Notes sa Rivermaya, Isang Ugat, Isang Dugo
Sino’ng magkakaila na karamihan sa mga tugtog sa radyo ngayon ay narinig na natin noon sa ibang konteksto at panahon? Lingid lang marahil ito sa mga batang ipinanganak pa lang sa nakaraang sampung taon – hindi nila naabutan ang manila sound noong 70s, ang kasikatan ng Apo Hiking noong 80s, at pagsambulat ng “alternatibong musika” noong 90s. Hindi ba’t lahat na lang – mula sa “Total Eclipse of the Heart” hanggang sa “Tatsulok” ay hinalukay na mula sa inaamag na baul at binigyan na ngayon ng panibagong buhay?
Huli na ako sa balita nang mapag-alaman kong pati ang tipo ng “Inosente lang ang Nagtataka” ng punk trio ng Wuds ay ginawa na ulit, at ito ay ginawa ng – (tyaraaaan!) Rivermaya. Ang totoo’y pinipirata ng Wuds ang sarili sa tuwing itatanghal ang mga kantang mula sa album na “At Nakalimutan ang Diyos” – nakaukit na sa mga pahina ng mga lumang songhits ang masaklap na kasaysayang ito sa pagitan ng Wuds at ng produser/mang-aawit na si Heber Bartolome. Dahil huli na nga sa balita at “inosente” (ignorante, kung tutuusin) sa mga pinakahuling pangyayari sa industriya ng musika, huli na rin nang mapag-alaman na hindi lang pala ang Wuds ang niremake ng Rivermaya, kundi maraming iba pa – at ito na nga ang album na Isang Ugat, Isang Dugo, isang tipo bang nostalgia trip na album ng mga “alternatibong kanta” na sumikat sa “eksenang andergrawnd” (sa Pinoy Rock, at hindi sa Kaliwa) noong 80s at 90s. Huli na talaga, dahil ang nalalaman kong pinakahuling balita ay disband na ang Rivermaya. Ano kaya kung may bagong proyekto na palang solo itong si Rico Blanco?
Ang natatanging kanta kasi sa Isang Ugat, Isang Dugo na laging nasa radyo maski noon pang nakaraang taon ay ang “Bandila,” na kinomisyon ng late night TV newscast ng ABS-CBN na pareho ang pamagat. Minsan, kapag naririnig sa radyo at sinasadya ng mga DJ na pagsunud-sunurin ang “Bandila,” ang “Noypi” ng Bamboo at themesong ng “Pinoy Big Brother” na orihinal ng Orange and Lemons, ay mapagmumuni-munihan ang animo’y “makabayan” o “patriyotikong” trend sa tema ng mga popular na awitin na ito ngayon– sinasadya pa nga minsan na isunod ang “Tayo’y mga Pinoy” ni Heber Bartolome ng isang nakaraang panahon, o kaya ang iba pang popular na awiting nasyunalistiko ng Lokal Brown at Apo Hiking Society.
Hindi mawari kung ikatutuwa o ikakakaba ang ganitong klaseng playlist sa popular na lagusan gaya ng radyo. Sa isang pasada, mapapansin agad na may matalas na pagkakaiba sa mga datihang “folksongs” ang paghawak ng paksa ng mga bagong banda ngayon. Unang-unang nakakairita rito ay ang katotohanan na ito’y kinomisyon para sa telebisyon, gaya ng sa Rivermaya at Orange at Lemons – kung gayon, anuman ang pahiwatig ng mga awit o ng mga mang-aawit mismo ay pinalalabnaw (o pinalalala) ng layunin ng higanteng network para sa mga awit na ito. At maski pa hindi – sadyang lutang ang “deklarasyon ng kalayaan” ng mga awit, tila binibigkis ng hindi malaman kung saan hinugot na dangal sa sarili (indibidwalismo?). Malabo sa mga awit na kung sinisikil o gusto ng kalayaan, kalayaan ba ito mula sa anong entidad (sino nga ba ang sinasabing mga “aso” at “talangka” nitong si Blanco)? Tila wala sa bokabularyo nito ang komentaryo sa kolonyalismo, o kahit man lang ang ating kolonyal na mentalidad; mas lalo nang ignorante ito sa tunggalian ng mga uri kung kaya ang isinisiwalat na “kalayaan” ay kalayaan ng pambihirang indibidwal plus metapisika, (hindi nga ba’t “may agimat ang dugo ko” ika nga ni Bamboo?), o kaya ay nasyunalismong tila islogan ng Malacanang at Philippine Information Agency para sa globalisasyon (“ipakita sa mundo/ kung ano ang kaya mo” ng PBB), pambansang rekonsilyasyon at pagkakaisa (“pekeng bayani/ pekeng paninindigan/ subukan naman nating pagtulung-tulungan…Isang ugat/ isang dugo/pare-parehong Pilipino/isang panata/isang bandila”).
Haaay. Babanggitin pa ba natin ang kaibhan? Sa pamagat pa lamang o sa unang dalawang linya ng mga kanta ni Heber, ng Apo at Lokal Brown ay makikita na ang contrast sa paghawak sa paksa: “Tayo’y mga Pinoy, tayo’y hindi Kano…” “This is not America, This is not the USA..” “American Junk”! Kung kaya, popular noon ang mga awitin na ito at di maikakailang progresibo. Pero ang mga “makabayang awit” ngayon ng mga popular na banda? Masasabi rin kayang nakapagpapatalas sa kaisipan ng tagapakinig upang magsimulang “buuin ang bansa”? O tulad ng iba pa’y mga pampalubag-loob lang ang mga awit na ito sa isang bansang luray-luray at naghihikahos? Tipo bang ang epekto ay tulad ng balita ng pagkapanalo ni Manny Pacquiao o pag-akyat ng mga Pinoy sa Mt. Everest -- nakakatuwa nga pero ano ba talaga ang katuturan ng mga balitang ito sa buhay natin? (Ang tinutukoy natin ay ang balita at hoopla, pero syempre iba pa ang katuturan ng mismong “achievement,” at di naman maikakaila ang halaga nito para sa kanila at sa kani-kanilang larangan.) Ikakatuwa na lang marahil na kahit papaano, ipinapaalala ng mga awit na ito ang ating nasyunalidad. Haaay ulit.
Ang isa pang ikatutuwa ay ang kahusayan at kasinupan ng tugtugan ng Rivermaya, lalo na sa rekording. Isa itong bagay na ikinaiila ko noon pa man kung kaya kailanman ay hindi ko sila naging paborito. Aaminin ng Rebyuhan na sadyang hindi nito masyadong inintindi ang Rivermaya dahil “nilikha” ito mismo ng industriya para samantalahin ang kasikatan ng mga banda noong 90s – kaya kahit mahusay, para bang wala namang seryoso o makabuluhang bagay na maaaring ilabas ang bandang ito. Remember “214”, “Elisi”, “Hinahanap-hanap Kita.” E ano ngayon di ba?
Kaya salamat, kung ayon na rin sa banda, nagmula ang ideya ng mga revival sa literal na pagkagasgas ng mga kaset tape nila ng Deans December – na ano kaya kung icover at irekord muli ang mga ito nang walang labis, walang kulang o buong-buo? Na sa gitna ng kung anu-ano na lang na mga revival, may nakaisip naman na gumawa na ganitong tipo ng nostalgia trip – yung gagawin ulit ang mga kanta pero hindi naman “bababuyin,” sabi nga ng mga die-hard fans na matatalas ang dila. Case in point: ang “Ipagpatawad Mo” ni Vic Sotto ay ginawa na rin ulit ni Janno Gibbs noon pero naging mas mahusay pa nga ang pagkakaawit. Pero ngayon ang bersyon na naririnig ng mga bata ay oo, rak en rol nga – pero unang-una sa lahat – dapat ba wala sa tono?
Isa pa, kakaibang kapangahasan ito sa bahagi ng Rivermaya dahil sandakot na lang marahil ang nakakaalala pa sa mga awit na ito ngayon, dahil hindi naman talaga sumikat ang mga ito gaya ng mga kanta ng Hotdogs, Eheads o Apo. At karamihan sa mga tumangkilik dito noon, kung hindi tayo nagkakamali, ay mas mamarapatin na bilhin ang album ito sa mga pirata dahil ang badyet ay nananatili pa rin sa range ng 20-90 pesos na kinamulatang presyo ng kaset tape noon hehehe!
Ito lang naman ang masasabi natin tungkol sa mga revival: Mahusay at buti na lang at may nakaisip ng ganito. Tanging si Joey Ayala lang yata ang may CD version pa ng mga awit na “Ilog” at “Padayon,” na pambihira ring napasama sa iba pang kanta na ngayon ay saan mo na hahagilapin? Ang dalawang kantang ito ang may pinakamatingkad na progresibong nilalaman at ang mensahe ay nananatiling relevant, maski pa nagbago na ang mismong pananaw ni Ayala na sumulat ng mga kantang ito. (Ano pa nga ba’t “Tabi po, Tabi po” na tungkol sa mga engkanto ang pinakahuling kanta na naaalala natin mula kay Joey Ayala. Mula diyalektikong materyalismo tungo sa metapisika?)
Ang iba pa ay kakaiba o “alternatibo” rin, at ngayon ay magsisilbi na lamang talaga sa nostalgia trip ng kabataang hinubog ng mga kantang ito upang lumihis sa nakasanayan – lumihis sa mainstream, makinig sa iba’t ibang tipo ng musika, maging bukas ang isipan sa iba’t ibang ideya, magrebelde. Saan pa nga ba hahagilapan ang matagal nang nawawalang si Binky Lampano ng Deans December, Jack Sicat ng Ethnic Faces, Identity Crisis at Violent Playground? Wala na rin sa songlist ni Chickoy Pura at The Jerks ang “Romantic Kill,” na ayon sa kanya ay naisulat pa niya sa kamusmusan ng kanyang songwriting career (ang naging “pinakasikat” nilang awit ay “Reklamo nang Reklamo” at “Mad Mathematical World” na pagtuligsa sa kolonyal na mentalidad at sa kontrol ng IMF-WB sa ekonomya; ngayon ang pinakabagong mga awit ni Chickoy ay “The North Star” na halaw sa tula ni Jose Ma. Sison, at isa pang tungkol naman sa extra-judicial killings). Ayon naman sa atin, kung tutugtugin pa ng Jerks ang “Romantic Kill,” dapat lumundag pa ulit nang napakataas nitong si Chickoy!
Kaya salamat na lang at mabibigyan pa ng pagkakataon ang mga “inosenteng bata” o kahit pa ang mga ignorante, na minsan pala’y may ganitong tipo ng kahusayan sa porma at nilalaman mula sa mga bandang Pilipino. Ngayon, masasabing buhay o mahuhusay naman siyempre sa tugtugan ang mga banda, may sandakot ding may kabuluhan pa ang inaawit. Pero sa pangkalahatan ay kailangang pagtiyagaan ang “ngawngaw” o “emo” na sinasabi – ano pa ba ito kundi ang palasak (at pinakamabentang) paksa ng pagkasawi sa pag-ibig na nilululan lang sa behikulong rak en rol sa kasalukuyan? Anupa’t “parang kuliling sa pandinig” ang araw-araw na lang na ganito sa radyo? Ang hangad na lang natin ay makakuha ng inspirasyon at “references” ang mga banda ngayon sa mga tipo ng banda na nirevive ng Rivermaya sa album na ito. Pero kung sinasabi ng Rivermaya na ang mga ito ang nakaimpluwensya sa kanilang tugtugan at gagawin nating batayan ang kinalabasan ng kanilang naging career…kayo na lamang ang maghusga dahil hindi ako fan, hehe.
Ang tanong na lang ay kung nasaan na ang mga batang ito na nagdalaga’t nagbinata sa LA 105.9 at sa iba pang obscure na mga istasyon ng radyo o kaya ay sa ganitong klase ng “soundtrack” na ni-revive ng Rivermaya? Rebelde pa rin ba, o gaya na rin ng Rivermaya na kinokomisyon o nagtatrabaho na para sa malalaking kumpanya?
1 comment:
lurk in my site...hehe!
Post a Comment