Friday, March 09, 2007

Gawad Ka Amado: Antolohiya 1999-2005


Gawad Ka Amado: Antolohiya 1999-2005
Amado V. Hernandez Resource Center
1997

Ilang tala muna...


Isang magandang balita ang paglalabas ng antolohiya ng mga nagwaging akda sa Gawad Ka Amado (GKA), ang taunang patimpalak pampanitikan ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC). Bilang isang institusyon layunin ng AVHRC ang isulong ang interes ng uring manggagawa -- nangunguna sa pagpapalaganap ng isang bagong kulturang pambansa, syentipiko at makamasa laban sa dekadenteng kulturang kolonyal, burgis at pyudal na siyang namamayani at masasalamin sa mga karaniwang patimpalak at mismong dominanteng panitikan sa bansa sa kasalukuyan.

Magandang balita, sapagkat muling ginagawaran ng pagkilala at pagpapahalaga ang mga tula, kuwento, dula at awit na nauna nang nahusgahan ng lupong inampalan ng GKA sa nakaraang pitong taon. Nagbibigay-"aliwalas" ang karanasan ng pagbabasa ng mga akda, lalo na sa "pinakawagi" sa mga nagwaging akdang ito. Dahil sa konsentrasyon ng temang kumakatawan sa iba't ibang usapin at karanasan na nauugnay sa uring manggagawa, nagiging konsentrado rin ang pagtining ng pananaw sa daigdig na siyang ubod ng bagong kulturang ibinubudyong ng mga organisasyon at istitusyong gaya ng AVRHC -- isang proletaryado, sabihin nang Marxista-Leninista-Maoistang pananaw, na siyang pinakamatalas na pagsipat ng lahat ng naghahangad ng tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa paglalathala ng antolohiyang ito, may ilang usapin lamang na maaaring bumagabag sa ilang masugid na tagasubaybay ng Panitikang Pilipino. Una, ito ba'y katumbas ng pagbubuo ng sariling "kanon" na gustong itapat sa mga antolohiya ng mga nagwaging akda ng mga kilala o dominanteng timpalak-pampanitikan sa bansa? Mga timpalak, na siya umanong "nagtatakda" kung ano ang mahusay at masining sa panitikan, at kung gayon ay "nagbabasbas" kung ang isa'y matatawag nang "tunay na manunulat, kwentista o makata?" Sa madaling sabi, ang GKA ba ay inilunsad upang ipantapat sa Palanca?

Sa isang pahiwatig ay maaaring oo ang kasagutan. Sa isang pahiwatig ay ipinaaalam sa madlang mambabasa na ang mga nasa antolohiyang ito ang siyang "pinakamahuhusay" sa mga akdang "umuusbong" mula sa kilusang paggawa, malawak na kilusang masa at maging mula sa armadong pakikibaka sa kanayunan -- pantapat sa "latak" na panitikan ng isang kultrang dekadente't naghihingalo, ngunit patuloy na nangingibabaw at nakapanlilinlang. Panitikan itong tila isang bagong "agos sa disyerto" -- pamatid-uhaw sa gitna ng tigang na sining at panitikang punung-puno ng eskapismo, pantasya, angas, kababalaghan at obskurantismo.

Ngunit kung mulat na nais "banggain" ng GKA ang Palaca, iyan ay hindi pa matalas sa kasalukuyan, at maaaring hindi (pa) naman dapat pagtuunan ng higit na atensyon. Sa isang banda, gaya ng naunang nabanggit, ang malinaw na kagyat na tinutugunan ng antolohiya ay ang "kasalatan" sa mga nakalathalang progresibo/rebolusyonaryong panitikan -- "salat," relatibo sa sistematikong pagpapalaganap ng imperyalismo at naghaharing-uri ng panitikan at sining na sumusuhay sa kaayusang nagpapahintulot ng pang-aapi at pagsasamantala. "Salat," bagamat ang buhay at pakikibaka ng masang anakpawis ang siyang di-matutuyuang bukal ng materyales sa sining at panitikan -- ito'y nalilimitahan sapagkat walang sapat na "venue" o o lunsaran sa mga popular na babasahin o publikasyon; salat sapagkat walang sapat na rekurso para sa paglalathala; salat sapagkat sistematiko ring sinusupil at itinuturing na "subersibo" ng mga naghaharing-uri.

