” — pero bawal din ang Sakada ni Behn Cervantes, pelikula ukol sa mala-pyudal na kalagayan sa Negros. Sa “demokratikong administrasyon” ni Aquino, naging uso ang ST ( at “TF” sa panahon ni Ramos), pero hindi naipalabas sa bansa ang klasikong Orapronobis ni Brocka, na pumapaksa mga grupong vigilante at polisiyang total war ni Corazon Aquino.

Sa Live Show , pinaninindigan ni Arroyo ang pagpanig sa “moral crusade” ng Simbahan, habang hinahati at pinatatahimik ang hanay ng umaalmang mga artista sa pamamagitan ng tax rebate – isang malaking “consuelo de bobo,” pero tunay na malaking bagay at kaluwagan din para sa pelikulang Pilipino. ( postscript: ngayo’y may 100% pagtaas sa buwis ng mga artista – sa kanila rin pala ipapapasan ang badyet para sa naunang pabor). Dahil totoo rin – isa nga namang “industriya” ang mainstream na paggawa ng pelikula sa bansa.

Pagkatapos ng tax rebate, inaasahan ang industriya na gumawa ng mga pelikulang “mas
kaayaaya” — para tumugma sa kampanyang “moral renewal” at “healing” ng bagong administrasyon ni Arroyo. Sa isang live show, nagtatanghal ang mga torero – kahit labag sa loob – para kumita, at para aliwin ang parukyano. Sa tusong panunupil ng gobyerno ni Arroyo, pinakamasakit na marahil para sa isang tapat na artista ang lunukin ang paralelismo nito sa nangyayari ngayon sa pelikulang Pilipino.

Bagamat humupa, hindi rito magwawakas ang isyu. Pinapipili ngayon ang mga
artista’t manunulat – magaala- Paolo Rivero ba sa Live Show o Alan Paule sa
Macho Dancer ? Hahagulgol ba o lalaban?

Cool Pieties, exhibit curated by Roberto Chabet, 2001

COOL PITIES

Cool Pieties
30 Young Artists at the SM Megamall Art Center
Curated by Roberto Chabet
August 25 - September 8, 2001

Till September 8 at the SM Megamall Art Center: large-scale hyperrealist paintings, found objects, scenes shot from a pinhole camera, videos, and close-up pictures of the female genitalia. The GND tibak may be attracted to a muralsize work depicting a pair of proletarians with clenched fists, the hammer and sickle insignia, and the words “Control the Machines Seize the Power” — but will be disappointed to find out the work is an Untitled. One titled “The Anatomy of Death and Desire” is but a canvass and aluminum diptych. Devotion to the conceptual and commiseration for representational art? Piety, or sheer pity?

Syempre, naubusan na ako ng Ingles.

Ang Cool Pieties ay eksibisyon ng 30 batang artista na karamiha’y galing sa UP College of Fine Arts at mga dating estudyante ng curator na si Roberto Chabet. Lahat ng trabaho ay nasa ilalim ng kolum na “ conceptual art. ” Ibig sabihin, nakasalalay ang gawa sa konsepto, vision o insight (o kawalan ng konsepto, vision o insight) ng artista. Nakasalalay ang mga trabaho sa isa o maraming mensaheng gustong iparating ng artista nang hindi (o sadyang) gumagamit ng mga “palasak” na simbolo o representasyon – kabaliktaran ng karaniwan sa kilusang social realism (SR) na malapit sa puso ng mga tibak. Karaniwang porma sa conceptual art ang box art at installation. “Uso” ito — malaganap na estilo mula pa noong 1950s sa Kanluran (“laos na kung tutuusin,” sabi nga ng isang matandang SR) pero patok pa rin sa mga batang artista na nasa eksena ng sining biswal dito sa Maynila.

Pananalig o panghihinayang? Ayon nga kay Mao sa Yenan Forum, hindi dapat magsara sa impluwensyang tradisyunal, luma (gaya ng pyudal o medieval), o dayuhan (gaya ng pagpipinta mismo – paglililok lang ang “sining biswal” dito sa Pilipinas bago dumating ang mga banyaga) sa sining. Kung gayon, okey lang gamitin ang estilong conceptual – basta’t sensitibo rin ang artista sa mga implikasyon ng porma sa mensaheng gusto niyang iparating. Halimbawa, ang box art ay maaari rin namang maging epektibo sa estilong SR. Hindi porke’t mala- MTV ang gawa mo ay kolonyal ka na at dekadente. (Ganoon ka- “humane, balanced at sound” ang pormulasyon ni Mao Zedong sa sining kaya basahin ninyo ang artikulong ”Mao Zedong’s Revolutionary Aesthetics...” ni Alice Guillermo para mas maintindihan pa ito.)

