Rebyu ng Armando ni Jun Cruz Reyes
Inilathala ng Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC)
2006
Ipinakikilala sa librong Armando si Armando Teng, kadre ng rebolusyonaryong kilusan – ang dating Manding ng kanyang kabataan na naging malapit sa mga kasama at masa bilang Ka Simeon at iba pang alyas o pangalan sa pakikibaka. Hindi man mamalayan o asahan ng awtor, (ang tanyag na kwentista at propesor na si Jun Cruz Reyes) -- maaaring ang librong Armando na ang pinakasignipikante at pinaka-nakakaantig na akda ng awtor sa kasalukuyan.
Muli, pinatutunayan ni Reyes ang kanyang husay sa pagsusulat ng mga paksang taliwas sa kumbensyon. Sa ibang pananalita, mga paksa ito na sinusupil o sadyang hindi isinisiwalat habang laganap pa sa lipunan ang burgis, pyudal, at maka-dayuhang pamantayan ng “kahusayan” (o kapangyarihan.) Nauna niyang tinangka ang ganitong klase ng panitikang saksi sa librong Ilang Taon na ang Problema Mo? (1993), na koleksyon ng mga testimonyal mula sa mga mandirigma ng New People’s Army (NPA), kabilang na si Ka Roger Rosal, na tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga karaniwang karakter (o masa) na impluwensyado o kumikilos para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.
Pambihira ang proyektong sinuong ni Reyes sa paghahabi ng biograpi o talambuhay ng isang pambihirang tao. Pambihira si Armando Teng, ayon na rin kay Reyes, pagkat hindi “sikat” na gaya ng mga personalidad (mayayaman) na paksa ng mga karaniwang kinomisyong biograpi. Pambihira, sapagkat pambihira ang buhay na inalay para sa pagbabago ng lipunan at mundo. Minahal si Armando Teng ng napakaraming tao na kanyang nakasalamuha sa pagkilos, ngunit ayon sa reaksyunaryong gobyerno ang mga tulad niya ay nakapailalim lamang sa isang kinatatakutan at kinasusuklamang bansag na “terorista.”
Magaan ang pagkakalahad ng masalimuot na buhay ng kadreng si Teng sa librong Armando. Simple ngunit di-pangkaraniwan ang pagkukuwento ng kabataan ni Armando – para rito, kinailangan din ang samu’t saring punto de bista at sanggunian. Tila hindi nakakalimot si Reyes sa pagbutingting ng mga detalye – ang kasaysayan ng naghiwalay na magulang, mga barkada ni Manding, maging ang “bisyo” niyang thumbsucking. Ang napakasimple, halos nonchalant na pagtatagpi-tagpi ng buhay at karakter ni Armando Teng ay mahusay at sa kabuua’y epektibo. Madetalye ito pero hindi maborloloy. Sa kabila ng mga kahinaan at kapintasan ni Teng ay laging makikita ng mambabasa kung paano nagniningning ang kanyang karakter.
Ang ganitong simpleng pagtatagni-tagni ng mga salaysay at pangyayari ay unti-unting naghahatid sa mambabasa tungo sa mga paksang mas kumplikado – paano nagsimula ang kanyang pakikisangkot; ang tortyur at pagkakakulong sa panahon ng diktadurang Marcos; ang pagpasok sa sonang gerilya at problema sa kalusugan; ang kanyang pag-ibig at pagtatatag ng rebolusyonaryong pamilya; at ang papel na ginampanan sa pagresolba ng histeryang anti-DPA (deep penetration agent o espiya ng gobyerno na nakapasok sa kilusan) na sumalanta sa rebolusyonaryong kilusan noong Dekada ’80.
Ang huli, na isa sa pinakasensitibong paksa sa Armando, ay isa sa mga naging tuntungan ng matagumpay na Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) na inilunsad ng CPP mula noong 1992. Bagamat ang malalang kamaliang ito ay matagal nang kinondena at iwinasto ng CPP, patuloy pa rin itong ginagamit bilang propaganda ng pasistang militar at reaksyunaryong gobyerno laban sa rebolusyon at sa buong rebolusyonaryong kilusan. Ang librong To Suffer Thy Comrades ng isang biktima na si Bobby Garcia ay nakakasangkapan din upang patuloy na magpinta ng negatibong larawan ng kilusan, sa kabila ng IDKP. Sa librong Armando, tumatagos sa karakter ng isang kadre na gaya na nga ni Armando Teng ang mga kasagutan sa ilang akusasyon ng To Suffer. Magiging mas mahusay pa sanang patotoo sa sinseridad ng kilusan sa pagwawasto kung mas malinaw na nailatag sa Armando ang konteksto ng histerya, at kung paano ito sinuri, tinunggali at nilabanan, itinakwil (at/o pinarusahan) ang mga naghasik nito, at nagpaumanhin sa mga biktima (kabilang na si Garcia) para sa malalang kamalian na ito.