Magandang balita ang paglalabas ng antolohiya ng GKA -- para sa progresibo't makabayang manunulat at sa malawak na masang mambabasa, isang masayang okasyon ang makahawak ng kopya nito. Kung kaya, nais din nating pakalmahin ang tila depensibang posisyon ng AVHRC na mananatiling "laos at walang silbi" ang ganitong tipo ng panitikan para sa mambabasang pagod na sa mga temang panlipunan. Ang mga "napapagod" na ito ay di-maikakailang siyang pinakamakitid ang pag-iisip sa loob ng elitistang sirkulo o "barkadahan" sa Panitikang Pilipino, na ni hindi naman kilala o pinagtutuunan ng pansin ng malawak na masang uhaw sa mga progresibo at rebolusyonaryong babasahin na kaagapay nila sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka. Kung babaybayin at pakasusuriin maging ang "pinakawagi" sa mga nagwaging akda sa Palanca, halimbawa, ang anyo at nilalaman ng mga ito ay hindi nalalayo at mas madalas sa hindi ay siya mismong mga tema na dala-dala ng GKA -- "pagkatiwalag" (alienation) ng manggagawang industriyal at migrante, karalitaan sa lungsod, kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan at maging ang digmang bayan. Mulat ang aktibistang pangkultura sa obligasyon nito sa pakikitunggali sa dominanteng kultura, at nasa nangungunang tungkulin nila sa kasalukuyan ang pagpapalaganap ng mga akdang ito na pupuno sa "kasalatan" at magsisiwalat sa kabila ng pagkakait -- mulat kung para kanino, at kung paano pagsisilbihan ang masang mambabasa.

Nalalaman ito ng AVHRC kung kaya isa pang usapin maging ang teknikal na aspeto ng paglalathala, kantidad at kalidad, distribusyon at ang kabuuang "moda ng produksyon" na kinapapalooban ng ganitong uri ng proyektong pampanitikan. Dahil sa malinaw na layuning pagpapalaganap, nagiging matingkad na kahinaan ng AVHRC ang "walang kapatawarang" mga typographical errors sa halos lahat ng mga akda sa antolohiya -- mga maling baybay at bantas, di-konsistemt na estilo at tipo at maging pangalan ng mga nagwagi! Marahil ay hindi na dapat ipaliwanag kung ano ang epekto nito ngunit patawarin ang rebyuwer na ito -- napakanegatibo nito kung inaasahan ng AVHRC ang ibayong pagpapalaganap ng mga akda sa iba pang mga babasahin (reprint) o di kaya ay mga pagtatanghal ng mga dula at awit. Huwag nang banggitin ang epekto nito sa mga mambabasa na napagkakaitan ng esensya ng mga tula at kwento dahil sa maling baybay ng mga salitang nagkakaroon ng ibang pakahulugan. Ito'y nakakagulat at sadyang hindi inaasahan sa AVHRC sapagkat hindi ugali ng uring manggagawa ang ganitong kabulagsakan sa trabaho!

Magkagayunman, totoong isang malaking tagumpay (pa rin) ng AVHRC ang paglalabas ng antolohiyang ito; isang magandang balita at isang masayang okasyon. Hindi pa man natatasa ng mga aktibista't manggagawang pangkultura ng AVHRC ang kabuuang kabuluhan ng mga proyekto nilang gaya nito, sinasaluduhan natin sila sa pagsisikhay, habang inaasahan na patuloy ang masiglang paglulunsad ng mga palihan sa mga pabrika't komunidad, mas masinop na pagtitipon at mas maagap na pagpapalaganap ng panitikang katuwang ng mga isyung kinakaharap ng masa sa kasalukuyan. Mas maagap na pagpapalaganap hindi lamang sa mga aklat -- kundi sa mga pormang mas aksesibol sa masang anakpawis gaya ng mga polyeto, peryodikit, buklet, pampleto at marami pang iba. Mapagtatangkaan pa sanang i-rebyu ng rebyuwer ang wagi sa mga wagi, ngunit sadyang nalilimitahan at maaaring maging tagibang ang paghuhusga. Sa ngayon ay magmumungkahi na lamang ang rebyuhan, at maghihintay ng masinop ng ikalawang edisyon ng GKA Antolohiya, perhaps with a sincere note of self-criticism na katuwang?

1 comment:

Anonymous said...

matagal din ito mula sa huling rebyu. pero napadaan ako para ipaalam na ililink ko ito sa blog ko. salamat.