Nahuling Pagsusuri
Hindi maikakaila na ang awit ang anyo ng sining na pinakapopular at pinakamadaling ipopularisa sa masa.
Ayon sa pagsasalarawan ng PAKSA ”Sa isang bansang mabulas ang tradisyon ng pagbigkas (pagkat ang karamiha’y di makasulat ni makabasa) ito (awit) ang pinakamabilis sa pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryong adhikain. Ang awit ang una at nangungunang anyo (ng sining) sa pagsusulong ng rebolusyong pangkultura. Ang nilalaman nito ay madaling mapasanib sa umaawit o nakikinig...”
Kung kaya hindi kataka-taka ang pagkakaroon ng napakaraming awitin na iniluwal ng rebolusyonaryong pakikibaka. Marami nang maituturing ang mga awiting naisadokumento sa pamamagitan ng mga proyektong album sa kaset at CD mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ngunit hindi pa natin natitiyak kung gaano pa karami ang mga awitin na nananatili o naipapalaganap lamang sa pamamagitan ng alaala ng mga kasama at masa sa iba’t ibang sonang gerilya sa kanayunan.
Ayon pa sa PAKSA,”Ang awit ay nagpapahiwatig ng marubdob na damdamin at likas na indayog... Maigting sa awit ang pagsasanib ng mensahe at tugtugin kaya ang epektong sikolohikal ay higit pang nakapagpapasidhi sa pagiging militante ng nakikinig o umaawit... Ang awit ay may ritmo o indayog na may malaking naitutulong sa pagpapaalab ng damdamin at sa gayon ay nakapagpapakilos…”
Ito rin ang layunin ng MusikangBayan sa paglalabas nito ng album na may pamagat na Rosas ng Digma: Mga Awit ng Pag-ibig at Pakikibaka noong 2001. Sa sariling salita ng mga manlilikha: “ang mga titik at tunog na naiiwan sa isipan ng nakikinig (ay) nag-aanyayang magsuri at kumilos.”
Ang pagpapakilos sa pamamagitan ng pagpapaalab ng damdamin ang layunin ng Rosas, at sinasabing higit pa: ”Maituturing ang Rosas... bilang isa sa mga produkto ng mga pag-unlad... sa iba’t ibang larangan ng pagkilos. Sa porma ng isang album, nangahas talakayin sa himig at musika ang usapin hinggil sa pag-ibig at pakikipagrelasyon na nakabatay sa makauring paninindigan.” Kung gayon, ipinagpapalagay na layunin din ng mga manlilikha ang makatulong sa paglilinaw ng wastong pampulitikang linya o paninindigan partikular sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa diwa ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.
Gayunman, kailangan nating isaalang-alang ang epekto ng mga awiting ito sa masa. Lalong higit na kailangang kilatisin ang epekto nito sa mga aktibista, kadre at mandirigma, sapagkat sila ang pangunahing isinasalarawan at pinatutungkulan ng mga awit.
Ang karamihan sa mga awit sa Rosas ng Digma ay nakatamasa ng isang antas ng pagtangkilik sa masa at mga kasama bago ito tinipon sa isang album noong 2001. Naisulat ang mga ito sa ikalawang hati ng dekada ’90, at naipalaganap sa sektor ng kabataan, at iba pang teritoryo kung saan naitalaga o naging malapit ang mga kompositor.
Bilang hiwa-hiwalay na mga kanta, masasabing nagsilbi ang ilan rito sa epektibong paglalahad at paglalarawan ng pinapaksa. Isang mahusay na halimbawa ang awiting ”Duyan ng Digma.” Sa payak nitong himig at titik ay naipahiwatig nito na laging may kondisyon para sa pagyabong ng pag-ibig na nakabatay sa nagkakaisang mithiin (makauring paninindigan) at pagkilos. Naging malugod ang pagtanggap dito sapagkat napakakaraniwan ng paksa at napakapamilyar ng himig. Gaya ng katangian ng karaniwang awit, maaari o madali itong iangkop ninuman sa sarili o indibidwal na karanasan.
Dahil sa pagiging karaniwan o pamilyar ay may kongkretong panganib na sinusuong ang mga awit, lalo na kung ilalagay ang mga ito sa mas malawak na konteksto. Ang paksang pag-ibig ang siya naman talagang pangunahing tema na ginagamit ng naghaharing-uri upang langisan ang dominanteng industriya ng musika, at linlangin ang masa. Sa ganito tunay na ”nangangahas” ang mga awitin sa pagguhit ng linya sa pagitan ng pyudal/burgis at ng proletaryadong pag-iibigan. Sa pagitan ng eskapismo at pagkalango, na siyang epekto ng mga dominanteng awit ng pag-ibig; at ng pagpapatatag ng proletaryadong relasyon para sa tuluy-tuloy na pagkilos, na inaasahang maging epekto ng mga awit sa Rosas ng Digma.
Ang antas ng pagtangkilik ng masa at mga kasama ay nangangahulugan ba na nagtatagumpay ang mga awit sa Rosas ng Digma sa pagguhit ng linyang ito? Gayundin, sapat ba itong batayan upang ilagay sa isang koleksyon ang mga awit para sa mas malawak na pagpapalaganap?
Sa pagbabalik-tanaw, masasabi nating hindi. Pinakamatibay na batayan para rito ang taliwas na epekto ng Rosas, bilang koleksyon ng mga awit, sa mga kadre, aktibista at mandirigma. Tampok dito ang pagtaas ng bilang ng mga kasamang nanamlay sa pagkilos (”lie low” ) at nag-AWOL dahil sa pakikipagrelasyon. Maituturing na signipikante ang bilang ng mga kasamang ito, sapat upang tahasang itigil ang pagpapalaganap ng Rosas sa ilang rehiyon.
Siyempre ay hindi ”maisisisi” nang buong-buo sa Rosas ang penomenon na ito. Marami pang ibang salik, gaya ng kongkretong kalagayan sa mga rehiyong ito, at konsolidasyon sa mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng edukasyon. Magkagayunman, hindi nawawala sa Rosas ng Digma ang responsibilidad bilang isang koleksyon ng mga awit na nakatamasa ng malawak na pagpapalaganap at pagtangkilik.
Paano nga ba tinatangkilik ng mga kasama ang isang album? Ang mga kasama ay laging ”sabik na sabik” dahil sa kasalatan ng mga materyal na gaya nito, relatibo sa pagbaha ng mga awitin sa burgis na masmidya. Ang isang album ay karaniwang napapatugtog nang buo sa tuwing may pagtitipon, aktibidad o okasyon. Ito’y pinakikinggan nang buo (at paulit-ulit!) sa libreng oras ng mga kasamang may kaset o radyo – lalung-lalo na ng Hukbo. Sa ganito, ang isang album na ”naiisyu” sa isang kasama ay halos nakakabisado. Lalo pang lumalawak ang pagpapalaganap nito kung ito’y inaawit o itinatanghal ng Hukbo sa iba’t ibang lugar at pagkakataon sa loob ng eryang saklaw.
Tumitingkad ang responsibilidad ng manlilikha sapagkat napakadaling sabayan ng mga himig na gaya ng karaniwang ”love song,” o di kaya ng tradisyunal na kundiman sa ilang awit sa Rosas. Sa ganito, masasabing may antas ng kasinupan na naabot ang mga manlilikha sa pagrerekord ng mga awitin. Pinahusay ang mga areglo at gumamit ng iba pang mga instrumento gaya ng byulin at plawta labas sa karaniwang saliw ng gitara na nakakayanan ng payak at ”low-budget” na rekording ng rebolusyonaryong kilusan sa nakaraan (at hanggang sa kasalukuyan lalo na para sa mga kasama sa kanayunan).
Dahil sa napakaepektibong midyum, inaasahang mapapabilis ng isang album ang pagpapatining ng mga ideya at pagpapasidhi ng militansya bilang pagtugon o suporta sa mga kampanyang inilulunsad ng Partido o rebolusyonaryong kilusan. Isang kongkretong halimbawa, ang pagiging napapanahon at epektibo ng album na Dakilang Hamon na inilabas ng Armas-Timog Katagalugan sa kasagsagan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.
Anong kampanya ng kilusan ang tinugunan ng Rosas ng Digma? Sa panahon ba ng paglalabas nito ay may kagyat na pangangailangan upang malawakang ilinaw ang ating pananaw at paninindigan partikular sa pag-ibig at pakikipagrelasyon?
Gaano man kahusay ang awit o kadalisay ang layunin ng manlilikha, mananatiling taliwas ang epekto ng isang awit kung nagtataglay ito ng mga maling ideya. Kaya’t sa kabila -- o bunsod -- ng kasinupan sa anyo ng sining, ang tanong ay kung matalas -- o wasto nga ba – ang pampulitikang linya na dala-dala ng mga awit sa Rosas ng Digma?
Halimbawa, ang pangungulilang nabibigyang-diin sa malumbay at mariing koro ng ”Sana” ay tiyak na may sikolohikal na epekto sa tagapakinig. (Sana sa tuwina kapiling kita / Sa paglikha ng mga awit ng paglaya / Sana laging kasama kita.../ Sana sa tuwina kapiling kita...) Ang damdaming napapaigting ay hindi maaasahang makapagpapatatag sa mga magkarelasyong nagkakalayo dahil sa gawain. Ihanay pa sa iba pang mga awit ng pag-ibig, ay lalo lamang nakapagpapatamlay, at nagpapasidhi lamang sa pangungulila.
Pinakatampok na awit ang ”Rosas ng Digma” at ang katambal nitong awit na may pamagat na ”Ang Tugon.” Bilang awit na nagdadala ng buong koleksyon, aasahan na ito ang pinakamatalas. Kahit sukdulang ipaliwanag – sa masining na pamamaraan, syempre – ang mga konsepto ng class love at sex love, kung kinakailangan ito sa layuning ilinaw at ipalaganap ang ating mga pananaw at paninindigan sa pakikipagrelasyon.
Ngunit sa pamagat pa lamang ay nakaamba na ang panganib.Totoong pamilyar sa masa ang pagsasalarawan sa babae bilang rosas o bulaklak, ngunit ano ang ideolohikal na implikasyon nito? Sinisikap nitong tanggalin ang mga pyudal na konotasyon sa paggamit ng imahe (Tinik mo’y sagisag ng tapang at giting / Sa laranga’y kislap ng bituin) subalit mapaglunggati ang ganitong proyekto. Mas madalas kaysa sa hindi ay pyudal na relasyon ang mahihinuha, lalo na sa mismong koro (Ako’y nangangarap na ika’y makasama / taglay ang pangakong iingatan kita). Maaaring ”macho” ang tanggap dito ng kababaihan. Bukod dito ay maaari ring ”iba” ang interpretasyon dito ng kalalakihan, lalo na ang mababa pa ang kamulatan. Ang ”pagsasama at pag-iingat” ay maaaring paglayo sa ”marahas” na pinagsibulan (digma o pakikibaka), na sa aktwal ay karaniwang kahinaan ng mga kasamang nananamlay sa pagkilos upang itaguyod ang pagpapamilya.
Masaklap kung ang ganitong pyudal na kaisipan ang siya mismong naging panghalina ng awit, o dahilan kung bakit madali itong tinangkilik ng masa at maging ng mga kasama. Pumapasa nga ba sa rebolusyonaryong romantisismo ang linyang ”ang ganda mong nahubog sa piling ng masa / hinding-hindi kukupas / hindi malalanta” o simpleng pahaging lamang ng ideyalistang pananaw? Huwag nang banggitin pa ang pagpapalawig ng ganitong konsepto sa ”Ang Tugon,” kung saan ang lalaki ay inihalintulad na sa paru-paro.
Nababahiran nito ang pagbasa o panunuri sa iba pang mga awit, gaya na lamang sa awit na ”Iisa.” Bagamat isinasalarawan nito ang pag-iisang dibdib sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, may pakiwari itong pyudal dahil sa paggamit ng punto de bista ng lalaki. Dahil sa pinagsama-sama ang mga awit sa iisang koleksyon, naging paulit-ulit at halos kabagot-bagot na ang pagtalakay sa paksa. Gayunman, totoong hindi mababagot o magsasawa ang masang tagapakinig sa ganito. Sa halip, talagang maasahan ang mainit at marubdob pagtangkilik. Mapanganib ito, sapagkat sa isang banda, ang ganitong hilig ng masa sa mga awit ng pag-ibig ay maaaring bunga ng pyudal na tradisyon o ng pagkokondisyon ng burgis na masmidya.
Sa pangkalahatan, nagtatagumpay ang koleksyon sa paglalarawan o pagpapahayag ng damdamin ng mga indibidwal na kompositor, ngunit hindi sa layunin nitong ”isalarawan ang lugar ng pag-ibig sa gitna ng pakikibaka.” Sa pagtalakay ng pulos pag-ibig, nawawalan ng puwang para sa mas kongkretong pagsasalarawan ng pakikibaka. Kung susuriin, hindi naging masama ang epekto ng ilan sa mga awit sa inisyal nitong pagpapalaganap. Sa gayon maaaring hindi rin naging masama kung ito’y naipalaganap sa ibang pamamaraan. Halimbawa, bilang isa o ilang awit ng pag-ibig sa loob ng koleksyon ng iba’t ibang rebolusyonaryong awitin – at hindi bilang koleksyon ng mga awit ng pag-ibig lamang. Sa ganito, maisasakonteksto ng tagapakinig ang pinagmulan ng mga awiting ito at ang sinasabing ”lugar ng pag-ibig sa gitna ng pakikibaka.”
Kailangang paglimian ng mga manlilikha kung ano nga ba ang naging konsiderasyon sa ”pangangahas” sa ganitong klaseng proyekto. Naging primarya nga ba ang kapakanan ng masa? O dahil sa tinamasang pagtangkilik sa inisyal na pagpapalaganap ng mga awit, ay mas nauna ang hangaring ”(ipa)laganap (ang mga awit) sa kanilang orihinal na bersyon ayon sa intensyon at konsepto ng mga kompositor” ? Hindi sapat bilang batayan ng malawakang pagpapalaganap ang ganitong ”pagtataas ng pamantayan,” sabihin pang inisyatiba naman ito ng MusikangBayan. Isang bagay ang pagrerekord ng isang ”demo tape” o koleksyon ng mga awit ng pag-ibig. Ito’y mabuti sa pagpapayabong ng inisyatiba sa hanay ng mga kasama. Ngunit mas malaking responsibilidad ang dapat tanganan sa sistematiko at malawakang pagpapalaganap ng koleksyong gaya ng Rosas ng Digma.
Mas malaki pa ang pakinabang ng masa at ng rebolusyonaryong kilusan sa antas ng kasinupan na naabot ng MusikangBayan sa larangan ng rekording. Lalo na kung pauunlarin ang praktika ng kritisismo at pakikipagtulungan sa pagitan nila at ng iba pang rebolusyonaryong pwersa. Mas mainam kung sila’y mabibigyan ng kakayanan na suriin at punahin ang mga sariling likhang-awit at ang pamamaraan ng pagpapalaganap sa mga ito. Pinakamahalaga ang paghingi ng puna at mungkahi mula sa masa. Ang walang-sawang pagsisiyasat sa aktwal na epekto nito sa kanila ang batayan ng mga pagsisikap upang paunlarin ang ating mga likhang-sining.
No comments:
Post a Comment