Friday, October 27, 2006
Flipino, album ni Dong Abay, 2006
Rebyu ng FLIPINO
album ni dong abay
Synergy Music 2006
"Original o pirated?" Huling tanong ni Dong Abay sa kantang "bombardment." Kung ako ang tatanungin, ang sagot ay pirated. Ipinagtanong din ang album nang minsang mapadaan sa tiangge sa bangketa. Kapalit ng 25 pesos ay inabot ng tindera ang piniratang kopya ng album na flipino. Pagdating sa lugar na may kompyuter, ni-rip at ginawang mp3, isinalin sa CD kasama ng iba pang babasahin at awiting dadalhin sa kung saan man mapadpad.
Sinagasaan na ng all-out war ni Gloria Arroyo, dagdagan pa ng distroso ng bagyong Milenyo at malawakang brawnawt, kaya pagkatapos ang mahigit sa isang buwan, saka ko lang napakinggang mabuti ang album. Kung bakit, kahit abala na sa iba't ibang trabaho't lakad, at katulad na lang ngayon na may konting oras at nabibigyan ng pagkakataon -- tipo bang kailangan pa ring isingit ang pagsubaybay sa kung ano na ang pinagkakaabalahan ni Dong Abay?
Kumbaga, ano nga ba ang kabuhulan ( o sa ibang salita ay reli, o relevance) ng mamang ito?
Sa kantang "akrostik," si Dong mismo ang nagtatanong -- binaybay niya ang sariling pangalan gamit ang pangalan ng iba pang katulad niya ay musikero, nagbabakasakaling mahahanap ang identidad relatibo sa ibang tao. Sa huling letrang Y (ng D-O-N-G A-B-A-Y), ang hinaing nya ay "yano, yano, yan ako, ako ay sino ba?" Tila nag-aangas pa rin sa lumipas na kasikatang nakakatuliro, bilang isang biyak ng nabitak na bandang Yano (kasama ng Dabawenyong gitaristang si Eric Gancio) noong kalagitnaan ng Dekada '90. Syempre, sino ba ang makakalimot sa kantang "Banal na Aso, Santong Kabayo"? Marami na rin marahil, kung nakikilala na lang ito ng mas nakababatang henerasyon sa tono ng parodya ng Parokya ni Edgar, o bilang binastardong themesong ng nasibak na teleseryeng Nginiiig.
Sa mga awit na pumapaksa sa kalagayan ng karaniwang tao -- masa, sa madaling salita -- talaga nakilala at mauugat ang kasaysayan ni Dong Abay bilang musikero, o higit pa'y bilang manunulat ng awit (songwriter). Noong una, myembro siya (kasama si Gancio) ng tinaguriang "agit-prop" chorale na Patatag, na nagpopularisa ng mga progresibo't rebolusyonaryong awit at awit protesta sa huling bahagi ng Dekada 80 - early 90s. Nainip daw ang duong Abay-Gancio sa ganitong pormulang masyadong GND (o grim and determined, anila) kung kaya naisipang buuin ang Yano, na progresibo pa rin naman kung tutuusin pero punk na ang impluwensya ng tugtugan, at hindi na lang mga martsa at kundiman. Ang sumikat na kantang "Kumusta Na?" gaya ng alam ng ilang nakasubaybay, ay tungkol sa bigong pangako ng Edsa Uno. Pagkatapos ng dalawa pang album at maraming angas sa lipunan, ay bigla nang nawala sa eksena ang Yano.
Bumalik si Dong Abay pagkatapos ang ilang taon, tinulugan ang Edsa Dos at nagising na meron nang bagong pangulo, may mga bagong pangako si Arroyo na mas masaklap ang pagkabigo -- noon lumitaw ang bandang PAN, pagtatangka ni Dong sa pagbabalik sa eksena. Ang dating punk, sa ilang awit ay naging funk, mas malumanay na. Makulit at maangas pa rin pero mas intelektwal ang mga hugot at mas masinsin na kung maghabi ng mga salita. Hindi masyadong napansin ang PAN dahil ang uso noon sa radyo ay Sexbomb at Viva Hot Babes.
Pero ngayon, uso na ulit ang mga banda. Mga "bobo" (?) nga lang sabi ni Dong, ayon nga sa tsismis na kumakalat sa internet. Karaniwang tao at karaniwang pangyayari muli ang paksa ng album ni Dong, gaya ng diwa, ika nga, ng dating bandang Yano. Pero ano ang pagkakaiba ng flipino?
