Tuesday, February 07, 2006

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan, tinipon ng KM64, 2004


Bagong Buhay

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan
Koleksyong tinipon ng Kilometer64

(http://www.yahoogroups.com/kilometer64)

“Tanging sa ating pagkilos sila mananatiling buhay,” pangwakas ni Gelacio Guillermo sa koleksyong Kwarenta ng Kilometer 64, at ang wakas na ito ay nagbabadya ng isang masiglang panimula. Ang koleksyon ay tila agunyas para sa mga aktibistang nangamatay ngunit ang inihuhudyat nito ay panibagong buhay at sikad sa makabayang panulaan.

Itinaon sa okasyon ng ika-apatnapung taon ng pagkakatatag ng Kabataang Mabakayan (KM, Nob. 30, 1964) ang paglalabas ng Kwarenta ng grupong Kilometer64 (KM64). At ito’y hindi simpleng pagbibida sa galing at giting ng halos magkatukayong organisasyon. Sa pagpupugay sa mga kabataang nagbuwis ng buhay para sa pambansang demokrasya at kalayaan, ang KM64 -- bagamat isa lamang “malayang kulumpunan ng mga kabataang makata sa cyberspace,” -- ay tumutupad sa isang napakahalagang tungkulin ng makata sa lipunan.

Pinagtatangkaan ng Kwarenta na sumahin ang apatnapung taong kasaysayan ng kabataang aktibismo. Sa pamamagitan din ng koleksyon ay pinagtatagpo ang dalawang henerasyon ng mga martir at makata. Sa pagtaimtim sa mensahe ng mga pahina ng Kwarenta, malaki ang aral na mapupulot kapwa ng mambabasa at ng KM64 mismo na siyang nagtipon ng mga tula para sa koleksyon.

Sa pangkalahatan, maiiwan sa mambabasa na buhay na buhay ang buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Luwal nito ang napakaraming dakilang martir na muli’t muling binubuhay ng makabayang panulaan sa nakaraan at kasalukuyan. Sa gayon, inaanyayahan, kundi man ina-agit ng mga tulang ito ang mambabasa na “tanganan ang naiwang sandata ng mga nabuwal na martir.”

Isang mahalagang tungkulin ang magsulat tungkol sa mga martir ng rebolusyon. Ang pagtalima dito ay isang marangal na motibo. Gayunman, mahalagang matutunan ng mga taga-KM64 ang pagsasaalang-alang sa epekto – sa mga damdamin at ideyang hatid at iniiwan ng mga tula sa awdyens o mambabasa. Ito kung gayon ay pagiging sensitibo sa panlipunang praktika o pagkilos na iaanak ng bawat tula.

Hindi na maikakaila pa ang pagiging pulitikal ng pagtalima sa ganitong tungkulin. Dapat na lamang tiyakin ng KM64 ang kawastuhan at talas ng kanilang pagtangan sa napiling pulitika -- na hindi na rin maikakaila pang makabayan, kung hindi man tahasang kaliwa. Nangangailangan ito ng balanseng sensitibidad sa motibo at epekto sa paglikha at pagpapalaganap ng mga tula.

May malaking epekto sa paghahatid ng mensahe kapwa ang anyo at nilalaman. Interesante ang binabanggit ni Guillermo hinggil sa “tinig” ng makata. Sa halip na magparangal at manghimok, maaaring taliwas ang epekto ng mga tulang halos “nag-aawtopsiya” sa bangkay ng martir; o di kaya’y yaong nagsisiwalat ng bulag at nakaririmarim na paghihiganti. Kakila-kilabot din ang epekto ng mga tulang may tonong sampay-bakod -- yaong naglulunoy sa lungkot, yaong nagiging pasibo, yaong pantastiko, o di kaya’y may mga panawagang abstrakto sapagkat maaaring ang makata mismo ay tila takot o nalilito. Hindi ito dapat ipagkamali bilang “matulain,“ at hindi dapat isalin sa mambabasa ang takot at kalituhan. Samantala, menor naman ang suliranin ng ilang tula sa pagpili ng angkop na mga alusyon, simbolismo at imahe upang mapanatiling matikas ng tinig ng makatang nagbibigay-parangal.

Sa pagpasada sa mga tula sa Kwarenta, malaki ang matututunan ng kabataang makata ng KM64 sa antas na inabot ng husay, sinop at sinsin ng makabayan at rebolusyonaryong tula na iniluwal ng Unang Sigwa ng 1970, at mula sa “andergrawnd” o yaong isinulat sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan o NPA mula noon hanggang ngayon.

Laging kailangang banggitin ang “Enrique Sta. Brigada, Paghahatid sa Imortalidad,” ang huling tula ni Amado V. Hernandez. Dito, si Hernandez na kilalang makata (hinirang na Pambansang Artista nang siya’y patay na) at lider-unyon ng mas nauna pang henerasyon ay pumapanig sa bago at rebolusyonaryong panawagan na inihudyat ng Unang Sigwa.

Hindi maaaring mawala ang taginting nina Domingo Landicho, Bienvenido Lumbera, at Jesus Manuel Santiago sa pagpaparangal sa henerasyon ng mga tulad nina Emmanuel Lacaba at Lorena Barros. Pansinin ang kapayakan ng mga pahiwatig na tiyak na umaantig sa tula ni Landicho: “Unang alay/unang mithi…/Huwag pagupo sa dahas/ Huwag pagapi sa hapis…” Ang tulang ito na nilapatan ng musika sa isang dula ay popular pa rin sa mga pulong-parangal sa loob at labas ng mga sonang gerilya hanggang sa kasalukuyan.

Mapapansin din ang kaibhan ng tinig ng mga nag-andergrawnd na sina Ruth Firmeza, Jason Montana, Kris Montanez at mismong si Lacaba na martir na “kumopo” ng pinakamaraming tulang-parangal sa koleksyong Kwarenta. Sa mga tula ni Firmeza, kapansin-pansin ang paggamit ng lengguwahe ng masa sa eryang kanyang kinilusan (Ilokano), bagay na nagpapahiwatig na ang mga tulang ito ay hindi lamang para sa martir, kundi para tangkilikin din ng masa.

Ang tulang “Sa Alaala ni Nick Solana” ay masasabing naiiba maging sa ilang mga tula na isinulat ni Lacaba bilang NPA. Makikita rin dito ang transpormasyon ng lengguwahe at imahe ni Lacaba. Gayunman, hindi ito katulad ng mga tula niyang para sa kapamilya o kapwa-makata sa lungsod na may mga alusyong maaaring hindi angkop kung ang kausap niya ay kapwa-NPA o ang masa.

Ganito rin ang direksyon ng pagtula ng mga bagong makata sa andergrawnd gaya nina Mateo Marta, Ting Remontado at Sonia Gerilya. Ihambing sa tinig ng mga tulang “Punlo ang Kakalag sa Gapos ng Bayan” ni PD Rayos: “Disyembre, Ka Lirio, nang humawak ka ng armas, / Sa Hukbo ng Baya’y sumanib kang buong gilas.” – ito’y madaling bigkasin, itanghal at tangkilikin.

May sariling liga ang tulang “PULANG KANDILA” ni Bonifacio Ilagan. Ito’y bagong tula (2002) para sa kapatid na desaparecido mula 1977. Marubdob na damdamin ang hatid ng mariing retorika ng mahabang panahon ng paghahanap sa katarungan: “DI KO NA BINIBILANG ANG MGA TAON./ BASTA’T TUWING KAARAWAN MO, NAGSISINDI AKO/NG PULANG KANDILA.”

Ang pagkatuto ng KM64 mula sa karanasan ng sariling proyekto ay hahantong sa mas masiglang paglikha at pagpapalaganap ng mga tula. Ang regular at napapanahong publikasyon ay hindi na lamang nagiging kapritso, kundi pagtugon (gaya na lamang ng bagong proyekto ng KM64 para sa Hacienda Luisita; o para sa malaong pagpapabagsak sa isa na namang tiwaling rehimen.) Marami pang aktibidad na magpapasigla sa KM64, gaya ng palihan o workshop, talakayan at forum, pagmamaksimisa sa publikasyon sa internet, “peryodikit,”pagtatanghal sa lugar-publiko, piketlayn at iba pa. Gayunpaman, walang kapantay ang pagpapanday ng paglikha, pagpapalaganap at panunuri sa tula sa pamamagitan ng tuluyang pagsanib ng makata sa daluyong ng kilusang masa.

Sa ganito ang Kwarenta ay nagiging panandang-bato ng isang maningning na simulain, at hindi isang lapida ng kanonisasyon na ang layunin ay maibilang ang sarili sa hanay ng mga “dakila” (martir man o makata). Panahon ang humahamon sa KM64 upang maging mapangahas, at hindi na mangimi pang gamitin ang tula – para sa propaganda kung para sa propaganda – upang harapin at tupdin ang panlipunang responsibilidad ng makata.

No comments: