Tuesday, February 07, 2006

Still Lives, pelikula ni Jon Red; Motel, pelikula nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, 1999


Pelikula at Lipunan

Still Lives ni Jon Red
at Motel nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas

Mga pelikulang digital, 1999

Kasama kong nanood ng bagong short film ang kaibigang Film major. Paglabas namin sa sinehan, magkahalo ang reaksyon namin sa panghihikayat ng isang kaibigang kartunista:

“’Gawa rin kayo ng pelikula!” Sabi niya.

Madali na nga naman ‘yan ngayon, kaya optimistiko. Kasi naman, meron nang digital camera at kung anu-ano pang gadget/gaheto na nagpapaginhawa sa buhay natin. Ang kaso, kahit nga ang mga cellphone namin ng kaibigan kong Film major ay mga lumang modelong pinagsawaan lang ng mga kamag-anak. Tapos digital camera?

Alternatibo

Noong 1983, nang magsimulang gumawa ng pelikula ang aming kaibigang kartunista, P150 lang daw ang ginagastos niya sa film at pagpapaproseso ng 3-minutong pelikulang kuha sa 8mm o Super 8. Nang lumaon, sa dulo ng Dekada ’80, dumami ang tulad niyang nagka-interes sa paggawa ng maiikling pelikula. Umeksena ang “alternative cinema” sa sirkulo ng mga artist, kung saan nagsimula bilang mga “independent filmmakers” ang gaya nina Ian Victoriano at Raymond Red (na lumikha rin ng mga komersyal na pelikulang Bayani at Sakay, at nagwagi kamakailan ng Palm d’Or sa Cannes para sa shortfilm na Anino ). May mga institusyong sumuporta sa eksena, gaya na lang ng workshops ng Mowelfund, mga pasilidad ng PIA, at ang taunang Gawad CCP na nagsimula noong 1987.

Mula sa produksyong teknikal at artistiko hanggang sa paghahagilap ng pinansya, kalakhang “independent” ang filmmakers na ito. Kaya karaniwan sa kanilang mga pelikula ang temang personal at estilong eksperimental – “alternatibo,” kumbaga, sa komersyalisadong pormula ng Hollywood o ng lokal na industriya.

Kasabay lang siguro ng pagpatok ng cellphone – ginamit naman ng alternatibong cinema ang teknolohiyang digital para sa paggawa ng pelikula. Sa pamamaraan at midyum na mas mura at mas madali, nalikha ang mga pelikulang nasa format ng digital video, o ‘yung tinatawag ng ilan na “filmless films.”

Dalawa sa mga pelikulang ito ang Motel, isang trilohiya nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, at Still Lives ni Jon Red (a.k.a. Juan Pula). Tulad ng mga kahanay nitong alternatibong pelikula, independent ang produksyon ng mga ito, low-budget, at eksperimental pa rin ang tirada. Ngunit katulad ng komersyal na sine, ang dalawa ay may “tiyak na iskrip at kwento,” – full-length, at gumamit pa nga ng ilang sikat na artista.

Still Lives


Iisa ang anggulo ng kamera sa Still Lives ni Jon Red. Parang sumisilip ang mga manonood mula sa loob ng isang salamin. Mula rito’y masisipat ang tagpo -- isang bungalow na may mesa sa gitna, mga upuan, tanaw ang banyo, tanaw ang pinto. Pinasisilip tayo ng pelikula sa “pugad ng mga operasyon” sa huling araw sa buhay ng isang druglord (Ray Ventura). Nagpaparada ang mga tauhang kasalamuha niya sa iisang tagpong ito – ang pinagkakatiwalaan niyang bata (Noni Buencamino), ang “iniligpit” na taksil (Allan Paule), ang bata niyang kabit (Ynez Veneracion), ang baklang kaibigan ng kabit (Chris Martinez), ang kanyang anak, mga kostumer na dyipni drayber, estudyante, ang pulis/imbestigador na “liligpit” sa kanilang lahat (Joel Torre), at siyempre, ang adik (Soliman Cruz).

