Tuesday, February 07, 2006
Radyo, pelikula ni Yam Laranas, 2001
Radyo
pelikula ni Yam Laranas, 2001
Viva Films
Pagkatapos mong mapanood ang Radyo, parang gusto mo na ring gumawa ng pelikula. Ibinobrodkas nito ang nakakainggit na paglalaro ng mga biswal, masinsin na iskrip, at mahusay na pagganap ng mga aktor. Patok ang katatawanan, dapat asahan ang hindi inaasahan, at hindi nakaligtas sa satirikong estilo ng pelikula ang pagpuntirya sa dapat nitong patamaan.
Sa panimulang paglalarawan sa radyo bilang “pampagising,” parang ipininta sa mga eksena ang lawak at layo ng impluwensya ng masmidya partikular na sa kalakhang Maynila. Ipinakilala bilang mga tauhan ang mga regular na tagapakinig: sa mga eksena sa palengke, ang mga kalsada ng Maynila, sa loob ng dyip, sa almusal sa tahanan ng isang pulis, sa antuking inuman ng mga lasenggo, sa kumbento, at sa bahay ng nag-iisang si Ruben (Epi Quizon) — isang Magic Products promo boy na magiging serial killer dahil hindi napagbigyan ng DJ na si Lady X (Rufa Mae Quinto) ang kantang kanyang nirekwes.
Sa pelikula, ginawang payaso ang pulitiko; kita at patalastas lang ang mahalaga sa station manager; ma-epal ang naghahari-hariang bisor; inutil ang mga sikyu at pulis (kahit pa siya ang love interest ng bida), at iba pa. Animong ipinapakita ang daloy ng impluwensya at kapangyarihan na pumupuno sa isa ring makapangyarihan at maimplumwensiyang midyum na radyo. Kung sino ang kumokontrol sa palatuntunan at kung paanong “hahamakin lahat” para sa pagpapakete at pagbebenta ng mga produkto. Kung bakit nakakatawa – at nakakatakot – ang pagkahumaling ng sistema sa gawaing ito.
Para sa mga nag-enjoy at natuwa sa masining na estilo ng pelikula, halos walang teknikal o artistikong kapintasan ang Radyo. Mapapatawad ang maliliit na butas sa detalye ng kwento; kahit ang pag-ikot ng naratibo sa sunud-sunod na pagpatay sa mga babaeng biktima ay pwede namang palusutin— OA naman kung babasahan pa ito ng anti-kababaihang pakahulugan. Iyon nga lang, ang pelikula mismo ay isa ring produkto – patok naman ang paggamit ng kantang “Inlab” ni Blakdyak para maging themesong kumbaga, pero alam mong ang pelikula at kanta ay parehong produkto ng Viva (Films at Viva Records) kaya kailangang ipakete bilang iisa. Pati ang mismong pelikula ay apektado sa inihahayag nitong komentaryo, kaya nga talagang nakakatawa at nakakatakot ang comedy-suspense-thriller na pormula ng Radyo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment