COOL PITIES
Cool Pieties
30 Young Artists at the SM Megamall Art Center
Curated by Roberto Chabet
August 25 - September 8, 2001
Till September 8 at the SM Megamall Art Center: large-scale hyperrealist paintings, found objects, scenes shot from a pinhole camera, videos, and close-up pictures of the female genitalia. The GND tibak may be attracted to a muralsize work depicting a pair of proletarians with clenched fists, the hammer and sickle insignia, and the words “Control the Machines Seize the Power” — but will be disappointed to find out the work is an Untitled. One titled “The Anatomy of Death and Desire” is but a canvass and aluminum diptych. Devotion to the conceptual and commiseration for representational art? Piety, or sheer pity?
Syempre, naubusan na ako ng Ingles.
Ang Cool Pieties ay eksibisyon ng 30 batang artista na karamiha’y galing sa UP College of Fine Arts at mga dating estudyante ng curator na si Roberto Chabet. Lahat ng trabaho ay nasa ilalim ng kolum na “ conceptual art. ” Ibig sabihin, nakasalalay ang gawa sa konsepto, vision o insight (o kawalan ng konsepto, vision o insight) ng artista. Nakasalalay ang mga trabaho sa isa o maraming mensaheng gustong iparating ng artista nang hindi (o sadyang) gumagamit ng mga “palasak” na simbolo o representasyon – kabaliktaran ng karaniwan sa kilusang social realism (SR) na malapit sa puso ng mga tibak. Karaniwang porma sa conceptual art ang box art at installation. “Uso” ito — malaganap na estilo mula pa noong 1950s sa Kanluran (“laos na kung tutuusin,” sabi nga ng isang matandang SR) pero patok pa rin sa mga batang artista na nasa eksena ng sining biswal dito sa Maynila.
Pananalig o panghihinayang? Ayon nga kay Mao sa Yenan Forum, hindi dapat magsara sa impluwensyang tradisyunal, luma (gaya ng pyudal o medieval), o dayuhan (gaya ng pagpipinta mismo – paglililok lang ang “sining biswal” dito sa Pilipinas bago dumating ang mga banyaga) sa sining. Kung gayon, okey lang gamitin ang estilong conceptual – basta’t sensitibo rin ang artista sa mga implikasyon ng porma sa mensaheng gusto niyang iparating. Halimbawa, ang box art ay maaari rin namang maging epektibo sa estilong SR. Hindi porke’t mala- MTV ang gawa mo ay kolonyal ka na at dekadente. (Ganoon ka- “humane, balanced at sound” ang pormulasyon ni Mao Zedong sa sining kaya basahin ninyo ang artikulong ”Mao Zedong’s Revolutionary Aesthetics...” ni Alice Guillermo para mas maintindihan pa ito.)
Sa Cool Pieties, mangangamba ang tagapanood sa “pananalig” – o pagkahumaling sa conceptual.
In fairness, may mga artistang kalahok sa eksibit na mahusay talaga sa teknik — “papasa” kumbaga — kahit pagbalibaligtarin pa nila ang mga estilo nila mula realismo ( hyperrealism pa nga), abstrakto o kung anupaman. Mayroon ding mga konsepto sa eksibit na “lapat sa lupa” at malinaw ang isinasaad na konteksto. Kaso, ang eksibit ay nasa tuktok ng megamol, pwedeng tsambang madaanan pero dadayuhin lang kung me kakilala ka roon, talagang interesado ka, o estudyante ka ng sining. Eniwey, ibang paksa na ang isyu ng espasyo.
Ang nakakatakot sa eksibisyon ay ang reartikulasyon ng “uso,” depinisyon ng “ cool” at ang nakakadismayang pagsakay ng ilang artista sa pagiging kontrobersyal- ergo-“epektibo” ng “ shock effect” ng kanilang mga naunang trabaho. Nakapanghihinayang, kung titigil sa argumentong “it’s an art exhibit, so it’s prestigious and legit.” Parang gusto mo na lang humiling na sana naman dumami pa ang mga artistang gustong maging mabuti at makabuluhan sa lipunan (marami rin ‘yan pero nasa malayo na, at hindi naman ibig sabihin na lahat tayong naririto ay walang kabuluhan). Parang gusto mo nang ipagdasal, pero alam mong ibubunsod din
ito ng mga kondisyon – gaya ng masikhay na pag-oorganisa ng mga tibak bago pa man lamunin ng kabalintunaang “eksena” ang mga batang artista; o di kaya ang paglabas ng mga artist sa mga tambayan nilang gallery at cafĂ© at pakikisalamuha sa batayang masa. May kondisyong gaya ng pagigting ng krisis (nagmartsa din naman sila mula EDSA hanggang Mendiola nang patalsikin natin si Erap); at kung ano pang “mala- religious experience” (gaya ng pag-e-ED ng LRP) na yayanig at babago sa konsepto nila sa sining at lipunan. ‘Pag nangyari ‘yun sa’yo — ‘yun ang cool, pare.
No comments:
Post a Comment