Iisa lang ang anggulo ng kamera, ngunit hindi kabagut-bagot ang naging daloy ng naratibo. Kahit iisa ang anggulo, hindi kronolohikal at linyar ang pagkukwento -- nagbabago ang kulay at ilaw ng iisang tagpo sa mga salaysay na nagmumula sa iba’t ibang punto de bista. Ipinapakilala ang mga tauhan sa pamamagitan ng mga dramatikong sitwasyon, estilong testimonyal, reportahe, “dokumentaryo” at maging komersyal na anunsyo. Namaksimisa ang mga bentahe ng midyum na digital, na makikita sa mga effects ng pelikula. Gayunman, sumusulpot ang mga tanong sa detalye ng karakterisasyon ng ilang tauhan. Dinala naman ito ng mahusay na pagganap ng mga aktor na karamiha’y beterano na sa teatro at pelikula.

Sa pelikula, isinasalarawan ang buhay ng mga “lumpen” o latak ng lipunan bilang “still. ” Maaksyon ang buhay ng anti-sosyal na lumalabag sa batas, ngunit ipinapakita pa rin ito bilang “hindi gumagalaw,” gaya ng ipinapahiwatig ng nag-iisang anggulo ng kamera. Patung-patong na pahiwatig ang maaaring makuha mula sa estilong ito – nariyan din kasi ang alusyon ng pelikula genre na “still-life”sa sining biswal at pagpipinta. Sa “still-life painting,” paksa at idinidetalye ang mga bagay na hindi buhay, gaya ng mga prutas o plorera. Isa sa mga dahilan ng pagiging tanyag ng “still-life” sa Europa ay ang pagdami ng “middle class” na naghahanap ng “sining na pandekorasyon sa tahanan.”

“Masining” – ngunit mapanganib din -- ang estilo ni Red, kung ilalapat ang alusyon sa alternatibong cinema ng Ikatlong Daigdig, lalo pa’t sa isang pelikulang pumapaksa sa mga buhay na ayaw pag-usapan ng mga awtoridad at kinauukulan. Siguradong hindi “pandekorasyon” ang buhay ng mga lumpen sa Still Lives -- makapangyarihang komentaryo ito. Pero dahil walang paggalaw sa pagpapakilala sa mga tauhan, hindi matalas ang karakterisasyon ng magkakatunggali – kahit ang pagpapakita ng interes ng pulis at pusher sa tunay na buhay. Sumisilip ang mga manonood sa Still Lives, pero hindi tanaw ng manonood ang “nasa labas” kaya parang walang alternatibo.

Motel

Gaya ng sinasabi ng pamagat, umiikot ang kwento ng tatlong maiigsing pelikula sa Motel – ang ”makukulay na gusaling magkakadikit sa Pasig, Pasay, at Sta. Mesa.” Kolaborasyon ito ng tatlong filmmaker, ngunit mas mainam itong tingnan bilang tatlong magkakahiwalay na pelikula. Sa “unang kwarto,” paksa ang obsesyon at delusyon sa “My Boy Lollipop” ni Ed Lejano; “Gabing Taksil” ang kwento ng pagtuklas ni Chuck Escasa sa ikalawa; habang ang huling kwarto ay nakareserba naman sa mga kagilagilalas na pakikipagsapalaran ng isang “Desperado” sa pelikula ni Nonoy Dadivas.

Maselan ang mga paksa at sitwasyon sa pelikula ni Lejano. Hindi kronolohikal ang paglalahad ng kwento -- halatang “aral” ang mga biswal na “device” at metapora sa pelikula (ang direktor ay guro sa Film Department ng UP). Sa kabila nito, naging insensitibo pa rin ang pelikula sa paghawak ng conflict o tunggalian ng kwento. Ginawang karaniwan at para bang “inaasahan” ang pagguho ng homosekswal na relasyon ng isang “playboy” na talent scout at ng kanyang “faithful partner.” Susundan ng huli ang playboy sa motel, at dito sila magtutuos. Mahuhuli niya ang karelasyon na may kasamang bangag at menor de edad na babaeng talent -- na sa dulo ng pelikula ay maaatrasan pa ng kanilang kotse at itatambak sa bangin. Seryoso, sadya, at walang pahiwatig na sarkastiko ang paghahalu-halo ng mga kawawang tauhan sa kawawang kwentong ito. Pinalala pa ito ng mga alusyon sa Madame Butterfly, ang pinakapalasak na simbolo para sa kamartiran sa kasaysayan ng mga pelikula at dula na nahuhumaling sa Kanluran, kamachohan, at kaburgisan.

Naging mapaglaro at magaan naman ang dalawang sumunod na pelikula. Isang “Gabing Taksil” ang naranasan sa Valentine’s Day ng bidang si Bogs, isang binatilyo na sa unang pagkakataon ay “makikipagdeyt sa motel” sa kanyang sintang dalagita. Magsisimula ang pelikula sa palengke – halu-halong imahe sa karnehan, pwesto ng mga tulya at iba pang tindang kung hindi sariwa ay malansa – at magtatapos sa pagtuklas ni Bogs na hindi na pala birhen ang girlpren na si Alma. Magaan ang pagtalakay ng pelikula sa mabibigat na isyu – iniwan nito sa manonod ang resolusyon, at maging ang interpretasyon sa wakas ng kwento. Maaaring artistiko, ngunit maaari ring pag-iwas at “pagtataksil” sa pagbibigay ng malinaw na komentaryo hinggil sa mga isyung inilalahad ng pelikula.

Komedi ang “Desperado” ni Nonoy Dadivas. Mula sa panimulang eksena sa motel, ibinabalik ng pelikula ang mga mas naunang sitwasyon, at ipinapakilala ang mga tauhan. Ang kwento ay isinalaysay mula sa punto de bista ng bida, si Ely (binigyang-buhay ni Tado Jimenez), computer technician na desperadong “maka-iskor” pero napipigilan dahil sa kanyang “itsura,” at dahil sa itsura ng kanyang kapaligiran – sa isang malupit na lungsod, kasa-kasama niya ang kanyang macho at babaerong Boss J; may pagnanasa at awa siya sa asawa ng kanyang Boss, ang maganda at domestikadong si Daisy; ayaw naman siyang paunlakan ng kapitbahay na seksi ngunit mataray. Matapat at epektibo ang pangkantong lengguwahe at “soundtrack” na ginamit ng pelikula. Napalusot nito ang komentaryo sa hindi-katawatawang kabulukan ng lungsod sa pamamagitan ng walang-puknat na pagpapatawa.

Relasyon ang paksang hindi maiiwasan ng bawat pelikula – homosekswal sa “My Boy Lollipop;” sa pagitan naman ng dalawang “inosente” sa “Gabing Taksil.” Paimbabaw ang kontekstong inilatag ng dalawang naunang pelikula, ngunit isang malaking litrato ng Kamaynilaan ang isinasalarawan ng “Desperado.” Kasama rito ang mga tao, kalsada’t struktura na parang nakikipagkuntsabahan sa pagsasala-salabid ng mga relasyon – at pananaw, lalo na sa kababaihan – na inilalahad ng pelikula.

Pagpipilian

Dalawa lang ang Still Lives at Motel sa mga pelikulang nakapagpino na sa eksperimentasyon, at naka-igpaw sa napakapersonal na mga paksa ng “alternatibong” pelikula sa bansa. Para sa mga estudyante ng pelikula o para sa mga simpleng tagasubaybay at tumatangkilik sa eksena, magandang balita na tumatalakay na ng mga “di-abstraktong” paksa ang mga pelikulang ito. Siyempre, hindi naman mawawala ang personal na pananaw at estilo ng direktor; pero totoo ring marami pang mga isyu sa sining at lipunan – at usapin gaya ng distribusyon ng yaman at access sa teknolohiya – na kailangan ding talakayain at solusyunan.

Samantala, tuluy-tuloy lang ang paggawa ng bagong pelikula at paghahain ng alternatibo sa mga sineng nakasanayan. Para kahit hindi pa rin kami makagawa ng pelikula ng kaibigan kong Film major, marami pa ring pagpipilian.

1 comment:

Anonymous said...

uy rebyuwer! 1999... grabe halos 7 taon na pala ang nakalipas.pero kung rerebyuhin ulit ang mga pelikulang ito ngayon, malamang ganito rin ang mga ipupunto mo.

nga pala, nanakawan akong cellphone.

-- ang kaibigan mong (dating) Film major