Thursday, February 16, 2006
Salinlahi at iba pang kwento, ni Ditan Dimase, 2006
Patikim
Salinlahi at iba pang kwento
ni Ditan Dimase
Inilathala sa seryeng Anahaw ng Palimbagang Kuliglig, 2006
Gaya ng ilang henerasyon ng mga batang manunulat, naging pangarap din ni Ditan Dimase na malathala ang kanyang mga kwento sa magasing Liwayway. Wika nga ng ilan – kapag nalathala ka na sa Liwayway, isa ka nang “tunay na manunulat.”
Nakapaglathala man sa Liwayway, sa paglipas ng panahon ang pangarap ni Dimase na maging manunulat ay naungusan na ng kanyang mithiin para sa isang bagong mundo. Mahilig pa rin siyang magsulat. Sa gitna ng iba’t iba at kakaibang karanasan at gawain bilang isang rebolusyonaryo ay nakapagsulat at nakapag-ipon si Dimase ng napakaraming akda. Ilan sa mga ito ay nalathala na rin sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat at nom de guerre sa mga andergrawnd na publikasyon gaya ng Ulos ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS-NDF).
Kung kaya patikim pa lamang ang anim na dagli mula sa seryeng Anahaw ng Palimbagang Kuliglig – ang Salinlahi at iba pang kwento – sa maituturing na “body of work” ni Ditan Dimase. Sa anim na dagli na ito, ay dagli ring matutunghayan ang lawak ng saklaw sa paksa at imahe na maasahan di lamang sa mga akda ni Dimase, kundi sa rebolusyonaryong panitikan lalo na’t mula sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA) sa kanayunan.
Sa mahabang panahon, ang rebolusyonaryong kilusan ang natatangi o katangi-tanging daluyan para sa paglikha at epektibong popularisasyon ng dagli, isang anyo ng katha (fiction) na tinatawag ding maikling-maikling kwento (short short story). Dahil mas maikli at mas madaling basahin kaysa sa karaniwang maikling kwento, ang dagli ay isang anyo ng malikhaing panulat na naging mabisa para sa mabilis na pagpapalaganap ng mga karanasan, ideya at aral sa loob at labas ng rebolusyonaryong kilusan. Bukod sa pagtulong sa konsolidasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa, naging paksa rin ng pag-aaral ng panitikan sa akademya, halimbawa, ang mga koleksyong Kabanbanuagan ni Kris Montañez at Kung Saan Ako Pupunta ni Zelda Soriano, na kapwa naglaman ng mga dagli. Ang tatas, talas at sinsin ng mga dagli nina Montañez at Soriano ay maaasahan din sa Salinlahi, at maaring higit pa.
Dalawang henerasyon ng karahasan ang inilarawan sa dagling “Salinlahi” na siyang nagbitbit ng pangalan ng buong koleksyon. Ang simpleng kwento ng pag-iibigan sa “YS” (o youth sector, kung tawagin nga ng mga aktibista) ay may wakas na kung sa mga kurso sa panitikan, ay karaniwang inihahambing sa karakteristik na twist ng mga maikling kwento ni O. Henry. Gayunman, makapanindig-balahibo ang hilakbot ng twist na ito, na naglalantad sa malalim na sugat na iniiwan ng abusong militar sa mga biktima nito, at ang pagkamuhi at paghulagpos ng mga inaasahang “tagapagmana” sa mersenaryong tradisyon ng hukbong sandatahan ng estado.
Ang pagpipinta ng isang tiyak na larawan ng kaaway ay lalo pang pinatingkad ni Dimase sa “Ambisyon.” Ang kwento ng engkwentro sa pagitan ng AFP at NPA, na hindi mahugisan ng maiikling report sa dyaryo, radyo o telebisyon ay lalo pang nabigyan ng buhay sa matingkad na kontrast sa pagitan ng karakter ng mga Pulang mandirigma at ng pasistang militar.
Makikita sa unang dalawang kwento ang pangangahas na talakayin ang mga paksang “di-karaniwan,” lalo na sa ordinaryong mambabasa ng kwento sa Pilipino. Ngunit dahil kinatha sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, maaaring ang mga “di-karaniwang” paksang ito na nagpapakita ng matalas na pagkakaiba ng kaaway (AFP o militar) sa kasama (comrade) ang siya nang karaniwan o malaganap sa kilusan, o di kaya’y wala nang pinuhunan pang kapangahasan. Sa gayon, maaaring payak, mahinahon o magaan ang pagsasalaysay sa mga dagling “Hindi Kriminal ang Anak Ko,” “Ang Manggagamot” at “Silang Anak ng Magsasaka.” Ngunit kung susuriin, kinakailangang mas maingat – at kung gayon ay mas mahirap at mapangahas – ang maglahad ng mga kwentong pumapaksa sa mga kontradiksyon sa hanay ng NPA o kilusan; at ng masa.
Magaan ang pagtalakay nito sa mala-anekdotang “Ang Manggagamot.” Sa kwento ay organisado na ang masa – ibig sabihin, sila’y aktibo na rin sa rebolusyon at sumusuporta sa NPA. Ngunit ipinapakita rito na bagamat sila’y organisado, nariyan pa rin ang maingat na pagbasag sa mga nakagawiang kultura at atrasadong paniniwala ng masa, o ang patuloy na paghubog ng syentipikong kaisipan sa hanay ng mga kadre at aktibistang sangkot sa rebolusyon. Hindi lantad ang ganitong tunggalian (conflict) para sa mga mambabasang hindi malay sa mga prinsipyo at pananaw-sa-daigdig ng kilusan, kung kaya para sa kanila maaaring isa lamang itong kwento na kapupulutan ng bagong aral. Para sa mga rebolusyonaryong pwersa, ang namumuong tensyon sa pagitan ng isang Pulang mandirigma na si Ka Ayong at ng “manggagamot” na si Ka Nora ay naresolba dahil na rin sa malapit at magiliw na relasyon ng Hukbo at ng masa.
Mas mabigat naman ang lumulukob na tensyon sa “Hindi Kriminal ang Anak Ko,” na may maselang paksa tungkol sa proseso ng imbestigasyon ng NPA, pagpapatupad ng rebolusyonaryong hustisya, at mga patakaran o pamantayan sa pagpapasampa sa hukbong bayan. Halos kinakaladkad sa bigat ang palitang-kuro sa pagitan ng yunit ng NPA, at ni Inang Trining, ina ng kabataang si Rico na nasasangkot sa kaso ng pagpatay ngunit matagal nang gustong sumapi sa NPA. Sukat ipadama ang tensyon na ito sa mabusising pagsasalarawan ng maliliit na kilos ng bawat tauhan habang nag-uusap: (Bigla ang ginawang paghigit ni Inang Trining sa isa sa ginislang yantok. Nagdugo ang kanyang palad. Patuloy sa pagkayas ng yantok si Ka Ilyong. Ang kasamahan na kanina ay nagdodrowing sa lupa ay naghuhukay-hukay na ngayon sa lupa.) Sa wakas nito, ang paghagulgol lamang – sa kasiyahan o ginhawa – ang tanging paraan upang itiwalag ang tensyon na bumalot kay Inang Trining.
Mabusising detalye o pagsasalarawan din ang siyang naging kapangyarihan ng “Silang Anak ng Magsasaka” upang epektibong ipakita ang ubod ng kwento. Dito, ang tunggalian sa pagitan ng militar at NPA ay pambihirang pumaling upang ilahad ang pakikitungo ng NPA sa masa na nasa panig ng kaaway. Ang “niruruker na paa” ng kabataang magsasaka ang siyang naging simbolo ng makataong prinsipyo ng kilusan (o pagtalima sa mga patakaran sa pakikidigma at international humanitarian law), at ng rebolusyonaryong linyang makauri na kumikilala sa mga magsasaka bilang pinakamalaki at maaasahang pwersa ng rebolusyon.
Naiiba sa koleksyong ito ang kwentong “Casiguran” sapagkat wala sa kontemporaryong tagpo, bagkus ay may pakiwari pa nga ng isang makabagong alamat. Bagamat ipinuwesto sa panahon ng mga Espanyol at pumapaksa sa pakikibaka ng mga Bikolano laban sa kolonyalismo, ang mga aral sa pakikidigma – sa taktika, istratehiya at kaisipang Mao Zedong – ay inilangkap sa lokal na talinhaga at kinathang mga eksena at sitwasyon.
Ang realistiko at halos testimonyal na naratibo ng mga karanasan at aral mula sa rebolusyonaryong pakikibaka ang naging karaniwan sa mga dagli nina Montañez, Soriano at ng iba pang manunulat na nasangkot sa kilusan gaya nina Jun Cruz Reyes at Levy Balgos dela Cruz. Nagkakahalintulad ang kanilang husay sa matalas na paglalantad at pagpapaigting sa tunggalian ng mga uri, karakterisasyon at pagtatanghal sa masa bilang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan, habang gumagamit ng mga inobasyon gaya ng katatawanan, mga lokal na anyo ng panitikan, o masinsin at masining na paglalarawan. Sa mga akda ni Ditan Dimase ay masasabing buhay at lalo pang naging dinamiko ang mga pagsisikap upang maging balanse sa porma at nilalaman ang rebolusyonaryong panitikan. Ang mga tula at kwento ay naisusulat at tuluy-tuloy na napapaunlad ni Dimase, sapagkat patuloy rin siyang nasasangkot at kumikilos para sa rebolusyon.
Masasabi rin na napakarami pang mga kwento mula sa rebolusyon, lalung-lalo na sa kanayunan, ang naghihintay lamang na maisalaysay at maibahagi upang magbigay ng inspirasyon at aral hinggil sa digmang bayan na nagaganap at yumayanig sa buong kapuluan. Ang mga kwento ni Ditan Dimase ay patikim lamang ng mga akdang nagawa na, at gayundin ng napakarami pang mga akda na malilikha sa patuloy na pagsulong ng rebolusyong pangkultura.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
maraming salamat sa pagbisita. link kita. this blog is a gem.
Post a Comment