Saturday, March 25, 2006

Mga Bidyo-Dokyu ng Gobyernong Arroyo-AFP, 2006


Hindi ito rebyu

Hindi naman talaga irerebyu rito ang mga “dokyu” ni PGMA/AFP. Sino ba namang walang magawa ang kusang-loob at buong-sigasig na magtitiyagang panoorin at tapusin ang mga “dokyu” na’to? Tsaka sining ang nirerebyu sa blog na ito, hindi basura.

Kaso lang, tatlong istasyon ng TV ang nagagamit ng gobyerno kaya maya’t maya na lang ay naipapalabas ang mga “dokyumentaryo” na ito. Kaya hindi natin masisisi kung may mga karaniwang tao na makailang ulit na itong napanood, lalo na kung mahilig silang magpalipat-lipat ng istasyon. Isipin nyo, kahit pa labag sa loob nyo ang makabisado ang themesong ng Pinoy Big Brother, ano ba naman ang magagawa nyo kung kahit saang sulok na lang kayo magpunta, ito ang pinapatugtog?

Pinakatampok sa mga “dokyu” ang Paglaban sa Katasiklan 1017 na nagtatangkang ipaliwanag sa karaniwang mamamayan ang mga dahilan kung bakit kailangang ideklara ni PGMA ang Proclamation 1017 – dahil na nga raw sa sabwatan ng extreme Left at extreme Right, sa simplistikong paliwanag nga ni Mike Defensor, na eto na, eto na raw ay sabwatan ng mga elementong gagamit na ng baril, kaya may banta ng karahasan at kaguluhan na gusto nilang maiwasan. (Habang patay-malisya sila sa sistematikong karahasang inihahasik ng AFP/PNP/CAFGU sa daan-daang walang-labang mamamahayag, aktibista, lider-masa at karaniwang mamamayan na tinakot, ipinapatay o minasaker nila. Hindi ba ‘yun kaguluhan? Hindi ba ‘yun ang tunay na kataksilan?)

Bukod dito, mayroon pang ibang “dokyumentaryo” na anti-komunista naman ang tema. Ganito ‘yung tipo ng mga bidyo na pinapalabas ng AFP at gobyerno sa mga baryo, at me kadobol noon na mga pelikula ni Chuck Norris (ngayon siguro mas marami pang pagpipilian dahil sa “trend”, o sistematikong produksyon ng mga pelikulang “patriotic” at “anti-terrorist” mula sa Hollywood). Sa mga “dokyu” na ito ipinapalaam at biibigyang-babala ang madla sa masasamang katangian umano ng rebolusyonaryong kilusan na kinakatawan ng CPP-NPA-NDF. Halimbawa, sila ay nagpapatayan sa isa’t isa; kapag napaghinalaan ka, ikaw ay hindi patas na lilitisin at saka agad na papatayin; at syempre pa, wala raw Diyos ang mga komunista.

Hindi na nga bago ang ganitong propaganda ng gobyerno. Matagal na itong kinokondena ng mga rebolusyonaryong pwersa at maging ng mga progresibo na dinadawit ng AFP at gobyerno sa red-baiting at witchhunt laban sa mga komunista, at pinaghihinalaang komunista. Kumbaga, nakakasuka at nakakarindi na. Ang tendensya na nga, maging ng rebyuwer na ito, ay agad itong idismis bilang basura kahit hindi pa naman napapanood nang buo ang mga “dokyu” para mahanapan man lang ng kahit kaunting artistikong merit bilang katubusan. (HAHAHA!)

Pwera biro, bagamat alam naman ng mga progresibo at rebolusyonaryo, gaya na lang ng organisadong hanay ng mga artista, manunulat at aktibistang pangkultura, kung ano ang ibig sabihin at gustong ipalaganap ng mga “dokyu” na ito, mahirap ang maging kampante sa implikasyon at epekto nito sa masang manonood. Kung ang mga mulat ay madaling magsabi na ito ay basura, madaling isantabi at ‘wag nang pansinin o patulan ang mga “dokyu” na ito, hindi ganoon ang kaso para sa mas marami na hindi pa matalas o kritikal sa anumang nasasagap nila sa masmidya.