Sa Cool Pieties, mangangamba ang tagapanood sa “pananalig” – o pagkahumaling sa conceptual.
In fairness, may mga artistang kalahok sa eksibit na mahusay talaga sa teknik — “papasa” kumbaga — kahit pagbalibaligtarin pa nila ang mga estilo nila mula realismo ( hyperrealism pa nga), abstrakto o kung anupaman. Mayroon ding mga konsepto sa eksibit na “lapat sa lupa” at malinaw ang isinasaad na konteksto. Kaso, ang eksibit ay nasa tuktok ng megamol, pwedeng tsambang madaanan pero dadayuhin lang kung me kakilala ka roon, talagang interesado ka, o estudyante ka ng sining. Eniwey, ibang paksa na ang isyu ng espasyo.

Ang nakakatakot sa eksibisyon ay ang reartikulasyon ng “uso,” depinisyon ng “ cool” at ang nakakadismayang pagsakay ng ilang artista sa pagiging kontrobersyal- ergo-“epektibo” ng “ shock effect” ng kanilang mga naunang trabaho. Nakapanghihinayang, kung titigil sa argumentong “it’s an art exhibit, so it’s prestigious and legit.” Parang gusto mo na lang humiling na sana naman dumami pa ang mga artistang gustong maging mabuti at makabuluhan sa lipunan (marami rin ‘yan pero nasa malayo na, at hindi naman ibig sabihin na lahat tayong naririto ay walang kabuluhan). Parang gusto mo nang ipagdasal, pero alam mong ibubunsod din
ito ng mga kondisyon – gaya ng masikhay na pag-oorganisa ng mga tibak bago pa man lamunin ng kabalintunaang “eksena” ang mga batang artista; o di kaya ang paglabas ng mga artist sa mga tambayan nilang gallery at café at pakikisalamuha sa batayang masa. May kondisyong gaya ng pagigting ng krisis (nagmartsa din naman sila mula EDSA hanggang Mendiola nang patalsikin natin si Erap); at kung ano pang “mala- religious experience” (gaya ng pag-e-ED ng LRP) na yayanig at babago sa konsepto nila sa sining at lipunan. ‘Pag nangyari ‘yun sa’yo — ‘yun ang cool, pare.

Radyo, pelikula ni Yam Laranas, 2001



Radyo
pelikula ni Yam Laranas, 2001
Viva Films

Pagkatapos mong mapanood ang Radyo, parang gusto mo na ring gumawa ng pelikula. Ibinobrodkas nito ang nakakainggit na paglalaro ng mga biswal, masinsin na iskrip, at mahusay na pagganap ng mga aktor. Patok ang katatawanan, dapat asahan ang hindi inaasahan, at hindi nakaligtas sa satirikong estilo ng pelikula ang pagpuntirya sa dapat nitong patamaan.

Sa panimulang paglalarawan sa radyo bilang “pampagising,” parang ipininta sa mga eksena ang lawak at layo ng impluwensya ng masmidya partikular na sa kalakhang Maynila. Ipinakilala bilang mga tauhan ang mga regular na tagapakinig: sa mga eksena sa palengke, ang mga kalsada ng Maynila, sa loob ng dyip, sa almusal sa tahanan ng isang pulis, sa antuking inuman ng mga lasenggo, sa kumbento, at sa bahay ng nag-iisang si Ruben (Epi Quizon) — isang Magic Products promo boy na magiging serial killer dahil hindi napagbigyan ng DJ na si Lady X (Rufa Mae Quinto) ang kantang kanyang nirekwes.

Sa pelikula, ginawang payaso ang pulitiko; kita at patalastas lang ang mahalaga sa station manager; ma-epal ang naghahari-hariang bisor; inutil ang mga sikyu at pulis (kahit pa siya ang love interest ng bida), at iba pa. Animong ipinapakita ang daloy ng impluwensya at kapangyarihan na pumupuno sa isa ring makapangyarihan at maimplumwensiyang midyum na radyo. Kung sino ang kumokontrol sa palatuntunan at kung paanong “hahamakin lahat” para sa pagpapakete at pagbebenta ng mga produkto. Kung bakit nakakatawa – at nakakatakot – ang pagkahumaling ng sistema sa gawaing ito.

Para sa mga nag-enjoy at natuwa sa masining na estilo ng pelikula, halos walang teknikal o artistikong kapintasan ang Radyo. Mapapatawad ang maliliit na butas sa detalye ng kwento; kahit ang pag-ikot ng naratibo sa sunud-sunod na pagpatay sa mga babaeng biktima ay pwede namang palusutin— OA naman kung babasahan pa ito ng anti-kababaihang pakahulugan. Iyon nga lang, ang pelikula mismo ay isa ring produkto – patok naman ang paggamit ng kantang “Inlab” ni Blakdyak para maging themesong kumbaga, pero alam mong ang pelikula at kanta ay parehong produkto ng Viva (Films at Viva Records) kaya kailangang ipakete bilang iisa. Pati ang mismong pelikula ay apektado sa inihahayag nitong komentaryo, kaya nga talagang nakakatawa at nakakatakot ang comedy-suspense-thriller na pormula ng Radyo.

Still Lives, pelikula ni Jon Red; Motel, pelikula nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, 1999


Pelikula at Lipunan

Still Lives ni Jon Red
at Motel nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas

Mga pelikulang digital, 1999

Kasama kong nanood ng bagong short film ang kaibigang Film major. Paglabas namin sa sinehan, magkahalo ang reaksyon namin sa panghihikayat ng isang kaibigang kartunista:

“’Gawa rin kayo ng pelikula!” Sabi niya.

Madali na nga naman ‘yan ngayon, kaya optimistiko. Kasi naman, meron nang digital camera at kung anu-ano pang gadget/gaheto na nagpapaginhawa sa buhay natin. Ang kaso, kahit nga ang mga cellphone namin ng kaibigan kong Film major ay mga lumang modelong pinagsawaan lang ng mga kamag-anak. Tapos digital camera?

Alternatibo

Noong 1983, nang magsimulang gumawa ng pelikula ang aming kaibigang kartunista, P150 lang daw ang ginagastos niya sa film at pagpapaproseso ng 3-minutong pelikulang kuha sa 8mm o Super 8. Nang lumaon, sa dulo ng Dekada ’80, dumami ang tulad niyang nagka-interes sa paggawa ng maiikling pelikula. Umeksena ang “alternative cinema” sa sirkulo ng mga artist, kung saan nagsimula bilang mga “independent filmmakers” ang gaya nina Ian Victoriano at Raymond Red (na lumikha rin ng mga komersyal na pelikulang Bayani at Sakay, at nagwagi kamakailan ng Palm d’Or sa Cannes para sa shortfilm na Anino ). May mga institusyong sumuporta sa eksena, gaya na lang ng workshops ng Mowelfund, mga pasilidad ng PIA, at ang taunang Gawad CCP na nagsimula noong 1987.

Mula sa produksyong teknikal at artistiko hanggang sa paghahagilap ng pinansya, kalakhang “independent” ang filmmakers na ito. Kaya karaniwan sa kanilang mga pelikula ang temang personal at estilong eksperimental – “alternatibo,” kumbaga, sa komersyalisadong pormula ng Hollywood o ng lokal na industriya.

Kasabay lang siguro ng pagpatok ng cellphone – ginamit naman ng alternatibong cinema ang teknolohiyang digital para sa paggawa ng pelikula. Sa pamamaraan at midyum na mas mura at mas madali, nalikha ang mga pelikulang nasa format ng digital video, o ‘yung tinatawag ng ilan na “filmless films.”

Dalawa sa mga pelikulang ito ang Motel, isang trilohiya nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, at Still Lives ni Jon Red (a.k.a. Juan Pula). Tulad ng mga kahanay nitong alternatibong pelikula, independent ang produksyon ng mga ito, low-budget, at eksperimental pa rin ang tirada. Ngunit katulad ng komersyal na sine, ang dalawa ay may “tiyak na iskrip at kwento,” – full-length, at gumamit pa nga ng ilang sikat na artista.

Still Lives


Iisa ang anggulo ng kamera sa Still Lives ni Jon Red. Parang sumisilip ang mga manonood mula sa loob ng isang salamin. Mula rito’y masisipat ang tagpo -- isang bungalow na may mesa sa gitna, mga upuan, tanaw ang banyo, tanaw ang pinto. Pinasisilip tayo ng pelikula sa “pugad ng mga operasyon” sa huling araw sa buhay ng isang druglord (Ray Ventura). Nagpaparada ang mga tauhang kasalamuha niya sa iisang tagpong ito – ang pinagkakatiwalaan niyang bata (Noni Buencamino), ang “iniligpit” na taksil (Allan Paule), ang bata niyang kabit (Ynez Veneracion), ang baklang kaibigan ng kabit (Chris Martinez), ang kanyang anak, mga kostumer na dyipni drayber, estudyante, ang pulis/imbestigador na “liligpit” sa kanilang lahat (Joel Torre), at siyempre, ang adik (Soliman Cruz).

Iisa lang ang anggulo ng kamera, ngunit hindi kabagut-bagot ang naging daloy ng naratibo. Kahit iisa ang anggulo, hindi kronolohikal at linyar ang pagkukwento -- nagbabago ang kulay at ilaw ng iisang tagpo sa mga salaysay na nagmumula sa iba’t ibang punto de bista. Ipinapakilala ang mga tauhan sa pamamagitan ng mga dramatikong sitwasyon, estilong testimonyal, reportahe, “dokumentaryo” at maging komersyal na anunsyo. Namaksimisa ang mga bentahe ng midyum na digital, na makikita sa mga effects ng pelikula. Gayunman, sumusulpot ang mga tanong sa detalye ng karakterisasyon ng ilang tauhan. Dinala naman ito ng mahusay na pagganap ng mga aktor na karamiha’y beterano na sa teatro at pelikula.

Sa pelikula, isinasalarawan ang buhay ng mga “lumpen” o latak ng lipunan bilang “still. ” Maaksyon ang buhay ng anti-sosyal na lumalabag sa batas, ngunit ipinapakita pa rin ito bilang “hindi gumagalaw,” gaya ng ipinapahiwatig ng nag-iisang anggulo ng kamera. Patung-patong na pahiwatig ang maaaring makuha mula sa estilong ito – nariyan din kasi ang alusyon ng pelikula genre na “still-life”sa sining biswal at pagpipinta. Sa “still-life painting,” paksa at idinidetalye ang mga bagay na hindi buhay, gaya ng mga prutas o plorera. Isa sa mga dahilan ng pagiging tanyag ng “still-life” sa Europa ay ang pagdami ng “middle class” na naghahanap ng “sining na pandekorasyon sa tahanan.”

“Masining” – ngunit mapanganib din -- ang estilo ni Red, kung ilalapat ang alusyon sa alternatibong cinema ng Ikatlong Daigdig, lalo pa’t sa isang pelikulang pumapaksa sa mga buhay na ayaw pag-usapan ng mga awtoridad at kinauukulan. Siguradong hindi “pandekorasyon” ang buhay ng mga lumpen sa Still Lives -- makapangyarihang komentaryo ito. Pero dahil walang paggalaw sa pagpapakilala sa mga tauhan, hindi matalas ang karakterisasyon ng magkakatunggali – kahit ang pagpapakita ng interes ng pulis at pusher sa tunay na buhay. Sumisilip ang mga manonood sa Still Lives, pero hindi tanaw ng manonood ang “nasa labas” kaya parang walang alternatibo.

Motel

Gaya ng sinasabi ng pamagat, umiikot ang kwento ng tatlong maiigsing pelikula sa Motel – ang ”makukulay na gusaling magkakadikit sa Pasig, Pasay, at Sta. Mesa.” Kolaborasyon ito ng tatlong filmmaker, ngunit mas mainam itong tingnan bilang tatlong magkakahiwalay na pelikula. Sa “unang kwarto,” paksa ang obsesyon at delusyon sa “My Boy Lollipop” ni Ed Lejano; “Gabing Taksil” ang kwento ng pagtuklas ni Chuck Escasa sa ikalawa; habang ang huling kwarto ay nakareserba naman sa mga kagilagilalas na pakikipagsapalaran ng isang “Desperado” sa pelikula ni Nonoy Dadivas.

