Tuesday, March 14, 2006

Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency, literary zine ng SIGAO-UP, Marso 2006



Isang iglap

Ang publikasyong iglap, gaya ng mga kapatid nitong dulang iglap at instant myural, ay pagpapatotoo sa papel ng sining sa mabilis na pagtugon sa maiinit na isyung panlipunan.

Bilang tradisyunal na pugad ng mga aktibista at "Iskolar ng Bayan,” inaasahan din ang mabilis na pagtutol ng Unibersidad ng Pilipinas sa panunumbalik ng batas militar, sa anyo ng "national emergency” na idineklara ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa kasagsagan ng paggunita sa 20 taon ng EDSA People Power I noong nakaraang buwan.

Magmula noong Hunyo ng nakaraang taon, nang sumabog ang kontrobersyang nagdidiin sa kanya sa pandaraya sa eleksyong 2004, ilang buwan nang binubuno ng gobyernong GMA ang kaliwa’t kanang batikos at panawagang magbitiw sa pwesto – hanggang sa rumurok, umano, sa tangkang kudeta kung saan ang mga pwersa mula sa Kaliwa at Kanan ang siya na ngayong lihim na nagsasabwatan upang marahas na ibagsak ang pamahalaan.

Ang Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency na inilabas ng Students’ Initiative for Gloria Arroyo’s Ouster ng Unibersidad ng Pilipinas (SIGAO-UP) ay naipalaganap bago pa man ang dagling pagbawi sa idineklarang state of national emergency. Ngunit wika nga ng mga tumututol sa proklamasyong ito, ang pagiging mapagbantay ay hindi dapat matapos sa kunwang pagbawi na ito ni GMA. Kung gayon, lalo’t para sa mga naglabas ng koleksyon at sa awdyens nito, ang mga tula, dagli, o prosang tula na nakapaloob sa Emergencia Poemas ay nagkakaroon ng kahalagahan lagpas pa sa panahong sinasaklaw ng tema. Patuloy itong nagiging signipikante habang nananatiling usapin ang panggigipit, panunupil at ang mismong pananatili sa poder ng rehimeng Arroyo.

Katangi-tangi, wika nga ni Gelacio Guillermo, ang mabilis na pagtugon na tulad nito. Natatangi naman, kung tutuusin, ang bago, makabago, o umuusbong na wika at indayog ng panitikang protesta mula sa UP, kung pagbabatayan ang mga akda sa Emergencia Poemas. Sapagkat mula sa unibersidad, ipagpapalagay na sinasalamin lamang nito ang aktitud, panlasa at pagtangkilik sa panitikan ng tinatarget na awdyens ng koleksyon – ang buong komunidad ng UP, o ang mga tagasubaybay na nag-aantabay sa bawat ”makasaysayang” hakbang ng komunidad na ito.

Katangi-tangi ang makapag-ipon sa napakaikling panahon ng mga akda mula sa iba’t ibang awtor at magkaroon pa rin ng malawak na saklaw pagdating sa anyo at estilo, bagamat nababakuran ng isang napakapartikular na temang emergency. Kunsabagay, ang tema na mismo ang nagbigay ng elemento ng pagmamadali – kakagyatang may malinaw na layon, at hindi hilong pagkataranta. Sa "Ambulansya” ni Sylvia da Sylvia ay sinusuma ang ganitong katiyakan: Pumutok ang sunud-sunod na trahedya: / Stampede sa Ultra, landslide sa Leyte, / Nagpatawag ng ambulansya si Madame, / Pero hindi ang mga tao ang sinagip / kundi siyang nagkukumahog sa Malacanang.

Ang ganitong talas at kapayakan ay makikita rin sa mga tula nina Guiller Luna ("Xerox Republic”), Marijoe Monumento ("Iwas-Pusoy), Ricardo Cruzada Romero ("Talim ng Gunita”) at Jessie Sy-Mendoza ("Garapon Nation”). Sa mga ito, ang pananalinhaga ay hindi nawawala gaano man "kapalasak” o direkta ang pagtukoy sa paksa. Sa kapayakan ng "Pasismo Mismo!” ni Mark Angeles, ang pagiging simple ay nangangahulugan na madaling bigkasin at maunawaan ng awdyens, o di kaya ay itanghal o ipalaganap bukod sa pagkakalathala ng limbag-xerox ng publikasyong iglap. Ganito rin marahil ang layunin ng "Emergency Room” ni Mykel Francis Andrada, na humalaw ng anyo sa isang popular na kanta sa radyo upang lalong mapabilis ang popularisasyon at pagtangkilik sa pyesang ito.

Mabilis ding magtawid ng mensahe ang mga dagli o prosang tula nina nina Cecilia la Luz, Darren dela Torre, at Sylvia la Sylvia ("Vandal”). Sa akda ni Ana Morayta ("Ang Paraiso ni Gloria”), ang pantastikong sitwasyon at alusyon ay naging malinaw at karaniwang gaya ng kabaliwan at kabalintunaan ng panunungkulan ng rehimeng Arroyo. Sa mga nabanggit nang akda, malinaw rin, sa isang punto, ang pagsisikap na mag-ambag ng "taktikal” na pagtugon sa isang namumuo, kundiman sumusulong na rebolusyong pangkultura. Taktikal, sapagkat ang mga akda ay naglalayong makatulong sa pagpapakilos para sa isang partikular o kagyat na isyu gaya ng state of emergency, o sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Ito ang kasagutan sa mapapait na tanong ni Lisa Ito sa “Questions from Autopsies” na pumapaksa sa sunud-sunod na pagpatay sa mga lider ng mga progresibong organisasyon, bago pa man ang deklarasyon ng state of emergency: Do they ever wonder why hundreds / of their spiraling shards fail / to stall the exodus of hearts, halt heads / from birthing revolts, silence / the tireless tongues?

Sapagkat ang pagtugon na ito, gaano man kaliit o kalaki, ay may naiaambag sa pangkalahatang pagkamulat ng sambayanan, at kung gayon ay may naiaambag din sa mas malawakang pagbabago ng lipunan. Ang pagtugon na ito, kung gayon, ay nangangahulugan na kailangan ng ibayong sinop – sa porma at nilalaman -- lalo na para sa mga may-akdang may malinaw na layunin na makatulong sa pagmumulat at pagpapakilos ng kanyang mga mambabasa o awdyens.

Nagangahulugan ito ng ibayong pagpapalaganap sa lahat ng posibleng daluyan gaya ng limbag-xerox at internet, at lalo na ang mga aktwal na pagtatanghal sa mga pulong-masa o pulong-pag-aaral, talakayan, room-to-room, house-to-house, at mobilisasyon kaharap ang masang kabataan, estudyante o taga-komunidad na nais pukawin at pakilusin. Dito, ang popularisasyon ng mga pyesa ay tungkulin di lamang ng mga may-akda, kundi maging ng iba pang aktibistang pangkultura na maaaring magpalaganap ng mga katangi-tanging akda.

Ang ganitong pamamaraan din ang magtitiyak na magiging buhay ang panunuri, di lamang sa anyo ng mga rebyung gaya nito, kundi sa hanay ng mga manunulat, mga aktibista, mga grupo at pang-masang organisasyon, at lalong higit mula sa masa o awdyens na siyang nais patungkulan at pakilusin ng mga akda. Nililinang ng ganitong praktika ang kahusayan at responsibilidad ng mga mulat na may-akda, ang malapit nilang ugnayan sa mga aktibistang nagpapalaganap at masang tumatangkilik sa kanilang mga akda, at ang lagi’t laging pagsisiyasat at pag-angkop sa mga kongkretong pangangailangan at interes ng masang mambabasa o awdyens.

Sa ganito rin makikita ang kongkretong resulta ng malikhaing propaganda, gaya ng paglalabas ng koleksyong Emergencia Poemas. Ibig sabihin, hindi maitatanggi na ang sining ay bahagi rin ng propaganda, sa loob man o labas ng kilusang masa, reaksyunaryong gobyerno, art circles, o rebolusyonaryong kilusan. Ang sining ay propaganda, ngunit lahat – kung atin lamang papansinin -- ay naghahangad ng kasinupan na angkop sa layuning nais makamit at awdyens na nais patungkulan.

May angking sinop sa pagtula ang “Supling Tayong Nanahan sa Dilim” ni Enrico Torralba, bagamat ang sinop na ito ay nasa tunog ng mga salita at maaaring nawawala sa mensaheng nais nitong ipahiwatig. Ganito rin ang suliranin ng "Santelmo” ni Federico Maria Guerra. Gayunman, kung tutuusin, hindi naman talaga maituturing na "suliranin” ang ganitong "masinop” na estilo kung may tiyak na awdyens na tumatangkilik – at higit sa lahat ay napapakilos – ang ganitong uri ng pananalinhaga. Gayundin ang maaaring sabihin sa inobasyon ng "Fin de siecle Fascism” ni Jose Benjamin Cuevas at "02.24” ni Daisy Chained. Ang mga akda ay parehong may lengguwaheng madaling tangkilikin, syempre, ng mga pamilyar rito. "Kagigiliwan” din ang pagkasarkastikong tumutumbok pa rin sa paksang pinupuntirya ng koleksyon.

Sa isang iglap, makikita na ang panitikang protesta ay buhay na buhay. Hindi ito nagkukumahog at naghihingalo na gaya ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

1 comment:

adarna said...

tenkyu rebyuwer. post ko na ito sa YR, ha?

lab,
adarna