ISA PANG TAKE SA LIVE SHOW
Live Show
Pelikula ni Joey Reyes
Di naipalabas noong 2001
dahil sa ban ni Gloria Macapagal-Arroyo
May itatanong pa ba kayo tungkol sa buhay ng isang torero? Marami pa siguro. Salamat sa ban ng bagong pangulo ng Pilipinas, napanood ko ang pelikulang Live Show sa isang gasgas at piniratang kopyang VHS.
Nang i- ban ang pelikula, maraming direktor, artista, at manggagawa sa industriya ng pelikula ang umalma laban sa censorship; laban sa “ultrakonserbatismo” ng simbahan
at estado; laban sa pagiging ”moral terrorists” nina Sin at Arroyo; at laban sa pagsikil
sa kalayaan sa pamamahayag ng mga alagad ng sining. Nagbitiw si Nicanor Tiongson, ang bagong- appoint na chair ng MTRCB. Si Klaudia Koronel, bida ng Live Show, sampu ng maraming kapanalig, ay taas-kamaong nagmartsa sa Mendiola.
Nang lumaon, nahati ang mga artista sa isyu, nang magbitiw ang ilang kasapi ng Directors’ Guild sa pamumuno ni Marilou Diaz-Abaya, direktor ng Jose Rizal. Mula sa censorship, ibinaling niya ang usapin sa mga “gamahang producers” at eksploytasyon ng mga artista. Si Gloria Arroyo naman, sa kanyang bahagi, ay nagpa- photo-op kasama sina Jolina at Rica sa Malacañang, at nagbigay ng 15% tax rebate sa industriya ng pelikula. Dagdag dito, pinanood din daw ng pangulo ang Live Show . Ayon sa kanyang pagsusuri, ang Live Show ay isang “ well-made, softcore pornographic film.”
Salamat sa ban ng pangulo, “ tapos” na ang lahat ng aberyang ito nang mapanood ko ang Live Show .
Toro
Ang mga sitwasyon at tauhan sa Live Show ni Jose Javier Reyes ay hindi na bago sa pelikulang Pilipino. Ang “toro” o live sex shows, at ang buhay ng mga torero’torera ay paksa rin ng marami nang nauna at “lehitimong” pelikula gaya ng Boatman ni Tikoy Aguiluz, Private Show at Curacha ni Chito Roño, Macho Dancer ni Lino Brocka, at iba pa.
Umiikot ang pelikula sa “testimonyal” ng bidang torero. Sa salaysay ni Rolly (Paolo Rivero), dinala ang manonood sa kanyang tirahang looban. Pumasada rin ang kwento sa buhay ng kanyang mga kaibigan at “katrabaho”: ang isa’y suicidal na ang tanging pangarap ay mayakap ulit ang ibinentang anak (Ana Capri), ang isa nama’y sa Japan na lang nakikita ang pag-asa at katubusan (Klaudia Koronel).
Sa lugar ng mga bugaw, tsismoso, manggagantso, raketir, sugarol at magnanakaw, nangangamba si Rolly na matulad “sa kanila” ang nakababatang kapatid na lalaki. Inihanda ni Reyes ang konteksto at tagpo para sa matingkad na paglalarawan ng buhay ng mga “antisosyal” at “lumpen.” Sa bungad ng pelikula, inilahad ang “kasaysayan” ng pamilya ni Rolly at ng kanyang putang ina (Daria Ramirez). Tulad ng mga tauhan at sitwasyong ibinubunsod nito, ang inilarawang panlipunang realidad at krisis sa Live Show ay hindi na bago.
Sa bakgrawnd ng isang bulok at dekadenteng kapaligiran, marami pang ibang tauhan at sitwasyon na inilahok sa pelikula upang mas mapasidhi ang drama ng gayong kalagayan. Ang nanay ni Rolly ay nakaratay at sa malao’y mamamatay dahil sa kanser sa matris. Nang yakapin ni Ana Capri ang kanyang anak, dinuraan siya ng bata. Mabubugbog at mamamatay rin ang isang baguhang magnanakaw na “nagrerekrut” sa kapatid ni Rolly. Ang “tanging disenteng babae” sa komunidad ni Rolly ay nag-OFW, gagahasain ng among dayuhan at ibabalik sa Pilipinas sa isang kahon. Mabubugbog at mananakawan ang baklang rekruter na pag-asa ni Klaudia Koronel. Rurok ng trahedya ang “pasya” ng nagretirong mag-asawang torero (Hazel Espinosa at isa pang aktor na hindi ko maalala ang pangalan). Na- lay-off sa trabaho ang lalaki, nag- call boy ulit siya. Nang magkasakit ang anak nila, napilitan silang bumalik sa pagtotoro. Kabaligtaran ng isang titillating fare ang trahedya ng eksenang ito.
Ayon kay Rolly, “tumitibay ang loob” niya dahil sa pagharap sa ganitong pang-araw-araw na katotohanan, kalagayan at sitwasyon. Paulit-ulit sa kanyang pagsasalaysay, sinasabi niyang hindi na siya marunong umiyak. Sunod-sunod na “kamalasan,”at walang puknat na pangangawawa sa mga tipikal na tauhan ang kwentong inikutan ng Live Show.
Maaari.
Pero maaari rin namang makita ang pelikula sa tradisyon ng mga mahuhusay na direktor na sina Brocka at Ishmael Bernal (direktor ng Himala at Manila by Night.) Sa tradisyon ng malay na pagtatalaga ng mga tauhan sa isang tiyak na kalagayang panlipunan, at matalas na komentaryo laban sa ipokrisya ng simbahan at iba pang institusyon — laban sa kabulukan ng dominanteng kultura at kaayusan ng lipunan sa pangkalahatan.
Hindi “malas” ang mga tauhan, may kongkretong kondisyong ugat ng kanilang kahirapan. Bagamat mahusay na naisakonteksto ni Reyes ang mga tagpo sa Live Show , nanatiling kawawa ang lahat ng kanyang tauhan. Sa Macho Dancer ni Brocka, pinatay ni Alan Paule – sparrow-unit-style — ang gahamang pulis na ulo ng sindikato. Sa dulo ng Live Show, ipapakita si Rolly na humahagulgol sa isang tulay.
Sex trip at bad trip
Tulad ng buhay ng mga tauhan sa Live Show, sala-salabid din ang mga isyu ukol sa pagbabawal ng pelikulang ito. Usapin lamang ba ito ng sining at pornograpiya, kalaswaan at pagkadisente, labanan ng mga moralista’t artista, o isang masalimuot na isyung pangkultura, pampulitika at pangekonomiya?
Nag-iisip ang manonood kung alin ang malaswa at hindi matanggap ng administrasyon sa Live Show . Ang eksena ng “bote” at “helikopter”? Ang eksenang nginaratan ng anak ang putang ina? Ang bangag na live show ni Klaudia? Ang maruming bunganga ng mga torero? Ang shooting ng porno para sa isang Koreano?
O ang mga eksena ng kahirapan? Ang malilibag na looban at eskinita? Ang mga manggagawang basta tinatanggal sa trabaho? Ang kawalang pag-asa habang nananatiling mayaman ang mga mayayaman? Ang lipunang nandidiri dahil mayroon itong putang kapitbahay? Nalalaswaan ba ang gobyerno sa mga realidad na bunsod ng sarili nitong kagagawan at kapabayaan?
Sa ganitong punto, maaaring “kasinlaswa”ng Live Show ang iba pang pelikulang kinailangang ipagbawal ng gobyerno dahil sa tapat na pagsasalarawan ng mga katotohanan sa lipunan. Kahit kailan, hindi naman “pagtatanggol sa moralidad” ang pangunahing dahilan sa paghihigpit — o pagluluwag – sa kalidad at tema ng mga pelikula sa bansa.
Hinahayaang mamayagpag ang “bold,” habang napapakinabangan itong behikulo para sa kita at eskapismo. Sa panahon ng mapanupil na rehimen ni Marcos, naghigpit sa mga pelikulang “bomba” — pero bawal din ang Sakada ni Behn Cervantes, pelikula ukol sa mala-pyudal na kalagayan sa Negros. Sa “demokratikong administrasyon” ni Aquino, naging uso ang ST ( at “TF” sa panahon ni Ramos), pero hindi naipalabas sa bansa ang klasikong Orapronobis ni Brocka, na pumapaksa mga grupong vigilante at polisiyang total war ni Corazon Aquino.
Sa Live Show , pinaninindigan ni Arroyo ang pagpanig sa “moral crusade” ng Simbahan, habang hinahati at pinatatahimik ang hanay ng umaalmang mga artista sa pamamagitan ng tax rebate – isang malaking “consuelo de bobo,” pero tunay na malaking bagay at kaluwagan din para sa pelikulang Pilipino. ( postscript: ngayo’y may 100% pagtaas sa buwis ng mga artista – sa kanila rin pala ipapapasan ang badyet para sa naunang pabor). Dahil totoo rin – isa nga namang “industriya” ang mainstream na paggawa ng pelikula sa bansa.
Pagkatapos ng tax rebate, inaasahan ang industriya na gumawa ng mga pelikulang “mas
kaayaaya” — para tumugma sa kampanyang “moral renewal” at “healing” ng bagong administrasyon ni Arroyo. Sa isang live show, nagtatanghal ang mga torero – kahit labag sa loob – para kumita, at para aliwin ang parukyano. Sa tusong panunupil ng gobyerno ni Arroyo, pinakamasakit na marahil para sa isang tapat na artista ang lunukin ang paralelismo nito sa nangyayari ngayon sa pelikulang Pilipino.
Bagamat humupa, hindi rito magwawakas ang isyu. Pinapipili ngayon ang mga
artista’t manunulat – magaala- Paolo Rivero ba sa Live Show o Alan Paule sa
Macho Dancer ? Hahagulgol ba o lalaban?
No comments:
Post a Comment