Maselan ang mga paksa at sitwasyon sa pelikula ni Lejano. Hindi kronolohikal ang paglalahad ng kwento -- halatang “aral” ang mga biswal na “device” at metapora sa pelikula (ang direktor ay guro sa Film Department ng UP). Sa kabila nito, naging insensitibo pa rin ang pelikula sa paghawak ng conflict o tunggalian ng kwento. Ginawang karaniwan at para bang “inaasahan” ang pagguho ng homosekswal na relasyon ng isang “playboy” na talent scout at ng kanyang “faithful partner.” Susundan ng huli ang playboy sa motel, at dito sila magtutuos. Mahuhuli niya ang karelasyon na may kasamang bangag at menor de edad na babaeng talent -- na sa dulo ng pelikula ay maaatrasan pa ng kanilang kotse at itatambak sa bangin. Seryoso, sadya, at walang pahiwatig na sarkastiko ang paghahalu-halo ng mga kawawang tauhan sa kawawang kwentong ito. Pinalala pa ito ng mga alusyon sa Madame Butterfly, ang pinakapalasak na simbolo para sa kamartiran sa kasaysayan ng mga pelikula at dula na nahuhumaling sa Kanluran, kamachohan, at kaburgisan.

Naging mapaglaro at magaan naman ang dalawang sumunod na pelikula. Isang “Gabing Taksil” ang naranasan sa Valentine’s Day ng bidang si Bogs, isang binatilyo na sa unang pagkakataon ay “makikipagdeyt sa motel” sa kanyang sintang dalagita. Magsisimula ang pelikula sa palengke – halu-halong imahe sa karnehan, pwesto ng mga tulya at iba pang tindang kung hindi sariwa ay malansa – at magtatapos sa pagtuklas ni Bogs na hindi na pala birhen ang girlpren na si Alma. Magaan ang pagtalakay ng pelikula sa mabibigat na isyu – iniwan nito sa manonod ang resolusyon, at maging ang interpretasyon sa wakas ng kwento. Maaaring artistiko, ngunit maaari ring pag-iwas at “pagtataksil” sa pagbibigay ng malinaw na komentaryo hinggil sa mga isyung inilalahad ng pelikula.

Komedi ang “Desperado” ni Nonoy Dadivas. Mula sa panimulang eksena sa motel, ibinabalik ng pelikula ang mga mas naunang sitwasyon, at ipinapakilala ang mga tauhan. Ang kwento ay isinalaysay mula sa punto de bista ng bida, si Ely (binigyang-buhay ni Tado Jimenez), computer technician na desperadong “maka-iskor” pero napipigilan dahil sa kanyang “itsura,” at dahil sa itsura ng kanyang kapaligiran – sa isang malupit na lungsod, kasa-kasama niya ang kanyang macho at babaerong Boss J; may pagnanasa at awa siya sa asawa ng kanyang Boss, ang maganda at domestikadong si Daisy; ayaw naman siyang paunlakan ng kapitbahay na seksi ngunit mataray. Matapat at epektibo ang pangkantong lengguwahe at “soundtrack” na ginamit ng pelikula. Napalusot nito ang komentaryo sa hindi-katawatawang kabulukan ng lungsod sa pamamagitan ng walang-puknat na pagpapatawa.

Relasyon ang paksang hindi maiiwasan ng bawat pelikula – homosekswal sa “My Boy Lollipop;” sa pagitan naman ng dalawang “inosente” sa “Gabing Taksil.” Paimbabaw ang kontekstong inilatag ng dalawang naunang pelikula, ngunit isang malaking litrato ng Kamaynilaan ang isinasalarawan ng “Desperado.” Kasama rito ang mga tao, kalsada’t struktura na parang nakikipagkuntsabahan sa pagsasala-salabid ng mga relasyon – at pananaw, lalo na sa kababaihan – na inilalahad ng pelikula.

Pagpipilian

Dalawa lang ang Still Lives at Motel sa mga pelikulang nakapagpino na sa eksperimentasyon, at naka-igpaw sa napakapersonal na mga paksa ng “alternatibong” pelikula sa bansa. Para sa mga estudyante ng pelikula o para sa mga simpleng tagasubaybay at tumatangkilik sa eksena, magandang balita na tumatalakay na ng mga “di-abstraktong” paksa ang mga pelikulang ito. Siyempre, hindi naman mawawala ang personal na pananaw at estilo ng direktor; pero totoo ring marami pang mga isyu sa sining at lipunan – at usapin gaya ng distribusyon ng yaman at access sa teknolohiya – na kailangan ding talakayain at solusyunan.

Samantala, tuluy-tuloy lang ang paggawa ng bagong pelikula at paghahain ng alternatibo sa mga sineng nakasanayan. Para kahit hindi pa rin kami makagawa ng pelikula ng kaibigan kong Film major, marami pa ring pagpipilian.