Tuesday, February 07, 2006

Jose Rizal, pelikula ni Marilou Diaz-Abaya 1998


Monumento

Jose Rizal
Direksyon ni Marilou Diaz-Abaya
GMA Films

Nakatanghal siya sa kung ilang monumento sa buong kapuluan. Tampok na kurso ang kanyang buhay mula sa kasaysayang pang-elementarya hanggang sa PI 100 sa kolehiyo. Nakatatak ang kanyang pangalan sa napakaraming lansangan. Nakaukit ang kanyang mukha sa ating piso.

Hindi nakapagtatakang isa na namang monumento ang itinayo para sa ating pambansang bayani . Sa pagkakataong ito, sa anyo ng pelikulang “Jose Rizal” ni Marilou Diaz-Abaya.

Aakalaing nakakapagal ang pelikula --tipong katulad ng walang kaluluwang centennial celebration na isinasagawa ng gobyerno at ng National Centennial Commission (na isa sa mga tumulong upang maisakatuparan ang proyektong ito). Bukod pa sa tumatakbo nang mahigit sa tatlong oras ang pelikula, mahirap umasa ng anumang bago sa isang kuwento na makailang-ulit nang inilahad sa iba’t ibang paraan. Ano pa ba’ng tungkol kay Rizal ang hindi nabanggit ng ating mga libro sa kasaysayan? Ano pa ba ang hindi natin napanood sa light and sound show sa Luneta, sa “Dalawang Bayani,” o sa “Rizal sa Dapitan?”

Sa simula pa lamang nito ay mabilis na napapapawalang-totoo ang mga ganitong palagay. Dito na marahil magsisimula ang ating listahan ng mga “hindi inaasahan” sa pelikula. “Hindi inaasahan,” dahil na rin sa relatibong “mababang kalidad” ng ilang pelikulang Pilipino -- “pang-sentenaryo” man o hindi -- sa kasalukuyan.

Pinasisilip kaagad ang manonood sa isang aspeto ng buhay ni Rizal (Cesar Montano), ang pagiging manunulat, habang masinop na inilalatag ang konteksto nito--ang kalagayan ng Pilipinas sa panahong iyon, ang pagmamalabis ng kolonyalismong Espanyol. Sa pagluluwal ng karakter ni Crissostomo Ibarra ng Noli Me Tangere at sa malaon, sa karakter ni Simoun sa El Filibusterismo (parehong si Joel Torre), ay ibinadya na ng pelikula na hindi karaniwan ang naratibo. Hindi inaasahan ang pagsasalabid sa paglalahad ng dalawang punto de bista -- ang isa’y sa paningin ni Rizal mismo (at sa pamamagitan ng pag-uusig ng kanyang abogado), at ang kabila’y sa pananaw ng kanyang mga akda.

Sa pagbaybay sa komplikadong buhay ni Rizal ay nagpakitang-gilas ang pelikula sa pagsasaliksik at biswal na detalye -- mula sa pagpasok ng batang Rizal (Dominic Guintu) sa BiƱan, sa pag-aaral niya ng medisina, sa mga eksena ng salu-salo ng Kilusang Propaganda, sa pagtatatag ng La Liga Filipina, sa mga eksena sa Dapitan, sa mga eksena sa piitan, hanggang sa pag-usal niya ng “Consummatum est” sa kanyang kamatayan. Pahahangain ang manonood sa sinematograpiya ni Rody Lacap at sa disenyo ni Leo Abaya. Takaw-pansin din ang katakut-takot na digital effects ng pelikula--ang mga gamu-gamo sa kuwento ni Teodora Alonso, ang “rekonstruksyon” ng mga lumang gusali, ang landscape ng Bagumbayan. Epektibo rin ang paggamit ng black and white para sa mga eksenang mula sa mga nobelang Noli at Fili.

Hindi rin naman pahuhuli ang musikang inilapat ni Nonong Buencamino--ngayon lamang marahil tayo makakapanood ng pelikula na sinaliwan ng Philippine Philharmonic Orchestra sa kabuuan nito.

Nakikipag-usap sa Espanyol, Aleman at Bisaya ang Jose Rizal sa pelikula. Ngunit hindi lamang ito ang dahilan kung bakit masasabing kahanga-hanga ang pagganap ni Cesar Montano--walang bahid “action star” ang kanyang Jose Rizal. Isang parada pa ng mga artista sa pelikula at teatro ang may papel sa “Jose Rizal”. Dahil na rin sa makatotohanang pagganap nina Peque Gallaga (bilang Arsobispo Nozaleda), Jaime Fabregas (bilang Taviel, abogado ni Rizal), Pen Medina (bilang Paciano, kapatid ni Rizal) at ng iba pa kahit na minor ang papel (Fritz Infante, Joel Lamangan, Gina Alajar, Tanya Gomez, Irma Adlawan, Olga Natividad, atbp.), ay tumingkad din ang ilang tila hindi komportable--parehong sa bahagi ng artista at manonood--sa mga tauhang kanilang ginampanan. Laging agit ang Andres Bonifacio ni GardoVersoza, parang beauty queen pa rin ang Teodora Alonso ni Gloria Diaz, hindi mukhang Josephine Bracken si Chin-chin Guttierez, hindi bagay na Maria Clara si Monique Wilson.

Hindi maaaring hindi pansinin ang hinabing iskrip nina Ricky Lee, Jun Lana at Peter Ong Lim. Napakahirap na trabaho ang epektibong pagdurugtong-dugtong ng lahat ng mabibigat na detalye sa pelikula. Nagawa rin ng trio na makapaglangkap ng ilang mga magagaan o kakatwang linya at eksena (halimbawa’y “katarungan ng tsinelas ” ang matitikman ng makulit at pala-tanong na batang Jose Rizal), upang higit na maging buhay ng isang tao--at hindi lamang basta buhay ng isang henyo--ang kuwento na inilalahad sa pelikula.

Ngunit hindi pa tapos ang listahan ng mga “hindi inaasahan.” Sa pelikula, paulit-ulit at sa iba’t ibang mga pagkakataon ay ipinakita ang mga kahinaan ng ating pinagpipitaganang pambansang bayani. Madalas umiinit ang ulo ni Rizal sa pag-uusig ng sinserong abogadong Espanyol. Alter-ego ni Rizal si Crissostomo Ibarra, ngunit pagtatakhan kung bakit sa totoong buhay ay hindi siya “naging Simoun”--kung bakit hindi siya pumanig sa rebolusyon.

Isa sa mga pinakamahusay na eksena sa pelikula ang paghaharap ni Rizal at Simoun sa bisperas ng kanyang kamatayan. Nang-uusig dito, hindi na lamang ang abogado kundi maging ang nilikha niyang tauhan: bakit hindi itinuloy ni Rizal ang pagpapasabog ng lampara sa Fili? Bakit hindi payag si Rizal sa lupigin ang mga Espanyol? Tama ang isinagot ni Rizal sa kanyang tauhan--masyadong personal ang mga dahilan ni Simoun upang mag-aklas. Ngunit malalim na pagmumuni ang iiwanan ng mabigat na tanong at mariing pagsusumamo ni Simoun -- bakit hindi mo ako baguhin? Sa ganitong hudyat, hindi na lamang “ang lampara” ang pinasabog ni Diaz-Abaya.

Sa pangkalahatan ay hindi na lamang ang suliranin ng paglalahad ng buhay ni Rizal o ang problema ng paglalahad ng kasaysayan ang pinagtangkaan na lutasin ng pelikula. Ambisyoso ang proyekto sa pagtatangka nito na itanghal ang sarili --ang pelikulang “Jose Rizal” mismo--bilang muhon sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

No comments: