Kung hindi ngayon, kailan?
24/7 Walang Panahon: The 2004-2005 Philippine Collegian Anthology
Ang bawat sandali ay panahon ng pagpapasya at “walang panahon para sa pananahimik.” Hindi kataka-takang mabasa ang pahayag na ito mula sa mga pahina ng Philippine Collegian, ang prestihiyoso-notoryus (?) na opisyal na pahayagan ng mga estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman. Para sa patuloy na sumusubaybay sa buhay-aktibismo sa loob ng nasabing unibersidad, ang pahayag na ito ay mababasa ngayong taon sa antohohiyang 24/7 Walang Panahon, ang literary folio ng Collegian na inilunsad nito lamang nakaraang Mayo 10.
Hindi rin kataka-taka na lumipas ang limang taon bago muling makapaglabas ng antolohiyang pampanitikan ang Collegian. Gayundin ang nangyari noong 1995, nang muling maglathala ng folio, ang F1 (sa pamamatnugot nina Ericson Acosta at Michael Ac-ac), pagkatapos ng walong taon. Ang naging “tradisyon” yata ng ilang patnugot ng Collegian ay pagsasawalambahala sa paglalabas ng literary folio. Napakabilis nga ng panahon, at tila wala namang umalma o nanghinayang para sa publikasyong nagsimula bilang isang “College Folio” noong taong 1910!
Kaya naman sineguro ng patnugutan ng 24/7 sa pangunguna nina Carlos M. Piocos III at Jayson DP. Fajarda na siksik sa nilalaman ang kasalukuyang antolohiya. Naisakatuparan ito gayong ang mga kontribusyon mula sa mga manunulat ay binakuran ng isang tema: ang sinasabing 24/7 -- o dalawampu’t apat na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo na pagkatali ng tao sa panahon at pitik ng relo.
Naglaan ng isang hiwalay na seksyon ang antolohiya para sa mga litrato, ang Sipat na pamagat ng regular na espasyo ng litrato sa Collegian. (Huling bahagi ng dekada ’80 o maagang dekada ’90, nang ilathala ng Collegian ang Sipat, isang buong libro na koleksyon ng mga litrato.) Masasabing mahusay na rin ang ganitong pagsisikap, bagamat hindi kasing-sinsin ng mga munting granahe na nagpapaandar sa orasan ang pagtutugma ng bawat akda upang tupdin ang kredo ng antolohiya. Mainam ang kabuuan ng 24/7 para sa pagpapasigla ng paglikha at pagtangkilik sa makabuluhang panitikan.
Sasambulat sa simula ang isang pagtatangka sa ars poetica, ang “Poetry-de-Luxe” ni Mark Angeles: sa poetics, you let your subjects mutate / pormalismong tumutulo sa isang plangganang pormalin… Para sa mga sinikal, maaaring isa na naman itong musmos kung hindi man bigong pangangarap upang pantayan o higitan sa isang halaw ang tulang “Sa Poetry” ng pinagpipitaganan (at ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining) na si Rolando Tinio. Pero tila walang pakialam roon ang persona ng “de Luxe,” at sa huli ay may babala pa nga sa mga musmos na nagtatangkang maging manunulat, o di kaya’y sa mga nagugurang na sa pagiging sikat: ’Pag political power ay naagaw ng Neps, / sa kangkungan kayo pupulutin./
Palalawigin ni Edel Garcellano ang ganitong “gerang pang-ideolohiya sa sining at panitikan” sa “Extra Memo” isang sanaysay na nalathala sa Collegian noon pang taong 2002. Samantala, ang mga sanaysay nina Neferti Xina Tadiar, at E. San Juan ay hamon para sa kilusang pangkultura at feministang pag-aaral sa harap ng “gera laban sa terorismo” ng imperyalismong Estados Unidos. Muling ipinalaganap ang mga papel-talumpati ng dalawang huling awtor na bagamat napapanahon ay maaaring hindi na naipatatampok sa ibang mga dyornal o publikasyon.
Hindi mawawala ang mga “eksenang Peyups (UP)” na inilalarawan sa ilang mga likha, gaya ng paglalango ng tulang “Sarah’s”ni Princess Marasigan, o ang sinubaybayang komik-istrip na “Leni Bedspacer” ni Kenikenken na nalathala sa mga pahina ng Collegian. Nakakikilabot naman ang pamilyaridad sa UP na inilalahad ni U.Z. Eliserio sa kwentong “Failure to Punctuate.”
Ngunit dahil na rin sa tema ay mas kapansin-pansin ang pangingibabaw ng pagtalakay sa oras batay sa isyu ng paggawa (labor). Matutunghayan ito maging sa komiks na “Ang Makina” ni Ivan Reverente na matatagpuan sa pagitan ng mga kwento at tula. Mapapansin din na may mga lebel ng pang-unawa at pakikisangkot na sinasalamin ang ilang akda. Nariyan ang walang-humpay at walang-puntirya na paghahambing ng tao sa makina. Nariyan ang paglalarawan sa alyenasyon ng manggagawa o di kaya’y ang paglalantad ng mga makauring kontradiksyon sa isang lipunang “konsumerista.” Ngunit dahil sa mga akdang ito ay mapapansin ang pagsisikap ng ilang awtor na mag-isip, at sa gayon ay magsulat sa isip-manggagawa, o sabihin nang sa proletaryadong pananaw sa daigdig.
Simple ngunit patung-patong ang inilalahad na kontradiksyon sa dagli na may pamagat na “Mall Tour” ni Katrina G. Valdez. Ang bida, na isang saleslady sa SM, ay nananabik makapanood sa mall tour ng iniidolong si Regine Velasquez. Sa huli, siya’y mapupuno at “sasabog” (…kaninong hiyaw ang lumunod sa mga birit ni Regine…) dahil sa nadaramang alyenasyon sa lugar ng trabaho. Ang dispatsadora na nakakulong sa isang mall na tila kahon ay nakakahon din sa konsumeristang kultura.
Ang opus na “Walang Pahinga” ni Reagan Maiquez, ay tila may intensyon na pumanig sa anakpawis ngunit tila nalilito rin sa sarili at nagtatanong: Sino ang tunay na maylikha?/ Sino ang tunay na makapangyarihan?/ Inihahambing ang tao sa makina at ito ang tumatampok na tunggalian. Ipinapahiwatig na ang bawat sandali ng paggalaw ay rebolusyon o pag-ungos ng pagbabago ngunit gawa ng ano, laban sa ano at para kanino?
Ang ganitong kondisyon sa paggawa ay mas payak at epektibong isinalarawan ni Randy Evangelista sa kanyang tulang “Awtomatik.” Ipinipinta ng tula ang ilang sandali sa isang pangkaraniwang umaga sa buhay ng isang manggagawa. Mahusay ang simpleng paglalahad ng tunggalian na hindi lang patungkol sa mga bagay gaya ng makina o pabrika, kundi mas pumupuntirya sa mga aparatong ginagamit ng taong may-kapangyarihan: Pagbaba ng Trabajo, lalakad ng bahagya / Kakatok sa pinto ng gate ng pabrika / Kaytaas ng gate, hindi makakapasok ang maysamang nasa / Di rin makalabas ang nais kumawala / Ang pabrikang ito’y kulungan yata/ Hindi binibitin ang mambabasa sa pagtatanong, bagkus iginuguhit ng personang manggagawa ang kanyang sariling tadhana: Tatambad sa isip ang kahapon lang ginawa/ Hahawak sa makina / Hahawakan ng makina / Hahawakan ang makina.
Nagtatagumpay din sa pagpipinta ng iba’t ibang imahe ng paggawa at pakikisangkot, ang mga tulang “Oda sa Langay-langayan” ni Soliman Agulto Santos at “Pag-uwi sa Madaling Araw” ni Hilda Nartea.
Tila sinadyang ilagay sa dulo ng koleksyon ang dalawang tulang “Pag-aaral sa Oras” ni Ting Remontado at “Ulat” ni Sonia Gerilya, gaya na lang ng mga anino at yapak ng mga Pulang mandirigma sa mga larawan ni Nino Rojo na nasa dulo ng seksyong Sipat ng 24/7. Sa tula ni Remontado, ang sinasabing 24/7 ay ang buong panahon o pultaym na pagkilos bilang isang NPA o mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.
At tila sinasabi nga ng mga nagkalat na armalayt sa disenyo ng aklat: kung hindi ngayon, kailan?
No comments:
Post a Comment