Pagbabalik sa Azucarera
Laganap ang bulung-bulungan
Tungkol sa diskontento ng mga manggagawa.
Kung anuman ang balak nilang gawin
Ay hindi pa alam, pero sila’y di matahimik.
- mula sa tulang “Laganap ang bulung-bulungan” ni Gelacio Guillermo
Hindi pa sapat ang lingguhang pagtataas ng presyo ng langis at nakaambang VAT. Kamakailan ay nagtaas naman ang presyo ng bigas. Gayundin, dalawang piso ang itinaas ng presyo ng isang kilo ng asukal. Ngunit ayon sa DTI, hindi langis kundi ang patuloy na di-pagkakaintindihan sa Hacienda Luisita ang dahilan. Waring ipinapaalala sa atin na hindi pa nga tapos ang laban ng mga welgista.
Masaya si Gelacio Guillermo nang pumutok ang balita ng welga sa Luisita noong huling bahagi ng nakaraang taon. Si Gelacio o “Tsong Gelas”, 65 taong gulang, ay madaling makita sa laylayan ng mga unibersidad, may pinupulutang diskusyon kasama ang kanyang naglipanang mga kapanalig at “pamangkin”. Ngunit sa mga unang gabi ng welga, agad siyang sumakay sa isang bus patungong Tarlac: amoy-serbesa, ayon sa estudyanteng nakasakay niya. Ang nakamalas sa kanya ang siya ring nagtanong:
“Saan kayo pupunta, Tsong Gelas?”
“Sa welga sa Hacienda Luisita.”
“Bakit pa ho, e gabing-gabi na?”
Sapagkat nito lamang nasaksihan ni Gelacio Guillermo ang ganitong klaseng militansya mula sa mga manggagawa at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita. Isang tula mula sa kanyang koleksyong Azucarera, ang “Dalaw,” ang madaling sasagi sa alaala: Tinitimpi namin ang sarili, kahit walang pagtitimpi. / Sa pagbagtas sa daang ito, nag-iisa, sa dilim,/ Anak akong dumadalaw na walang tuwa.
Paano ngayon ilalarawan ang pakiramdam ni Tsong Gelas sa kanyang dalaw sa piketlayn sa Luisita, sampung taon matapos ilimbag ang Azucarera? Si Guillermo, na mas kilala bilang makabayang makata, manunulat at kritiko ay ipinanganak at lumaki sa Barrio Obrero, Central Azucarera de Tarlac noong 1940.
Unang inilimbag ang kanyang librong Azucarera: Mga Tula sa Pilipino at Ingles noong 1994. Ang bagong koleksyon ay pagsaludo sa mga welgistang upisyal at kasapi ng CATLU at ULWU, mga unyon sa Luisita. Muling inilabas ni Guillermo ang Azucarera, sa limitadong bilang ng kopya sa tulong ng “limbag xerox,” at pagpapalaganap sa pamamagitan ng paglalako at mga kaibigan, nito lamang nakaraang buwan.
Walang bagong tula si Guillermo sa Azucarera 2005. Nilalaman nito ang labing-apat na tula sa Ingles na lahat ay may salin sa Pilipino. Ang bago rito ay ang pagkakasalin ng ilang tula sa Ilokano, Hiligaynon, Pranses, Dutch at German. Kabilang din sa koleksyon ang titik at pyesa ng martsang “Araw ng Manggagawa” na isinulat ni Guillermo at nilapatan ng musika ni Billy Guerrero noong 1978.
Ang mga tula sa Azucarera ay mga tula kung kailan ang welga ay mga “bulung-bulungan pa lamang.” Ang koleksyon ay madilim at halos malagim na paglalarawan ng paghihikahos, na lalong nagiging nakapangingilabot at makatotohanan sapagkat nagmumula sa husay at sinop ng isang makatang anak mismo ng Luisita. Ipinipinta ang ganitong pagkalugmok sa tulang “Azucarera”: Bagamat ang braso ng aming ama at kapatid…/Ang nagpapabago ng mga panahon / Ang nagbibigay-dangal sa pawis at dumi…/ Tinitiis ng kanilang mga asawa ang kabuntisang walang kulay, / Namamatay sa kahihiyan ang kanilang mga anak o tumatakas, / Sila mismo’y naghihintay ng pagtanda na naghihingalo.
Tumatangis ang tulang “Tatay,” Pinanday mo ang bakal /Hanggang naging sintigas ng bakal / Ang iyong mga kamay, / Ngunit para sa iyong palad, / Isang butil ng asukal. At sa “Pandisal”: Ito ang tinapay ng umaga. Gawa ito sa anong hikbi / Ng gutom, Pagtubog sa madilim na lungkot ng kape, / Nalulusaw ito para maging pagkain… Gayundin, ang kalagayan ng uring tinatadyakan at inaalipusta ay maingat na isinasalarawan ng mga tulang “Nasaan sa marusing na mukhang ito” at “Damit ng trabahador.”
Halos walang inilalarawang militansya ni pagtutol sa koleksyon, sa simpleng dahilan na sa mundo ng azucarera na nakagisnan ni Guillermo, ito ay halos wala. Halos, sapagkat laging naroon ang pang-aapi at pagsasamantala na laging nagluluwal ng kung anong pagbabanta. Ang mga tula ay naglalahad, ngunit naglalantad din ng relasyon sa pagitan ng abang mga trabahador at ng senyorito’t senyoritang asendero. Walang militanteng pagkilos, ngunit ito ay ibinabadya sa tema ng tulang “Laganap ang bulung-bulungan,” na may rurok sa makapangyarihang tulang “Kung kami’y magkakapit-bisig.”
Ang umaalimpuyong pang-uusig ng mga tula ay nagkaroon lamang ng katuparan matapos ang sampung taon. Ito’y nabigyan ng buhay at hugis sa ipinamalas na tapang at pagkakaisa ng mga welgista sa Luisita. At ang konteksto ng kasalukuyang nagaganap na welga sa Hacienda Luisita, ang siyang pinakabagong maihahandog ng koleksyong Azucarera ni Guillermo.
Noon, ang mga nakapagbasa ng Azucarera ay maaaring humanga lamang sa husay ng mga tula, sa pinagsamang talas at kinis ng pagtula sa dalawang lengguwahe (na maaaring hanggang sa ngayon ay si Guillermo lamang ang nakagagawa). Ang nakapagbasa ay maaaring namulat sa kalagayan ng isang hacienda, nagngalit at maaaring nagbuhos ng kaunting luha. Sa kasalukuyan, ang muling pagbabasa at pagbabalik sa Azucarera ay isang bago at naiibang karanasan. Ang kaunting luha ay maaaring maging hagulgol. Ngunit hagulgol dahil lamang sa kasiyahan, sa pagpupugay para sa mga tula ng pagdarahop at pighati na nakatagpo ng katuparan. Isang napapanahon at nararapat na pagsaludo para sa mga ama at kapatid na patuloy na nakikihamok para sa katarungan.
No comments:
Post a Comment