Thursday, November 01, 2007

Nakarating na ang Quiapo cinematheque sa kanayunan!


Nakarating na ang Quiapo cinematheque sa kanayunan!

INT. Bahay ni Bog. Gabi.

Walang takilya pero si Bog ang takilyero. Mga batang uhugin ang karamihan sa mga parukyano. Piso ang entrans sa sinehang walang pinilakang tabing. Ang 21” TV, “katas ng (export-processing) zone” ang siyang pokus ng atensyon. Nakahilera sa malamig na sementadong sahig ang mga manonood na lahat ay nakanganga. Pagod na pagod na darating mula sa zone ang asawa ni Bog na si Aling Xenia, walang pasalubong kundi buntong-hininga. Walang iimik, isinalang na ni Bog ang bala ng VHS na awtomatikong nilamon ng surplus na player.


Walang dayalogo kundi ang mamumutawing salita mula sa bida ng pelikula: Si FPJ, hari ng pelikulang Pilipino, bibitawan ang pinakasikat na linyang “…kapag puno na ang salop!!”


Hiyawan ang taumbaryo na dati-rati’y tulog na bago pa sumapit ang alas-otso. Ganito na, magmula nang magpakabit ng kuryente si kongresman sa baryo, bagamat iilang tahanan lang naman talaga ang may kakayahan na bayaran ang pagpapakabit ng kuryente at buwanang konsumo. Iilan lang ang may kakayahan na bumili ng mga surplus na TV at iba pang appliances na katas ng pagiging manggagawa sa kalapit na EPZ, katas ng maliit na komprada at tindahan sa baryo, katas ng sakripisyo ng kamag-anak na OFW, o di kaya ng ibinentang kalabaw o sinwerteng pagtama sa sugal na jueteng…


I


Mahigit sampung taon na ang nakalipas, halos ganito pa rin ang tipikal na “sine sa baryo.” Siyempre sa iba’t ibang lugar at kalagayan ay may iba’t iba rin itong hugis at kaanyuan.


Bagamat pumasok na ang daigdig sa ikatlong milenyo, may mga baryo pa rin sa ikatlong daigdig na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakatikim ng serbisyo ng kuryente o ni hindi pa nga naaabot kalsadang baku-bako man lamang patungo sa sentro ng bayan. Sa kabila nito ang mga pambaryong sinehan, “TV-han,” “CD-han” o “betahan,” ayon na rin sa mga taumbaryo, ay nakakarating pa rin dito sa pamamagitan ng mga panggitnang uri na may-ari ng generator at satellite TV. Ang TV-han o betahan nila’y di lamang ang salas sa araw at sinehan kung gabi – kundi isang hiwalay na strukturang kanugnog ng bahay – kumpleto sa mga upuang tabla na may tatlo o apat na andana (porma ng “bleachers”). Bukod sa TV at VCD/DVD player, ay maaaring may pasilidad pa para sa video-singko (kung hindi ay nasa hiwalay pa itong strukturang gazebo-type na kubo.) Ang entrans ay karaniwang nasa limang piso, mababa nang bahagya para sa mga bata. At dahil sa masugid na pagsubaybay ng masa sa mga telenovela at fantaserye ng dalawang naglalabanang komersyal na istasyon ng TV sa Pilipinas, karaniwang ito ang regular na palabas tuwing gabi. Bukod dito ay may mga espesyal na araw kung kailan ang tampok ay ang mga piniratang plaka ng mga pelikulang Pilipino, o ang pinananabikang pelikulang aksyon mula sa Hollywood.


Ang ganitong klaseng libangan sa baryo ay isa lamang sa maraming mukha ng salimuot at kabalintunaan dahil sa krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunang Pilipino. Sa malawak na kanayunan, ang masang magsasaka ay nakararanas ng napakatinding pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal – pagkatali sa sistemang kasama o tenante sa mga panginoong maylupa, pagkabaon sa utang o usura, pang-aalila, mababang presyo ng mga produkto, mababang sahod ng manggagawang-bukid at marami pang iba. Ang ganitong pagkatali sa problema sa lupa ay pinalalala pa ng kapabayaan ng gobyernong ni hindi nag-aaabalang magbigay ng serbisyo sa edukasyon at kalusugan sa kabila ng pagpiga ng napakataas na buwis sa mamamayan. Huwag nang banggitin pa ang maliitan, hindi mekanisado o manu-manong paggawa sa bukid, gayundin ang pag-asa sa kalikasan at pagsalanta ng mga kalamidad na mas nakakapagpabigat sa pasanin ng magsasaka. Hindi mekanisado ang produksyon sa agrikulturang salalayan ng ekonomya ng bansa, ngunit gabi-gabi’y natutunghayan ng masa kung gaano na ka-“high tech” ang produksyon ng mga pelikula at iba pang pangkulturang kalakal ng lokal na industriya at dayuhang imperyalista.


Makarating man sa mga liblib na baryo ang serbisyo ng kuryente, pambihirang hindi ito namamaksimisa upang paunlarin ang atrasadong pamamaraan ng produksyon sa kanayunan. Sa isang baryong wala ni isang handtractor, treser o kiskisan, gabi-gabing tumatagay at bumibirit sa video-singko ang mga magsasakang nais na saglit na makalimot sa matinding pagod at kahirapan. Sa halip na maging tanda ng kaunlaran ang elektripikasyon, pinatitingkad lamang nito ang kabulukan ng lokal na burukratang tumatabo ng malaking kikbak mula sa mga ganitong proyekto habang pinapabango ang kanilang pangalan sa mamamayan. Madalas sa hindi, ang tinutugunan lamang nito ay ang orihinal na layunin ng monopolyo kapitalismo sa bansa na lumikha ng pamilihan para sa mga imported na appliances at iba pang surplus na produkto, habang mas lalong hinuhuthutan ang masang “konsumer” sa pamamamagitan ng mga batas na EPIRA at mga lokal na “kooperatiba” sa elektrisidad. Nagtatagumpay lamang ang ganitong “serbisyo,” sa pagpapalalim at pagpapalaganap ng kulturang pyudal, burgis at maka-dayuhan -- di-syentipiko, eskapista o pantastiko; malaswa, bulgar at pala-samba sa bisyo at panandaliang aliw; kundi man maaamo at masunurin sa mga awtoridad gaya ng bulok na gubyerno at simbahan. Katuwang ng kultura ng TV-han at betahan ang iba pang manipestasyon ng kolonyal, pyudal at burgis na kulturang gumagapos sa isipan ng mamamayan sa kanayunan – panatisismo sa relihiyon, pagkalulong sa mga sayawan, pag-inom, at sugal, mababang pananaw sa kababaihan, di-syentipikong panggagamot, paniniwala sa mga haka-haka, pamahiin, kababalaghan, at iba pa.


Paborable rin sa paglaganap ng kultura ng TV-han, CD-han, betahan o sine sa baryo ang naging pisikal na kaayusan ng mga baryo bunsod ng militarisasyon at hamletting na nagsimula sa panahon ng diktaduryang Marcos at pinag-ibayo sa ilalim ng total war o low-intensity conflict ng rehimen ni Aquino. Ang kawalan ng serbisyong panlipunan ay kakambal ng panunupil at pasismo ng estado upang takutin at paamuhin ang mamamayan. Ang konsepto ng “barrio site” sa kanayunan ay naglayon na ikonsentra ang mamamayan sa isang kontroladong reydyus. Ang mga magsasasakang dating naninirahan sa mga bulubundukin ay napilitang lumikas at iwanan ang kanilang mga kabuhayan upang iwasan ang karahasang militar gaya ng pagnanakaw ng mga hayop, panununog ng mga bahay at pananim, panggagahasa sa kababaihan, at pananalbeyds. Gayunman, para sa mga napakabata pa upang maalala ang ganitong pangyayari, ang pasya sa paninirahan sa barrio site ay bunga na lamang ngayon ng isang napakasimpleng dahilan --- sapagkat naroon ang kuryente at naroon ang “sinehan.”


II


Ang polisiya ng “globalisasyon,” na nagpapalala sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa malawak na masang magsasaka, ay siya ring nagpapabilis ng pagkabulok ng dekadenteng kulturang pyudal, burgis at kolonyal sa bansa.


Ang industriya ng pelikulang Pilipino at iba pang lokal na pangkulturang kalakal gaya ng musika, ay nakakaranas ngayon ng “paghihingalo” bunga ng ibayong liberalisasyon o pagbaha ng mga produktong gaya ng dayuhang pelikula lalo na mula sa Hollywood, pagbilis ng akses sa mga ito sa pamamagitan ng internet, malawakang pamimirata at kawalan ng mapagpasyang hakbang mula sa gobyerno upang suportahan, paunlarin at ipagtanggol ang pangkulturang produksyon sa bansa.


Ang malawakang pamimirata o “piracy” ang salik na nakapagpabilis nang husto sa paghihingalong ito ng lokal na industriya ng pelikula. Maaaring sa isang banda, ang dahilang ito ay nakapagpalabo o nakapagpababaw sa pagsusuri ng ilan sa tunay na ugat ng krisis sa larangan ng kultura, lalo na sa hanay ng maliliit na mga manggagawang pangkultura at artista na nananawagan ng “stop piracy” at pagtataguyod ng kanilang “intellectual property rights.” Ang paghahangad ng proteksyon ay pagpapalamon sa elitistang bitag ng “globalisasyon,” na tiyak na pumapanig lamang sa interes ng monopolyo kapitalismo, at hindi kailanman sa interes ng maliliit na artista o imbentor (kung sa kaso ng larangan ng agham). Kung pakasusuriin, hindi mamamayagpag ang pamimirata kung ang pinakamalalaking opereytor nito ay hindi mahigpit na nakaugnay sa mga lokal at internasyunal na ahensyang nagpapatupad ng batas laban sa pamimirata at maging sa mga lokal na kumpanya ng pelikula o musika na siya mismong “biktima” ng mga sindikatong ito.


Di maikakaila ang dramatikong pagbaba ng bilang ng taunang produksyon ng lokal na pelikula. Kasabay nito, naging higit na elitista ang karanasan ng pagpasok sa mga tunay na sinehan. Nangagsara na ang maliliit na sinehan sa mga sentro ng mga probinsya at maging sa maliliit na munisipalidad ng kalakhang Maynila. Nakakonsentra na lang sa malalaking shopping mall gaya ng SM, Gaisano, Robinson at Ayala ang mga sine, na sumisingil ng entrans na kadalasa’y mas malaki pa sa arawang sahod ng karaniwang trabahador sa industriya o agrikultura. Kung sa panig naman ng pamamaraan ng produksyon at estetika, bumaling na sa telebisyon ang sentro ng “showbusiness” na matingkad sa marahas na kumpetisyon sa mga istasyong ABS-CBN at GMA upang makalikom ng pinakapatok na mga artista, palabas, at kung gayon ay pinakamaraming patalastas o adbertisment ng mga produkto ng mga dayuhang kapitalista. Dito umiinog ang pagtitimpla ng panlasa ng manonood sa pamamagitan ng pagpalaganap -- bukod sa karaniwan nang eskapismo, pagsamba sa kalakal, pantasya, paniniwala sa swerte at kapalaran -- ng walang kabuluhang mapanghating kultura ng kumpetisyon ng “kapuso” laban sa “kapamilya.” Gayunman, sa kabila nito’y kapansin-pansin naman ang pagsigla ng paglikha ng mga “independent” at alternatibong pelikula na nagtatangkang kumawala sa balangkas at pormula ng naghihingalong “mainstream.”


Tumupi na ang pinilakang tabing at ang mga mata ng manonood ay pambihira nang bumaling sa karampot na naipundar na personal pasilidad gaya ng mumurahing surplus na TV at VCD player (salamat din sa krisis ng labis na produksyon at pagtatambak ng patapong imported na produkto bunga ng “globalisasyon”) – kung hindi man sa mga lokal na TV-han, CD-han at betahan sa antas ng mga baryo. Sa ganitong konteksto nakarating sa kanayunan ang Quiapo cinematheque. Nakarating na sa mga pinakaliblib na pook ng bansa ang kaluluwa ng Quiapo – hindi lamang ang panatisismo ng daantaong pagiging Katoliko serado at pamamanata sa Nazareno na malaon nang bumabalot sa atrasadong kanayunan – kundi ang Quiapo na siyang pinakatampok na lokal na sentro ng pamimirata, pinakamurang mapagkukunan at kung gayon ay siya ring pinaka-aksesibol na tagapag-ingat ng kabang-yaman at kasaysayan ng pelikula at awdyo-biswal na midyum.


Nakarating na sa antas ng baryo ang masugid na pagtangkilik sa pelikula – di lamang sa lokal na industriya o Hollywood, kundi sa iba’t ibang halu-halong anyo o genre na pambihirang mahahalukay sa mga eskinita ng Quiapo – mga konsyerto ng mga banda at musiko, dokyumentaryo sa kalikasan at kasaysayan, pornograpiya, kartuns, anime, klasikong pelikula, Asian teleserye, mini-series, artfilm, wrestling, boxing, basketbol at iba pang isports, biograpiya, Bollywood, alternatibong cinema sa ibang bansa, rebolusyonaryong pelikula ng Tsina at Rusya, action, drama, horror, comedy at lahat-lahat na.


Sa antas ng baryo sa kasalukuyan, matatagpuan ng masisigasig na manggagawang pangkultura, artista at direktor ang awdyens o manonood na malaon na nilang hinahanap. Ang mga CD-han at betahan sa antas ng baryo ay hindi lamang mga simple o pangkaraniwang “venue” o lunsaran ng pelikula, kundi mahahalagang tereyn ng tunggalian sa kultura – salamin lamang ng isang umiigting na tunggaliang kaytagal nang yumayanig sa naghaharing sistema sa bansa at sa daigdig.


Sa isang panig, nariyan ang makapangyarihang gahum ng telebisyon at ang eklektikong impluwensyang hatid ng “globalisasyon” ng kultura. Sa pangkalahatan ay pinapanatili nito ang paghahari ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan, at higit pang pinalalakas ang kontrol sa mamamayang nagiging mapurol ang pag-iisip, di-kritikal, at sunud-sunuran sa mga pasipistang ideyang kadalasang matatagpuan sa mga materyal na ito. Sa kabilang banda, umuusbong naman ang isang bago, progresibo at rebolusyonaryong paglikha, pagpapalaganap at pagtangkilik sa midyum na awdyo-biswal -- kombinasyon ng positibo at progresibong materyal mula sa lokal na industriya, alternatibong cinema at mga “gems” mula sa Quiapo cinematheque; kasabay ng mulat na paggawa at pagpapamudmod ng mga pelikulang naglalayong pukawin ang inaantok na baryo, gisingin ang mamamayan upang pakilusin sa isang demokratikong rebolusyong bayan.


Ang mga manggagawang pangkultura, artista at mga direktor ay hinahamon na lamang kung saan papanig.


III


EXT. Hardin ni Lusing. Hapon.


May umpukan na ng mga tao sa harap ng bahay ni Lusing, estilong beranda ito na nasa harap ng isang payak na hardin. Matatanaw ang pagdating ng hinihintay na mga bisita, isang hanay ng mga armado, pawisan pero pawang masaya’t nakangiti nang mag-abot ng paningin sa mga tao. Nag-asikaso agad si Lusing sa paglapit ng mga bisita, iniligpit ang mga barahang nakakalat sa maliit na lamesa.


“Palipas-oras lang kasama, habang naghihintay,” paliwanag ni Lusing.


“Okey lang naman ho, basta ba’t walang pustahan,” sabi ng isang armado. “Saan ho ba tayo pwedeng mag-sine dito?”


“Ay, walang kuryente rito, at malayo pa iho ang TV-han,” sabi ng isang matandang babae.


“Dito po ba, hindi pwedeng mag-sine?”


Kumilos ang lahat para i-porma ang mga bangko sa harap ng maliit na lamesang wala namang nakapatong na telebisyon. Maya-maya’y inilabas ng isang armado ang isang laptop mula sa kanyang bag.


“Isang oras lang po ang sine, at isang oras na lang ang battery,” dagdag pa nito.


Isinalang ang VCD ng “Pakamahalin ang Hukbong Bayan” isang produksyon ng Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army – NPA) sa Gitnang Luzon.


“Pagkatapos po nito, saka po natin simulan ang pag-aaral ng RGRL (Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa.)”


Bukod sa mga CD-han at betahan sa baryo, ang Bagong Hukbong Bayan o NPA ay maaaring siya na ngayong kumakatawan sa pinakaradikal at tunay na rebolusyonaryong praktika ng paglikha at pagpapalaganap ng midyum na awdyo-biswal sa kasaysayan ng Pilipinas. Naging gerilya at makilos na rin ang pelikula. Nakarating nang talaga sa pinakaliblib na mga pook sa bansa, sa iba’t ibang pagkakataon – mga pagtatagpo at pagtitipon ng mga rebolusyonaryong pwersa na ni sa hinagap ay hindi masasapol ang esensya at kalahagahan, ipaubaya man, halimbawa, sa pinakamalilikot na imahinasyon ng creative team ng Dreamworks Entertainment!


Isang hukbong pangkultura rin ang Bagong Hukbong Bayan, ayon na nga sa tangan nitong prinsipyo laban sa mga salot ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Bilang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas (Communist Party of the Philippines-Marxist-Leninist-Maoist – CPP-MLM) sa paglulunsad nito ng isang demokratikong rebolusyong bayan, ang BHB o NPA ang nangunguna sa gawaing propaganda, ahitasyon, edukasyon at paglikha at pagpapalaganap ng rebolusyonaryong sining at panitikan, bukod pa sa mga tungkulin nito bilang isang armadong panlabang pwersa laban sa AFP/PNP/paramilitar ng naghaharing gobyerno; at katuwang ng masang magsasaka sa gawaing produksyon, pagpapaunlad ng kooperasyon at pagwasak sa pagsasamantalang pyudal at mala-pyudal sa kanayunan.


Nasa kamay ng Bagong Hukbong Bayan, at ng iba pang progresibo at rebolusyonaryong artista, direktor at manggagawang pangkultura, ang paghuhubog at pagmamaksimisa ng midyum na awdyo-biswal tungo sa pagiging buhay at dinamikong midyum na katuwang ng awdyens nito sa pang-araw-araw na buhay at pakikibaka. Taliwas sa epekto ng pelikula at telebisyon – sadya man o hindi ng mga manlilikha nito -- upang “aliwin” ang isip ng manonood, makalimot sa mga suliranin, at malulong sa pagkapasibo at mas malalim na pagkaka-alipin.


Pinaka-epektibo ang midyum na awdyo-biswal sa paglalahad ng mga karaniwang kwento, sa dokyumentaryo ng mga tampok na pangyayari sa kasaysayan, at katuwang sa gawaing edukasyon. Para rito, hinihingi sa mga manlilikha at tagapagpalaganap ng bidyo at pelikula ang tamang relasyon sa pagitan nila, at ang masapol balanse sa pagpapalaganap at pagtataas ng pamantayan sa larangan ng awdyo-biswal na midyum batay sa kongkretong kalagayan ng mga lugar kung saan makikita na ang praktika ng pagtangkilik sa mga progresibo at rebolusyonaryong VCD. Para rito, nagmumungkahi ang Rebyuhan ng ilang mga punto na maaaring pagmunihan ng sinumang nasasangkot sa paglikha at pagpapalaganap ng bidyo o pelikula, rebolusyonaryo man o hindi:

(1) Pagtuunan ng pansin ang epektibong pagpapalaganap. Huwag magsawa sa paulit-ulit na pagpapalabas ng mga ulirang VCD/DVD kahit na ilang beses nang napanood, at magsikap na makakuha ng kopya ng mga mahuhusay na progresibong pelikula ng mga lokal na direktor gaya nina Brocka at Bernal (pareho silang naging kasapi ng CPP noong sila’y nabubuhay pa). Aminin, kahit ilang dosenang beses nang napanood ay patok pa rin ang “Mistah” at “Kung Pao,” kaya gayundin kapatok kung maikailang ulit na mapapanood ang mahuhusay na pelikula at bidyo. Bukod sa mga VCD ng rebolusyonaryong kilusan, mga progresibong awdyo-biswal na grupo at direktor, ilang mungkahing titulo na marapat na “piratahin” at maipalabas sa pambaryong sinehan ay ang: Maynila sa Kuko ng Liwanag, Manila by Night, Orapronobis, Bayan ko: Kapit sa Patalim, Sister Stella L, Sakada, Minsa’y isang Gamu-gamo, etc. Si Jerry Garcia ng Grateful Dead, walang paki kung “mapirata” ang mga kanta at mas mahusay pa nga na mapakinggan ito ng marami. Gayundin siguro’t magiging grateful dead sina Brocka at Bernal kung magiging mas malawak ang awdyens ng kanilang klasiks sa pamamagitan ng mga TVhan sa baryo.

(2) Ang progressive at revolutionary foreign language films ay pwedeng proyektuhing i-dub sa Filipino para hindi naman mahirapan sa subtitles ang kalakhang illiterate pa ring kanayunan. Kaya nga pumapatok ang mga Asian and Latin American teleserye dahil sa dubbing hindi baga?

(3) Hindi nakakasawa ang videoke ng rev songs kaya sana ay dumami nang dumami. Ang mungkahi lang sa music video ay gawan ng naratibo o storyline, o kahit simpleng plano sa pagkakasunod-dunod ng biswal na hindi tsamba lang, ibig sabihin, wag magpakasapat sa MTV-collage na laging rali at bundok ang ending.

(4) Ang mga pinakasimpleng proyekto para sa educational materials sa bidyo gaya ng para sa literasiya, agham, kasaysayan, Marxism-Leninism-Maoism at pagpapalaganap ng kulturang pambansa, syentipiko at makamasa ay kailangang-kailangan! Sana ay may magmalasakit hehehe.


Ang ibang mungkahi next time… Aayusin pa ng Rebyuhan ang sanaysay na ito, pangako.