Wednesday, February 08, 2006
Lonely Table, eksibit ni Nunelucio Alvarado, 2005
PANGLAW AT KRISIS
Lonely Table
Eksibit ng mga peynting at drowing ni Nunelucio Alvarado
Penguin Café, Malate
Abril 15 – Mayo 15, 2005
Masisidhing iskema ng kulay. Solido’t maririing balangkas. Kakatwang mga anggulo. Abstrakto’t simbolikal na mga pigura ng tao na sukat nagiging totoo sa bisa ng panlipunang paksain at paninindigan ng mga ito. Klasikong Nunelucio Alvarado.
Sa “Lonely Table,” ang pinakahuling eksibit ng mga peynting (oil/acrylic) at drowing (pen & ink) ni Alvarado sa Penguin Cafe, Malate, tampok ang gayak at hugis ng panglaw. Kada pusong ligaw, isang lamesa’t isang kuwadro; kada damdaming ngimay, isang solitaryong debuhong animo’y binartolina (kundi ma’y inilagak sa ataul). Ibinibinbin ni Alvarado ang kanyang indibidwal na mga tauhan sa masugid niyang pagsipat sa masalimuot na katuturan ng pagkakatiwalag (alienation) ng tao.
Sa unang malas, tila ang “unibersal” na pangungulila ng indibidwalidad ang sinisiyasat at itinatanghal. Ano ang likas na ubod ng kalungkutan? Sa anong wagas na disenyo’t mahiwagang sumpa umiiral ang tao?
Gayunma’y matagal nang di musmos ang sining ni Alvarado, at para sa kanya, hindi na ito ang mga panukalang kagyat at lubhang mahalagang bunuin. Hindi sa nakaliliyong pamimilosopo sa matayog na kahulugan ng buhay lulumulutang ang mga kambas ng Ilonggong pintor. Bagkus, at sa huling pagsusuri, mariin pa ring nakaangkla ang mga ito sa materyal, panlipunan at maka-uring mga usapin bilang salalayang mga salik ng personal na hinagpis.
Pansinin, halimbawa, ang sakada sa “When the Smoke is Going Down.” Bakit tila namanhid na sa pakikipag-usap sa sarili ang naninigarilyong manggagawang-bukid? Kayraming paliwanag ang nakakubli— marahil sa ulo, ilong at bibig ng sakadang nakabalot sa kamisetang pula; o kaya’y sa kanang mata niyang saklot ng lambong. Kayraming kadahilanang hindi isinasalarawan. Liban na lamang, syempre pa, sa lantad na kadahilanang larawan nga ito ng isang manggagawang-bukid.
Hindi iwinawaksi sa ganitong pakahulugan, gayunman, ang mga saloobing sikolohikal at pasaning emosyonal ng indibidwal na sakada. Lamang, sa payak na ikonograpiyang ito, hindi kalabisan kung igigiit na ang kanyang samu’t saring saloobi’t pasani’y walang ibang iniinugan kundi ang kanya mismong pagiging dustang manggagawang-bukid, ang kanyang pagiging walang-ngalang representasyon ng uring anakpawis. Dito, nauupos ang sigarilyong tangan gaya ng isip na tulala sa upos na kabuhayan.
Samantala, may palasak na naratibong di maiiwasang mabuo kung itatambal ang “Gaaso-aso Nga Kape Kag Mainit Nga Monay” (Umaasong Kape At Mainit Na Monay) sa “Lutaw Sa Panagod” (Lutang sa Baha).
Sa unang larawan, may dalanging alay ang bagong-gising na manggagawa sa kape at tinapay. Para sa nagbabanat ng buto, ritwal ng pasasalamat ang almusal, gayong himala’t siya’y buhay pa at ngayo’y sapat na ang anumang sustansiyang nakahain upang kaladkarin ang sarili pabalik sa tarangkahan ng pinagtatrabahuhan.
Sa ikalawang tagpo, matapos ang kung ilang oras na pagkayod, alimura na ang sumbong ng obrero sa bote ng serbesa— kaltas sa sahod, kuwentada ng bayarin, banta ng tanggalan. Para sa sahurang alipin, sadyang nakapapasma sa ulirat ang gabi.
Kahalinhinan lamang, kung gayon, ng kape’t tinapay ang serbesa, gaya ng paikid na salimbayan ng nagbabawang pag-asa’t timitinding trahedya ng krisis.
At gaya ng inaasahan, walang ibang duduluhan ang ikid ng salaysay ni Alvarado kundi ang “Kapyot Sa Patalom” (Kapit Sa Patalim). Isang magsasaka, maringal sa balabal niyang asul at sa salakot na tila hinabing palay, ang nakaambang makihamok. Mistulang asero ang pulang bisig na batbat ng litid. Tikom ang bibig at kamaong mahigpit ang tangan sa pilak na punyal.
Masidhing imahe ito ng uri, walang duda; isang makutiltil na pagdaranas sa bingit ng kawalang-pag-asa sa isang banda, at ng katiyakan ng paglayang ipinapangako ng pagbabalikwas sa kabilang banda. At dito, tahasa’t ganap nang lumalabas sa diskurso ng pansumandaling panglaw ng indibidwal si Alvarado tungo sa radikal na pagdalumat sa kasaysayan at lipunan. Nagiging diyalektikal ang pagmumuni-muni, nagiging materyal ang dalangin. Nagiging pangkasaysayan ang temporal, nagiging panlipunan ang personal. Klasikong Alvarado.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Great insight...hanggang sa muli...Tabuena
Post a Comment