Tuesday, February 07, 2006
Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas, 1998
MUOG NA BAKAL
Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas,
inihanda ng Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA)
Gelacio Guillermo, editor
Mahirap sukatin ang lawak at tatag ng Muog. Ito marahil ang unang pagtatangka na ilapat sa isang kalipunan ang lawak at tatag ng isa pang di-masukat na entidad - ang rebolusyon, o ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas.
Nasa ikatlong dekada na ang demokratikong rebolusyong bayan na inilunsad ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas o Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamamagitan ng armadong sangay nito, ang Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA). Nilalayon ng CPP-NPA na putulin ang mga ugat ng kahirapan at ng buktot na kaayusan sa bansa - ang imperyalismong Estados Unidos, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Armado ang pangunahing porma sa pagdidiin ng pambansang soberanya at pagtatanggol sa demokratikong interes ng sambayanan. Sa kanayunan, unti-unting winawasak ang mga pyudal na relasyon sa produksyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Bilang pinakamarami sa lipunang Pilipino, kinikilala ng CPP ang uring magsasaka bilang pinakamaaasahang alyado ng rebolusyon.
Sila ang balon ng kasapian ng NPA, at ang kanayunan ang kanilang malawak na tanggulan.
O muog at kuta, fort o bastion. Kung sa simula’y marami tayong hindi maunawaan na konsepto ukol sa rebolusyon, ito marahil ang una nating mamamalayan sa Muog: hindi mahirap ipaliwanag sa mahihirap ang kahirapan sapagkat sila mismo ang nakadarama nito. Kapag naging malapit ka na sa kanila, hindi na problema ang ipaliwanag sa mga magsasaka ang problema nilang pyudalismo. Ngunit totoong mahirap ang masangkot sa rebolusyon, buhay-at-kamatayang pakikibaka ito. Para sa mga dinarahas sa buktot na kaayusan, hindi abstrakto, hindi lang konsepto at lalong hindi lamang “puro dugo” ang digmaan. Sila mismo ang ipinagtatangol ng rebolusyong bayan, sila rin ang nagpapalawak at nagsusulong nito. Sa pamamagitan ng mayamang prosang tinipon mula sa pakikibaka - mga liham, talakayang-buhay, talaarawan, reportahe, panayam, parangal at paggunita, pabula, dagli, sugilanon, maikling kuwento, at bahagi ng nobela - ay binibigyang-diin ng aklat ang pagturing sa kanayunan bilang “pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkulturang muog na bakal ng rebolusyon.”
Pahaging sa introduksyon ni Gelacio Guillermo ang kahalagahan ng Muog sa kasaysayan ng Panitikang Pilipino. Bukod sa pagpapakilala ng bagong pormang gaya ng talakayambuhay o “panitikang saksi” (“Alyas Mario,” “Dolores,” atbp.), pinasisilip din ang mambabasa sa mga bagong pagpapahalaga at kulturang karakteristik ng kilusan: pagiging malapit sa masa, organisadong pagkilos, magiliw na pagturing sa “kasama” (comrade), pagkamuhi sa kaaway at iba pa. Sa isang seryosong larangang gaya ng rebolusyon, nagawa pa ring maglangkap ng katatawanan sa mga akdang “Temyo, Cleo at Banong,” “Magnanakaw” at “Ang Kagila-gilalas na Hapon ni Ka Goying.” Sa wika, pagpapayaman sa bokabularyong Pilipino ang pagpasok ng mga katutubong salita at terminong gaya ng bukatot at kitid sa “Palos;” bodong at sagang sa “Chagun.” Kapansin-pansin din sa kalipunan ang paglalangkap ng rebolusyonaryong nilalaman sa mga luma at tradisyunal na pormang “pampanitikan” gaya ng salidumay (“Ang Salidum-ay ng Fetad!”) ismayling (sa salaysay ng “Isa Ring Hukbong Pangkultura ang Bagong Hukbong Bayan”) composo (“Toto”) at maging ang pabula (“Ang Magkaibigang Alamid at Matsing at ang Masibang si Ahang.”) Ang mga ito’y makabuluhang mga ambag sa ating panitikan. Sa kabilang banda, ang ganitong paglalangkap ng abanteng kaisipan sa mga ritwal at pormang tradisyunal ay itinuturing naman ni Guillermo bilang simple ngunit makabuluhang pagbabago sa pang-araw-araw na buhay at kultura ng masa. Kung susuriin, ang introduksyon mismo ni Guillermo - sa pagtalakay nito sa mga katangian at mga tagumpay na naabot ng prosang mula sa kanayunan - ay isa ring napakahalagang dokumento ukol sa kasaysayan ng panitikan ng kilusan.