Kung tutuusin, magiging mas malinaw din ang paliwanag para sa kilusang pagwawasto -- o sa katuturan ng buong buhay ni Armando Teng mismo -- kung mas malalim o malinaw pang nailatag ang konteksto ng rebolusyon mismo, sa pamamagitan man lamang ng isang introduksyon o epilogo, kung hindi man ito mahusay na mailalangkap sa estilo ng panulat ng talambuhay (lalo na kung sumasagka na ito sa pagiging nutral na tagapagsalaysay ni Reyes).
Halimbawa, ang sakripisyo sa pagtatatag ng rebolusyonaryong pamilya ay isang bagay na mahirap unawain at tanggapin – mahirap itong proseso maging sa mga rebolusyonaryo, at madalas itong dahilan ng panghihina at pagtalikod sa prinsipyo. Paano ipaliliwanag na ang rebolusyon, ay hindi lumalamon sa sarili nitong mga anak, kundi sa ultimo ay para sa kabataan at sa mga susunod na salinlahi? Gayundin, kailangang ipaliwanag ang kontekstong nagsisimula pa lamang o kung baga ay “bata pa” noon ang kilusan, bukod pa sa ginigipit ng kaaway at kulang pa sa rekurso para tugunan kahit ang pinakaminimium na pangangailangan ng pamilya ng isang kadre -- halos masasabing naive pa noon ang kilusan, at gayundin ang batang kadre na si Armando, sa pagharap sa mga usapin hinggil sa pagpapamilya. Sa ganito masisimulan ng mambabasa ang lubusang pag-unawa sa mga sakripisyo (at kahinaan) ni Armando sa pagpapamilya at pagpapahalaga sa relasyon niya sa kanyang asawa na si Ada. Sa ganitong pang-unawa at pagpapahalaga lamang maaaring makihati o makibahagi ang mambabasa sa mga kabiguan ni Armando, at gayundin sa kanyang kasiyahan nang malaman na ang lahat ng kanilang mga anak ay kumikilos na para sa rebolusyon. Dito rin makakahalaw ng aral ang bagong henerasyon ng mga kadre at rebolusyonaryo sa pagtatatag ng proletaryadong pamilya.
Sa isang banda kasi, nagiging pambihira lamang ang paksa ng buhay ni Armando Teng kung ang ginagalawang daigdig ng mambabasa ay daigdig na mahigpit pang kontrolado ng reaksyunaryong estado. Sa mga sonang gerilya sa kanayunan kung saan unti-unting itinatatag ang kapangyarihang pampulitika (gayundin ang rebolusyonaryong kultura) ng mamamayan, ang buhay na gaya ng kay Armando ay tinatahak na ng libu-libo na may makukulay ding karanasan o kasaysayan. Bagamat ang rebolusyon, wika nga’y hindi matutuyuang balon ng materyal para sa ganitong tipo ng panitikan, nagiging pambihira lamang ang regular na paglalathala ng ganitong tipo ng biograpi sa loob ng kilusan mismo sa iba’t ibang dahilan gaya ng badyet, mas kagyat na rebolusyonaryong gawain o mga isyu sa seguridad. Gayunman, hindi pambihira ang mga aktibidad at akda na humahalaw ng aral at inspirasyon mula sa buhay at pakikibaka ng mga “kasama” -- nariyan ang mga talakayang-buhay, mga pulong-parangal para sa mga martir, at napakaraming tula, awit, pahayag at sanaysay na pumapaksa sa mga ito.
Kung kaya, nagiging tunay na signipikante at nakakaantig ang Armando batay sa pananaw na tangan ng mambabasa. Kung rebolusyonaryo na katulad ng kay Teng ang pananaw sa mundo, madaling mauunawaan ang mga konteksto ng pira-pirasong anekdota at kwento na maaaring hindi gaanong napapalalim o nagagagap ni Reyes mismo (na kanya ring ipinagpapaumanhin o inaamin). Ang pananaw ay isa rin na maaari pang napalawig sa Armando, dahil ang buhay ni Armando Teng bilang isang namumunong kadre ay pinanday sa pagwawaksi ng lumang kaisipan at pagsusulong ng bagong makauring pananaw batay sa Marxismo-Leninismo-Maoismo (MLM). Ang pagkakagagap ng mga kilusan sa MLM ang gumabay sa IDKP, sa mismong pagsisimula at patuloy na pagsulong ng rebolusyon.
Nagiging mahusay at epektibo ang akda ni Reyes sapagkat hindi man niya mamalayan o asahan, ang pananaw na mahihinuha o mapupulot ng mambabasa habang binabaybay ang buong aklat ay tiyak na pumapanig sa ipinaglalaban ni Armando Teng. “Huwag ninyong iiwan ang rebolusyon, magtatagumpay tayo,” bilin ng naghihingalong Armando. Sa huli, namatay man siya sa sakit at hindi sa labanan na gaya ng karaniwang mandirigma, si Armando ay isang bayani -- isang huwaran at magiting na rebolusyonaryong lider -- sapagkat pinaglingkuran niya ang sambayanan hanggang sa kanyang huling hininga.
No comments:
Post a Comment