Thursday, November 01, 2007

Nakarating na ang Quiapo cinematheque sa kanayunan!


Nakarating na ang Quiapo cinematheque sa kanayunan!

INT. Bahay ni Bog. Gabi.

Walang takilya pero si Bog ang takilyero. Mga batang uhugin ang karamihan sa mga parukyano. Piso ang entrans sa sinehang walang pinilakang tabing. Ang 21” TV, “katas ng (export-processing) zone” ang siyang pokus ng atensyon. Nakahilera sa malamig na sementadong sahig ang mga manonood na lahat ay nakanganga. Pagod na pagod na darating mula sa zone ang asawa ni Bog na si Aling Xenia, walang pasalubong kundi buntong-hininga. Walang iimik, isinalang na ni Bog ang bala ng VHS na awtomatikong nilamon ng surplus na player.


Walang dayalogo kundi ang mamumutawing salita mula sa bida ng pelikula: Si FPJ, hari ng pelikulang Pilipino, bibitawan ang pinakasikat na linyang “…kapag puno na ang salop!!”


Hiyawan ang taumbaryo na dati-rati’y tulog na bago pa sumapit ang alas-otso. Ganito na, magmula nang magpakabit ng kuryente si kongresman sa baryo, bagamat iilang tahanan lang naman talaga ang may kakayahan na bayaran ang pagpapakabit ng kuryente at buwanang konsumo. Iilan lang ang may kakayahan na bumili ng mga surplus na TV at iba pang appliances na katas ng pagiging manggagawa sa kalapit na EPZ, katas ng maliit na komprada at tindahan sa baryo, katas ng sakripisyo ng kamag-anak na OFW, o di kaya ng ibinentang kalabaw o sinwerteng pagtama sa sugal na jueteng…


I


Mahigit sampung taon na ang nakalipas, halos ganito pa rin ang tipikal na “sine sa baryo.” Siyempre sa iba’t ibang lugar at kalagayan ay may iba’t iba rin itong hugis at kaanyuan.


Bagamat pumasok na ang daigdig sa ikatlong milenyo, may mga baryo pa rin sa ikatlong daigdig na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakatikim ng serbisyo ng kuryente o ni hindi pa nga naaabot kalsadang baku-bako man lamang patungo sa sentro ng bayan. Sa kabila nito ang mga pambaryong sinehan, “TV-han,” “CD-han” o “betahan,” ayon na rin sa mga taumbaryo, ay nakakarating pa rin dito sa pamamagitan ng mga panggitnang uri na may-ari ng generator at satellite TV. Ang TV-han o betahan nila’y di lamang ang salas sa araw at sinehan kung gabi – kundi isang hiwalay na strukturang kanugnog ng bahay – kumpleto sa mga upuang tabla na may tatlo o apat na andana (porma ng “bleachers”). Bukod sa TV at VCD/DVD player, ay maaaring may pasilidad pa para sa video-singko (kung hindi ay nasa hiwalay pa itong strukturang gazebo-type na kubo.) Ang entrans ay karaniwang nasa limang piso, mababa nang bahagya para sa mga bata. At dahil sa masugid na pagsubaybay ng masa sa mga telenovela at fantaserye ng dalawang naglalabanang komersyal na istasyon ng TV sa Pilipinas, karaniwang ito ang regular na palabas tuwing gabi. Bukod dito ay may mga espesyal na araw kung kailan ang tampok ay ang mga piniratang plaka ng mga pelikulang Pilipino, o ang pinananabikang pelikulang aksyon mula sa Hollywood.


Ang ganitong klaseng libangan sa baryo ay isa lamang sa maraming mukha ng salimuot at kabalintunaan dahil sa krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunang Pilipino. Sa malawak na kanayunan, ang masang magsasaka ay nakararanas ng napakatinding pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal – pagkatali sa sistemang kasama o tenante sa mga panginoong maylupa, pagkabaon sa utang o usura, pang-aalila, mababang presyo ng mga produkto, mababang sahod ng manggagawang-bukid at marami pang iba. Ang ganitong pagkatali sa problema sa lupa ay pinalalala pa ng kapabayaan ng gobyernong ni hindi nag-aaabalang magbigay ng serbisyo sa edukasyon at kalusugan sa kabila ng pagpiga ng napakataas na buwis sa mamamayan. Huwag nang banggitin pa ang maliitan, hindi mekanisado o manu-manong paggawa sa bukid, gayundin ang pag-asa sa kalikasan at pagsalanta ng mga kalamidad na mas nakakapagpabigat sa pasanin ng magsasaka. Hindi mekanisado ang produksyon sa agrikulturang salalayan ng ekonomya ng bansa, ngunit gabi-gabi’y natutunghayan ng masa kung gaano na ka-“high tech” ang produksyon ng mga pelikula at iba pang pangkulturang kalakal ng lokal na industriya at dayuhang imperyalista.


Makarating man sa mga liblib na baryo ang serbisyo ng kuryente, pambihirang hindi ito namamaksimisa upang paunlarin ang atrasadong pamamaraan ng produksyon sa kanayunan. Sa isang baryong wala ni isang handtractor, treser o kiskisan, gabi-gabing tumatagay at bumibirit sa video-singko ang mga magsasakang nais na saglit na makalimot sa matinding pagod at kahirapan. Sa halip na maging tanda ng kaunlaran ang elektripikasyon, pinatitingkad lamang nito ang kabulukan ng lokal na burukratang tumatabo ng malaking kikbak mula sa mga ganitong proyekto habang pinapabango ang kanilang pangalan sa mamamayan. Madalas sa hindi, ang tinutugunan lamang nito ay ang orihinal na layunin ng monopolyo kapitalismo sa bansa na lumikha ng pamilihan para sa mga imported na appliances at iba pang surplus na produkto, habang mas lalong hinuhuthutan ang masang “konsumer” sa pamamamagitan ng mga batas na EPIRA at mga lokal na “kooperatiba” sa elektrisidad. Nagtatagumpay lamang ang ganitong “serbisyo,” sa pagpapalalim at pagpapalaganap ng kulturang pyudal, burgis at maka-dayuhan -- di-syentipiko, eskapista o pantastiko; malaswa, bulgar at pala-samba sa bisyo at panandaliang aliw; kundi man maaamo at masunurin sa mga awtoridad gaya ng bulok na gubyerno at simbahan. Katuwang ng kultura ng TV-han at betahan ang iba pang manipestasyon ng kolonyal, pyudal at burgis na kulturang gumagapos sa isipan ng mamamayan sa kanayunan – panatisismo sa relihiyon, pagkalulong sa mga sayawan, pag-inom, at sugal, mababang pananaw sa kababaihan, di-syentipikong panggagamot, paniniwala sa mga haka-haka, pamahiin, kababalaghan, at iba pa.


Paborable rin sa paglaganap ng kultura ng TV-han, CD-han, betahan o sine sa baryo ang naging pisikal na kaayusan ng mga baryo bunsod ng militarisasyon at hamletting na nagsimula sa panahon ng diktaduryang Marcos at pinag-ibayo sa ilalim ng total war o low-intensity conflict ng rehimen ni Aquino. Ang kawalan ng serbisyong panlipunan ay kakambal ng panunupil at pasismo ng estado upang takutin at paamuhin ang mamamayan. Ang konsepto ng “barrio site” sa kanayunan ay naglayon na ikonsentra ang mamamayan sa isang kontroladong reydyus. Ang mga magsasasakang dating naninirahan sa mga bulubundukin ay napilitang lumikas at iwanan ang kanilang mga kabuhayan upang iwasan ang karahasang militar gaya ng pagnanakaw ng mga hayop, panununog ng mga bahay at pananim, panggagahasa sa kababaihan, at pananalbeyds. Gayunman, para sa mga napakabata pa upang maalala ang ganitong pangyayari, ang pasya sa paninirahan sa barrio site ay bunga na lamang ngayon ng isang napakasimpleng dahilan --- sapagkat naroon ang kuryente at naroon ang “sinehan.”


II


Ang polisiya ng “globalisasyon,” na nagpapalala sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa malawak na masang magsasaka, ay siya ring nagpapabilis ng pagkabulok ng dekadenteng kulturang pyudal, burgis at kolonyal sa bansa.


Ang industriya ng pelikulang Pilipino at iba pang lokal na pangkulturang kalakal gaya ng musika, ay nakakaranas ngayon ng “paghihingalo” bunga ng ibayong liberalisasyon o pagbaha ng mga produktong gaya ng dayuhang pelikula lalo na mula sa Hollywood, pagbilis ng akses sa mga ito sa pamamagitan ng internet, malawakang pamimirata at kawalan ng mapagpasyang hakbang mula sa gobyerno upang suportahan, paunlarin at ipagtanggol ang pangkulturang produksyon sa bansa.


Ang malawakang pamimirata o “piracy” ang salik na nakapagpabilis nang husto sa paghihingalong ito ng lokal na industriya ng pelikula. Maaaring sa isang banda, ang dahilang ito ay nakapagpalabo o nakapagpababaw sa pagsusuri ng ilan sa tunay na ugat ng krisis sa larangan ng kultura, lalo na sa hanay ng maliliit na mga manggagawang pangkultura at artista na nananawagan ng “stop piracy” at pagtataguyod ng kanilang “intellectual property rights.” Ang paghahangad ng proteksyon ay pagpapalamon sa elitistang bitag ng “globalisasyon,” na tiyak na pumapanig lamang sa interes ng monopolyo kapitalismo, at hindi kailanman sa interes ng maliliit na artista o imbentor (kung sa kaso ng larangan ng agham). Kung pakasusuriin, hindi mamamayagpag ang pamimirata kung ang pinakamalalaking opereytor nito ay hindi mahigpit na nakaugnay sa mga lokal at internasyunal na ahensyang nagpapatupad ng batas laban sa pamimirata at maging sa mga lokal na kumpanya ng pelikula o musika na siya mismong “biktima” ng mga sindikatong ito.


Di maikakaila ang dramatikong pagbaba ng bilang ng taunang produksyon ng lokal na pelikula. Kasabay nito, naging higit na elitista ang karanasan ng pagpasok sa mga tunay na sinehan. Nangagsara na ang maliliit na sinehan sa mga sentro ng mga probinsya at maging sa maliliit na munisipalidad ng kalakhang Maynila. Nakakonsentra na lang sa malalaking shopping mall gaya ng SM, Gaisano, Robinson at Ayala ang mga sine, na sumisingil ng entrans na kadalasa’y mas malaki pa sa arawang sahod ng karaniwang trabahador sa industriya o agrikultura. Kung sa panig naman ng pamamaraan ng produksyon at estetika, bumaling na sa telebisyon ang sentro ng “showbusiness” na matingkad sa marahas na kumpetisyon sa mga istasyong ABS-CBN at GMA upang makalikom ng pinakapatok na mga artista, palabas, at kung gayon ay pinakamaraming patalastas o adbertisment ng mga produkto ng mga dayuhang kapitalista. Dito umiinog ang pagtitimpla ng panlasa ng manonood sa pamamagitan ng pagpalaganap -- bukod sa karaniwan nang eskapismo, pagsamba sa kalakal, pantasya, paniniwala sa swerte at kapalaran -- ng walang kabuluhang mapanghating kultura ng kumpetisyon ng “kapuso” laban sa “kapamilya.” Gayunman, sa kabila nito’y kapansin-pansin naman ang pagsigla ng paglikha ng mga “independent” at alternatibong pelikula na nagtatangkang kumawala sa balangkas at pormula ng naghihingalong “mainstream.”


Tumupi na ang pinilakang tabing at ang mga mata ng manonood ay pambihira nang bumaling sa karampot na naipundar na personal pasilidad gaya ng mumurahing surplus na TV at VCD player (salamat din sa krisis ng labis na produksyon at pagtatambak ng patapong imported na produkto bunga ng “globalisasyon”) – kung hindi man sa mga lokal na TV-han, CD-han at betahan sa antas ng mga baryo. Sa ganitong konteksto nakarating sa kanayunan ang Quiapo cinematheque. Nakarating na sa mga pinakaliblib na pook ng bansa ang kaluluwa ng Quiapo – hindi lamang ang panatisismo ng daantaong pagiging Katoliko serado at pamamanata sa Nazareno na malaon nang bumabalot sa atrasadong kanayunan – kundi ang Quiapo na siyang pinakatampok na lokal na sentro ng pamimirata, pinakamurang mapagkukunan at kung gayon ay siya ring pinaka-aksesibol na tagapag-ingat ng kabang-yaman at kasaysayan ng pelikula at awdyo-biswal na midyum.


Nakarating na sa antas ng baryo ang masugid na pagtangkilik sa pelikula – di lamang sa lokal na industriya o Hollywood, kundi sa iba’t ibang halu-halong anyo o genre na pambihirang mahahalukay sa mga eskinita ng Quiapo – mga konsyerto ng mga banda at musiko, dokyumentaryo sa kalikasan at kasaysayan, pornograpiya, kartuns, anime, klasikong pelikula, Asian teleserye, mini-series, artfilm, wrestling, boxing, basketbol at iba pang isports, biograpiya, Bollywood, alternatibong cinema sa ibang bansa, rebolusyonaryong pelikula ng Tsina at Rusya, action, drama, horror, comedy at lahat-lahat na.


Sa antas ng baryo sa kasalukuyan, matatagpuan ng masisigasig na manggagawang pangkultura, artista at direktor ang awdyens o manonood na malaon na nilang hinahanap. Ang mga CD-han at betahan sa antas ng baryo ay hindi lamang mga simple o pangkaraniwang “venue” o lunsaran ng pelikula, kundi mahahalagang tereyn ng tunggalian sa kultura – salamin lamang ng isang umiigting na tunggaliang kaytagal nang yumayanig sa naghaharing sistema sa bansa at sa daigdig.