Dapat asahan sa Muog ang mga sulating hindi lang naglalahad ng aping kalagayan ng mga magsasaka sa isang pyudal na kalakaran. Makikita naman ito sa karamihan ng mga naratibo - matalas ang paglalantad sa tunggalian sa uri (class struggle). Sa kaso ng kanayunan - sa pagitan ng malaking panginoong may-lupa, asendero-komersyante-usurero at ng maliliit na magsasaka, manggagawang bukid, at sakada. Sa mga kuwento ay matutunghayan ang partikularidad ng pagsasamantala sa iba’t ibang lugar sa bansa, kasabay ng pagbibigay-paliwanag ukol sa ugat ng gayong kaayusan. Pinapatagos sa mga sulatin ang pagsusuri ng pambansa-demokratikong kilusan - ang mala-pyudal at malakolonyal na balangkas ng lipunang Pilipino.
Pinakamatagumpay ang Muog bilang “buhay” na dokumentasyon ng digmang bayan. Ang mga sulatin ay mula sa mga NPA mismo, mga kadre ng Partido, mga manggagawang pangkultura, mga aktibista, at maging ng mga premyadong manunulat na tulad nina Ricky Lee at Jun Cruz Reyes. Matapat ang paglalahad ng mga akdang mula sa punto de bista ng Pulang mandirigma. Dahil dito’y madaling nagkaroon ng hugis ang mga salitang “tambang,” “reyd” at “engkwentro” na higit sa malabo at kalakhang negatibong larawang ipinipinta ng mga report sa radyo, dyaryo o midyang kontrolado ng estado at malalaking korporasyon. Ang armadong pagkilos at ang pagkakaroon ng mga NPA ay matiyagang ipinaliliwanag sa masa. Halimbawa nito ang “Blood-brothers,” kung saan ang panimulang “stick ED” (educational discussion o pagtalakay sa isyu nang gamit ay patpat: “the rich stick being propped-up by the AFP stick and Marcos...”) ay humantong sa mutwal na pagtatanggulan at pakikipagsanduguan ng mga NPA at B’laan.
Maraming akda ang naglalarawan sa lubos na pagkagagap at pagsuporta ng masa sa armadong rebolusyon. Matingkad ang pagtalakay ng mga ito sa pasya ng masang magsasaka na ipagtanggol ang sariling kabuhayan kasama ang interes ng sambayanan - sa paglahok nila sa mga organisasyong masa, kundi man sa hukbong bayan mismo (“Karaniwang Tao ang Nagiging Kawal”). Makikita rin sa mga naratibo ang programang ipinapatupad sa rebolusyong agraryo - halimbawa’y sa “Sa Kabisayaan: Si Ka Luming, ang Rebolusyong Agraryo, at ang Armadong Pakikibaka,” at sa panayam na “Reaping the Grains of Success.”
Ikagugulat marahil ng ilan ang mga bagay ukol sa mga NPA na matutuklasan sa Muog. Halimbawa’y ang maayos na pakikitungo sa mga nahuling sundalong militar sa “Ang Mga Bihag” at “Tungkol sa mga POW (Prisoners of War).” Ipinakita sa “Trekking the Rugged Trails” ang pag-igpaw sa mababang pagtingin sa kababaihan. Pagsilip sa kasal-NPA ang “Romance in the Hills” at “Ang kasal nina Ka Amante at Ka Laura.” Sa “A Bubbling Discovery,” paggawa ng sabon ang proyektong pangkabuhayan na inilunsad ng mga pulang mandirigma sa Cordillera. Isang magsasaka naman ang matagumpay na inoperahan ni Ka Erning, isang dating sastreng protege ng medical team ng NPA, sa “Caring for the People.” Pinatitingkad ng mga sulatin ang itsura’t damdamin ng mga walang-pangalang NPA - ang mga pisikal at ideolohikal na pagbabago, mga takot, galit, pag-asa, at pananalig sa pagbubuo ng isang lipunang walang pagsasamantala.
Walang pang dokumentong papantay sa personal na damdamin at mga aktwal na karanasan sa digma na pinatatangkaang saklawin ng Muog. Mula sa mga taong bahagi at naging bahagi ng kilusan, mas mauunawaan ang kanilang personal na pagkiling sa mga prinsipyo, mas maiintindihan ang halaga ng sama-samang pagkilos. Kung para lamang ipaunawa ang mga tunguhin ng pambansa-demokratikong rebolusyong Pilipino sa paraang pinakamalikhain at pinakamalapit sa puso ay tunay ngang hindi matitinag ang Muog.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment