QUO VADIS, ERASERHEADS? HEHEHE!
Ultraelectromagneticjam
Tribute album sa Eraserheads
BMG Pilipinas, 2006
Siguro’y lumundag nang ilang tibok, at saka kumaripas ang kaba sa puso ni Marcus nang una niyang marinig ang pasakalye ng "Ligaya” mula sa sabog na ispiker ng sinasakyan niyang dyip. Ang taon ay 1993. Sikat na sikat noon si Bon Jovi.
Tuwang-tuwa si Marcus. Bente uno anyos lang siya noon, at siya ang tumugtog ng gitara sa kanta. Ganundin siguro ang pananabik ng mga kabanda niya, at ng marami pang ibang nakarinig sa kanta. Maraming pang iba ang nakarinig – lalo na sa mga eskwelahan, sa mga umpukan ng magkakabarkadang naghiraman ng nabiling kaset teyp, nag-aral ng kords sa gitara at bumili ng mga songhits.
Marami pang iba ang nakarinig. Makakasalubong kasi sa mga kanta ang karaniwang kakulitan ng kanilang buhay bilang nagbibinata o binata, nagdadalaga o dalaga. Sila na bago at matapos pumasok sa eskwela ay nakatutok sa telebisyon, at pamilyar sa tinutukoy ng banda na pambihirang trumpo ng kanilang paboritong bayaning robot. Noong 1993, ang pinoproblema nila ay taghiyawat, ang masungit nilang titser, ang mga pangarap ng mga magulang nila para sa kanila, at siyempre, pera – pang-alawans, panigarilyo o pambili ng deodorant. Nakalimutan nila nang saglit ang pagtutok sa basketbol at showbiz, at lahat ng atensyon ay naibaling sa bandang ang pangalan ay Eraserheads.
Parang multo na lang ang alaala ng mga panahong iyon, gayong mahigit sampung taon pa lang naman ang nakaraan. Hindi pa rin naman napakatagal mula nang maghiwa-hiwalay ang Eraserheads. Sa katunayan, sa nakaraang limang taon ay aktibo pa sila sa kanya-kanyang proyekto at banda gaya ng Cambio, Mongols, Kamonkamon, Sandwich at ngayon ay Pupil ni Ely Buendia. Pero walang duda, walang ni isa man sa mga bandang ito ang nakapantay sa kapatukan ng mga kanta at impluwensya sa napakalawak na bilang ng mga tagasubaybay -- o fans – ng Eraserheads.
Ngayon, naghahalinhinan sa radyo ang mga lumang awit ng Eraserheads, at ang mga bagong bersyon nito mula sa mga banda at mang-aawit na kasali sa album na ultraelectromagneticjam. May kapanapanabik pa ba sa pag-alingawngaw ng bungisngis ni Kitchie Nadal sa linyang ”Ilang ahit pa ba ang aahitin?” habang nagkakandarapa ka papunta sa trabaho mula sa istasyon ng MRT?
Siguro. Siguro, kahit kaunti. Maaaring ireserba ang pananabik para sa bagong henerasyon ng mga tagapakinig na kung ilang taon ding binuro sa monotono ng komersyal na remix (halimbawa, mula sa ”Dayang-dayang” hanggang ”Crazy Frog”). Nahahagip ng mga awit ang bago at mas malawak na awdyens sa pamamagitan ng bagong interpretasyon, halimbawa sa mahusay na bersyong R&B ng ”With A Smile” mula sa Southborder, o sa ”malinis na pop” na pagkakaawit ng ”Huwag Mo Nang Itanong” ng MYMP, o ”Overdrive” ni Barbie Almalbis.
Sa pakikinig ng bagong album na ito, magniningning din ang mga mata ng mga nagdalaga’t nagbinata kasabay ng pag-inog ng musika ng Eraserheads – siguro sa dami ng mga naaalala. Naging disente ang ”krudong reggae” ng unang bersyon ng ”Maling Akala” na ginawan ng Brownman Revival ng halos plakadong interpretasyon. Dahil si Rico J. Puno ang umawit ng ”Ang Huling El Bimbo” – lalo pang lumalayo ang panahong iniuurong sa pagsesentimyento.
Hindi naman paiiwan ang mga kanta tungkol sa pagkalango, na pambihirang ”pinili” ng mga banda kahit hindi gaanong sumikat ang mga ito bilang single. Ang una ay ang ”Spoliarium” ng Imago, isang hilo -- kung hindi man bangag -- na alusyon sa sikat na painting ni Juan Luna (iyong may mga patay na gladiator na hinihila mula sa arena.) Kinakaladkad ng Imago ang tagapakinig sa paglikha ng ganitong hilong paningin sa ”walang katuturang kadaldalan” sa bumabagal, umiikot na musika ng isang lasing. Sa ”Alkohol” inilapat ng Radioactive Sago Project ang kanilang estilo ng kinulapol na jazz at bargas na pagtula.
Kaya naman, kung pagsisintemyento lang ang tema ng pakikinig sa album na ito, siguradong hindi maiiwasan ng ilan ang magngitngit lalo na sa interpretasyon ng mga bagong banda.
Halimbawa, masyadong maarte ang "Alapaap” ng 6cyclemind. May hindi nasasapol ang banda sa "rebelde” ngunit mapaglarong tema ng awit, tuloy ang bersyon ay lumalabas na hungkag at nakakaasiwa. Ganundin ang pakiwari sa minsan-dramatiko-minsan-hindi na boses ni Paolo Santos sa "Magasin.” May pagkakapareho ito sa estilo ng Cueshe sa "Hard to Believe” na para bang basta na lang pinasadahan ang kanta sa sariling pormulang pinasikat nila. Naunawaan naman kaya nila ang ibig-sabihin ng mga kanta?
May katulad pero naiibang pakiwari naman ang ilang kanta, na tila nag-aastang "mas dakila pa” sa Eraserheads dahil masinop nga, pero maburloloy ang interpretasyon. Hindi naman siguro masama, at pwedeng mahusay pa nga ang ganito para sa iba. Halimbawa nito ang "Tikman” ng Sugarfree, na bandang tiyak na naiimpluwensyahan ng Eraserheads sa kanilang musika. Sa bersyon naman ng "Huwag Kang Matakot,” para bang gusto pang daigin ng bandang Orange and Lemons ang Beatles.
Samantala, mukha namang mas krudo pa ang interpretasyon ng Spongecola sa krudong produksyon ng unang album ng Eraserheads na naglaman ng hit na "Pare Ko.” Bigung-bigo ang banda sa pagtatangkang lagyan ng kunwang "fireworks” ang tempo at interpretasyon ng isang napakasimpleng kanta na tungkol lang naman sa isang napakakaraniwang karanasan ng, oo, pagkabigo. Gayundin ang kabiguan ni Isha sa kanyang proyekto sa "Torpedo,” na hindi mahagip ng hinagap kung bakit pa nga ba pinagtangkaan pa.
Kung ganito rin lang ay mas mabuti pang makinig sa atungal at hiyaw na bersyon ng mga kantang ito mula sa mga umpukan ng magkakabarkada sa kanto. Kahit ang saliw ay basag na gitara, mas sigurado pa na nauunawaan at nararamdaman ng mga ”mang-aawit” na ito ang mga damdamin at ideya ng mga naunang simpleng kanta ng Eraserheads, dahil katulad o malapit sa kanilang buhay ang mga paksa at tono. Sa ganitong konteksto, talagang kalapastanganan na gawing "finale” (at sa estilong "We are the World” pa man din!) ang kantang "Para sa Masa.”
Dito, hindi na usapin kung mahusay ang interpretasyon o bagong bersyon, dahil wala naman talagang katarungan ang pagkakasulat ng Eraserheads sa kantang ito mismo. Sinalamin lang ng "Para sa Masa” ang mababang pananaw ng banda sa sariling awdyens o masang tumangkilik sa kanila sa loob ng mahabang panahon -- na para bang sila ay hindi nagmula sa katulad na "kakornihan” o "mababaw na kaligayahan sa buhay.”
Sa kantang ito ay inilarawan ang masa ayon lang sa mababa at makitid na hubog na kinondisyon ng masmidya (”Mahilig sa love song at drama... fans ni Sharon Cuneta”). Gayong kung tutuusin, ang Eraserheads ay naging ”mas mataas” lamang dahil sila ay naging mas ”sopistikado” – mula sa mga simpleng karanasang kanto, lumawig ang mga paksa, imahe at tunog ng banda tungo sa mga kabaliwan ng industriya ng musika at karanasang rockstar. May astang ”rebelde” at ”hindi nagpapakahon,” pero sa suma-total, ang ganitong ”artistikong” estilo, pananaw at pamumuhay ay kasing-baba rin ng palasak na artipisyal na kulturang masa na inilalako ng masmidya – dahil, sabihin na nating pareho lang namang komerysalisado at eskapista, kung tutuusin.
Pwedeng hindi naman malay ang banda sa ganitong implikasyon. Sobra nga kaya na asahan sa Eraserheads ang pagkakaroon ng sensitibidad na gaya ng kay John Lennon, para makapagsulat ng isang kantang gaya ng "Power to the People” sa halip na isang "Para sa Masa?” Wala rin namang duda sa husay at pag-unlad ng Eraserheads mula sa manipis at low-budget na rekording o kaya mula sa mga taon ng wala sa tono at wala sa tyempong tugtugan. Nahasa nila ang husay na ito dahil matagal silang tinangkilik o sinuportahan ng masa. Kaya talagang nakakalungkot ang sabihin nila na ang masa ay ”pinilit na iahon, pero ayaw namang sumama” -- sa hindi naman mawari kung saang landas na kinahantungan na ngayon ng Eraserheads. Kung ikokober pa ng iba’t ibang banda bilang isang kanta na nagpaparangal at para bang kumakatawan sa buong career ng Eraserheads, hindi lang ito nakakalungkot, kundi nakakainsulto.
Kaya naman para bang pinupuntirya rin ng Eraserheads ang sarili – na isang magandang bagay -- lalo na sa kantang ”Superproxy 2k6” ni Francism (at Ely Buendia) dahil sa pagkahumaling sa "artipisyal na aliw” na dala ng midya, lalo na sa mga bagong daluyan nito sa teknolohiya. Bukod sa makabuluhan, mahusay din ang bago at makabagong bersyong ”2k6” ng ”Superproxy.” Mula sa "Ligaya,” isinasalarawan nito kung gaano na kalayo ang saklaw ng paksa at interes ng Eraserheads sa paglipas ng panahon.
Siguro, ang multo ng nakaraang sampung taon at mahigit ang gustong ”parangalan” ng ultraelectromagneticjam dahil, sabi nga, hindi pa naman patay ang mga miyembro ng Eraserheads. Matapos ang kung ilang pagtambay sa mga konsyerto, libu-libong yosi at kwatro kantos, pagkabaliw ng mga kaibigan, pagdating at paglaki ng mga anak, at mga pagbabago sa teknolohiya na hindi na masundan – tuloy pa rin ang pagrurok, paghupa, pagrurok ng eksena.
Laging may bagong kanta at bagong tagapakinig. Pero ipinapaalala lang nito kung gaano kalawak at kasugid ang awdyens para sa mga kantang gaya ng sa Eraserheads. Ang mga kantang ito ay naging "dakila” at "makapangyarihan” dahil sa nakakahawang tono at mga simpleng karanasang kanto na isinalarawan. Pinapatunayan lang ng album na hanggang ngayon ay nananatiling alternatibo ang mga kantang ito sa karaniwang pormula (gaya na lang ng pagiging "iyakin” ng marami sa mga bagong banda sa kasalukuyan, kasama na ang ilan sa tumugtog sa ultra...jam), karaniwang love song, o karaniwang buhos ng mga awit mula sa Kanluran.
Para sa masusugid na tagasubaybay ng eksena, lumulundag pa rin ang tibok ng puso, at laging may kumakaripas na pananabik para sa mga bago at makabuluhang kanta – kahit ang dating puting kamiseta at pudpod na Chuck Taylor ay napalitan na ng kwelyong asul at pangharabas na de-goma, o kahit pa ng sapatos na balat at kurbata. Ni hindi pa nakakaabot sa edad-kwarenta sina Ely, Buddy, Marcus at Raymund, pero gaya ng mga tagapakinig nila noon, ipinapaalala lang ng album na ito na may panahon pa kahit sila rin ay tumatanda na.
2 comments:
Tumpak!
siguro po kayo ay tagahanga ng eraserheads, at masasabi kong isa itong malaking factor para maibigay niyo ang rebyung ito. siguro nga mas magaling at nagkaroon ng mas maraming tagahanga ang eraserheads dahil parang sila 'yung unang nagsimula ng ganitong klase ng musika sa atin (tama po ba ang pagkakaintindi ko?) at dahil sa kasalukuyan ay marami nang nagsusulputang mga banda ay nagiging overwhelming na ito. kaya naman, hindi natin tuluyang matangkilik ang isa o mga piling banda na may maganda ngang musika. tulad ng mga revivals ng mga kanta ng eraserheads. :)
Post a Comment