Sa isang panig, nariyan ang makapangyarihang gahum ng telebisyon at ang eklektikong impluwensyang hatid ng “globalisasyon” ng kultura. Sa pangkalahatan ay pinapanatili nito ang paghahari ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan, at higit pang pinalalakas ang kontrol sa mamamayang nagiging mapurol ang pag-iisip, di-kritikal, at sunud-sunuran sa mga pasipistang ideyang kadalasang matatagpuan sa mga materyal na ito. Sa kabilang banda, umuusbong naman ang isang bago, progresibo at rebolusyonaryong paglikha, pagpapalaganap at pagtangkilik sa midyum na awdyo-biswal -- kombinasyon ng positibo at progresibong materyal mula sa lokal na industriya, alternatibong cinema at mga “gems” mula sa Quiapo cinematheque; kasabay ng mulat na paggawa at pagpapamudmod ng mga pelikulang naglalayong pukawin ang inaantok na baryo, gisingin ang mamamayan upang pakilusin sa isang demokratikong rebolusyong bayan.


Ang mga manggagawang pangkultura, artista at mga direktor ay hinahamon na lamang kung saan papanig.


III


EXT. Hardin ni Lusing. Hapon.


May umpukan na ng mga tao sa harap ng bahay ni Lusing, estilong beranda ito na nasa harap ng isang payak na hardin. Matatanaw ang pagdating ng hinihintay na mga bisita, isang hanay ng mga armado, pawisan pero pawang masaya’t nakangiti nang mag-abot ng paningin sa mga tao. Nag-asikaso agad si Lusing sa paglapit ng mga bisita, iniligpit ang mga barahang nakakalat sa maliit na lamesa.


“Palipas-oras lang kasama, habang naghihintay,” paliwanag ni Lusing.


“Okey lang naman ho, basta ba’t walang pustahan,” sabi ng isang armado. “Saan ho ba tayo pwedeng mag-sine dito?”


“Ay, walang kuryente rito, at malayo pa iho ang TV-han,” sabi ng isang matandang babae.


“Dito po ba, hindi pwedeng mag-sine?”


Kumilos ang lahat para i-porma ang mga bangko sa harap ng maliit na lamesang wala namang nakapatong na telebisyon. Maya-maya’y inilabas ng isang armado ang isang laptop mula sa kanyang bag.


“Isang oras lang po ang sine, at isang oras na lang ang battery,” dagdag pa nito.


Isinalang ang VCD ng “Pakamahalin ang Hukbong Bayan” isang produksyon ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army – NPA) sa Gitnang Luzon.


“Pagkatapos po nito, saka po natin simulan ang pag-aaral ng RGRL (Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa.)”


Bukod sa mga CD-han at betahan sa baryo, ang Bagong Hukbong Bayan o NPA ay maaaring siya na ngayong kumakatawan sa pinakaradikal at tunay na rebolusyonaryong praktika ng paglikha at pagpapalaganap ng midyum na awdyo-biswal sa kasaysayan ng Pilipinas. Naging gerilya at makilos na rin ang pelikula. Nakarating nang talaga sa pinakaliblib na mga pook sa bansa, sa iba’t ibang pagkakataon – mga pagtatagpo at pagtitipon ng mga rebolusyonaryong pwersa na ni sa hinagap ay hindi masasapol ang esensya at kalahagahan, ipaubaya man, halimbawa, sa pinakamalilikot na imahinasyon ng creative team ng Dreamworks Entertainment!


Isang hukbong pangkultura rin ang Bagong Hukbong Bayan, ayon na nga sa tangan nitong prinsipyo laban sa mga salot ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Bilang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas (Communist Party of the Philippines-Marxist-Leninist-Maoist – CPP-MLM) sa paglulunsad nito ng isang demokratikong rebolusyong bayan, ang BHB o NPA ang nangunguna sa gawaing propaganda, ahitasyon, edukasyon at paglikha at pagpapalaganap ng rebolusyonaryong sining at panitikan, bukod pa sa mga tungkulin nito bilang isang armadong panlabang pwersa laban sa AFP/PNP/paramilitar ng naghaharing gobyerno; at katuwang ng masang magsasaka sa gawaing produksyon, pagpapaunlad ng kooperasyon at pagwasak sa pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal sa kanayunan.


Nasa kamay ng Bagong Hukbong Bayan, at ng iba pang progresibo at rebolusyonaryong artista, direktor at manggagawang pangkultura, ang paghuhubog at pagmamaksimisa ng midyum na awdyo-biswal tungo sa pagiging buhay at dinamikong midyum na katuwang ng awdyens nito sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka. Taliwas sa epekto ng pelikula at telebisyon – sadya man o hindi ng mga manlilikha nito -- upang “aliwin” ang isip ng manonood, makalimot sa mga suliranin, at malulong sa pagkapasibo at mas malalim na pagkaka-alipin.


Pinaka-epektibo ang midyum na awdyo-biswal sa paglalahad ng mga karaniwang kwento, sa dokyumentaryo ng mga tampok na pangyayari sa kasaysayan, at katuwang sa gawaing edukasyon. Para rito, hinihingi sa mga manlilikha at tagapagpalaganap ng bidyo at pelikula ang tamang relasyon sa pagitan nila, at ang masapol balanse sa pagpapalaganap at pagtataas ng pamantayan sa larangan ng awdyo-biswal na midyum batay sa kongkretong kalagayan ng mga lugar kung saan makikita na ang praktika ng pagtangkilik sa mga progresibo at rebolusyonaryong VCD. Para rito, nagmumungkahi ang Rebyuhan ng ilang mga punto na maaaring pagmunihan ng sinumang nasasangkot sa paglikha at pagpapalaganap ng bidyo o pelikula, rebolusyonaryo man o hindi:

(1) Pagtuunan ng pansin ang epektibong pagpapalaganap. Huwag magsawa sa paulit-ulit na pagpapalabas ng mga ulirang VCD/DVD kahit na ilang beses nang napanood, at magsikap na makakuha ng kopya ng mga mahuhusay na progresibong pelikula ng mga lokal na direktor gaya nina Brocka at Bernal (pareho silang naging kasapi ng CPP noong sila’y nabubuhay pa). Aminin, kahit ilang dosenang beses nang napanood ay patok pa rin ang “Mistah” at “Kung Pao,” kaya gayundin kapatok kung maikailang ulit na mapapanood ang mahuhusay na pelikula at bidyo. Bukod sa mga VCD ng rebolusyonaryong kilusan, mga progresibong awdyo-biswal na grupo at direktor, ilang mungkahing titulo na marapat na “piratahin” at maipalabas sa pambaryong sinehan ay ang: Maynila sa Kuko ng Liwanag, Manila by Night, Orapronobis, Bayan ko: Kapit sa Patalim, Sister Stella L, Sakada, Minsa’y isang Gamu-gamo, etc. Si Jerry Garcia ng Grateful Dead, walang paki kung “mapirata” ang mga kanta at mas mahusay pa nga na mapakinggan ito ng marami. Gayundin siguro’t magiging grateful dead sina Brocka at Bernal kung magiging mas malawak ang awdyens ng kanilang klasiks sa pamamagitan ng mga TVhan sa baryo.

(2) Ang progressive at revolutionary foreign language films ay pwedeng proyektuhing i-dub sa Filipino para hindi naman mahirapan sa subtitles ang kalakhang illiterate pa ring kanayunan. Kaya nga pumapatok ang mga Asian and Latin American teleserye dahil sa dubbing hindi baga?

(3) Hindi nakakasawa ang videoke ng rev songs kaya sana ay dumami nang dumami. Ang mungkahi lang sa music video ay gawan ng naratibo o storyline, o kahit simpleng plano sa pagkakasunod-dunod ng biswal na hindi tsamba lang, ibig sabihin, wag magpakasapat sa MTV-collage na laging rali at bundok ang ending.

(4) Ang mga pinakasimpleng proyekto para sa educational materials sa bidyo gaya ng para sa literasiya, agham, kasaysayan, Marxism-Leninism-Maoism at pagpapalaganap ng kulturang pambansa, syentipiko at makamasa ay kailangang-kailangan! Sana ay may magmalasakit hehehe.


Ang ibang mungkahi next time… Aayusin pa ng Rebyuhan ang sanaysay na ito, pangako.

Thursday, June 14, 2007

Tatlong Pelikula: An Inconvenient Truth, Tulad ng Dati, at isang anonymous blackprop film








Climate / Change

Notes sa tatlong pelikula: An Inconvenient Truth ni Al Gore, Tulad ng Dati ni Mike Sandejas at isang pelikulang walang pamagat at credits na kumakalat sa Kamaynilaan, starring Bembol Roco, etc.

Sa diwa ng pagba-blog, panay notes na lang muna ang ipo-post ng Rebyuhan. Kaysa naman sa hindi magpost ng kahit na ano, hindi ba?

Matapos ang matagal-tagal na panahon ay nagkaroon tayong muli ng pagkakataon na makapasok sa sinehan. Ang passes ay isang pirasong karton mula sa packaging ng original HP ink (pinabili ito at hindi kakayanin ng sariling bulsa), at natyempuhan naman na walang masyadong interesanteng pelikula na palabas (ibig sabihin, hindi pa palabas ang Spiderman 3).

At natyempuhan din na may libreng sine – ang okasyon pala ay Earth Day kaya libre sa SM ang “An Incovenient Truth,” isang medyo pinag-uusapan nang dokumentaryo tungkol sa global warming at climate change. Sinusundan ng pelikula ang serye ng mga lecture ni Al Gore (ang ex-“future president” ng US) tungkol sa naturang paksa. Ang mga lecture na ito ay isinagawa niya sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, isang gawain na pinaglaanan niya ng panahon matapos matalo kay George W. Bush sa eleksyong presidensyal sa Amerika.

Syempre, hindi naman Filipino documentary ang “An Inconvenient Truth” pero baka pwede naman nating paglaanan muna ng pansin. Sa pananaw kasi ng Rebyuhan, napakahalagang usapin talaga ngayon ng climate change. Nagbabago na ngang talaga ang klima. Ito ang pinakamainit na tag-init na naranasan ko sa buong buhay ko. Talagang parang impyerno sa Kamaynilaan, at kahit siguro sa buong Pilipinas at sa buong daigdig, parang naglalagablab na ang temperatura. Medyo uso ngayon na pag-usapan ito, pero pwera biro kailangan talaga natin itong seryosohin. Ang dahilan nito sang-ayon sa lahat ng pananaw sa mundo ay ang pagkasira ng balanse ng kalikasan. Kung ano ang dahilan ng dahilan na ito – kung tayo’y pinaparusahan na ng mahal na diyos; o ito’y bunga lang ng kapabayaan ng sangkatauhan bilang isang nakapangyayaring entidad; o bunga ng sadyang pagwasak sa kalikasan na ibayong pinabilis at pinalala ng pagkabulok ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at ng pandarambong ng likas-yaman sa buong daigdig para sa kabusugan ng imperyalismo – dyan na magkakaiba-iba ang mga opinyon.

Kaya nga’t ang mainam sa “An Incovenient Truth,” ipinaliliwanag ni Gore ang syentipikong batayan ng “pag-init” na ito, anu-ano ang naging at magiging epekto nito sa ating pag-iral, at kung gaano kagipit na ang panahon upang baligtarin ang ganitong unti-unting “pagkagunaw” ng mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kanyang munting “slide show,” isang mahusay na presentasyong kumpleto ng mga chart, graphs, biswal, video at maging animation – on cue sa kaunting theatrics sa paglalahad ng datos.

Kaunting paliwanag: ang sinasabi nating dahilan ng pag-init ng klima ay ang pagkasira ng balanse sa kalikasan, partikular sa atmospera (o hanging bumabalot sa mundo). Ang greenhouse gases (carbon dioxide, methane, nitrous oxide, etc.) -- na kung tutuusin ay siyang dahilan ng pag-iral ng buhay sa daigdig dahil kinukulong nito sa mundo ang init na mula sa araw -- sa mahaba-habang panahon na ngayon ay sumusobra na at siya na ngang dahilan ng labis na pag-init ng klima. Dagdag pa rito ang pagkaubos ng mga kagubatan na siya sanang magbabalanse rito (“pagkain” ng mga dahon ang carbon dioxide, samantalang “dumi” nila ang oxygen na siyang nilalanghap natin.) Saan naman galing ang labis na greenhouse gases? Ayon kay Gore, ang sisi rito at sa mismong pagkasira ng kalikasan ay maaaring ibinunton sa pangkalahatang konsepto ng “negosyo” o “business.” Sa isang kakatwang paghahambing, literal na tinimbang ni Gore kung alin nga ba ang mas mahalaga – negosyo ba o mundo mismo?

Pero ano nga ba itong sinasabing “negosyo”? Hindi ba’t ang mas accurate na dapat tukuyin ay ang pandaigdigang sistemang kapitalista na nagpapahintulot ng eratiko at anarkikong produksyong walang habas sa paggamit ng mga panggatong (fuel) na nakakasira sa kalikasan gaya ng coal, o petrolyo at karbon? At lalo na ang pandarambong ng mga imperyalistang bansa gaya ng US sa mga kagubatan at iba pang likas na yaman – paghakot ng mga troso at walang pakundangang pagmimina na nagpapatag ng mga kabundukan at nag-iiwan ng napakaraming dumi at kemikal sa kanilang mga kolonya at mala-kolonya gaya ng Pilipinas? Hindi ba’t ang sistemang ito ang nagpapahintulot na dumami ang basura sa daigdig mula na rin mismo sa bawat isa sa atin na nilalamon ng sistema at nabibihag sa kulturang konsumerista, ugaling indibidwalistang ignorante sa katotohanan, walang pakialam o kaya ay galit sa mundo?

Ang interes na ito sa ekonomiya ang siyang dahilan para magbulag-bulagan ang gobyerno ng US, at patuloy na mambraso kapag kinukwestyon ang pinsalang idinudulot ng monopolyo kapitalismo sa daigdig – pinsala sa kalikasan, pinsala sa syensya at teknolohiyang kinakasangkapan pangunahin para sa gyera, pagkabulok ng kulturang ginagawang bulgar, bastardo o bobo, pinsala sa mga tao mismo na itinuturing na mas masahol pa sa hayop o robot para lang magkamal ng supertubo ang imperyalismo.

Anupa’t sa kabila ng katotohanan na ang US ang pinakamalaking “tagapagbuga” ng greenhouse gases sa mundo (mula ito sa dambuhala nitong mga industriya na walang regulasyon sa pagpigil ng polusyon) ay tumatanggi itong lumagda sa Kyoto Protocol, (isang international na kasunduang naglalayong magkontrol at magbawas sa pagbuga ng greenhouse gases) – isang bagay na binanggit din ni Gore sa kanyang dokumentaryo.

OK na sana ang dokumentaryo ni Gore. May mga bahagi din ng kadramahan na tumutukoy sa personal nyang paglalakbay, at sa dulo naroon ang mga pinakamakabuluhang kolektibong achievement ng sangkatauhan – bilang panghihikayat na ang pakikibaka laban sa global warming ay isang mahirap na gawain pero posible namang kayanin ng tao. Kaya lang, kabilang umano sa mga achievement na ito ay ang “pagpapabagsak” ng komunismo sa daigdig – o ang tinutukoy marahil ay ang tuluyang pagkabulok ng modernong rebisyunismo sa Rusya na naging dahil ng pagkakawatak-watak ng dating USSR. Mga isa o dalawang segundo lang naman sa dokumentaryo ang pagtukoy rito, pero sapat na para magdalawang-isip sa pa-“superman” na alternatibong ihinahain upang iligtas ang daigdig mula sa global warming.

Dahil kung ang hamon ay imperyalismo, hindi ba’t ang tugon lamang rito ay ibagsak?

(* Nota: kung mahahanap ninyo ang isang lumang dokumentaryong may pamagat na “Green Guerillas,” dito naman matutunghayan kung ano ang programa at patakaran ng rebolusyonaryong kilusan (CPP-NPA-NDF) sa pangangalaga sa kalikasan – isang bagay na matagal nang nasa agenda ng NDF bago pa man mauso ang usap-usapan sa climate change. Ang pinakamayor na na-interbyu sa pelikulang ito, kung hindi ako nagkakamali, ay si Ka Paking Guimbaolibot ng Mindanao na isa na ngayong rebolusyonaryong martir.)

* * *






Ang isa pang talagang napakainit ay ang klima sa pulitika. Katatapos lang ng eleksyon pero siguradong hindi pa matatapos ang bangayan, bagkus, ito’y nagsisimula pa lang. At ang kalalabasan ng eleksyong ito ay barometro lang kung gaano kabagal o kabilis ang pagsabog at pagsambulat ng galit ng sambayanan para sa tiyak na pagpapatalsik sa diktadura ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ang klima ngayong tila namamayani ay yaong sinasabi na ngang climate of impunity – walang katarungan: ang mga mabuti ang pinaparusahan ng kamatayan nang wala man lamang paglilitis habang ang mga kriminal at berdugo ay di lang pinatatakas kundi lantaran pang pinaparangalan. Ang tama ay nagiging mali, at ang mali ang tama. Kinokondisyon ng klimang ito na masanay ang isip natin sa pagiging pasibo, pagiging takot, kimi, bulag, at walang laban.

Medyo may kaunting pampalubag-loob lang sa nakaraang mga araw – at nababalitaan ang pangingibabaw ng oposisyon sa Senado, gaya ng sinapit ni Bush sa nakaraang mid-term elections sa Amerika na pinangibabawan ng Democrats laban sa partido ni Bush na Republican. Isa pa’y ang desisyon ng Korte Suprema na pawalang-sala ang ginipit na mga kongresmang tinaguriang “Batasan 6.” Tapos, sinusugan pa ng Transparency International ang mga nauna nang desisyon ng SC tungkol sa EO 464, CPR at PD 1017.
Pero ano nga ba ang mga ito kundi mga kaunting pampalubag-loob lamang? Ang mas malaganap pa rin ay ang garapal na mga pahayag ng palasyo at militar sa pagkikibit-balikat, paninisi sa mga biktima, paglulubid ng buhangin, at pagbabanta.

Sa ganitong klima ng panlilinlang at pananakot kumakalat di lang ang mga (nakakapagpainit ng ulo na mga) soundbytes ni Bunye at tambalang Gonzalez-Gonzales, kundi iba pang mga anyong pangkultura na direktang kinomisyon ng Malacanang upang maghasik ng takot, o di kaya’y magpakalma sa mamamayan. Nauna na nating “nirebyu” rito ang dokumentaryong “Paglaban sa Kataksilan:1017” na pinakalat at pinalabas ng palasyo sa lahat ng estasyon ng TV ng gobyerno matapos “puksain” ang tangkang “kudeta” noong Pebrero 2006. Anupa’t sa hanay ng militar, nauna na ring ipinamudmod ang powerpoint presentation na “Knowing the Enemy.” Habang nakapakat ang mga Special Operations Team (SOT) sa mga barangay at sa mga paseminar ng militar hinggil sa kanilang Integrated Territorial Defense System (ITDS o sapilitang paggamit sa mga barangay opisyal, tanod, estudyante, at iba pang prominenteng residente sa kada-komunidad laban sa rebolusyonaryong kilusan), tahasang nangampanya ang militar laban sa mga progresibong party-list gaya na nga ng Bayan Muna (sila’y mga komunista anila). At pagkatapos ng seminar, sapilitan ding pakakantahin ang mga dumalo ng “Bayan Ko” o di kaya ay ang theme song ng “Pinoy Big Brother,” at pagkatapos ay pasisigawin ng “Mabuhay ang Demokrasya, Ibagsak ang Komunista!” Ha!

Ngayon, isang halos full-length na pelikula na walang pamagat at walang credits ang kumakalat sa anyong VCD sa kung saan-saang sulok ng Kamaynilaan, at marahil hanggang sa kanayunan. Paano naman nasabi na isa nga itong pelikula? Basta’t may kwento ito at may mga artista (pinakasikat na sina Bembol Roco at Hero Bautista, at halos lahat sa cast ay pambihirang marunong umarte, tila mga “taong- teatro”). Ayon sa mga unang nakapulot nito, may isang bata na namimigay ng VCD nang libre sa mga tao sa isang malaking rali. Nang tanungin kung sino ang nag-utos sa kanya, sinabi niya’y isang malaking mama ang nagbigay sa kanya ng bente pesos para ipamudmod ang mga nasabing VCD.

At kumusta naman ang pelikula? Kung sa teknikal na aspeto, masasabi natin na ito’y mahusay. Masinsin ang banghay (plot) – isang ordinaryong manggagawa ang namulat at nagpasyang mamuno ng welga sa “gabay” ng isang organisador ng unyon na siya rin palang kadreng andergrawnd na namumuno sa NPA (Bembol Roco). Sa pagdaloy ng kwento, “ipinapaliwanag” o inilalantad ng pelikula ang layunin kapwa ng legal na demokratikong kilusang masa (unyon ng mangagawa at iba pa) at armadong pakikibaka ng NPA sa pamamagitan ng mahahaba at “halos makatotohanang” mga talumpati ng mga tauhan.

Ang tesis ng pelikula: sadyang marahas at madugo, nakasisira sa pamilya at sa mga manggagawa mismo ang pag-uunyon. Sa huli, may istatistika pang ipinakita na halos 75,000 manggagawa raw ang nawalan ng trabaho dahil umano sa mga welgang inilunsad ng KMU. Isa pa, ayon sa pelikula, ang mga unyon na ito ay pinamumunuan ng mga komunista. Isang mahalagang icon o simbolismo ang karakter ni Bembol Roco. Sa bungad ng pelikula, aarmasan at “pasusumpain” niya sa PKP ang ilang bagong rekrut sa NPA. Sa kalagitnaan ay oorganisahin niya ang unyon. Sa huli, pasusumpain nyang muli sa NPA ang mga naging rekrut nito mula sa kilusang manggagawa (ang mga nabigo sa welga). Bukod dito, sa isang tila foreboding at nakapanghihilakbot na eksena, ay mag-oorganisa na naman ang kadreng si Bembol sa hanay ng mga kabataan-estudyante. Doon na tutuldukan ng pelikula ang “Wakas” na may pahabol na tandang pananong (as in Wakas?) for more dramatic and ominous effect.

Lamang, syempre, eksaherado ang pagganap sa mga ito, ngunit anupa’t ang ganitong klaseng pagganap ang siyang nakakakumbinsi sa ordinaryong manonood? Tila napakabihasa ng mga nagsipagganap sa ensemble acting, at halos lahat ng eksena ay may mga tableaux at kailangan ng kolektibong pag-arte. Mapapansin din na ang lengguwaheng ginagamit ay hinalaw mismo sa mga dokumento ng PKP o NPA; at sa mga rali naman, tila pinag-aralan ang nilalaman ng mga talumpati (at maging hand gestures!) ng mga lider ng bawat sektor, gaya ng mga taong-simbahan at mga guro.

Hindi maunawaan kung ito ba’y isang “mahusay” na mockery o pangungutya sa PETA-type agit-prop na mga dula na sikat noong 70s at 80s, o kaya ay sadyang “pang-aasar” sa mga pelikula ni Lino Brocka na paminsan-minsang gumagamit ng ganitong tipo ng blocking dahil na nga sa impluwensya ng teatro sa pelikula. Ano pa nga ba at ang mismong pagganap ni Bembol ay tila nakakainsulto kay Brocka? Sa isang pahiwatig, icon din si Bembol ng mga pelikula ni Brocka gaya ng “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” at “Orapronobis,” at kailangan pa bang banggitin na ang mga pelikulang ito ay may matatalas na panlipunang komentaryo (sukdulang ipagbawal ni Corazon Aquino ang pagpapalabas ng “Orapronobis” sa Pilipinas dahil sa paglalantad nito sa mga vigilante groups ni Cory, na nahahawig ngayon sa mga death-squads ni Gloria Arroyo)?

Kung sa disenyo naman ng produksyon, mahusay din. Ang musical score ay mahusay ding tumutugma sa pangkalahatang ominous na klimang tinitimpla ng pelikula, at bahagyang nakakaangat sa karaniwan nang synthesizer-scored na pelikulang Pilipino. Mapapansin ang sadyang paggamit ng mga mismong banner at flags ng mga legal na organisasyong masa gaya ng Bayan, Anakpawis, Gabriela at halos lahat ng iba pang nakalistang organisayon sa “Knowing the Enemy.” Kung isa lamang low-budget indie film kumbaga, hindi nito kakayanin ang gumamit ng napakaraming costume changes, maraming tunay na armas, mga tunay na police mobile, mga trak ng pabrika, at magmobilisa ng cast of hundreds! Pambihira! Maski ang komersyal na pelikula sa ngayon, hindi kinakaya ang ganitong kagarbong disenyo sa produksyon dahil sa naghihingalong industriya ng pelikula (Ayon nga sa isang headline sa showbiz section ng isang tabloid: Kalahati na ng taon, 11 Pinoy films pa lang ang naipapalabas!)

Kung kaya ang ganitong klaseng “kahusayan” ay nakakatakot din at mapanganib. Paano ito tatanggapin ng masa, pamilyar man o hindi sa lengguwahe ng rebolusyonaryong kilusan? Syempre, ang malisyosong isinisiwalat ng pelikula ay ang idinidiin na ugnayan ng legal na mga organisasyon at party-list sa NPA, na isang “foreign terrorist organization,” ayon na nga sa klasipikasyon ng US, EU at gobyernong Arroyo. Sa ganito, tila ginagawang “normal” o justified ang pagtarget (panggigipit, pagdukot, pagpatay) ng militar sa mga personahe at myembro ng mga organisasyong ito, kahit pa SEC-registered ang mga ito o kinilala ng COMELEC (syempre, maliban pa sa pakana ng diskwalipikasyon, at pagsasampa ng kung anu-anong gawa-gawang kaso kina Ocampo, Beltran, etc.) .

Ano pa nga ba ang pelikulang ito kundi isa na namang armas ng rehimeng Arroyo sa kanyang malawakang psychological warfare (psywar) na bahagi ng Oplan Bantay Laya (o Oplan Bantay Laya II, depende kung kailan nga ba talaga ginawa ang pelikula). Sa layuning “durugin” ang CPP-NPA-NDF sa loob ng dalawang taon, lahat ng pamamaraan ng kontrol at pananakot ay ginagawa ni GMA upang supilin ang paglaban at “matakasan” ang lahat ng krimen niya sa sambayanan. Kung tayo’y nagkakamali sa ating pagsusuri, mangyaring magpakilala na ang direktor ng pelikulang ito at ilantad nang hindi naman si Gloria o ang AFP ang nagpondo o prodyuser ng pelikula, at baka naman si Mother Lily o Robbie Tan naman talaga?

Anupa’t ang ganito ay nakakadagdag lang sa init. Isa pang pampalubag-loob ay muling inilalabas ang mga pelikula ni Lino Brocka sa DVD format -- kaya lang ay mabibili lamang ang mga ito sa mga outlet ng Powerbooks. Kung sana ang mga ganitong tipo ng mga pelikula ang ipinamumudmod nang libre ng mga batang kalye na inuutusan ng malalaking mama, hindi ba’t magandang ideya?

* * *

Sa pag-asang madadampian ng kaunting rak en rol ang pagrerelaks sa sinehan ay ginamit natin ang passes ng HP sa “Tulad ng Dati,” isa umanong fictional na pelikulang nakabatay sa career ng bandang The Dawn.

At wika nga, mabuti na lang at libre! Kung hindi, pagsisisihan marahil ang magagastang 100 na pwede nang pambili ng 17-in-1 na DVD sa kanto at may sukli pang pampamasahe pauwi.