Sinampolan kong patugtugin ang buong album, ang mga tagapakinig ay mga karaniwang tao na dalubhasa sa Bituing Walang Ningning at Captain Barbell, at sanay na rin sa mga bagong single ng Itchyworms, Cueshe at iba pang sumisikat na banda ngayon. Ang unang hatol: "Hahaha, parang si Polanong buwang na gumagala sa baryo, ganyan kung kumanta!" Hindi ko sigurado kung ang pinatutungkulan ay tono o liriks kaya kahit sabog ang ispiker, nagpursige akong pakinggan pa nang mas mabuti ang album para mapalalim ang batayan ng gayong ispontanyong komentaryo. Pagdating sa kantang "perpekto," nakikikanta na sa koro ang ilang nakikinig. Ilang linggo na rin kasi itong pinatutugtog sa lokal na radyo.
Sa ikalawang pasada, napansin ko na ang mga titik na parang pinaglaruan, lahukan pa ng tono na parang hinugot sa baga at binabato kahit saan. Ganito ang pagkasabog ng kantang "solb," na para bang ang persona ay handa nang tumalon mula sa tuktok ng isang billboard sa EDSA. Halimbawa pa, sa kantang "tuyo," may lohika naman pero walang paksa o tema na tumitingkad, parang namimilosopo lang ang persona at nangungulit. Sa isang banda, tila umiiwas ang awit na magpakahon sa pagiging pulitikal, o kung pakababasahin pa nga -- sa pagiging environmental. Ani nito "okey lang kung tuyo na ang dagat, sa ibang planeta lumipat" Tila okey na okey na takasan, o kaya ay pagtakpan ang pagiging concerned -- ang pakikisangkot, o kaya ay ang responsibilidad sa mga isyu o nabibitiwang komentaryo sa kapaligiran, bansa at daigdig.
Ganito ang buong pakiwari ng flipino. Ang matingkad ay ang punto de bista o pagsipat ni Dong Abay sa buhay ng masa, pero hindi maintindihan kung ano ba talaga ang gustong mangyari sa paksa. Tiyak na tema ang buhay-Pilipino -- "flipino" kumbaga: baluktot o twisted, baliw, kulang-kulang at deprived -- na ipinipinta sa pananaw na madilim, malamlam, halos pesimistiko o sinikal. Isinisiwalat ito sa mga kantang "kukote," "espasyo" at "segundo." Sa una, kahit malumbay ay may pakiwari pa ng pag-asa: "bumaha man ng luha / sa pagpalakpak ng unos / lumubog man ang lupa / may ilog pa ring aagos / malaya / malawak / malaya di nakagapos." Pero sa "espasyo," nasisikil muli ang persona at nakukulob sa komersyalismo. Nakakalungkot na maangas na nangungulit pa rin minsan. Parang gustong magpatawa ng ilang awit, pero kapag natawa ka, parang nakagawa ka ng malalang kasalanan sa lipunan.
Halimbawa, sa "awit ng kambing," karumaldumal at karimarimarim ang naratibo pero nakukuha pa ng koro na pumalahaw ng " tra-hehehehehehehe-dya" na para bang ang tagapagsalaysay ay nang-aasar o nababaliw na. Kapag pinakinggan pa ang "mateo singko," "ay buhay" at "aba aba" halos gusto mo nang humagulgol o kaya'y magpatiwakal. Napakatamlay at nakapanlulupaypay na ang dagdag-pagsasalarawan ng trahedya ng kahirapan na totoo namang pinakakaraniwang bagay sa buhay-Pilipino. Ang "mateo singko," na alusyon sa bibliya (ayon nga sa pinakasikat na linya mula sa tsapter na ito: "blessed are the poor in spirit for they shall inherit the kingdom of heaven.") ay may korong may paulit-ulit na linyang "mahirap maging mahirap" na sa dulo ay durugtungan ng " sa ngalan ng.. espiritu ng mga santo at santa..." ad infinitum na para bang hipnotismong hindi mawari. Ano ang nagagawa nito para mabaklas ang di-syentipikong kaisipan sa masa, at mabigyan man lang sila ng kahit konting dangal sa kanilang pag-iral?
Kung didibdibin ang mga kwentong nasa mga kanta, mas matimbang na nakakalungkot na o halos nakakadepress. Kung inaako ng "aba aba" na "kasalanan ko kung bakit ka nagkaganyan/ kasalanan ko aba abang kalagayan" ano na magagawa natin? Pwedeng namang maghalo ang damdamin sa interpretasyon sa kantang "perpekto." Dalawang bagay: dahil sa introspeksyon ng nakikinig, pwede itong makapanghikayat na maging mas mahusay na tao. Pero dahil halos negatibo ang sitwasyong isinasalarawan, pwedeng maging "justification" para hindi na pangibabawan ang mga kahinaan o "depekto." Ano nga naman ang epekto kung meron kang depekto, ika nga ni Dong? Pero mapapansin na sa paghahabi ng berso ay masinsin ang mga imahe ni Dong -- walang perpekto aniya, pero gusto niyang maging perpekto ang liriko. Sa "wwIII" pinapaksa muli ni Dong ang giyera (gaya ng huling album ng Yano na Tara) pero tila hinihiling na bigla na lang maglaho ang kaguluhan dahil "kung kailan ang linaw ko, ang labo mo / ang labo mo naman mundo." Nag-aangas lang na parang wala nang hakbang na magagawa, o wala nang pagpipilian.
Pero sa "bombardment," lagi tayong pinapipili. Para sa bawat bagay, may dalawang naglalabang tatak: "Smart o Globe? / Coke o Pepsi? / Tide o Surf? / SMB o Asia Brewery?" Nasa nakikinig kung talaga nga bang "malaya" sa pagpili o nasasadlak pa rin sa parehong bitag ng kapitalismo at komersyalismo. Pakutya ang korong "ABS CBN o GMA7?"na dalawang istasyon ng telebisyon na pangunahing nagtutunggali (nang napakamarumi) para makakopo ng mas maraming patalastas na ipamumudmod o "ibobombard" sa manonood. Iniaangat ang antas ng pang-uusisa nang itanong ni Dong kung kay "Gloria o FPJ? / Marcos o Cory? / Bush o bin Laden?" Sa mga ito, kung pakasusuriin, ay wala pa rin namang pagpipilian. Hindi pa ganoon katalas ang pagkakaiba para "makalaya" ang nang-uusisang persona kapag nakapili ng isa sa dalawa -- kahit pa nga sa tanong na "original o pirated?" na patungkol naman sa lokal na industriya ng musika na nanghihingalo na umano dahil sa mga pirata.
Sa isang tambak na tanong na ito, isang pares lang marahil ang gumuguhit ng matalas at matingkad na pagkakaiba -- "NPA o AFP?" -- ang pagpipilian ay NPA (New People's Army) bilang tunay na hukbo ng mamamayan na tagapagtanggol at katuwang ng masa sa pang-araw-araw na hirap ng buhay; at sa kabilang banda ay AFP (Armed Forces of the Philippines) na berdugo at mersenaryong pwersang tagapagtanggol ng interes ng pasistang estado at mga dambuhalang kapitalista. Pero dahil isinama ito ni Dong sa gitna ng mga tanong na pakutya, marahil ang liwanag na ito ay hindi pa niya nakikita. Mababawasan marahil ang lamlam o dilim ng kanyang punto de bista kung makakapili siya ng isang panig sa kontradiksyong ito. Mas mailalahad niya nang may-pag-asa ang "trahedya" ng kahirapan sa pamamagitan ng pagsipat sa maaliwalas na hinaharap ng rebolusyon -- yung tipong hindi lang "pansarili" gaya ng paksa ng kantang "Rebolusyon" sa Parnaso ng Payaso ng PAN (pero sa bawat indibidwal syempre ay doon na rin naman iyon nagsisimula). Wika nga, totoong nakakabaliw -- o flip -- ang buhay natin, at napakaraming ebidensya sa paligid. Gayunman, responsibilidad din ng responsableng artista ang isalarawan kung paano nagsisikap (o nakikibaka) ang masa para hanguin ang sarili mula sa abang kalagayang ito.
Anu't anuman, pagkatapos ng napakaraming pasada sa flipino, anuba't ang "dyad" (ito nga ba ang pamagat nito o typo error lang ng pirata?) ang kantang madaling dumikit sa utak. Ayon nga rito: "Ikaw ang alaala na maganda ang mundo/ Para, para, para, para, para, para sa iyo 'tong kantang ito". Siguro, sabi nga minsan ng kapwa niya musikero, kailangan nga talaga ng mas marami pang lab song mula kay Dong Abay. Seryosong payo man iyon, o pagsesenti lang sa nasawing kapalaran ng kantang "senti." Hehehe.
Subscribe to:
Posts (Atom)