Friday, February 24, 2006

Noon at Ngayon (aka Moral II), pelikula ni Marilou Diaz-Abaya, 2003

Ganito Kami Noon, Heto na Kami Ngayon

Noon at Ngayon
pelikula ni Marilou Diaz-Abaya
Star Cinema 2003

Sino pa kaya ang nakakaalala sa pelikulang Moral? Mga die-hard na tagapagtangkilik ng pelikulang Pilipino? Mga fans ni Ricky Lee? Mga kulturating tambay na nag-aabang ng film festival? Mga estudyante ng sinema? Mga kritiko?

Sino pa, bukod sa maliit na “kulto” ng mga napahanga at napamahal sa pelikulang Moral mismo? Maagang bahagi ng dekada ’80 ang tagpo ng Moral: naging magkakaibigan sa unibersidad ang apat na babae. “Pakawala” si Joey (Lorna Tolentino), maabisyong singer si Kathy (Gina Alajar), single mother si Sylvia (Sandy Andolong) at buntis-kaya- nagpakasal si Maritess (Anna Marin.). Nakakatuwa at nakakaantig ang mga kwento ng apat na babaeng ito. Ngunit higit dito, ipinakita ng pelikula ang mga pakikipagsapalaran ng kababaihan sa mga pamantayang “moral” ng lipunan. Simpleng pelikula ngunit masalimuot ang mga inilalatag na isyung peminista at pulitikal.

Kaya’t balita na mabibigyan ng bagong buhay ang pelikulang Moral sa isang sequel o part two. Tuntungan ng bagong pelikulang Noon at Ngayon ang buhay na iniwan nina Joey, Kathy, Sylvia, at Maritess. Ngunit kung maganda o masama ang balitang ito, magdadalawang-isip ang mapanuring tagahanga.

Noon

Bahagi ang Moral ng tinaguriang peministang trilohiya ni Marilou-Diaz Abaya, kasama ng ibang mahuhusay na pelikulang Karnal at Brutal. Sa mga pelikulang ito, masinsin at masining ang paglalantad, pagtalakay at pagkwestyon sa papel ng kababaihan sa lipunan.

Matapos ang humigit-kumulang 20 taon, magiging matunog muli ang pangalan ni Diaz-Abaya bilang direktor ng trilohiya ng “makikisig at magigiting” na pelikula: ang Jose Rizal, Muro-ami at Bagong Buwan. Lahat ito ay kinatampukan ng action star na si Cesar Montano, sa iba’t ibang papel bilang pambansang bayani, mapang-aping peskador, at mapayapang Muslim.

Lahat ay mga “seryosong pelikula.” Ibig lamang sabihin, kapansin-pansin ang kinis at kalidad sa lahat ng aspeto ng produksyon – ibang-iba sa mga pelikulang pormula o pito-pito na minadali at halos hindi na pinag-iisipan. Dahil sa antas ng teknolohiya, malaki ang pagbabago sa teknikal at artistikong bahagi ng dalawang trilohiya. Halimbawa, parehong “period film” ang Karnal at Jose Rizal. Pero kung ikukumpara ang disenyo ng produksyon, mas nakahihigit siyempre ang Jose Rizal sa epiko nitong proporsyon. Ginamitan ito ng digital imaging upang maging eksakto ang rekonstruksyon ng mga lumang gusali ng UST (kung saan nag-aral si Rizal) at iba pang tagpo.

Ngunit malaki rin ang naging pagbabago sa tono at “pananaw sa daigdig” ng direktor na si Diaz-Abaya. Mapapansin ito sa mga ideya at mensahe na ipinapahiwatig ng mga pelikula. Noon ay mapangahas at seryosong dagok ang inuunday ng mga pelikula sa kaayusan at sa lipunan, lalo na syempre sa usapin ng kababaihan. Ngayon ay malumanay at mapayapa. Wala na itong sinisisi sa pagdurusa o conflict ng mga tauhan ng kanyang pelikula. Karamihan ay pagpupugay na lamang sa indibidwal na kakayanan at galing ng mga bida. Noon ay nakaugat ang mga tauhan sa konteksto ng ginagalawan nilang lipunan. Ngayon ay lumulutang na ang mga tauhan sa ideyal, abstrakto at unibersal. Sa madaling salita, nahuhumaling na lamang sila sa pag-ibig o pag-asa, kagaya ng pormula ng iba pang karaniwang pelikula.

Ngayon

Ano ang lugar ng Noon at Ngayon sa mga trilohiyang ito? Wag nang pag-isipan.

Karamihan sa dayalogo at pangyayari sa Noon at Ngayon ay alusyon o halaw sa Moral. Naging matapat ang bagong pelikula sa naging karanasan ng mga lumang karakter (maliban sa ilang maliliit na detalye, gaya ng edad ni Levi). Gayunman, para sa manonood na nais lamang mag-enjoy sa pelikulang ito, mas mainam na huwag nang pansinin o pag-isipan ang mga alusyon. Mas mapapanatag ang inyong kalooban kung titingnan ito bilang hiwalay at walang kaugnayan sa orihinal.

Maaaring tama ang linyang “Lahat ng kalokohan ay nagawa na namin, wala na kayong magagawang bago,” na nabanggit ng bagong Kathy (Jean Garcia) sa Noon at Ngayon. Tinatalakay ng Noon at Ngayon ang homosekswalidad, ang pagiging single mother, at iba pang usapin na maaaring hindi pa rin katanggap-tanggap sa lipunan hanggang ngayon – ngunit natalakay na rin ng Moral noon. Ang malaking kaibhan na lamang ay ang “pagpatol” ni Joey (Dina Bonnevie) sa ampon ni Maritess (Cherry Pie Picache) na si Levi (Jericho Rosales). Halos pantastiko ang rebelasyon na si Levi ay tunay palang anak ni Gerry, ang NPA na “true love” ni Joey sa Moral – ang tanging lalaki na minahal, ngunit hindi “pumatol” sa pakawalang si Joey.

Sa ganito, halos buhaghag ang kwento. Nakakaaliw lang sa mga tampok na pangyayari dahil mahusay ang pagganap ng mga artista gaya ni Aiza Marquez (sa papel ng “kikay” na anak ni Kathy) o ni Paolo Contis (sa papel ng baklang anak ni Maritess). May mga pangyayari na walang paliwanag at walang katuturan, gaya ng pagsabog na dahilan ng pagkaka-ospital ng mga mahal sa buhay ni Sylvia (Eula Valdez) – ang baklang ex-husband na si Robert (Noni Buencamino) at ang kanilang anak na si Bobby (Marvin Agustin). Ang karakter naman ng naghihingalong si Maggie (Laurice Guillen), ang ina ni Joey at isang “sentral” na tauhan na iniikutan ng buhay ng lahat ng iba pa, ay parang naging “tagapagsalita” na lamang ni Diaz-Abaya. Maaaring simbolo lamang sa pagbitiw ni Abaya sa vanidosang daigdig at pagyakap sa pagkakuntento at kapayapaan. Ngunit sa maraming pagkakataon, tila si Abaya mismo ang nagtatalumpati sa mga linyang binibitiwan ni Maggie.

Kinakatawan ng Noon at Ngayon ang isang buong proseso na lubhang napakapersonal para kay Diaz-Abaya. Tinatalakay nito ang ipokrisya, ngunit tila may “mas malalim” at ispiritwal na resolusyon para sa usaping ito at sa iba pang problema sa lipunan. Hindi mawari kung nag-mature ang pananaw o naging paurong.

Ngunit kung ikukumpara sa ibang pelikula sa ngayon, naiiba ang Noon at Ngayon. Maaari nating sabihin na sana ay marami pang pelikula na tulad nito sa ngayon – kakaiba sa negosyong pelikula at inilalakong kaisipang basura. Nakakapanatag ng loob na malaman na may iba pang nag-aalala para sa kapakanan ng bagong henerasyon at kinabukasan. Anuman ang ibig sabihin noon.

4 comments:

adarna said...

halu!

request sana ang young radicals na i-rebyu mu for the site ang EMERGENCIA POEMAS. oks lng? tenkyu!

www.youngradicals.blogspot.com

anamorayta said...

psst joey!

ok lang naman siguro kay marjorie na ipost sa blog ni anamorayta 'yung iwas-pusoy noh? for more EMERGENCIA POEMAS exposure.

lab,
sylvia

adarna said...

ay, ngapala, pinost na ni adarna yung 'iwas-pusoy' sa blog niya without asking permission first. hehe. for more exposure nga. saka yung buong EMERGENCIAS POEMAS ay maaari nang i-download sa young radicals blog. ok lang naman siguro kina marijoe at sylvia dear?

lab,
adarna

adarna said...

ako rin, nadodownload ko pero di ko mabuksan amputsa. ganito, hingi na lang din ako ng soft copy nung teksto lang mismo para mas madali. tapos email ko sa'yo. okidoks?