Huwag nang palawigin ang diskusyon sa kwento ng pelikulang ito, dahil ito’y isang malaking “Ha?” Maino-note na lang na ang tanging “cool” rito, kung “cool” ang hinahanap, ay ang pagganap ni Ping Medina bilang multo ni Teddy Diaz. At sige na nga, maski papano ay pwedeng nagamit na rin ni Jett Pangan ang kanyang theater training sa pelikula, relatibo sa kanyang ibang kabanda at co-stars na kung ihe-heckle ay pwedeng kantyawan na “Wag nang umacting, tugtugan na lang!!!”
At sige na nga, marami sanang potensyal ang pelikulang ito. Unang-una, wala pa naman yatang nangangahas na gumawa ng ganitong tipo ng pelikula -- ibig sabihin, itong tipong medyo parang Pinoy rock bio pero may halong kathang-isip na mga pangyayari. Ang mga napanood na natin ay mga "laru-larong" Pinoy rak en rol docus na mga tipo ni Romeo Lee at Pepe Smith ang ginagawang subject dahil garantisadong hindi kabagut-bagot ang kalalabasan. Maraming points ang pwedeng pagmunihan ng mga filmmakers nito para ma-improve ang next project nila kunsakali -- ang script, parang nagsasalita lang ang scriptwriter, parang hindi naman ganito ang lengguwahe ng rak en rol sa Pilipinas; ang conflict at subplots -- mayroon ba talagang such a phenomenon as a "Ratbunitata" sa eksena ngayon? Ito na ba ang tanging commentary na pwedeng madeliver thru the film (bukod syempre sa temang "tanggapin na natin ang mga bagay na tapos o wala na" na siyang "moral of the story.") At siyempre, ang isa pang tanong ay nakapanood na ba ng rockbio ang mga gumawa nito? Hindi ba sila nanliliit sa kanilang trabaho na nilagyan pa ng English subtitles, meaning, may ambisyon pang mag-international release?!
At para hindi na humaba pa ang pandaraot, dahil gusto natin na marami pang ibang Pinoy filmmakers ang gumawa ng mga pelikulang rak en rol at ayaw nating tuluyan silang masiraan ng loob, ang pwede na lang nating pagmunihan ay ang mismong konsepto ng pelikula -- bakit “Tulad ng Dati?” At bakit ba naman ang tulad ko, ay tulad marahil ng iba na nagbakasakaling may mapupulot sa pelikulang ito? Sa panahong ito ng oo nga, kasikatan din ng mga banda, ano pa nga ba ang nasa “dati” na hinahanap pa natin sa kasalukuyang panahon? Hindi pa ba tayo kuntento sa nostalgia tripping ng isang tambak na mga revivals?

Hindi! Halimbawa na lang, isang tanong na sinasagot ng isa pang tanong ang naglalarawan sa “eksena” ng mga banda sa ngayon: ang tanong na “Bakit ni-revive ng Bamboo ang kantang “Tatsulok?” ay sinasagot ng isa pang tanong na “Ano pa ba ang wala sa Bamboo, ngayon na nakuha na nito ang lahat-lahat na gaya ng kasikatan, etc?” Kung susumahin, sabi nga ng isang kapwa nila musiko, ang sagot sa tanong na sagot sa tanong ay kabuluhan o relevance. Pero gusto nga ba talaga ng Bamboo na maging relevant? Ano rin ang pahiwatig ng remake ng Rivermaya sa mga kantang “Ilog” at “Padayon” ni Joey Ayala? Mailalabas pa ba ito bilang single ngayon na disband na sila? Sino pa ang susunod na magrerevive, perhaps ng mga kanta naman ni Gary Granada, o Jess Santiago kaya na bagay sa Morrissey-twang ng Orange and Lemons? Masyado bang abala ang mga banda ngayon sa pagla-launch ng kanilang international career via MTV Asia para hindi mapansin na karamihan sa kanila’y irrelevant – na ang inaawit nila’y “emo” nga pero ang totoo’y nakakapagpamanhid lang sa emosyon at sikolohiyang Pinoy na bugbog ngayon sa takot at kawalang pag-asa? Na nasa Pilipinas sila pero halos wala silang inaawit na tungkol sa nararanasan ng karaniwang Pilipino sa ngayon?

Nasaan kaya ang “Tulad ng Dati,” na ang ibig sabihin ng rak en rol ay rebelde – galing sa eksenang andergrawnd na hindi pinapansin, napakakaraniwan ng mga paksang inaawit kaya halos hindi maatim ng pormula ng dominanteng industriya ng musika. Ang totoo nito’y hindi na natin ito maibabalik, at hindi natin ito nais ibalik. Ang sa atin ay kung paano lilikha ng bagong eksena na hindi idinikta ng dambuhalang network, video channel, o multi-nasyunal na kumpanyang may bagong produktong gustong ipamudmod sa kabataan. Hawak ng karamihan sa mga banda ngayon ang lahat-lahat na ika nga – kasikatan, following, resources para sa recording, impluwensya sa mga tagapakinig at tagatangkilik, (and lest we forget, talent, of course) – paano kaya ito gagamitin habang naririyan pa? Ima-maximize sa pagkuha ng pinakamaraming endorsement deals? Gagawin ang dream album? World Tour? Napakaimposible ba para sa isang bansang nasa third world na may santambak na mga banda ang makalikha ng kahit isa lang na rockstar na tipong Zach dela Rocha? Kalabisan na siguro ang hingin ang huli para sa kasalukuyang panahon. Ano bang baliw na major recording label ang mag-iinvest sa isang banda na pwedeng i-“physically eliminate” ng death squad ni Gloria Arroyo dahil sa mga kanta nito? Ibig kong sabihin, takot din kaya ang mga banda ngayon kaya walang nangangahas gumawa ng kanta tungkol sa mga nangyayari sa paligid sa ngayon? O pwede rin kaya na may gumagawa naman pero walang pumapatok?

Ang nangyayari kasi, maski hindi alam ng mga sikat na banda ay nag-aambag sila sa init. Nakakadagdag ito sa init ng sinasabi nating klima -- na kahit namamatay na ang lahat sa gutom, hirap, landslide, flash flood at mismong pamamaslang, ang naririnig pa natin sa radyo ay parang wala lang nangyayari at pagiging inlababong sawi at ngawngawan lang ang mahalaga sa buhay. Kahit sa malalayong baryo, na ni hindi marunong magbasa ang mga binatilyo o kahit iyong mga tumanda na at hindi naman yumaman sa pagtatanim ng kamote, pwedeng kabisado nila mula sa unang linya ng “lagi na lang umuulan, tila walang katapusan” hanggang sa katapusan ng kanta – pagkatapos ay ano naman ang kabuluhan o relevance ng kantang ito sa aktwal na nararanasan nila? Gayundin ang effect sa atin ng fantaserye, teleserye, radio drama, sabong, jueteng, ending, texting, network gaming, shabu, rugby, etc. kung tutuusin, hindi baga?

Paano gagamitin ang lahat-lahat ng ito habang ang kasikatan at impluwensya ay naririyan pa? O makalipas ng ilang taon pa, hahanap-hanaping muli ng ilan ang kabuluhan sa mga nauna pang panahon dahil hindi na naman masumpungan. Pero saan na nga ba matatagpuan pa ang “Tulad ng Dati?” Syempre, bukod sa mga sikat na banda, di hamak din na mas marami pang banda ng mga “bata” na nasa laylayan pa lang, naghahanap ng direksyon at pangarap. Siguro nga, naroon na lang ang pag-asa natin -- bukod pa sa ilang banda na hindi naman inosente o ignorante at alam na alam ang lugar nila sa daigdig. Gayundin siguro sa mga bata't matandang filmmaker na nagkakaroon ngayon ng mga bagong pagkakataon at venues, sa kabila ng paghihingalo ng mainstream na industriya ng pelikula. Dahil kung ganito na kainit ang climate, syempre ang gusto talaga natin ngayon ay change.
At bilang paglilinaw, ang gusto natin ngayon ay HINDING-HINDI Charter Change. Pero ibang topic na naman 'yan kaya next time na lang uli.

Sunday, June 03, 2007

Rivermaya, Isang Ugat, Isang Dugo 2006

et

Notes sa Rivermaya, Isang Ugat, Isang Dugo

Sino’ng magkakaila na karamihan sa mga tugtog sa radyo ngayon ay narinig na natin noon sa ibang konteksto at panahon? Lingid lang marahil ito sa mga batang ipinanganak pa lang sa nakaraang sampung taon – hindi nila naabutan ang manila sound noong 70s, ang kasikatan ng Apo Hiking noong 80s, at pagsambulat ng “alternatibong musika” noong 90s. Hindi ba’t lahat na lang – mula sa “Total Eclipse of the Heart” hanggang sa “Tatsulok” ay hinalukay na mula sa inaamag na baul at binigyan na ngayon ng panibagong buhay?

Huli na ako sa balita nang mapag-alaman kong pati ang tipo ng “Inosente lang ang Nagtataka” ng punk trio ng Wuds ay ginawa na ulit, at ito ay ginawa ng – (tyaraaaan!) Rivermaya. Ang totoo’y pinipirata ng Wuds ang sarili sa tuwing itatanghal ang mga kantang mula sa album na “At Nakalimutan ang Diyos” – nakaukit na sa mga pahina ng mga lumang songhits ang masaklap na kasaysayang ito sa pagitan ng Wuds at ng produser/mang-aawit na si Heber Bartolome. Dahil huli na nga sa balita at “inosente” (ignorante, kung tutuusin) sa mga pinakahuling pangyayari sa industriya ng musika, huli na rin nang mapag-alaman na hindi lang pala ang Wuds ang niremake ng Rivermaya, kundi maraming iba pa – at ito na nga ang album na Isang Ugat, Isang Dugo, isang tipo bang nostalgia trip na album ng mga “alternatibong kanta” na sumikat sa “eksenang andergrawnd” (sa Pinoy Rock, at hindi sa Kaliwa) noong 80s at 90s. Huli na talaga, dahil ang nalalaman kong pinakahuling balita ay disband na ang Rivermaya. Ano kaya kung may bagong proyekto na palang solo itong si Rico Blanco?

Ang natatanging kanta kasi sa Isang Ugat, Isang Dugo na laging nasa radyo maski noon pang nakaraang taon ay ang “Bandila,” na kinomisyon ng late night TV newscast ng ABS-CBN na pareho ang pamagat. Minsan, kapag naririnig sa radyo at sinasadya ng mga DJ na pagsunud-sunurin ang “Bandila,” ang “Noypi” ng Bamboo at themesong ng “Pinoy Big Brother” na orihinal ng Orange and Lemons, ay mapagmumuni-munihan ang animo’y “makabayan” o “patriyotikong” trend sa tema ng mga popular na awitin na ito ngayon– sinasadya pa nga minsan na isunod ang “Tayo’y mga Pinoy” ni Heber Bartolome ng isang nakaraang panahon, o kaya ang iba pang popular na awiting nasyunalistiko ng Lokal Brown at Apo Hiking Society.

Hindi mawari kung ikatutuwa o ikakakaba ang ganitong klaseng playlist sa popular na lagusan gaya ng radyo. Sa isang pasada, mapapansin agad na may matalas na pagkakaiba sa mga datihang “folksongs” ang paghawak ng paksa ng mga bagong banda ngayon. Unang-unang nakakairita rito ay ang katotohanan na ito’y kinomisyon para sa telebisyon, gaya ng sa Rivermaya at Orange at Lemons – kung gayon, anuman ang pahiwatig ng mga awit o ng mga mang-aawit mismo ay pinalalabnaw (o pinalalala) ng layunin ng higanteng network para sa mga awit na ito. At maski pa hindi – sadyang lutang ang “deklarasyon ng kalayaan” ng mga awit, tila binibigkis ng hindi malaman kung saan hinugot na dangal sa sarili (indibidwalismo?). Malabo sa mga awit na kung sinisikil o gusto ng kalayaan, kalayaan ba ito mula sa anong entidad (sino nga ba ang sinasabing mga “aso” at “talangka” nitong si Blanco)? Tila wala sa bokabularyo nito ang komentaryo sa kolonyalismo, o kahit man lang ang ating kolonyal na mentalidad; mas lalo nang ignorante ito sa tunggalian ng mga uri kung kaya ang isinisiwalat na “kalayaan” ay kalayaan ng pambihirang indibidwal plus metapisika, (hindi nga ba’t “may agimat ang dugo ko” ika nga ni Bamboo?), o kaya ay nasyunalismong tila islogan ng Malacanang at Philippine Information Agency para sa globalisasyon (“ipakita sa mundo/ kung ano ang kaya mo” ng PBB), pambansang rekonsilyasyon at pagkakaisa (“pekeng bayani/ pekeng paninindigan/ subukan naman nating pagtulung-tulungan…Isang ugat/ isang dugo/pare-parehong Pilipino/isang panata/isang bandila”).

Haaay. Babanggitin pa ba natin ang kaibhan? Sa pamagat pa lamang o sa unang dalawang linya ng mga kanta ni Heber, ng Apo at Lokal Brown ay makikita na ang contrast sa paghawak sa paksa: “Tayo’y mga Pinoy, tayo’y hindi Kano…” “This is not America, This is not the USA..” “American Junk”! Kung kaya, popular noon ang mga awitin na ito at di maikakailang progresibo. Pero ang mga “makabayang awit” ngayon ng mga popular na banda? Masasabi rin kayang nakapagpapatalas sa kaisipan ng tagapakinig upang magsimulang “buuin ang bansa”? O tulad ng iba pa’y mga pampalubag-loob lang ang mga awit na ito sa isang bansang luray-luray at naghihikahos? Tipo bang ang epekto ay tulad ng balita ng pagkapanalo ni Manny Pacquiao o pag-akyat ng mga Pinoy sa Mt. Everest -- nakakatuwa nga pero ano ba talaga ang katuturan ng mga balitang ito sa buhay natin? (Ang tinutukoy natin ay ang balita at hoopla, pero syempre iba pa ang katuturan ng mismong “achievement,” at di naman maikakaila ang halaga nito para sa kanila at sa kani-kanilang larangan.) Ikakatuwa na lang marahil na kahit papaano, ipinapaalala ng mga awit na ito ang ating nasyunalidad. Haaay ulit.

Ang isa pang ikatutuwa ay ang kahusayan at kasinupan ng tugtugan ng Rivermaya, lalo na sa rekording. Isa itong bagay na ikinaiila ko noon pa man kung kaya kailanman ay hindi ko sila naging paborito. Aaminin ng Rebyuhan na sadyang hindi nito masyadong inintindi ang Rivermaya dahil “nilikha” ito mismo ng industriya para samantalahin ang kasikatan ng mga banda noong 90s – kaya kahit mahusay, para bang wala namang seryoso o makabuluhang bagay na maaaring ilabas ang bandang ito. Remember “214”, “Elisi”, “Hinahanap-hanap Kita.” E ano ngayon di ba?