Ang totoo nyan, hindi lang ito sa hanay ng masa. Dahil hindi naman pantay-pantay ang kamulatan natin, ang mga “dokyu” na ito ay pwede pa ring maghasik ng kalituhan, takot at alinlangan sa hanay ng mga masasabi na nating organisado o mulat na. Kung tutuusin ay hindi lang naman mga bidyo-dokyu ng gobyerno ang kasali rito pero kumbaga, sa sopistikado at “malikhaing” opensibang pangkultura ng imperyalismo at naghaharing-uri, ito na nga ang pinakagarapalan at pinakamagaspang na panlilinlang na “maihahandog” nila sa atin.

Nariyan din kasi, sa iba’t ibang antas, ang kusa at di-kusang pagtangkilik natin sa mga kanta, commercial, jingle, game shows, beauty contests, teleserye, fantaserye, pelikula, paketbuk at kung anu-ano pang anyo ng sining at masmidya. Sa ilang kaso, gaya na nga ng trahedya sa game show na “Wowowee” ay malalantad ang malagim na epekto nito sa masa. Mas mahabang talakayan pa ito kung gusto nating suriin at ungkatin, pero tiyak na may kaugnayan din sa pagpapalabas ng gobyerno ng mga “dokyu” sa ngayon.

Mahirap talaga ang maging kampante ngayon. Kaya nga sa kabila ng pananakot at panggigipit, tuloy ang mga rebolusyonaryo at progresibong artista at aktibistang pangkultura sa kampanya para patalsikin ang matatawag na natin ngayong DIKTADURANG ARROYO.

Isa na nga sa pinakamahusay na paraan para labanan ang ganitong klase ng “opensibang pangkultura” ay ang paggawa ng sariling “dokyu” ng mga rebolusyonaryo at progresibo. Kung sa labanan lang ng mga “dokyu,” marami nang mga bagong grupo ng dokyumentarista at manggagawa sa awdyo-biswal ang naglalabas ng mga progresibong dokyu hinggil sa iba’t ibang isyu, gaya ng masaker sa Hacienda Luisita, buhay sa tabing-riles, at maging sa calibrated preemptive response (CPR) na mapanupil na patakaran din ni Arroyo. Ang ilan sa mga ito ay kinilala at naparangalan pa nga ng Gawad CCP para sa Alternatibong Pelikula at Bidyo, at iba pang instituyon sa pelikula.

Ang hamon na lamang para sa mga grupong ito gaya ng Southern Tagalog Exposure, Tudla, Sipat, Ibon Foundation, EILER, Kodao Productions at iba pa ay ang mas sistematikong pagpapalaganap ng mga ito para matunghayan at matangkilik ng mas maraming manonood, dahil syempre ay wala namang istasyong NBN, RPN at IBC ang mga grupong ito. Mainam ang pagmamaksimisa sa mga espasyong gaya ng mga film festivals, mga rali at pagtitipon at maging sa maikling timeslot ng programang DOKYU sa istasyong ABC-5.

Gayundin, ang tungkulin sa pagpapalaganap ay tungkulin di lamang ng mga grupong awdyo-biswal, kundi ng iba pang aktibista at organisador. Ang mga huwarang dokyu ay magagamit nila sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng masa sa mga komunidad, lugar ng trabaho, eskwelahan at iba pang lugar ng konsentrasyon ng masa. Sa ganito, mas maagap na makukuha ang mga puna at mungkahi ng masa para maikonsidera sa pagpapaunlad ng mga susunod na dokyu, o ng mga lumang trabaho na pwede pang i-edit. Sa ganito rin makikita ang aktwal na epekto ng mga progresibong dokyu sa pagbabago ng kultura at pagpapakilos sa masa.

Ang mga grupong ito ay hindi na rin kailangang bansagang “communist front,” gaya ng akusasyon ng bayarang saksi at “makabagong MAKAPILI” na si Jaime Fuentes sa Kodao Productions. Kasi naman, mayroon namang sariling mga dokyu ang Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) na isang kasaping organisasyon ng NDF. Isa pa, mas mabilis, mas mahusay at mas “astig” pa nga ang mga dokyu ng awdyo-biswal na grupong Isnayp ng Romulo Jallores Command ng NPA sa Bikol na gumawa ng mga dokyung Bagati, Sulo kan Bikol, mga “videoke version” ng mga rebolusyonaryong awit gaya ng “Martsa kan Bikolandia”, at serye ng mga ala-newsreel na dokyung “Dagundong kan Bikol.”

Sa ibang larangang gerilya ng NPA, hindi na nga lang dokyu ang napoprodyus, gaya ng pagtatangka ng mga Pulang mandirigma at masa na maging prodyuser at artista sa sariling pelikula sa isang sonang gerilya sa Masbate. Pinagtagpo na rin ang dulaan at bidyo sa dokumentasyon ng isang live performance (syempre, sa bundok!) ng mga full-length musicale tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas gaya ng nagawa ng Pulang Bagani Command sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino: The Musicale at Red Alimaong Platoon ng Mindanao sa bidyong Hukbo sa Katawhan.

Katuwang ng pagpapalaganap ng mga rebolusyonaryo at progresibong bidyo ang pagbabasura at paglalantad sa mga “dokyu” ng gobyerno. Ibig sabihin, dapat maging maagap sa pagsisiyasat sa epekto ng mga ito sa masa at maging sa mga aktibista. Ang paglalantad sa mga kasinungalingan nito ay dapat tapatan ng matiyagang paglilinaw at pagpapaliwanag.

* * *

Pahabol: Noong una, gusto ko lang maging kwela at sabihin na ang direktor ng mga “dokyumentaryo” ni PGMA/AFP ay si Lupita Aquino-Kashiwahara, na noon ay higit na nakilala para sa kanyang obra-maestrang Minsa’y Isang Gamu-gamo (na tungkol sa pananatili ng Base Militar ng US sa Pilipinas at maaalala sa pagpapasikat ng linyang “My brother is not a pig!” ng superstar na si Nora Aunor.)

Ngayon, si Lupita Aquino ay nagiging notoryus na lang sa kanyang bigong pagtatangka na i-workshop sa four basic emotions at hand gestures itong si PGMA. (Ebidensya: apparently crude motivation and direction para sa “I’m Sorry” statement for the “lapse in judgment” noong Hunyo 2005; at ang parang adik na pagka-perky sa lifting ng Proclamation 1017 noong unang linggo ng Marso 2006.)

Tuesday, March 14, 2006

Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency, literary zine ng SIGAO-UP, Marso 2006



Isang iglap

Ang publikasyong iglap, gaya ng mga kapatid nitong dulang iglap at instant myural, ay pagpapatotoo sa papel ng sining sa mabilis na pagtugon sa maiinit na isyung panlipunan.

Bilang tradisyunal na pugad ng mga aktibista at "Iskolar ng Bayan,” inaasahan din ang mabilis na pagtutol ng Unibersidad ng Pilipinas sa panunumbalik ng batas militar, sa anyo ng "national emergency” na idineklara ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa kasagsagan ng paggunita sa 20 taon ng EDSA People Power I noong nakaraang buwan.

Magmula noong Hunyo ng nakaraang taon, nang sumabog ang kontrobersyang nagdidiin sa kanya sa pandaraya sa eleksyong 2004, ilang buwan nang binubuno ng gobyernong GMA ang kaliwa’t kanang batikos at panawagang magbitiw sa pwesto – hanggang sa rumurok, umano, sa tangkang kudeta kung saan ang mga pwersa mula sa Kaliwa at Kanan ang siya na ngayong lihim na nagsasabwatan upang marahas na ibagsak ang pamahalaan.

Ang Emergencia Poemas: Break Glass in Case of National Emergency na inilabas ng Students’ Initiative for Gloria Arroyo’s Ouster ng Unibersidad ng Pilipinas (SIGAO-UP) ay naipalaganap bago pa man ang dagling pagbawi sa idineklarang state of national emergency. Ngunit wika nga ng mga tumututol sa proklamasyong ito, ang pagiging mapagbantay ay hindi dapat matapos sa kunwang pagbawi na ito ni GMA. Kung gayon, lalo’t para sa mga naglabas ng koleksyon at sa awdyens nito, ang mga tula, dagli, o prosang tula na nakapaloob sa Emergencia Poemas ay nagkakaroon ng kahalagahan lagpas pa sa panahong sinasaklaw ng tema. Patuloy itong nagiging signipikante habang nananatiling usapin ang panggigipit, panunupil at ang mismong pananatili sa poder ng rehimeng Arroyo.

Katangi-tangi, wika nga ni Gelacio Guillermo, ang mabilis na pagtugon na tulad nito. Natatangi naman, kung tutuusin, ang bago, makabago, o umuusbong na wika at indayog ng panitikang protesta mula sa UP, kung pagbabatayan ang mga akda sa Emergencia Poemas. Sapagkat mula sa unibersidad, ipagpapalagay na sinasalamin lamang nito ang aktitud, panlasa at pagtangkilik sa panitikan ng tinatarget na awdyens ng koleksyon – ang buong komunidad ng UP, o ang mga tagasubaybay na nag-aantabay sa bawat ”makasaysayang” hakbang ng komunidad na ito.

Katangi-tangi ang makapag-ipon sa napakaikling panahon ng mga akda mula sa iba’t ibang awtor at magkaroon pa rin ng malawak na saklaw pagdating sa anyo at estilo, bagamat nababakuran ng isang napakapartikular na temang emergency. Kunsabagay, ang tema na mismo ang nagbigay ng elemento ng pagmamadali – kakagyatang may malinaw na layon, at hindi hilong pagkataranta. Sa "Ambulansya” ni Sylvia da Sylvia ay sinusuma ang ganitong katiyakan: Pumutok ang sunud-sunod na trahedya: / Stampede sa Ultra, landslide sa Leyte, / Nagpatawag ng ambulansya si Madame, / Pero hindi ang mga tao ang sinagip / kundi siyang nagkukumahog sa Malacanang.

Ang ganitong talas at kapayakan ay makikita rin sa mga tula nina Guiller Luna ("Xerox Republic”), Marijoe Monumento ("Iwas-Pusoy), Ricardo Cruzada Romero ("Talim ng Gunita”) at Jessie Sy-Mendoza ("Garapon Nation”). Sa mga ito, ang pananalinhaga ay hindi nawawala gaano man "kapalasak” o direkta ang pagtukoy sa paksa. Sa kapayakan ng "Pasismo Mismo!” ni Mark Angeles, ang pagiging simple ay nangangahulugan na madaling bigkasin at maunawaan ng awdyens, o di kaya ay itanghal o ipalaganap bukod sa pagkakalathala ng limbag-xerox ng publikasyong iglap. Ganito rin marahil ang layunin ng "Emergency Room” ni Mykel Francis Andrada, na humalaw ng anyo sa isang popular na kanta sa radyo upang lalong mapabilis ang popularisasyon at pagtangkilik sa pyesang ito.

Mabilis ding magtawid ng mensahe ang mga dagli o prosang tula nina nina Cecilia la Luz, Darren dela Torre, at Sylvia la Sylvia ("Vandal”). Sa akda ni Ana Morayta ("Ang Paraiso ni Gloria”), ang pantastikong sitwasyon at alusyon ay naging malinaw at karaniwang gaya ng kabaliwan at kabalintunaan ng panunungkulan ng rehimeng Arroyo. Sa mga nabanggit nang akda, malinaw rin, sa isang punto, ang pagsisikap na mag-ambag ng "taktikal” na pagtugon sa isang namumuo, kundiman sumusulong na rebolusyong pangkultura. Taktikal, sapagkat ang mga akda ay naglalayong makatulong sa pagpapakilos para sa isang partikular o kagyat na isyu gaya ng state of emergency, o sa pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Ito ang kasagutan sa mapapait na tanong ni Lisa Ito sa “Questions from Autopsies” na pumapaksa sa sunud-sunod na pagpatay sa mga lider ng mga progresibong organisasyon, bago pa man ang deklarasyon ng state of emergency: Do they ever wonder why hundreds / of their spiraling shards fail / to stall the exodus of hearts, halt heads / from birthing revolts, silence / the tireless tongues?

Sapagkat ang pagtugon na ito, gaano man kaliit o kalaki, ay may naiaambag sa pangkalahatang pagkamulat ng sambayanan, at kung gayon ay may naiaambag din sa mas malawakang pagbabago ng lipunan. Ang pagtugon na ito, kung gayon, ay nangangahulugan na kailangan ng ibayong sinop – sa porma at nilalaman -- lalo na para sa mga may-akdang may malinaw na layunin na makatulong sa pagmumulat at pagpapakilos ng kanyang mga mambabasa o awdyens.

Nagangahulugan ito ng ibayong pagpapalaganap sa lahat ng posibleng daluyan gaya ng limbag-xerox at internet, at lalo na ang mga aktwal na pagtatanghal sa mga pulong-masa o pulong-pag-aaral, talakayan, room-to-room, house-to-house, at mobilisasyon kaharap ang masang kabataan, estudyante o taga-komunidad na nais pukawin at pakilusin. Dito, ang popularisasyon ng mga pyesa ay tungkulin di lamang ng mga may-akda, kundi maging ng iba pang aktibistang pangkultura na maaaring magpalaganap ng mga katangi-tanging akda.

Ang ganitong pamamaraan din ang magtitiyak na magiging buhay ang panunuri, di lamang sa anyo ng mga rebyung gaya nito, kundi sa hanay ng mga manunulat, mga aktibista, mga grupo at pang-masang organisasyon, at lalong higit mula sa masa o awdyens na siyang nais patungkulan at pakilusin ng mga akda. Nililinang ng ganitong praktika ang kahusayan at responsibilidad ng mga mulat na may-akda, ang malapit nilang ugnayan sa mga aktibistang nagpapalaganap at masang tumatangkilik sa kanilang mga akda, at ang lagi’t laging pagsisiyasat at pag-angkop sa mga kongkretong pangangailangan at interes ng masang mambabasa o awdyens.

Sa ganito rin makikita ang kongkretong resulta ng malikhaing propaganda, gaya ng paglalabas ng koleksyong Emergencia Poemas. Ibig sabihin, hindi maitatanggi na ang sining ay bahagi rin ng propaganda, sa loob man o labas ng kilusang masa, reaksyunaryong gobyerno, art circles, o rebolusyonaryong kilusan. Ang sining ay propaganda, ngunit lahat – kung atin lamang papansinin -- ay naghahangad ng kasinupan na angkop sa layuning nais makamit at awdyens na nais patungkulan.

May angking sinop sa pagtula ang “Supling Tayong Nanahan sa Dilim” ni Enrico Torralba, bagamat ang sinop na ito ay nasa tunog ng mga salita at maaaring nawawala sa mensaheng nais nitong ipahiwatig. Ganito rin ang suliranin ng "Santelmo” ni Federico Maria Guerra. Gayunman, kung tutuusin, hindi naman talaga maituturing na "suliranin” ang ganitong "masinop” na estilo kung may tiyak na awdyens na tumatangkilik – at higit sa lahat ay napapakilos – ang ganitong uri ng pananalinhaga. Gayundin ang maaaring sabihin sa inobasyon ng "Fin de siecle Fascism” ni Jose Benjamin Cuevas at "02.24” ni Daisy Chained. Ang mga akda ay parehong may lengguwaheng madaling tangkilikin, syempre, ng mga pamilyar rito. "Kagigiliwan” din ang pagkasarkastikong tumutumbok pa rin sa paksang pinupuntirya ng koleksyon.

Sa isang iglap, makikita na ang panitikang protesta ay buhay na buhay. Hindi ito nagkukumahog at naghihingalo na gaya ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.