Tuesday, February 07, 2006
La Visa Loca, pelikula ni Mark Meily, 2005
Makabuluhang Tuwa
La Visa Loca
Tampok sina Robin Padilla, Johnny Delgado, Rufa Mae Quinto
Sa direksyon ni Mark Meily, para sa Unitel Pictures
Kahit pagtakas sa problema ay problema na rin.
Sa panahon ngayon, pirming napipilitan ang badyet sa piniratang pelikula kaysa sa tiket sa takilya. Kapag tinatamaan ng awa para naghihingalong industriya ng pelikulang Pilipino, pinipilit nating magpunta sa sinehan. Sakaling nakaya ng bulsa ang presyo ng malamig na erkon at aliw na hatid ng pagbukas ng telon, ipagdarasal pa natin na sana’y sulit na sulit ang ating ibinayad – na sana’y tunay na tuwa ang hatid ng pelikula, at hindi panghihinayang at dagdag na konsumisyon!
Kahit eksaktong pamasahe na lang ang matira sa ating pera ay lalakas ang loob nating panoorin sa sinehan ang La Visa Loca sapagkat ito’y Rated A ng Film Ratings Board. Ito ang ikalawang pelikula ng batang direktor na si Mark Meily (ang una niyang pelikula, ang Crying Ladies na kinatampukan nina Sharon Cuneta, Angel Aquino at Hilda Koronel ay Rated A din). Kahit pa hindi natin masyadong nauunawaan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng Rated A, lalo pang lalakas ang loob natin sapagkat tampok sa pelikula ang kinagigiliwang sina Robin Padilla at Rufa Mae Quinto. Isa pa ay naglakas-loob din ang megastar na si Sharon Cuneta upang pondohan at i-prodyus ang pelikulang ito.
At tunay na tuwa nga ba ang hatid ng La Visa Loca? Inilalako bilang comedy ang pelikula, ngunit ito nama’y hindi puro katatawanan. Walang jokes na lalabas sa mga linya ng Bad Banana na si Johnny Delgado (bagamat ang kanyang karakter ay mahilig magsabi ng mga salitang isinesensor tuwing tatawag sa paboritong programa sa radyo). Ang papel ni Rufa Mae Quinto bilang si Mara, isang sinisipong sirena sa peryahan, ay mas nakakaawa kaysa nakakatawa. Maaari ring madismaya ang mga umiidolo sa imahe ng Bad Boy na si Robin Padilla. Bagamat mahusay ang kanyang pagganap sa bagong papel bilang si Jess Huson, ang drayber na desperadong makarating sa Amerika, ang aksyon na mapapanood ng kanyang mga tagahanga ay isang Robin na nagpapabugbog at pinahihirapan.
Maaaring ikatuwa ang inobasyon na inihahandog ng pelikula. Tipikal lamang daw sa Pilipino ang mangarap na mangibang-bansa, ngunit hindi tipikal na maging leading lady ng ganitong karakter ang isang sirena. Karaniwan na rin sa atin ang makarinig ng mga mang-aawit ng pasyon tuwing Kwaresma, pero hindi karaniwan ang makita sila na biglang sumisingit at kumakanta sa bawat mahalagang eksena sa isang pelikula. Hindi naman kamangha-mangha ang papel na ginampanan ng koro na umawit sa pasyon ng buhay ni Jess Huson. Binubulabog nila ang naratibo ng pelikula upang bulabugin din ang pang-unawa natin sa realidad na inilalahad. Ngunit sa maraming pagkakataon, inaawit lamang nila ang literal o yaong natutunghayan na ng manonood. Ang kamangha-mangha lang ay ginampanan ito ng mga batikang gaya nina Noel Trinidad, Tessie Tomas, Isay Alvarez, at Robert Sena.
Sa ganitong hindi tipikal na pagkukwento ng mga pakikipagsapalaran ng isang Jess Huson, mapapansin ang interes ng direktor sa pagtatampok ng karaniwan ngunit kakaiba sa ating kultura. Naging batayan ng kabuuan ang iba’t ibang tradisyon at paniniwalang relihiyoso. Ngunit hindi lamang kabutihan ang umiinog sa ganitong tuntungan, sa halip ay tumatampok ang panggagantso, kabaliwan, kalaswaan, at desperasyon, na lahat ay pinilit lagpasan ng bidang si Jess upang makamit ang pangarap na visa patungong Amerika.
Inilalarawan din, sa kabilang banda, ang aktitud ng Amerika sa tipikal na Pilipinas o Pilipino: ang Amerika’y mapagsuspetsa na ito’y lolokohin, pagsasamantalahan o papasukin ng teroristang katutubo. Sa rurok ng sakripisyong sinuong ni Jess, pagpapantasyahan niya na ang mga dayuhan na ang gustung-gustong makapasok sa Pilipinas, at nasa kanya na ang kapangyarihan upang isa-isa silang biguin – kagaya na lang paulit-ulit na kabiguan na pinagdaanan niya.
Pinilit ng bida na hindi mamuhi sa kanyang kapaligiran, at lagi niyang ipinagtatanggol ang dangal upang makamit ang pangarap. Ngunit sa huli, malalaman niya na ang pangarap niya mismo -- ang paggawa ng kung anu-ano para lamang marating ang Amerika -- ang walang dangal. Hindi naman katatawanan ang ganitong tema, ngunit hindi mapipigil na matuwa o matawa sa ilang eksena. Bagamat madilim o malungkot na bagay ang ipinapakita sa isang katawa-tawang tagpo, tayo’y natatawa rin dahil katulad na pagkikipagsapalaran ang araw-araw nating binubuno. Para sa pagiging malikhain at mapagmasid, nais pa nating makapanood ng mas marami pang pelikula mula sa mga kabataang tulad ni Meily.
Ngunit ito nga ba’y naghahatid ng tunay na tuwa? Kung pagtakas sa problema ang dahilan sa panonood, maaaring hindi lubos ang galak dahil sa mga kabalintunaang ipinapaalala ng pelikula. Kabalintunaan din kung tutuusin ang pagtawanan ang ating mga problema. Bukod sa katatawanan, maaari ring ikatuwa na ang La Visa Loca ay isa sa iilang pelikulang Pilipino sa kasalukuyan na may tunay na kabuluhan. At para rito, maaari nating sabihin na kahit masakit sa bulsa ang pumasok sa sinehan, ang kalahati ng ating ibinayad ay nasulit sa sine, at ang kalahati naman ay para sa lamig ng ulo na dulot ng erkon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
oi i-visit n'yo naman 'to:
www.lavisaloca.com
hehe
Post a Comment