Kaya salamat, kung ayon na rin sa banda, nagmula ang ideya ng mga revival sa literal na pagkagasgas ng mga kaset tape nila ng Deans December – na ano kaya kung icover at irekord muli ang mga ito nang walang labis, walang kulang o buong-buo? Na sa gitna ng kung anu-ano na lang na mga revival, may nakaisip naman na gumawa na ganitong tipo ng nostalgia trip – yung gagawin ulit ang mga kanta pero hindi naman “bababuyin,” sabi nga ng mga die-hard fans na matatalas ang dila. Case in point: ang “Ipagpatawad Mo” ni Vic Sotto ay ginawa na rin ulit ni Janno Gibbs noon pero naging mas mahusay pa nga ang pagkakaawit. Pero ngayon ang bersyon na naririnig ng mga bata ay oo, rak en rol nga – pero unang-una sa lahat – dapat ba wala sa tono?

Isa pa, kakaibang kapangahasan ito sa bahagi ng Rivermaya dahil sandakot na lang marahil ang nakakaalala pa sa mga awit na ito ngayon, dahil hindi naman talaga sumikat ang mga ito gaya ng mga kanta ng Hotdogs, Eheads o Apo. At karamihan sa mga tumangkilik dito noon, kung hindi tayo nagkakamali, ay mas mamarapatin na bilhin ang album ito sa mga pirata dahil ang badyet ay nananatili pa rin sa range ng 20-90 pesos na kinamulatang presyo ng kaset tape noon hehehe!

Ito lang naman ang masasabi natin tungkol sa mga revival: Mahusay at buti na lang at may nakaisip ng ganito. Tanging si Joey Ayala lang yata ang may CD version pa ng mga awit na “Ilog” at “Padayon,” na pambihira ring napasama sa iba pang kanta na ngayon ay saan mo na hahagilapin? Ang dalawang kantang ito ang may pinakamatingkad na progresibong nilalaman at ang mensahe ay nananatiling relevant, maski pa nagbago na ang mismong pananaw ni Ayala na sumulat ng mga kantang ito. (Ano pa nga ba’t “Tabi po, Tabi po” na tungkol sa mga engkanto ang pinakahuling kanta na naaalala natin mula kay Joey Ayala. Mula diyalektikong materyalismo tungo sa metapisika?)

Ang iba pa ay kakaiba o “alternatibo” rin, at ngayon ay magsisilbi na lamang talaga sa nostalgia trip ng kabataang hinubog ng mga kantang ito upang lumihis sa nakasanayan – lumihis sa mainstream, makinig sa iba’t ibang tipo ng musika, maging bukas ang isipan sa iba’t ibang ideya, magrebelde. Saan pa nga ba hahagilapan ang matagal nang nawawalang si Binky Lampano ng Deans December, Jack Sicat ng Ethnic Faces, Identity Crisis at Violent Playground? Wala na rin sa songlist ni Chickoy Pura at The Jerks ang “Romantic Kill,” na ayon sa kanya ay naisulat pa niya sa kamusmusan ng kanyang songwriting career (ang naging “pinakasikat” nilang awit ay “Reklamo nang Reklamo” at “Mad Mathematical World” na pagtuligsa sa kolonyal na mentalidad at sa kontrol ng IMF-WB sa ekonomya; ngayon ang pinakabagong mga awit ni Chickoy ay “The North Star” na halaw sa tula ni Jose Ma. Sison, at isa pang tungkol naman sa extra-judicial killings). Ayon naman sa atin, kung tutugtugin pa ng Jerks ang “Romantic Kill,” dapat lumundag pa ulit nang napakataas nitong si Chickoy!

Kaya salamat na lang at mabibigyan pa ng pagkakataon ang mga “inosenteng bata” o kahit pa ang mga ignorante, na minsan pala’y may ganitong tipo ng kahusayan sa porma at nilalaman mula sa mga bandang Pilipino. Ngayon, masasabing buhay o mahuhusay naman siyempre sa tugtugan ang mga banda, may sandakot ding may kabuluhan pa ang inaawit. Pero sa pangkalahatan ay kailangang pagtiyagaan ang “ngawngaw” o “emo” na sinasabi – ano pa ba ito kundi ang palasak (at pinakamabentang) paksa ng pagkasawi sa pag-ibig na nilululan lang sa behikulong rak en rol sa kasalukuyan? Anupa’t “parang kuliling sa pandinig” ang araw-araw na lang na ganito sa radyo? Ang hangad na lang natin ay makakuha ng inspirasyon at “references” ang mga banda ngayon sa mga tipo ng banda na nirevive ng Rivermaya sa album na ito. Pero kung sinasabi ng Rivermaya na ang mga ito ang nakaimpluwensya sa kanilang tugtugan at gagawin nating batayan ang kinalabasan ng kanilang naging career…kayo na lamang ang maghusga dahil hindi ako fan, hehe.

Ang tanong na lang ay kung nasaan na ang mga batang ito na nagdalaga’t nagbinata sa LA 105.9 at sa iba pang obscure na mga istasyon ng radyo o kaya ay sa ganitong klase ng “soundtrack” na ni-revive ng Rivermaya? Rebelde pa rin ba, o gaya na rin ng Rivermaya na kinokomisyon o nagtatrabaho na para sa malalaking kumpanya?

Friday, March 09, 2007

Gawad Ka Amado: Antolohiya 1999-2005


Gawad Ka Amado: Antolohiya 1999-2005
Amado V. Hernandez Resource Center
1997

Ilang tala muna...


Isang magandang balita ang paglalabas ng antolohiya ng mga nagwaging akda sa Gawad Ka Amado (GKA), ang taunang patimpalak pampanitikan ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC). Bilang isang institusyon layunin ng AVHRC ang isulong ang interes ng uring manggagawa -- nangunguna sa pagpapalaganap ng isang bagong kulturang pambansa, syentipiko at makamasa laban sa dekadenteng kulturang kolonyal, burgis at pyudal na siyang namamayani at masasalamin sa mga karaniwang patimpalak at mismong dominanteng panitikan sa bansa sa kasalukuyan.

Magandang balita, sapagkat muling ginagawaran ng pagkilala at pagpapahalaga ang mga tula, kuwento, dula at awit na nauna nang nahusgahan ng lupong inampalan ng GKA sa nakaraang pitong taon. Nagbibigay-"aliwalas" ang karanasan ng pagbabasa ng mga akda, lalo na sa "pinakawagi" sa mga nagwaging akdang ito. Dahil sa konsentrasyon ng temang kumakatawan sa iba't ibang usapin at karanasan na nauugnay sa uring manggagawa, nagiging konsentrado rin ang pagtining ng pananaw sa daigdig na siyang ubod ng bagong kulturang ibinubudyong ng mga organisasyon at istitusyong gaya ng AVRHC -- isang proletaryado, sabihin nang Marxista-Leninista-Maoistang pananaw, na siyang pinakamatalas na pagsipat ng lahat ng naghahangad ng tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa paglalathala ng antolohiyang ito, may ilang usapin lamang na maaaring bumagabag sa ilang masugid na tagasubaybay ng Panitikang Pilipino. Una, ito ba'y katumbas ng pagbubuo ng sariling "kanon" na gustong itapat sa mga antolohiya ng mga nagwaging akda ng mga kilala o dominanteng timpalak-pampanitikan sa bansa? Mga timpalak, na siya umanong "nagtatakda" kung ano ang mahusay at masining sa panitikan, at kung gayon ay "nagbabasbas" kung ang isa'y matatawag nang "tunay na manunulat, kwentista o makata?" Sa madaling sabi, ang GKA ba ay inilunsad upang ipantapat sa Palanca?

Sa isang pahiwatig ay maaaring oo ang kasagutan. Sa isang pahiwatig ay ipinaaalam sa madlang mambabasa na ang mga nasa antolohiyang ito ang siyang "pinakamahuhusay" sa mga akdang "umuusbong" mula sa kilusang paggawa, malawak na kilusang masa at maging mula sa armadong pakikibaka sa kanayunan -- pantapat sa "latak" na panitikan ng isang kultrang dekadente't naghihingalo, ngunit patuloy na nangingibabaw at nakapanlilinlang. Panitikan itong tila isang bagong "agos sa disyerto" -- pamatid-uhaw sa gitna ng tigang na sining at panitikang punung-puno ng eskapismo, pantasya, angas, kababalaghan at obskurantismo.

Ngunit kung mulat na nais "banggain" ng GKA ang Palaca, iyan ay hindi pa matalas sa kasalukuyan, at maaaring hindi (pa) naman dapat pagtuunan ng higit na atensyon. Sa isang banda, gaya ng naunang nabanggit, ang malinaw na kagyat na tinutugunan ng antolohiya ay ang "kasalatan" sa mga nakalathalang progresibo/rebolusyonaryong panitikan -- "salat," relatibo sa sistematikong pagpapalaganap ng imperyalismo at naghaharing-uri ng panitikan at sining na sumusuhay sa kaayusang nagpapahintulot ng pang-aapi at pagsasamantala. "Salat," bagamat ang buhay at pakikibaka ng masang anakpawis ang siyang di-matutuyuang bukal ng materyales sa sining at panitikan -- ito'y nalilimitahan sapagkat walang sapat na "venue" o o lunsaran sa mga popular na babasahin o publikasyon; salat sapagkat walang sapat na rekurso para sa paglalathala; salat sapagkat sistematiko ring sinusupil at itinuturing na "subersibo" ng mga naghaharing-uri.

Magandang balita ang paglalabas ng antolohiya ng GKA -- para sa progresibo't makabayang manunulat at sa malawak na masang mambabasa, isang masayang okasyon ang makahawak ng kopya nito. Kung kaya, nais din nating pakalmahin ang tila depensibang posisyon ng AVHRC na mananatiling "laos at walang silbi" ang ganitong tipo ng panitikan para sa mambabasang pagod na sa mga temang panlipunan. Ang mga "napapagod" na ito ay di-maikakailang siyang pinakamakitid ang pag-iisip sa loob ng elitistang sirkulo o "barkadahan" sa Panitikang Pilipino, na ni hindi naman kilala o pinagtutuunan ng pansin ng malawak na masang uhaw sa mga progresibo at rebolusyonaryong babasahin na kaagapay nila sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka. Kung babaybayin at pakasusuriin maging ang "pinakawagi" sa mga nagwaging akda sa Palanca, halimbawa, ang anyo at nilalaman ng mga ito ay hindi nalalayo at mas madalas sa hindi ay siya mismong mga tema na dala-dala ng GKA -- "pagkatiwalag" (alienation) ng manggagawang industriyal at migrante, karalitaan sa lungsod, kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan at maging ang digmang bayan. Mulat ang aktibistang pangkultura sa obligasyon nito sa pakikitunggali sa dominanteng kultura, at nasa nangungunang tungkulin nila sa kasalukuyan ang pagpapalaganap ng mga akdang ito na pupuno sa "kasalatan" at magsisiwalat sa kabila ng pagkakait -- mulat kung para kanino, at kung paano pagsisilbihan ang masang mambabasa.

Nalalaman ito ng AVHRC kung kaya isa pang usapin maging ang teknikal na aspeto ng paglalathala, kantidad at kalidad, distribusyon at ang kabuuang "moda ng produksyon" na kinapapalooban ng ganitong uri ng proyektong pampanitikan. Dahil sa malinaw na layuning pagpapalaganap, nagiging matingkad na kahinaan ng AVHRC ang "walang kapatawarang" mga typographical errors sa halos lahat ng mga akda sa antolohiya -- mga maling baybay at bantas, di-konsistemt na estilo at tipo at maging pangalan ng mga nagwagi! Marahil ay hindi na dapat ipaliwanag kung ano ang epekto nito ngunit patawarin ang rebyuwer na ito -- napakanegatibo nito kung inaasahan ng AVHRC ang ibayong pagpapalaganap ng mga akda sa iba pang mga babasahin (reprint) o di kaya ay mga pagtatanghal ng mga dula at awit. Huwag nang banggitin ang epekto nito sa mga mambabasa na napagkakaitan ng esensya ng mga tula at kwento dahil sa maling baybay ng mga salitang nagkakaroon ng ibang pakahulugan. Ito'y nakakagulat at sadyang hindi inaasahan sa AVHRC sapagkat hindi ugali ng uring manggagawa ang ganitong kabulagsakan sa trabaho!

Magkagayunman, totoong isang malaking tagumpay (pa rin) ng AVHRC ang paglalabas ng antolohiyang ito; isang magandang balita at isang masayang okasyon. Hindi pa man natatasa ng mga aktibista't manggagawang pangkultura ng AVHRC ang kabuuang kabuluhan ng mga proyekto nilang gaya nito, sinasaluduhan natin sila sa pagsisikhay, habang inaasahan na patuloy ang masiglang paglulunsad ng mga palihan sa mga pabrika't komunidad, mas masinop na pagtitipon at mas maagap na pagpapalaganap ng panitikang katuwang ng mga isyung kinakaharap ng masa sa kasalukuyan. Mas maagap na pagpapalaganap hindi lamang sa mga aklat -- kundi sa mga pormang mas aksesibol sa masang anakpawis gaya ng mga polyeto, peryodikit, buklet, pampleto at marami pang iba. Mapagtatangkaan pa sanang i-rebyu ng rebyuwer ang wagi sa mga wagi, ngunit sadyang nalilimitahan at maaaring maging tagibang ang paghuhusga. Sa ngayon ay magmumungkahi na lamang ang rebyuhan, at maghihintay ng masinop ng ikalawang edisyon ng GKA Antolohiya, perhaps with a sincere note of self-criticism na katuwang?

Friday, October 27, 2006

Flipino, album ni Dong Abay, 2006


Rebyu ng FLIPINO
album ni dong abay
Synergy Music 2006

"Original o pirated?" Huling tanong ni Dong Abay sa kantang "bombardment." Kung ako ang tatanungin, ang sagot ay pirated. Ipinagtanong din ang album nang minsang mapadaan sa tiangge sa bangketa. Kapalit ng 25 pesos ay inabot ng tindera ang piniratang kopya ng album na flipino. Pagdating sa lugar na may kompyuter, ni-rip at ginawang mp3, isinalin sa CD kasama ng iba pang babasahin at awiting dadalhin sa kung saan man mapadpad.

Sinagasaan na ng all-out war ni Gloria Arroyo, dagdagan pa ng distroso ng bagyong Milenyo at malawakang brawnawt, kaya pagkatapos ang mahigit sa isang buwan, saka ko lang napakinggang mabuti ang album. Kung bakit, kahit abala na sa iba't ibang trabaho't lakad, at katulad na lang ngayon na may konting oras at nabibigyan ng pagkakataon -- tipo bang kailangan pa ring isingit ang pagsubaybay sa kung ano na ang pinagkakaabalahan ni Dong Abay?

Kumbaga, ano nga ba ang kabuhulan ( o sa ibang salita ay reli, o relevance) ng mamang ito?

Sa kantang "akrostik," si Dong mismo ang nagtatanong -- binaybay niya ang sariling pangalan gamit ang pangalan ng iba pang katulad niya ay musikero, nagbabakasakaling mahahanap ang identidad relatibo sa ibang tao. Sa huling letrang Y (ng D-O-N-G A-B-A-Y), ang hinaing nya ay "yano, yano, yan ako, ako ay sino ba?" Tila nag-aangas pa rin sa lumipas na kasikatang nakakatuliro, bilang isang biyak ng nabitak na bandang Yano (kasama ng Dabawenyong gitaristang si Eric Gancio) noong kalagitnaan ng Dekada '90. Syempre, sino ba ang makakalimot sa kantang "Banal na Aso, Santong Kabayo"? Marami na rin marahil, kung nakikilala na lang ito ng mas nakababatang henerasyon sa tono ng parodya ng Parokya ni Edgar, o bilang binastardong themesong ng nasibak na teleseryeng Nginiiig.

Sa mga awit na pumapaksa sa kalagayan ng karaniwang tao -- masa, sa madaling salita -- talaga nakilala at mauugat ang kasaysayan ni Dong Abay bilang musikero, o higit pa'y bilang manunulat ng awit (songwriter). Noong una, myembro siya (kasama si Gancio) ng tinaguriang "agit-prop" chorale na Patatag, na nagpopularisa ng mga progresibo't rebolusyonaryong awit at awit protesta sa huling bahagi ng Dekada 80 - early 90s. Nainip daw ang duong Abay-Gancio sa ganitong pormulang masyadong GND (o grim and determined, anila) kung kaya naisipang buuin ang Yano, na progresibo pa rin naman kung tutuusin pero punk na ang impluwensya ng tugtugan, at hindi na lang mga martsa at kundiman. Ang sumikat na kantang "Kumusta Na?" gaya ng alam ng ilang nakasubaybay, ay tungkol sa bigong pangako ng Edsa Uno. Pagkatapos ng dalawa pang album at maraming angas sa lipunan, ay bigla nang nawala sa eksena ang Yano.

Bumalik si Dong Abay pagkatapos ang ilang taon, tinulugan ang Edsa Dos at nagising na meron nang bagong pangulo, may mga bagong pangako si Arroyo na mas masaklap ang pagkabigo -- noon lumitaw ang bandang PAN, pagtatangka ni Dong sa pagbabalik sa eksena. Ang dating punk, sa ilang awit ay naging funk, mas malumanay na. Makulit at maangas pa rin pero mas intelektwal ang mga hugot at mas masinsin na kung maghabi ng mga salita. Hindi masyadong napansin ang PAN dahil ang uso noon sa radyo ay Sexbomb at Viva Hot Babes.

Pero ngayon, uso na ulit ang mga banda. Mga "bobo" (?) nga lang sabi ni Dong, ayon nga sa tsismis na kumakalat sa internet. Karaniwang tao at karaniwang pangyayari muli ang paksa ng album ni Dong, gaya ng diwa, ika nga, ng dating bandang Yano. Pero ano ang pagkakaiba ng flipino?

Sinampolan kong patugtugin ang buong album, ang mga tagapakinig ay mga karaniwang tao na dalubhasa sa Bituing Walang Ningning at Captain Barbell, at sanay na rin sa mga bagong single ng Itchyworms, Cueshe at iba pang sumisikat na banda ngayon. Ang unang hatol: "Hahaha, parang si Polanong buwang na gumagala sa baryo, ganyan kung kumanta!" Hindi ko sigurado kung ang pinatutungkulan ay tono o liriks kaya kahit sabog ang ispiker, nagpursige akong pakinggan pa nang mas mabuti ang album para mapalalim ang batayan ng gayong ispontanyong komentaryo. Pagdating sa kantang "perpekto," nakikikanta na sa koro ang ilang nakikinig. Ilang linggo na rin kasi itong pinatutugtog sa lokal na radyo.

Sa ikalawang pasada, napansin ko na ang mga titik na parang pinaglaruan, lahukan pa ng tono na parang hinugot sa baga at binabato kahit saan. Ganito ang pagkasabog ng kantang "solb," na para bang ang persona ay handa nang tumalon mula sa tuktok ng isang billboard sa EDSA. Halimbawa pa, sa kantang "tuyo," may lohika naman pero walang paksa o tema na tumitingkad, parang namimilosopo lang ang persona at nangungulit. Sa isang banda, tila umiiwas ang awit na magpakahon sa pagiging pulitikal, o kung pakababasahin pa nga -- sa pagiging environmental. Ani nito "okey lang kung tuyo na ang dagat, sa ibang planeta lumipat" Tila okey na okey na takasan, o kaya ay pagtakpan ang pagiging concerned -- ang pakikisangkot, o kaya ay ang responsibilidad sa mga isyu o nabibitiwang komentaryo sa kapaligiran, bansa at daigdig.

Ganito ang buong pakiwari ng flipino. Ang matingkad ay ang punto de bista o pagsipat ni Dong Abay sa buhay ng masa, pero hindi maintindihan kung ano ba talaga ang gustong mangyari sa paksa. Tiyak na tema ang buhay-Pilipino -- "flipino" kumbaga: baluktot o twisted, baliw, kulang-kulang at deprived -- na ipinipinta sa pananaw na madilim, malamlam, halos pesimistiko o sinikal. Isinisiwalat ito sa mga kantang "kukote," "espasyo" at "segundo." Sa una, kahit malumbay ay may pakiwari pa ng pag-asa: "bumaha man ng luha / sa pagpalakpak ng unos / lumubog man ang lupa / may ilog pa ring aagos / malaya / malawak / malaya di nakagapos." Pero sa "espasyo," nasisikil muli ang persona at nakukulob sa komersyalismo. Nakakalungkot na maangas na nangungulit pa rin minsan. Parang gustong magpatawa ng ilang awit, pero kapag natawa ka, parang nakagawa ka ng malalang kasalanan sa lipunan.

Halimbawa, sa "awit ng kambing," karumaldumal at karimarimarim ang naratibo pero nakukuha pa ng koro na pumalahaw ng " tra-hehehehehehehe-dya" na para bang ang tagapagsalaysay ay nang-aasar o nababaliw na. Kapag pinakinggan pa ang "mateo singko," "ay buhay" at "aba aba" halos gusto mo nang humagulgol o kaya'y magpatiwakal. Napakatamlay at nakapanlulupaypay na ang dagdag-pagsasalarawan ng trahedya ng kahirapan na totoo namang pinakakaraniwang bagay sa buhay-Pilipino. Ang "mateo singko," na alusyon sa bibliya (ayon nga sa pinakasikat na linya mula sa tsapter na ito: "blessed are the poor in spirit for they shall inherit the kingdom of heaven.") ay may korong may paulit-ulit na linyang "mahirap maging mahirap" na sa dulo ay durugtungan ng " sa ngalan ng.. espiritu ng mga santo at santa..." ad infinitum na para bang hipnotismong hindi mawari. Ano ang nagagawa nito para mabaklas ang di-syentipikong kaisipan sa masa, at mabigyan man lang sila ng kahit konting dangal sa kanilang pag-iral?

Kung didibdibin ang mga kwentong nasa mga kanta, mas matimbang na nakakalungkot na o halos nakakadepress. Kung inaako ng "aba aba" na "kasalanan ko kung bakit ka nagkaganyan/ kasalanan ko aba abang kalagayan" ano na magagawa natin? Pwedeng namang maghalo ang damdamin sa interpretasyon sa kantang "perpekto." Dalawang bagay: dahil sa introspeksyon ng nakikinig, pwede itong makapanghikayat na maging mas mahusay na tao. Pero dahil halos negatibo ang sitwasyong isinasalarawan, pwedeng maging "justification" para hindi na pangibabawan ang mga kahinaan o "depekto." Ano nga naman ang epekto kung meron kang depekto, ika nga ni Dong? Pero mapapansin na sa paghahabi ng berso ay masinsin ang mga imahe ni Dong -- walang perpekto aniya, pero gusto niyang maging perpekto ang liriko. Sa "wwIII" pinapaksa muli ni Dong ang giyera (gaya ng huling album ng Yano na Tara) pero tila hinihiling na bigla na lang maglaho ang kaguluhan dahil "kung kailan ang linaw ko, ang labo mo / ang labo mo naman mundo." Nag-aangas lang na parang wala nang hakbang na magagawa, o wala nang pagpipilian.

Pero sa "bombardment," lagi tayong pinapipili. Para sa bawat bagay, may dalawang naglalabang tatak: "Smart o Globe? / Coke o Pepsi? / Tide o Surf? / SMB o Asia Brewery?" Nasa nakikinig kung talaga nga bang "malaya" sa pagpili o nasasadlak pa rin sa parehong bitag ng kapitalismo at komersyalismo. Pakutya ang korong "ABS CBN o GMA7?"na dalawang istasyon ng telebisyon na pangunahing nagtutunggali (nang napakamarumi) para makakopo ng mas maraming patalastas na ipamumudmod o "ibobombard" sa manonood. Iniaangat ang antas ng pang-uusisa nang itanong ni Dong kung kay "Gloria o FPJ? / Marcos o Cory? / Bush o bin Laden?" Sa mga ito, kung pakasusuriin, ay wala pa rin namang pagpipilian. Hindi pa ganoon katalas ang pagkakaiba para "makalaya" ang nang-uusisang persona kapag nakapili ng isa sa dalawa -- kahit pa nga sa tanong na "original o pirated?" na patungkol naman sa lokal na industriya ng musika na nanghihingalo na umano dahil sa mga pirata.

Sa isang tambak na tanong na ito, isang pares lang marahil ang gumuguhit ng matalas at matingkad na pagkakaiba -- "NPA o AFP?" -- ang pagpipilian ay NPA (New People's Army) bilang tunay na hukbo ng mamamayan na tagapagtanggol at katuwang ng masa sa pang-araw-araw na hirap ng buhay; at sa kabilang banda ay AFP (Armed Forces of the Philippines) na berdugo at mersenaryong pwersang tagapagtanggol ng interes ng pasistang estado at mga dambuhalang kapitalista. Pero dahil isinama ito ni Dong sa gitna ng mga tanong na pakutya, marahil ang liwanag na ito ay hindi pa niya nakikita. Mababawasan marahil ang lamlam o dilim ng kanyang punto de bista kung makakapili siya ng isang panig sa kontradiksyong ito. Mas mailalahad niya nang may-pag-asa ang "trahedya" ng kahirapan sa pamamagitan ng pagsipat sa maaliwalas na hinaharap ng rebolusyon -- yung tipong hindi lang "pansarili" gaya ng paksa ng kantang "Rebolusyon" sa Parnaso ng Payaso ng PAN (pero sa bawat indibidwal syempre ay doon na rin naman iyon nagsisimula). Wika nga, totoong nakakabaliw -- o flip -- ang buhay natin, at napakaraming ebidensya sa paligid. Gayunman, responsibilidad din ng responsableng artista ang isalarawan kung paano nagsisikap (o nakikibaka) ang masa para hanguin ang sarili mula sa abang kalagayang ito.

Anu't anuman, pagkatapos ng napakaraming pasada sa flipino, anuba't ang "dyad" (ito nga ba ang pamagat nito o typo error lang ng pirata?) ang kantang madaling dumikit sa utak. Ayon nga rito: "Ikaw ang alaala na maganda ang mundo/ Para, para, para, para, para, para sa iyo 'tong kantang ito". Siguro, sabi nga minsan ng kapwa niya musikero, kailangan nga talaga ng mas marami pang lab song mula kay Dong Abay. Seryosong payo man iyon, o pagsesenti lang sa nasawing kapalaran ng kantang "senti." Hehehe.

Wednesday, August 30, 2006

Armando, biograpi ni Armando Teng, sinulat ni Jun Cruz Reyes

Rebyu ng Armando ni Jun Cruz Reyes
Inilathala ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC)
2006

Ipinakikilala sa librong Armando si Armando Teng, kadre ng rebolusyonaryong kilusan – ang dating Manding ng kanyang kabataan na naging malapit sa mga kasama at masa bilang Ka Simeon at iba pang alyas o pangalan sa pakikibaka. Hindi man mamalayan o asahan ng awtor, (ang tanyag na kwentista at propesor na si Jun Cruz Reyes) -- maaaring ang librong Armando na ang pinakasignipikante at pinaka-nakakaantig na akda ng awtor sa kasalukuyan.

Muli, pinatutunayan ni Reyes ang kanyang husay sa pagsusulat ng mga paksang taliwas sa kumbensyon. Sa ibang pananalita, mga paksa ito na sinusupil o sadyang hindi isinisiwalat habang laganap pa sa lipunan ang burgis, pyudal, at maka-dayuhang pamantayan ng “kahusayan” (o kapangyarihan.) Nauna niyang tinangka ang ganitong klase ng panitikang saksi sa librong Ilang Taon na ang Problema Mo? (1993), na koleksyon ng mga testimonyal mula sa mga mandirigma ng New People’s Army (NPA), kabilang na si Ka Roger Rosal, na tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga karaniwang karakter (o masa) na impluwensyado o kumikilos para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Pambihira ang proyektong sinuong ni Reyes sa paghahabi ng biograpi o talambuhay ng isang pambihirang tao. Pambihira si Armando Teng, ayon na rin kay Reyes, pagkat hindi “sikat” na gaya ng mga personalidad (mayayaman) na paksa ng mga karaniwang kinomisyong biograpi. Pambihira, sapagkat pambihira ang buhay na inalay para sa pagbabago ng lipunan at mundo. Minahal si Armando Teng ng napakaraming tao na kanyang nakasalamuha sa pagkilos, ngunit ayon sa reaksyunaryong gobyerno ang mga tulad niya ay nakapailalim lamang sa isang kinatatakutan at kinasusuklamang bansag na “terorista.”

Magaan ang pagkakalahad ng masalimuot na buhay ng kadreng si Teng sa librong Armando. Simple ngunit di-pangkaraniwan ang pagkukuwento ng kabataan ni Armando – para rito, kinailangan din ang samu’t saring punto de bista at sanggunian. Tila hindi nakakalimot si Reyes sa pagbutingting ng mga detalye – ang kasaysayan ng naghiwalay na magulang, mga barkada ni Manding, maging ang “bisyo” niyang thumbsucking. Ang napakasimple, halos nonchalant na pagtatagpi-tagpi ng buhay at karakter ni Armando Teng ay mahusay at sa kabuua’y epektibo. Madetalye ito pero hindi maborloloy. Sa kabila ng mga kahinaan at kapintasan ni Teng ay laging makikita ng mambabasa kung paano nagniningning ang kanyang karakter.

Ang ganitong simpleng pagtatagni-tagni ng mga salaysay at pangyayari ay unti-unting naghahatid sa mambabasa tungo sa mga paksang mas kumplikado – paano nagsimula ang kanyang pakikisangkot; ang tortyur at pagkakakulong sa panahon ng diktadurang Marcos; ang pagpasok sa sonang gerilya at problema sa kalusugan; ang kanyang pag-ibig at pagtatatag ng rebolusyonaryong pamilya; at ang papel na ginampanan sa pagresolba ng histeryang anti-DPA (deep penetration agent o espiya ng gobyerno na nakapasok sa kilusan) na sumalanta sa rebolusyonaryong kilusan noong Dekada ’80.

Ang huli, na isa sa pinakasensitibong paksa sa Armando, ay isa sa mga naging tuntungan ng matagumpay na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) na inilunsad ng CPP mula noong 1992. Bagamat ang malalang kamaliang ito ay matagal nang kinondena at iwinasto ng CPP, patuloy pa rin itong ginagamit bilang propaganda ng pasistang militar at reaksyunaryong gobyerno laban sa rebolusyon at sa buong rebolusyonaryong kilusan. Ang librong To Suffer Thy Comrades ng isang biktima na si Bobby Garcia ay nakakasangkapan din upang patuloy na magpinta ng negatibong larawan ng kilusan, sa kabila ng IDKP. Sa librong Armando, tumatagos sa karakter ng isang kadre na gaya na nga ni Armando Teng ang mga kasagutan sa ilang akusasyon ng To Suffer. Magiging mas mahusay pa sanang patotoo sa sinseridad ng kilusan sa pagwawasto kung mas malinaw na nailatag sa Armando ang konteksto ng histerya, at kung paano ito sinuri, tinunggali at nilabanan, itinakwil (at/o pinarusahan) ang mga naghasik nito, at nagpaumanhin sa mga biktima (kabilang na si Garcia) para sa malalang kamalian na ito.

Kung tutuusin, magiging mas malinaw din ang paliwanag para sa kilusang pagwawasto -- o sa katuturan ng buong buhay ni Armando Teng mismo -- kung mas malalim o malinaw pang nailatag ang konteksto ng rebolusyon mismo, sa pamamagitan man lamang ng isang introduksyon o epilogo, kung hindi man ito mahusay na mailalangkap sa estilo ng panulat ng talambuhay (lalo na kung sumasagka na ito sa pagiging nutral na tagapagsalaysay ni Reyes).

Halimbawa, ang sakripisyo sa pagtatatag ng rebolusyonaryong pamilya ay isang bagay na mahirap unawain at tanggapin – mahirap itong proseso maging sa mga rebolusyonaryo, at madalas itong dahilan ng panghihina at pagtalikod sa prinsipyo. Paano ipaliliwanag na ang rebolusyon, ay hindi lumalamon sa sarili nitong mga anak, kundi sa ultimo ay para sa kabataan at sa mga susunod na salinlahi? Gayundin, kailangang ipaliwanag ang kontekstong nagsisimula pa lamang o kung baga ay “bata pa” noon ang kilusan, bukod pa sa ginigipit ng kaaway at kulang pa sa rekurso para tugunan kahit ang pinakaminimium na pangangailangan ng pamilya ng isang kadre -- halos masasabing naive pa noon ang kilusan, at gayundin ang batang kadre na si Armando, sa pagharap sa mga usapin hinggil sa pagpapamilya. Sa ganito masisimulan ng mambabasa ang lubusang pag-unawa sa mga sakripisyo (at kahinaan) ni Armando sa pagpapamilya at pagpapahalaga sa relasyon niya sa kanyang asawa na si Ada. Sa ganitong pang-unawa at pagpapahalaga lamang maaaring makihati o makibahagi ang mambabasa sa mga kabiguan ni Armando, at gayundin sa kanyang kasiyahan nang malaman na ang lahat ng kanilang mga anak ay kumikilos na para sa rebolusyon. Dito rin makakahalaw ng aral ang bagong henerasyon ng mga kadre at rebolusyonaryo sa pagtatatag ng proletaryadong pamilya.

Sa isang banda kasi, nagiging pambihira lamang ang paksa ng buhay ni Armando Teng kung ang ginagalawang daigdig ng mambabasa ay daigdig na mahigpit pang kontrolado ng reaksyunaryong estado. Sa mga sonang gerilya sa kanayunan kung saan unti-unting itinatatag ang kapangyarihang pampulitika (gayundin ang rebolusyonaryong kultura) ng mamamayan, ang buhay na gaya ng kay Armando ay tinatahak na ng libu-libo na may makukulay ding karanasan o kasaysayan. Bagamat ang rebolusyon, wika nga’y hindi matutuyuang balon ng materyal para sa ganitong tipo ng panitikan, nagiging pambihira lamang ang regular na paglalathala ng ganitong tipo ng biograpi sa loob ng kilusan mismo sa iba’t ibang dahilan gaya ng badyet, mas kagyat na rebolusyonaryong gawain o mga isyu sa seguridad. Gayunman, hindi pambihira ang mga aktibidad at akda na humahalaw ng aral at inspirasyon mula sa buhay at pakikibaka ng mga “kasama” -- nariyan ang mga talakayang-buhay, mga pulong-parangal para sa mga martir, at napakaraming tula, awit, pahayag at sanaysay na pumapaksa sa mga ito.

Kung kaya, nagiging tunay na signipikante at nakakaantig ang Armando batay sa pananaw na tangan ng mambabasa. Kung rebolusyonaryo na katulad ng kay Teng ang pananaw sa mundo, madaling mauunawaan ang mga konteksto ng pira-pirasong anekdota at kwento na maaaring hindi gaanong napapalalim o nagagagap ni Reyes mismo (na kanya ring ipinagpapaumanhin o inaamin). Ang pananaw ay isa rin na maaari pang napalawig sa Armando, dahil ang buhay ni Armando Teng bilang isang namumunong kadre ay pinanday sa pagwawaksi ng lumang kaisipan at pagsusulong ng bagong makauring pananaw batay sa Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Ang pagkakagagap ng mga kilusan sa MLM ang gumabay sa IDKP, sa mismong pagsisimula at patuloy na pagsulong ng rebolusyon.

Nagiging mahusay at epektibo ang akda ni Reyes sapagkat hindi man niya mamalayan o asahan, ang pananaw na mahihinuha o mapupulot ng mambabasa habang binabaybay ang buong aklat ay tiyak na pumapanig sa ipinaglalaban ni Armando Teng. “Huwag ninyong iiwan ang rebolusyon, magtatagumpay tayo,” bilin ng naghihingalong Armando. Sa huli, namatay man siya sa sakit at hindi sa labanan na gaya ng karaniwang mandirigma, si Armando ay isang bayani -- isang huwaran at magiting na rebolusyonaryong lider -- sapagkat pinaglingkuran niya ang sambayanan hanggang sa kanyang huling hininga.

Saturday, March 25, 2006

Mga Bidyo-Dokyu ng Gobyernong Arroyo-AFP, 2006


Hindi ito rebyu

Hindi naman talaga irerebyu rito ang mga “dokyu” ni PGMA/AFP. Sino ba namang walang magawa ang kusang-loob at buong-sigasig na magtitiyagang panoorin at tapusin ang mga “dokyu” na’to? Tsaka sining ang nirerebyu sa blog na ito, hindi basura.

Kaso lang, tatlong istasyon ng TV ang nagagamit ng gobyerno kaya maya’t maya na lang ay naipapalabas ang mga “dokyumentaryo” na ito. Kaya hindi natin masisisi kung may mga karaniwang tao na makailang ulit na itong napanood, lalo na kung mahilig silang magpalipat-lipat ng istasyon. Isipin nyo, kahit pa labag sa loob nyo ang makabisado ang themesong ng Pinoy Big Brother, ano ba naman ang magagawa nyo kung kahit saang sulok na lang kayo magpunta, ito ang pinapatugtog?

Pinakatampok sa mga “dokyu” ang Paglaban sa Katasiklan 1017 na nagtatangkang ipaliwanag sa karaniwang mamamayan ang mga dahilan kung bakit kailangang ideklara ni PGMA ang Proclamation 1017 – dahil na nga raw sa sabwatan ng extreme Left at extreme Right, sa simplistikong paliwanag nga ni Mike Defensor, na eto na, eto na raw ay sabwatan ng mga elementong gagamit na ng baril, kaya may banta ng karahasan at kaguluhan na gusto nilang maiwasan. (Habang patay-malisya sila sa sistematikong karahasang inihahasik ng AFP/PNP/CAFGU sa daan-daang walang-labang mamamahayag, aktibista, lider-masa at karaniwang mamamayan na tinakot, ipinapatay o minasaker nila. Hindi ba ‘yun kaguluhan? Hindi ba ‘yun ang tunay na kataksilan?)

Bukod dito, mayroon pang ibang “dokyumentaryo” na anti-komunista naman ang tema. Ganito ‘yung tipo ng mga bidyo na pinapalabas ng AFP at gobyerno sa mga baryo, at me kadobol noon na mga pelikula ni Chuck Norris (ngayon siguro mas marami pang pagpipilian dahil sa “trend”, o sistematikong produksyon ng mga pelikulang “patriotic” at “anti-terrorist” mula sa Hollywood). Sa mga “dokyu” na ito ipinapalaam at biibigyang-babala ang madla sa masasamang katangian umano ng rebolusyonaryong kilusan na kinakatawan ng CPP-NPA-NDF. Halimbawa, sila ay nagpapatayan sa isa’t isa; kapag napaghinalaan ka, ikaw ay hindi patas na lilitisin at saka agad na papatayin; at syempre pa, wala raw Diyos ang mga komunista.

Hindi na nga bago ang ganitong propaganda ng gobyerno. Matagal na itong kinokondena ng mga rebolusyonaryong pwersa at maging ng mga progresibo na dinadawit ng AFP at gobyerno sa red-baiting at witchhunt laban sa mga komunista, at pinaghihinalaang komunista. Kumbaga, nakakasuka at nakakarindi na. Ang tendensya na nga, maging ng rebyuwer na ito, ay agad itong idismis bilang basura kahit hindi pa naman napapanood nang buo ang mga “dokyu” para mahanapan man lang ng kahit kaunting artistikong merit bilang katubusan. (HAHAHA!)

Pwera biro, bagamat alam naman ng mga progresibo at rebolusyonaryo, gaya na lang ng organisadong hanay ng mga artista, manunulat at aktibistang pangkultura, kung ano ang ibig sabihin at gustong ipalaganap ng mga “dokyu” na ito, mahirap ang maging kampante sa implikasyon at epekto nito sa masang manonood. Kung ang mga mulat ay madaling magsabi na ito ay basura, madaling isantabi at ‘wag nang pansinin o patulan ang mga “dokyu” na ito, hindi ganoon ang kaso para sa mas marami na hindi pa matalas o kritikal sa anumang nasasagap nila sa masmidya.

Ang totoo nyan, hindi lang ito sa hanay ng masa. Dahil hindi naman pantay-pantay ang kamulatan natin, ang mga “dokyu” na ito ay pwede pa ring maghasik ng kalituhan, takot at alinlangan sa hanay ng mga masasabi na nating organisado o mulat na. Kung tutuusin ay hindi lang naman mga bidyo-dokyu ng gobyerno ang kasali rito pero kumbaga, sa sopistikado at “malikhaing” opensibang pangkultura ng imperyalismo at naghaharing-uri, ito na nga ang pinakagarapalan at pinakamagaspang na panlilinlang na “maihahandog” nila sa atin.

Nariyan din kasi, sa iba’t ibang antas, ang kusa at di-kusang pagtangkilik natin sa mga kanta, commercial, jingle, game shows, beauty contests, teleserye, fantaserye, pelikula, paketbuk at kung anu-ano pang anyo ng sining at masmidya. Sa ilang kaso, gaya na nga ng trahedya sa game show na “Wowowee” ay malalantad ang malagim na epekto nito sa masa. Mas mahabang talakayan pa ito kung gusto nating suriin at ungkatin, pero tiyak na may kaugnayan din sa pagpapalabas ng gobyerno ng mga “dokyu” sa ngayon.

Mahirap talaga ang maging kampante ngayon. Kaya nga sa kabila ng pananakot at panggigipit, tuloy ang mga rebolusyonaryo at progresibong artista at aktibistang pangkultura sa kampanya para patalsikin ang matatawag na natin ngayong DIKTADURANG ARROYO.

Isa na nga sa pinakamahusay na paraan para labanan ang ganitong klase ng “opensibang pangkultura” ay ang paggawa ng sariling “dokyu” ng mga rebolusyonaryo at progresibo. Kung sa labanan lang ng mga “dokyu,” marami nang mga bagong grupo ng dokyumentarista at manggagawa sa awdyo-biswal ang naglalabas ng mga progresibong dokyu hinggil sa iba’t ibang isyu, gaya ng masaker sa Hacienda Luisita, buhay sa tabing-riles, at maging sa calibrated preemptive response (CPR) na mapanupil na patakaran din ni Arroyo. Ang ilan sa mga ito ay kinilala at naparangalan pa nga ng Gawad CCP para sa Alternatibong Pelikula at Bidyo, at iba pang instituyon sa pelikula.

Ang hamon na lamang para sa mga grupong ito gaya ng Southern Tagalog Exposure, Tudla, Sipat, Ibon Foundation, EILER, Kodao Productions at iba pa ay ang mas sistematikong pagpapalaganap ng mga ito para matunghayan at matangkilik ng mas maraming manonood, dahil syempre ay wala namang istasyong NBN, RPN at IBC ang mga grupong ito. Mainam ang pagmamaksimisa sa mga espasyong gaya ng mga film festivals, mga rali at pagtitipon at maging sa maikling timeslot ng programang DOKYU sa istasyong ABC-5.

Gayundin, ang tungkulin sa pagpapalaganap ay tungkulin di lamang ng mga grupong awdyo-biswal, kundi ng iba pang aktibista at organisador. Ang mga huwarang dokyu ay magagamit nila sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng masa sa mga komunidad, lugar ng trabaho, eskwelahan at iba pang lugar ng konsentrasyon ng masa. Sa ganito, mas maagap na makukuha ang mga puna at mungkahi ng masa para maikonsidera sa pagpapaunlad ng mga susunod na dokyu, o ng mga lumang trabaho na pwede pang i-edit. Sa ganito rin makikita ang aktwal na epekto ng mga progresibong dokyu sa pagbabago ng kultura at pagpapakilos sa masa.

Ang mga grupong ito ay hindi na rin kailangang bansagang “communist front,” gaya ng akusasyon ng bayarang saksi at “makabagong MAKAPILI” na si Jaime Fuentes sa Kodao Productions. Kasi naman, mayroon namang sariling mga dokyu ang Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) na isang kasaping organisasyon ng NDF. Isa pa, mas mabilis, mas mahusay at mas “astig” pa nga ang mga dokyu ng awdyo-biswal na grupong Isnayp ng Romulo Jallores Command ng NPA sa Bikol na gumawa ng mga dokyung Bagati, Sulo kan Bikol, mga “videoke version” ng mga rebolusyonaryong awit gaya ng “Martsa kan Bikolandia”, at serye ng mga ala-newsreel na dokyung “Dagundong kan Bikol.”

Sa ibang larangang gerilya ng NPA, hindi na nga lang dokyu ang napoprodyus, gaya ng pagtatangka ng mga Pulang mandirigma at masa na maging prodyuser at artista sa sariling pelikula sa isang sonang gerilya sa Masbate. Pinagtagpo na rin ang dulaan at bidyo sa dokumentasyon ng isang live performance (syempre, sa bundok!) ng mga full-length musicale tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas gaya ng nagawa ng Pulang Bagani Command sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino: The Musicale at Red Alimaong Platoon ng Mindanao sa bidyong Hukbo sa Katawhan.

Katuwang ng pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryo at progresibong bidyo ang pagbabasura at paglalantad sa mga “dokyu” ng gobyerno. Ibig sabihin, dapat maging maagap sa pagsisiyasat sa epekto ng mga ito sa masa at maging sa mga aktibista. Ang paglalantad sa mga kasinungalingan nito ay dapat tapatan ng matiyagang paglilinaw at pagpapaliwanag.

* * *

Pahabol: Noong una, gusto ko lang maging kwela at sabihin na ang direktor ng mga “dokyumentaryo” ni PGMA/AFP ay si Lupita Aquino-Kashiwahara, na noon ay higit na nakilala para sa kanyang obra-maestrang Minsa’y Isang Gamu-gamo (na tungkol sa pananatili ng Base Militar ng US sa Pilipinas at maaalala sa pagpapasikat ng linyang “My brother is not a pig!” ng superstar na si Nora Aunor.)

Ngayon, si Lupita Aquino ay nagiging notoryus na lang sa kanyang bigong pagtatangka na i-workshop sa four basic emotions at hand gestures itong si PGMA. (Ebidensya: apparently crude motivation and direction para sa “I’m Sorry” statement for the “lapse in judgment” noong Hunyo 2005; at ang parang adik na pagka-perky sa lifting ng Proclamation 1017 noong unang linggo ng Marso 2006.)

Tuesday, March 14, 2006

Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency, literary zine ng SIGAO-UP, Marso 2006



Isang iglap

Ang publikasyong iglap, gaya ng mga kapatid nitong dulang iglap at instant myural, ay pagpapatotoo sa papel ng sining sa mabilis na pagtugon sa maiinit na isyung panlipunan.

Bilang tradisyunal na pugad ng mga aktibista at "Iskolar ng Bayan,” inaasahan din ang mabilis na pagtutol ng Unibersidad ng Pilipinas sa panunumbalik ng batas militar, sa anyo ng "national emergency” na idineklara ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa kasagsagan ng paggunita sa 20 taon ng EDSA People Power I noong nakaraang buwan.

Magmula noong Hunyo ng nakaraang taon, nang sumabog ang kontrobersyang nagdidiin sa kanya sa pandaraya sa eleksyong 2004, ilang buwan nang binubuno ng gobyernong GMA ang kaliwa’t kanang batikos at panawagang magbitiw sa pwesto – hanggang sa rumurok, umano, sa tangkang kudeta kung saan ang mga pwersa mula sa Kaliwa at Kanan ang siya na ngayong lihim na nagsasabwatan upang marahas na ibagsak ang pamahalaan.

Ang Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency na inilabas ng Students’ Initiative for Gloria Arroyo’s Ouster ng Unibersidad ng Pilipinas (SIGAO-UP) ay naipalaganap bago pa man ang dagling pagbawi sa idineklarang state of national emergency. Ngunit wika nga ng mga tumututol sa proklamasyong ito, ang pagiging mapagbantay ay hindi dapat matapos sa kunwang pagbawi na ito ni GMA. Kung gayon, lalo’t para sa mga naglabas ng koleksyon at sa awdyens nito, ang mga tula, dagli, o prosang tula na nakapaloob sa Emergencia Poemas ay nagkakaroon ng kahalagahan lagpas pa sa panahong sinasaklaw ng tema. Patuloy itong nagiging signipikante habang nananatiling usapin ang panggigipit, panunupil at ang mismong pananatili sa poder ng rehimeng Arroyo.

Katangi-tangi, wika nga ni Gelacio Guillermo, ang mabilis na pagtugon na tulad nito. Natatangi naman, kung tutuusin, ang bago, makabago, o umuusbong na wika at indayog ng panitikang protesta mula sa UP, kung pagbabatayan ang mga akda sa Emergencia Poemas. Sapagkat mula sa unibersidad, ipagpapalagay na sinasalamin lamang nito ang aktitud, panlasa at pagtangkilik sa panitikan ng tinatarget na awdyens ng koleksyon – ang buong komunidad ng UP, o ang mga tagasubaybay na nag-aantabay sa bawat ”makasaysayang” hakbang ng komunidad na ito.

Katangi-tangi ang makapag-ipon sa napakaikling panahon ng mga akda mula sa iba’t ibang awtor at magkaroon pa rin ng malawak na saklaw pagdating sa anyo at estilo, bagamat nababakuran ng isang napakapartikular na temang emergency. Kunsabagay, ang tema na mismo ang nagbigay ng elemento ng pagmamadali – kakagyatang may malinaw na layon, at hindi hilong pagkataranta. Sa "Ambulansya” ni Sylvia da Sylvia ay sinusuma ang ganitong katiyakan: Pumutok ang sunud-sunod na trahedya: / Stampede sa Ultra, landslide sa Leyte, / Nagpatawag ng ambulansya si Madame, / Pero hindi ang mga tao ang sinagip / kundi siyang nagkukumahog sa Malacanang.

Ang ganitong talas at kapayakan ay makikita rin sa mga tula nina Guiller Luna ("Xerox Republic”), Marijoe Monumento ("Iwas-Pusoy), Ricardo Cruzada Romero ("Talim ng Gunita”) at Jessie Sy-Mendoza ("Garapon Nation”). Sa mga ito, ang pananalinhaga ay hindi nawawala gaano man "kapalasak” o direkta ang pagtukoy sa paksa. Sa kapayakan ng "Pasismo Mismo!” ni Mark Angeles, ang pagiging simple ay nangangahulugan na madaling bigkasin at maunawaan ng awdyens, o di kaya ay itanghal o ipalaganap bukod sa pagkakalathala ng limbag-xerox ng publikasyong iglap. Ganito rin marahil ang layunin ng "Emergency Room” ni Mykel Francis Andrada, na humalaw ng anyo sa isang popular na kanta sa radyo upang lalong mapabilis ang popularisasyon at pagtangkilik sa pyesang ito.

Mabilis ding magtawid ng mensahe ang mga dagli o prosang tula nina nina Cecilia la Luz, Darren dela Torre, at Sylvia la Sylvia ("Vandal”). Sa akda ni Ana Morayta ("Ang Paraiso ni Gloria”), ang pantastikong sitwasyon at alusyon ay naging malinaw at karaniwang gaya ng kabaliwan at kabalintunaan ng panunungkulan ng rehimeng Arroyo. Sa mga nabanggit nang akda, malinaw rin, sa isang punto, ang pagsisikap na mag-ambag ng "taktikal” na pagtugon sa isang namumuo, kundiman sumusulong na rebolusyong pangkultura. Taktikal, sapagkat ang mga akda ay naglalayong makatulong sa pagpapakilos para sa isang partikular o kagyat na isyu gaya ng state of emergency, o sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Ito ang kasagutan sa mapapait na tanong ni Lisa Ito sa “Questions from Autopsies” na pumapaksa sa sunud-sunod na pagpatay sa mga lider ng mga progresibong organisasyon, bago pa man ang deklarasyon ng state of emergency: Do they ever wonder why hundreds / of their spiraling shards fail / to stall the exodus of hearts, halt heads / from birthing revolts, silence / the tireless tongues?

Sapagkat ang pagtugon na ito, gaano man kaliit o kalaki, ay may naiaambag sa pangkalahatang pagkamulat ng sambayanan, at kung gayon ay may naiaambag din sa mas malawakang pagbabago ng lipunan. Ang pagtugon na ito, kung gayon, ay nangangahulugan na kailangan ng ibayong sinop – sa porma at nilalaman -- lalo na para sa mga may-akdang may malinaw na layunin na makatulong sa pagmumulat at pagpapakilos ng kanyang mga mambabasa o awdyens.

Nagangahulugan ito ng ibayong pagpapalaganap sa lahat ng posibleng daluyan gaya ng limbag-xerox at internet, at lalo na ang mga aktwal na pagtatanghal sa mga pulong-masa o pulong-pag-aaral, talakayan, room-to-room, house-to-house, at mobilisasyon kaharap ang masang kabataan, estudyante o taga-komunidad na nais pukawin at pakilusin. Dito, ang popularisasyon ng mga pyesa ay tungkulin di lamang ng mga may-akda, kundi maging ng iba pang aktibistang pangkultura na maaaring magpalaganap ng mga katangi-tanging akda.

Ang ganitong pamamaraan din ang magtitiyak na magiging buhay ang panunuri, di lamang sa anyo ng mga rebyung gaya nito, kundi sa hanay ng mga manunulat, mga aktibista, mga grupo at pang-masang organisasyon, at lalong higit mula sa masa o awdyens na siyang nais patungkulan at pakilusin ng mga akda. Nililinang ng ganitong praktika ang kahusayan at responsibilidad ng mga mulat na may-akda, ang malapit nilang ugnayan sa mga aktibistang nagpapalaganap at masang tumatangkilik sa kanilang mga akda, at ang lagi’t laging pagsisiyasat at pag-angkop sa mga kongkretong pangangailangan at interes ng masang mambabasa o awdyens.

Sa ganito rin makikita ang kongkretong resulta ng malikhaing propaganda, gaya ng paglalabas ng koleksyong Emergencia Poemas. Ibig sabihin, hindi maitatanggi na ang sining ay bahagi rin ng propaganda, sa loob man o labas ng kilusang masa, reaksyunaryong gobyerno, art circles, o rebolusyonaryong kilusan. Ang sining ay propaganda, ngunit lahat – kung atin lamang papansinin -- ay naghahangad ng kasinupan na angkop sa layuning nais makamit at awdyens na nais patungkulan.

May angking sinop sa pagtula ang “Supling Tayong Nanahan sa Dilim” ni Enrico Torralba, bagamat ang sinop na ito ay nasa tunog ng mga salita at maaaring nawawala sa mensaheng nais nitong ipahiwatig. Ganito rin ang suliranin ng "Santelmo” ni Federico Maria Guerra. Gayunman, kung tutuusin, hindi naman talaga maituturing na "suliranin” ang ganitong "masinop” na estilo kung may tiyak na awdyens na tumatangkilik – at higit sa lahat ay napapakilos – ang ganitong uri ng pananalinhaga. Gayundin ang maaaring sabihin sa inobasyon ng "Fin de siecle Fascism” ni Jose Benjamin Cuevas at "02.24” ni Daisy Chained. Ang mga akda ay parehong may lengguwaheng madaling tangkilikin, syempre, ng mga pamilyar rito. "Kagigiliwan” din ang pagkasarkastikong tumutumbok pa rin sa paksang pinupuntirya ng koleksyon.

Sa isang iglap, makikita na ang panitikang protesta ay buhay na buhay. Hindi ito nagkukumahog at naghihingalo na gaya ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.