Thursday, June 14, 2007

Tatlong Pelikula: An Inconvenient Truth, Tulad ng Dati, at isang anonymous blackprop film








Climate / Change

Notes sa tatlong pelikula: An Inconvenient Truth ni Al Gore, Tulad ng Dati ni Mike Sandejas at isang pelikulang walang pamagat at credits na kumakalat sa Kamaynilaan, starring Bembol Roco, etc.

Sa diwa ng pagba-blog, panay notes na lang muna ang ipo-post ng Rebyuhan. Kaysa naman sa hindi magpost ng kahit na ano, hindi ba?

Matapos ang matagal-tagal na panahon ay nagkaroon tayong muli ng pagkakataon na makapasok sa sinehan. Ang passes ay isang pirasong karton mula sa packaging ng original HP ink (pinabili ito at hindi kakayanin ng sariling bulsa), at natyempuhan naman na walang masyadong interesanteng pelikula na palabas (ibig sabihin, hindi pa palabas ang Spiderman 3).

At natyempuhan din na may libreng sine – ang okasyon pala ay Earth Day kaya libre sa SM ang “An Incovenient Truth,” isang medyo pinag-uusapan nang dokumentaryo tungkol sa global warming at climate change. Sinusundan ng pelikula ang serye ng mga lecture ni Al Gore (ang ex-“future president” ng US) tungkol sa naturang paksa. Ang mga lecture na ito ay isinagawa niya sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, isang gawain na pinaglaanan niya ng panahon matapos matalo kay George W. Bush sa eleksyong presidensyal sa Amerika.

Syempre, hindi naman Filipino documentary ang “An Inconvenient Truth” pero baka pwede naman nating paglaanan muna ng pansin. Sa pananaw kasi ng Rebyuhan, napakahalagang usapin talaga ngayon ng climate change. Nagbabago na ngang talaga ang klima. Ito ang pinakamainit na tag-init na naranasan ko sa buong buhay ko. Talagang parang impyerno sa Kamaynilaan, at kahit siguro sa buong Pilipinas at sa buong daigdig, parang naglalagablab na ang temperatura. Medyo uso ngayon na pag-usapan ito, pero pwera biro kailangan talaga natin itong seryosohin. Ang dahilan nito sang-ayon sa lahat ng pananaw sa mundo ay ang pagkasira ng balanse ng kalikasan. Kung ano ang dahilan ng dahilan na ito – kung tayo’y pinaparusahan na ng mahal na diyos; o ito’y bunga lang ng kapabayaan ng sangkatauhan bilang isang nakapangyayaring entidad; o bunga ng sadyang pagwasak sa kalikasan na ibayong pinabilis at pinalala ng pagkabulok ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at ng pandarambong ng likas-yaman sa buong daigdig para sa kabusugan ng imperyalismo – dyan na magkakaiba-iba ang mga opinyon.

Kaya nga’t ang mainam sa “An Incovenient Truth,” ipinaliliwanag ni Gore ang syentipikong batayan ng “pag-init” na ito, anu-ano ang naging at magiging epekto nito sa ating pag-iral, at kung gaano kagipit na ang panahon upang baligtarin ang ganitong unti-unting “pagkagunaw” ng mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng kanyang munting “slide show,” isang mahusay na presentasyong kumpleto ng mga chart, graphs, biswal, video at maging animation – on cue sa kaunting theatrics sa paglalahad ng datos.

Kaunting paliwanag: ang sinasabi nating dahilan ng pag-init ng klima ay ang pagkasira ng balanse sa kalikasan, partikular sa atmospera (o hanging bumabalot sa mundo). Ang greenhouse gases (carbon dioxide, methane, nitrous oxide, etc.) -- na kung tutuusin ay siyang dahilan ng pag-iral ng buhay sa daigdig dahil kinukulong nito sa mundo ang init na mula sa araw -- sa mahaba-habang panahon na ngayon ay sumusobra na at siya na ngang dahilan ng labis na pag-init ng klima. Dagdag pa rito ang pagkaubos ng mga kagubatan na siya sanang magbabalanse rito (“pagkain” ng mga dahon ang carbon dioxide, samantalang “dumi” nila ang oxygen na siyang nilalanghap natin.) Saan naman galing ang labis na greenhouse gases? Ayon kay Gore, ang sisi rito at sa mismong pagkasira ng kalikasan ay maaaring ibinunton sa pangkalahatang konsepto ng “negosyo” o “business.” Sa isang kakatwang paghahambing, literal na tinimbang ni Gore kung alin nga ba ang mas mahalaga – negosyo ba o mundo mismo?

Pero ano nga ba itong sinasabing “negosyo”? Hindi ba’t ang mas accurate na dapat tukuyin ay ang pandaigdigang sistemang kapitalista na nagpapahintulot ng eratiko at anarkikong produksyong walang habas sa paggamit ng mga panggatong (fuel) na nakakasira sa kalikasan gaya ng coal, o petrolyo at karbon? At lalo na ang pandarambong ng mga imperyalistang bansa gaya ng US sa mga kagubatan at iba pang likas na yaman – paghakot ng mga troso at walang pakundangang pagmimina na nagpapatag ng mga kabundukan at nag-iiwan ng napakaraming dumi at kemikal sa kanilang mga kolonya at mala-kolonya gaya ng Pilipinas? Hindi ba’t ang sistemang ito ang nagpapahintulot na dumami ang basura sa daigdig mula na rin mismo sa bawat isa sa atin na nilalamon ng sistema at nabibihag sa kulturang konsumerista, ugaling indibidwalistang ignorante sa katotohanan, walang pakialam o kaya ay galit sa mundo?

Ang interes na ito sa ekonomiya ang siyang dahilan para magbulag-bulagan ang gobyerno ng US, at patuloy na mambraso kapag kinukwestyon ang pinsalang idinudulot ng monopolyo kapitalismo sa daigdig – pinsala sa kalikasan, pinsala sa syensya at teknolohiyang kinakasangkapan pangunahin para sa gyera, pagkabulok ng kulturang ginagawang bulgar, bastardo o bobo, pinsala sa mga tao mismo na itinuturing na mas masahol pa sa hayop o robot para lang magkamal ng supertubo ang imperyalismo.

Anupa’t sa kabila ng katotohanan na ang US ang pinakamalaking “tagapagbuga” ng greenhouse gases sa mundo (mula ito sa dambuhala nitong mga industriya na walang regulasyon sa pagpigil ng polusyon) ay tumatanggi itong lumagda sa Kyoto Protocol, (isang international na kasunduang naglalayong magkontrol at magbawas sa pagbuga ng greenhouse gases) – isang bagay na binanggit din ni Gore sa kanyang dokumentaryo.

OK na sana ang dokumentaryo ni Gore. May mga bahagi din ng kadramahan na tumutukoy sa personal nyang paglalakbay, at sa dulo naroon ang mga pinakamakabuluhang kolektibong achievement ng sangkatauhan – bilang panghihikayat na ang pakikibaka laban sa global warming ay isang mahirap na gawain pero posible namang kayanin ng tao. Kaya lang, kabilang umano sa mga achievement na ito ay ang “pagpapabagsak” ng komunismo sa daigdig – o ang tinutukoy marahil ay ang tuluyang pagkabulok ng modernong rebisyunismo sa Rusya na naging dahil ng pagkakawatak-watak ng dating USSR. Mga isa o dalawang segundo lang naman sa dokumentaryo ang pagtukoy rito, pero sapat na para magdalawang-isip sa pa-“superman” na alternatibong ihinahain upang iligtas ang daigdig mula sa global warming.

Dahil kung ang hamon ay imperyalismo, hindi ba’t ang tugon lamang rito ay ibagsak?

(* Nota: kung mahahanap ninyo ang isang lumang dokumentaryong may pamagat na “Green Guerillas,” dito naman matutunghayan kung ano ang programa at patakaran ng rebolusyonaryong kilusan (CPP-NPA-NDF) sa pangangalaga sa kalikasan – isang bagay na matagal nang nasa agenda ng NDF bago pa man mauso ang usap-usapan sa climate change. Ang pinakamayor na na-interbyu sa pelikulang ito, kung hindi ako nagkakamali, ay si Ka Paking Guimbaolibot ng Mindanao na isa na ngayong rebolusyonaryong martir.)

* * *






Ang isa pang talagang napakainit ay ang klima sa pulitika. Katatapos lang ng eleksyon pero siguradong hindi pa matatapos ang bangayan, bagkus, ito’y nagsisimula pa lang. At ang kalalabasan ng eleksyong ito ay barometro lang kung gaano kabagal o kabilis ang pagsabog at pagsambulat ng galit ng sambayanan para sa tiyak na pagpapatalsik sa diktadura ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ang klima ngayong tila namamayani ay yaong sinasabi na ngang climate of impunity – walang katarungan: ang mga mabuti ang pinaparusahan ng kamatayan nang wala man lamang paglilitis habang ang mga kriminal at berdugo ay di lang pinatatakas kundi lantaran pang pinaparangalan. Ang tama ay nagiging mali, at ang mali ang tama. Kinokondisyon ng klimang ito na masanay ang isip natin sa pagiging pasibo, pagiging takot, kimi, bulag, at walang laban.

Medyo may kaunting pampalubag-loob lang sa nakaraang mga araw – at nababalitaan ang pangingibabaw ng oposisyon sa Senado, gaya ng sinapit ni Bush sa nakaraang mid-term elections sa Amerika na pinangibabawan ng Democrats laban sa partido ni Bush na Republican. Isa pa’y ang desisyon ng Korte Suprema na pawalang-sala ang ginipit na mga kongresmang tinaguriang “Batasan 6.” Tapos, sinusugan pa ng Transparency International ang mga nauna nang desisyon ng SC tungkol sa EO 464, CPR at PD 1017.
Pero ano nga ba ang mga ito kundi mga kaunting pampalubag-loob lamang? Ang mas malaganap pa rin ay ang garapal na mga pahayag ng palasyo at militar sa pagkikibit-balikat, paninisi sa mga biktima, paglulubid ng buhangin, at pagbabanta.

Sa ganitong klima ng panlilinlang at pananakot kumakalat di lang ang mga (nakakapagpainit ng ulo na mga) soundbytes ni Bunye at tambalang Gonzalez-Gonzales, kundi iba pang mga anyong pangkultura na direktang kinomisyon ng Malacanang upang maghasik ng takot, o di kaya’y magpakalma sa mamamayan. Nauna na nating “nirebyu” rito ang dokumentaryong “Paglaban sa Kataksilan:1017” na pinakalat at pinalabas ng palasyo sa lahat ng estasyon ng TV ng gobyerno matapos “puksain” ang tangkang “kudeta” noong Pebrero 2006. Anupa’t sa hanay ng militar, nauna na ring ipinamudmod ang powerpoint presentation na “Knowing the Enemy.” Habang nakapakat ang mga Special Operations Team (SOT) sa mga barangay at sa mga paseminar ng militar hinggil sa kanilang Integrated Territorial Defense System (ITDS o sapilitang paggamit sa mga barangay opisyal, tanod, estudyante, at iba pang prominenteng residente sa kada-komunidad laban sa rebolusyonaryong kilusan), tahasang nangampanya ang militar laban sa mga progresibong party-list gaya na nga ng Bayan Muna (sila’y mga komunista anila). At pagkatapos ng seminar, sapilitan ding pakakantahin ang mga dumalo ng “Bayan Ko” o di kaya ay ang theme song ng “Pinoy Big Brother,” at pagkatapos ay pasisigawin ng “Mabuhay ang Demokrasya, Ibagsak ang Komunista!” Ha!

Ngayon, isang halos full-length na pelikula na walang pamagat at walang credits ang kumakalat sa anyong VCD sa kung saan-saang sulok ng Kamaynilaan, at marahil hanggang sa kanayunan. Paano naman nasabi na isa nga itong pelikula? Basta’t may kwento ito at may mga artista (pinakasikat na sina Bembol Roco at Hero Bautista, at halos lahat sa cast ay pambihirang marunong umarte, tila mga “taong- teatro”). Ayon sa mga unang nakapulot nito, may isang bata na namimigay ng VCD nang libre sa mga tao sa isang malaking rali. Nang tanungin kung sino ang nag-utos sa kanya, sinabi niya’y isang malaking mama ang nagbigay sa kanya ng bente pesos para ipamudmod ang mga nasabing VCD.

At kumusta naman ang pelikula? Kung sa teknikal na aspeto, masasabi natin na ito’y mahusay. Masinsin ang banghay (plot) – isang ordinaryong manggagawa ang namulat at nagpasyang mamuno ng welga sa “gabay” ng isang organisador ng unyon na siya rin palang kadreng andergrawnd na namumuno sa NPA (Bembol Roco). Sa pagdaloy ng kwento, “ipinapaliwanag” o inilalantad ng pelikula ang layunin kapwa ng legal na demokratikong kilusang masa (unyon ng mangagawa at iba pa) at armadong pakikibaka ng NPA sa pamamagitan ng mahahaba at “halos makatotohanang” mga talumpati ng mga tauhan.

Ang tesis ng pelikula: sadyang marahas at madugo, nakasisira sa pamilya at sa mga manggagawa mismo ang pag-uunyon. Sa huli, may istatistika pang ipinakita na halos 75,000 manggagawa raw ang nawalan ng trabaho dahil umano sa mga welgang inilunsad ng KMU. Isa pa, ayon sa pelikula, ang mga unyon na ito ay pinamumunuan ng mga komunista. Isang mahalagang icon o simbolismo ang karakter ni Bembol Roco. Sa bungad ng pelikula, aarmasan at “pasusumpain” niya sa PKP ang ilang bagong rekrut sa NPA. Sa kalagitnaan ay oorganisahin niya ang unyon. Sa huli, pasusumpain nyang muli sa NPA ang mga naging rekrut nito mula sa kilusang manggagawa (ang mga nabigo sa welga). Bukod dito, sa isang tila foreboding at nakapanghihilakbot na eksena, ay mag-oorganisa na naman ang kadreng si Bembol sa hanay ng mga kabataan-estudyante. Doon na tutuldukan ng pelikula ang “Wakas” na may pahabol na tandang pananong (as in Wakas?) for more dramatic and ominous effect.

Lamang, syempre, eksaherado ang pagganap sa mga ito, ngunit anupa’t ang ganitong klaseng pagganap ang siyang nakakakumbinsi sa ordinaryong manonood? Tila napakabihasa ng mga nagsipagganap sa ensemble acting, at halos lahat ng eksena ay may mga tableaux at kailangan ng kolektibong pag-arte. Mapapansin din na ang lengguwaheng ginagamit ay hinalaw mismo sa mga dokumento ng PKP o NPA; at sa mga rali naman, tila pinag-aralan ang nilalaman ng mga talumpati (at maging hand gestures!) ng mga lider ng bawat sektor, gaya ng mga taong-simbahan at mga guro.

Hindi maunawaan kung ito ba’y isang “mahusay” na mockery o pangungutya sa PETA-type agit-prop na mga dula na sikat noong 70s at 80s, o kaya ay sadyang “pang-aasar” sa mga pelikula ni Lino Brocka na paminsan-minsang gumagamit ng ganitong tipo ng blocking dahil na nga sa impluwensya ng teatro sa pelikula. Ano pa nga ba at ang mismong pagganap ni Bembol ay tila nakakainsulto kay Brocka? Sa isang pahiwatig, icon din si Bembol ng mga pelikula ni Brocka gaya ng “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” at “Orapronobis,” at kailangan pa bang banggitin na ang mga pelikulang ito ay may matatalas na panlipunang komentaryo (sukdulang ipagbawal ni Corazon Aquino ang pagpapalabas ng “Orapronobis” sa Pilipinas dahil sa paglalantad nito sa mga vigilante groups ni Cory, na nahahawig ngayon sa mga death-squads ni Gloria Arroyo)?

Kung sa disenyo naman ng produksyon, mahusay din. Ang musical score ay mahusay ding tumutugma sa pangkalahatang ominous na klimang tinitimpla ng pelikula, at bahagyang nakakaangat sa karaniwan nang synthesizer-scored na pelikulang Pilipino. Mapapansin ang sadyang paggamit ng mga mismong banner at flags ng mga legal na organisasyong masa gaya ng Bayan, Anakpawis, Gabriela at halos lahat ng iba pang nakalistang organisayon sa “Knowing the Enemy.” Kung isa lamang low-budget indie film kumbaga, hindi nito kakayanin ang gumamit ng napakaraming costume changes, maraming tunay na armas, mga tunay na police mobile, mga trak ng pabrika, at magmobilisa ng cast of hundreds! Pambihira! Maski ang komersyal na pelikula sa ngayon, hindi kinakaya ang ganitong kagarbong disenyo sa produksyon dahil sa naghihingalong industriya ng pelikula (Ayon nga sa isang headline sa showbiz section ng isang tabloid: Kalahati na ng taon, 11 Pinoy films pa lang ang naipapalabas!)

Kung kaya ang ganitong klaseng “kahusayan” ay nakakatakot din at mapanganib. Paano ito tatanggapin ng masa, pamilyar man o hindi sa lengguwahe ng rebolusyonaryong kilusan? Syempre, ang malisyosong isinisiwalat ng pelikula ay ang idinidiin na ugnayan ng legal na mga organisasyon at party-list sa NPA, na isang “foreign terrorist organization,” ayon na nga sa klasipikasyon ng US, EU at gobyernong Arroyo. Sa ganito, tila ginagawang “normal” o justified ang pagtarget (panggigipit, pagdukot, pagpatay) ng militar sa mga personahe at myembro ng mga organisasyong ito, kahit pa SEC-registered ang mga ito o kinilala ng COMELEC (syempre, maliban pa sa pakana ng diskwalipikasyon, at pagsasampa ng kung anu-anong gawa-gawang kaso kina Ocampo, Beltran, etc.) .

Ano pa nga ba ang pelikulang ito kundi isa na namang armas ng rehimeng Arroyo sa kanyang malawakang psychological warfare (psywar) na bahagi ng Oplan Bantay Laya (o Oplan Bantay Laya II, depende kung kailan nga ba talaga ginawa ang pelikula). Sa layuning “durugin” ang CPP-NPA-NDF sa loob ng dalawang taon, lahat ng pamamaraan ng kontrol at pananakot ay ginagawa ni GMA upang supilin ang paglaban at “matakasan” ang lahat ng krimen niya sa sambayanan. Kung tayo’y nagkakamali sa ating pagsusuri, mangyaring magpakilala na ang direktor ng pelikulang ito at ilantad nang hindi naman si Gloria o ang AFP ang nagpondo o prodyuser ng pelikula, at baka naman si Mother Lily o Robbie Tan naman talaga?

Anupa’t ang ganito ay nakakadagdag lang sa init. Isa pang pampalubag-loob ay muling inilalabas ang mga pelikula ni Lino Brocka sa DVD format -- kaya lang ay mabibili lamang ang mga ito sa mga outlet ng Powerbooks. Kung sana ang mga ganitong tipo ng mga pelikula ang ipinamumudmod nang libre ng mga batang kalye na inuutusan ng malalaking mama, hindi ba’t magandang ideya?

* * *

Sa pag-asang madadampian ng kaunting rak en rol ang pagrerelaks sa sinehan ay ginamit natin ang passes ng HP sa “Tulad ng Dati,” isa umanong fictional na pelikulang nakabatay sa career ng bandang The Dawn.

At wika nga, mabuti na lang at libre! Kung hindi, pagsisisihan marahil ang magagastang 100 na pwede nang pambili ng 17-in-1 na DVD sa kanto at may sukli pang pampamasahe pauwi.

Huwag nang palawigin ang diskusyon sa kwento ng pelikulang ito, dahil ito’y isang malaking “Ha?” Maino-note na lang na ang tanging “cool” rito, kung “cool” ang hinahanap, ay ang pagganap ni Ping Medina bilang multo ni Teddy Diaz. At sige na nga, maski papano ay pwedeng nagamit na rin ni Jett Pangan ang kanyang theater training sa pelikula, relatibo sa kanyang ibang kabanda at co-stars na kung ihe-heckle ay pwedeng kantyawan na “Wag nang umacting, tugtugan na lang!!!”
At sige na nga, marami sanang potensyal ang pelikulang ito. Unang-una, wala pa naman yatang nangangahas na gumawa ng ganitong tipo ng pelikula -- ibig sabihin, itong tipong medyo parang Pinoy rock bio pero may halong kathang-isip na mga pangyayari. Ang mga napanood na natin ay mga "laru-larong" Pinoy rak en rol docus na mga tipo ni Romeo Lee at Pepe Smith ang ginagawang subject dahil garantisadong hindi kabagut-bagot ang kalalabasan. Maraming points ang pwedeng pagmunihan ng mga filmmakers nito para ma-improve ang next project nila kunsakali -- ang script, parang nagsasalita lang ang scriptwriter, parang hindi naman ganito ang lengguwahe ng rak en rol sa Pilipinas; ang conflict at subplots -- mayroon ba talagang such a phenomenon as a "Ratbunitata" sa eksena ngayon? Ito na ba ang tanging commentary na pwedeng madeliver thru the film (bukod syempre sa temang "tanggapin na natin ang mga bagay na tapos o wala na" na siyang "moral of the story.") At siyempre, ang isa pang tanong ay nakapanood na ba ng rockbio ang mga gumawa nito? Hindi ba sila nanliliit sa kanilang trabaho na nilagyan pa ng English subtitles, meaning, may ambisyon pang mag-international release?!
At para hindi na humaba pa ang pandaraot, dahil gusto natin na marami pang ibang Pinoy filmmakers ang gumawa ng mga pelikulang rak en rol at ayaw nating tuluyan silang masiraan ng loob, ang pwede na lang nating pagmunihan ay ang mismong konsepto ng pelikula -- bakit “Tulad ng Dati?” At bakit ba naman ang tulad ko, ay tulad marahil ng iba na nagbakasakaling may mapupulot sa pelikulang ito? Sa panahong ito ng oo nga, kasikatan din ng mga banda, ano pa nga ba ang nasa “dati” na hinahanap pa natin sa kasalukuyang panahon? Hindi pa ba tayo kuntento sa nostalgia tripping ng isang tambak na mga revivals?

Hindi! Halimbawa na lang, isang tanong na sinasagot ng isa pang tanong ang naglalarawan sa “eksena” ng mga banda sa ngayon: ang tanong na “Bakit ni-revive ng Bamboo ang kantang “Tatsulok?” ay sinasagot ng isa pang tanong na “Ano pa ba ang wala sa Bamboo, ngayon na nakuha na nito ang lahat-lahat na gaya ng kasikatan, etc?” Kung susumahin, sabi nga ng isang kapwa nila musiko, ang sagot sa tanong na sagot sa tanong ay kabuluhan o relevance. Pero gusto nga ba talaga ng Bamboo na maging relevant? Ano rin ang pahiwatig ng remake ng Rivermaya sa mga kantang “Ilog” at “Padayon” ni Joey Ayala? Mailalabas pa ba ito bilang single ngayon na disband na sila? Sino pa ang susunod na magrerevive, perhaps ng mga kanta naman ni Gary Granada, o Jess Santiago kaya na bagay sa Morrissey-twang ng Orange and Lemons? Masyado bang abala ang mga banda ngayon sa pagla-launch ng kanilang international career via MTV Asia para hindi mapansin na karamihan sa kanila’y irrelevant – na ang inaawit nila’y “emo” nga pero ang totoo’y nakakapagpamanhid lang sa emosyon at sikolohiyang Pinoy na bugbog ngayon sa takot at kawalang pag-asa? Na nasa Pilipinas sila pero halos wala silang inaawit na tungkol sa nararanasan ng karaniwang Pilipino sa ngayon?

Nasaan kaya ang “Tulad ng Dati,” na ang ibig sabihin ng rak en rol ay rebelde – galing sa eksenang andergrawnd na hindi pinapansin, napakakaraniwan ng mga paksang inaawit kaya halos hindi maatim ng pormula ng dominanteng industriya ng musika. Ang totoo nito’y hindi na natin ito maibabalik, at hindi natin ito nais ibalik. Ang sa atin ay kung paano lilikha ng bagong eksena na hindi idinikta ng dambuhalang network, video channel, o multi-nasyunal na kumpanyang may bagong produktong gustong ipamudmod sa kabataan. Hawak ng karamihan sa mga banda ngayon ang lahat-lahat na ika nga – kasikatan, following, resources para sa recording, impluwensya sa mga tagapakinig at tagatangkilik, (and lest we forget, talent, of course) – paano kaya ito gagamitin habang naririyan pa? Ima-maximize sa pagkuha ng pinakamaraming endorsement deals? Gagawin ang dream album? World Tour? Napakaimposible ba para sa isang bansang nasa third world na may santambak na mga banda ang makalikha ng kahit isa lang na rockstar na tipong Zach dela Rocha? Kalabisan na siguro ang hingin ang huli para sa kasalukuyang panahon. Ano bang baliw na major recording label ang mag-iinvest sa isang banda na pwedeng i-“physically eliminate” ng death squad ni Gloria Arroyo dahil sa mga kanta nito? Ibig kong sabihin, takot din kaya ang mga banda ngayon kaya walang nangangahas gumawa ng kanta tungkol sa mga nangyayari sa paligid sa ngayon? O pwede rin kaya na may gumagawa naman pero walang pumapatok?

Ang nangyayari kasi, maski hindi alam ng mga sikat na banda ay nag-aambag sila sa init. Nakakadagdag ito sa init ng sinasabi nating klima -- na kahit namamatay na ang lahat sa gutom, hirap, landslide, flash flood at mismong pamamaslang, ang naririnig pa natin sa radyo ay parang wala lang nangyayari at pagiging inlababong sawi at ngawngawan lang ang mahalaga sa buhay. Kahit sa malalayong baryo, na ni hindi marunong magbasa ang mga binatilyo o kahit iyong mga tumanda na at hindi naman yumaman sa pagtatanim ng kamote, pwedeng kabisado nila mula sa unang linya ng “lagi na lang umuulan, tila walang katapusan” hanggang sa katapusan ng kanta – pagkatapos ay ano naman ang kabuluhan o relevance ng kantang ito sa aktwal na nararanasan nila? Gayundin ang effect sa atin ng fantaserye, teleserye, radio drama, sabong, jueteng, ending, texting, network gaming, shabu, rugby, etc. kung tutuusin, hindi baga?

Paano gagamitin ang lahat-lahat ng ito habang ang kasikatan at impluwensya ay naririyan pa? O makalipas ng ilang taon pa, hahanap-hanaping muli ng ilan ang kabuluhan sa mga nauna pang panahon dahil hindi na naman masumpungan. Pero saan na nga ba matatagpuan pa ang “Tulad ng Dati?” Syempre, bukod sa mga sikat na banda, di hamak din na mas marami pang banda ng mga “bata” na nasa laylayan pa lang, naghahanap ng direksyon at pangarap. Siguro nga, naroon na lang ang pag-asa natin -- bukod pa sa ilang banda na hindi naman inosente o ignorante at alam na alam ang lugar nila sa daigdig. Gayundin siguro sa mga bata't matandang filmmaker na nagkakaroon ngayon ng mga bagong pagkakataon at venues, sa kabila ng paghihingalo ng mainstream na industriya ng pelikula. Dahil kung ganito na kainit ang climate, syempre ang gusto talaga natin ngayon ay change.
At bilang paglilinaw, ang gusto natin ngayon ay HINDING-HINDI Charter Change. Pero ibang topic na naman 'yan kaya next time na lang uli.

No comments: