Tuesday, February 07, 2006

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan, tinipon ng KM64, 2004


Bagong Buhay

Kwarenta: Mga Tulang Alay sa mga Martir na Kabataan
Koleksyong tinipon ng Kilometer64

(http://www.yahoogroups.com/kilometer64)

“Tanging sa ating pagkilos sila mananatiling buhay,” pangwakas ni Gelacio Guillermo sa koleksyong Kwarenta ng Kilometer 64, at ang wakas na ito ay nagbabadya ng isang masiglang panimula. Ang koleksyon ay tila agunyas para sa mga aktibistang nangamatay ngunit ang inihuhudyat nito ay panibagong buhay at sikad sa makabayang panulaan.

Itinaon sa okasyon ng ika-apatnapung taon ng pagkakatatag ng Kabataang Mabakayan (KM, Nob. 30, 1964) ang paglalabas ng Kwarenta ng grupong Kilometer64 (KM64). At ito’y hindi simpleng pagbibida sa galing at giting ng halos magkatukayong organisasyon. Sa pagpupugay sa mga kabataang nagbuwis ng buhay para sa pambansang demokrasya at kalayaan, ang KM64 -- bagamat isa lamang “malayang kulumpunan ng mga kabataang makata sa cyberspace,” -- ay tumutupad sa isang napakahalagang tungkulin ng makata sa lipunan.

Pinagtatangkaan ng Kwarenta na sumahin ang apatnapung taong kasaysayan ng kabataang aktibismo. Sa pamamagitan din ng koleksyon ay pinagtatagpo ang dalawang henerasyon ng mga martir at makata. Sa pagtaimtim sa mensahe ng mga pahina ng Kwarenta, malaki ang aral na mapupulot kapwa ng mambabasa at ng KM64 mismo na siyang nagtipon ng mga tula para sa koleksyon.

Sa pangkalahatan, maiiwan sa mambabasa na buhay na buhay ang buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Luwal nito ang napakaraming dakilang martir na muli’t muling binubuhay ng makabayang panulaan sa nakaraan at kasalukuyan. Sa gayon, inaanyayahan, kundi man ina-agit ng mga tulang ito ang mambabasa na “tanganan ang naiwang sandata ng mga nabuwal na martir.”

Isang mahalagang tungkulin ang magsulat tungkol sa mga martir ng rebolusyon. Ang pagtalima dito ay isang marangal na motibo. Gayunman, mahalagang matutunan ng mga taga-KM64 ang pagsasaalang-alang sa epekto – sa mga damdamin at ideyang hatid at iniiwan ng mga tula sa awdyens o mambabasa. Ito kung gayon ay pagiging sensitibo sa panlipunang praktika o pagkilos na iaanak ng bawat tula.

Hindi na maikakaila pa ang pagiging pulitikal ng pagtalima sa ganitong tungkulin. Dapat na lamang tiyakin ng KM64 ang kawastuhan at talas ng kanilang pagtangan sa napiling pulitika -- na hindi na rin maikakaila pang makabayan, kung hindi man tahasang kaliwa. Nangangailangan ito ng balanseng sensitibidad sa motibo at epekto sa paglikha at pagpapalaganap ng mga tula.

May malaking epekto sa paghahatid ng mensahe kapwa ang anyo at nilalaman. Interesante ang binabanggit ni Guillermo hinggil sa “tinig” ng makata. Sa halip na magparangal at manghimok, maaaring taliwas ang epekto ng mga tulang halos “nag-aawtopsiya” sa bangkay ng martir; o di kaya’y yaong nagsisiwalat ng bulag at nakaririmarim na paghihiganti. Kakila-kilabot din ang epekto ng mga tulang may tonong sampay-bakod -- yaong naglulunoy sa lungkot, yaong nagiging pasibo, yaong pantastiko, o di kaya’y may mga panawagang abstrakto sapagkat maaaring ang makata mismo ay tila takot o nalilito. Hindi ito dapat ipagkamali bilang “matulain,“ at hindi dapat isalin sa mambabasa ang takot at kalituhan. Samantala, menor naman ang suliranin ng ilang tula sa pagpili ng angkop na mga alusyon, simbolismo at imahe upang mapanatiling matikas ng tinig ng makatang nagbibigay-parangal.

Sa pagpasada sa mga tula sa Kwarenta, malaki ang matututunan ng kabataang makata ng KM64 sa antas na inabot ng husay, sinop at sinsin ng makabayan at rebolusyonaryong tula na iniluwal ng Unang Sigwa ng 1970, at mula sa “andergrawnd” o yaong isinulat sa mga sonang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan o NPA mula noon hanggang ngayon.

Laging kailangang banggitin ang “Enrique Sta. Brigada, Paghahatid sa Imortalidad,” ang huling tula ni Amado V. Hernandez. Dito, si Hernandez na kilalang makata (hinirang na Pambansang Artista nang siya’y patay na) at lider-unyon ng mas nauna pang henerasyon ay pumapanig sa bago at rebolusyonaryong panawagan na inihudyat ng Unang Sigwa.

Hindi maaaring mawala ang taginting nina Domingo Landicho, Bienvenido Lumbera, at Jesus Manuel Santiago sa pagpaparangal sa henerasyon ng mga tulad nina Emmanuel Lacaba at Lorena Barros. Pansinin ang kapayakan ng mga pahiwatig na tiyak na umaantig sa tula ni Landicho: “Unang alay/unang mithi…/Huwag pagupo sa dahas/ Huwag pagapi sa hapis…” Ang tulang ito na nilapatan ng musika sa isang dula ay popular pa rin sa mga pulong-parangal sa loob at labas ng mga sonang gerilya hanggang sa kasalukuyan.

Mapapansin din ang kaibhan ng tinig ng mga nag-andergrawnd na sina Ruth Firmeza, Jason Montana, Kris Montanez at mismong si Lacaba na martir na “kumopo” ng pinakamaraming tulang-parangal sa koleksyong Kwarenta. Sa mga tula ni Firmeza, kapansin-pansin ang paggamit ng lengguwahe ng masa sa eryang kanyang kinilusan (Ilokano), bagay na nagpapahiwatig na ang mga tulang ito ay hindi lamang para sa martir, kundi para tangkilikin din ng masa.

Ang tulang “Sa Alaala ni Nick Solana” ay masasabing naiiba maging sa ilang mga tula na isinulat ni Lacaba bilang NPA. Makikita rin dito ang transpormasyon ng lengguwahe at imahe ni Lacaba. Gayunman, hindi ito katulad ng mga tula niyang para sa kapamilya o kapwa-makata sa lungsod na may mga alusyong maaaring hindi angkop kung ang kausap niya ay kapwa-NPA o ang masa.

Ganito rin ang direksyon ng pagtula ng mga bagong makata sa andergrawnd gaya nina Mateo Marta, Ting Remontado at Sonia Gerilya. Ihambing sa tinig ng mga tulang “Punlo ang Kakalag sa Gapos ng Bayan” ni PD Rayos: “Disyembre, Ka Lirio, nang humawak ka ng armas, / Sa Hukbo ng Baya’y sumanib kang buong gilas.” – ito’y madaling bigkasin, itanghal at tangkilikin.

May sariling liga ang tulang “PULANG KANDILA” ni Bonifacio Ilagan. Ito’y bagong tula (2002) para sa kapatid na desaparecido mula 1977. Marubdob na damdamin ang hatid ng mariing retorika ng mahabang panahon ng paghahanap sa katarungan: “DI KO NA BINIBILANG ANG MGA TAON./ BASTA’T TUWING KAARAWAN MO, NAGSISINDI AKO/NG PULANG KANDILA.”

Ang pagkatuto ng KM64 mula sa karanasan ng sariling proyekto ay hahantong sa mas masiglang paglikha at pagpapalaganap ng mga tula. Ang regular at napapanahong publikasyon ay hindi na lamang nagiging kapritso, kundi pagtugon (gaya na lamang ng bagong proyekto ng KM64 para sa Hacienda Luisita; o para sa malaong pagpapabagsak sa isa na namang tiwaling rehimen.) Marami pang aktibidad na magpapasigla sa KM64, gaya ng palihan o workshop, talakayan at forum, pagmamaksimisa sa publikasyon sa internet, “peryodikit,”pagtatanghal sa lugar-publiko, piketlayn at iba pa. Gayunpaman, walang kapantay ang pagpapanday ng paglikha, pagpapalaganap at panunuri sa tula sa pamamagitan ng tuluyang pagsanib ng makata sa daluyong ng kilusang masa.

Sa ganito ang Kwarenta ay nagiging panandang-bato ng isang maningning na simulain, at hindi isang lapida ng kanonisasyon na ang layunin ay maibilang ang sarili sa hanay ng mga “dakila” (martir man o makata). Panahon ang humahamon sa KM64 upang maging mapangahas, at hindi na mangimi pang gamitin ang tula – para sa propaganda kung para sa propaganda – upang harapin at tupdin ang panlipunang responsibilidad ng makata.

Please Fasten Your Seatbelts, KM64 chapbook, 2004


Kapit Lang

Please Fasten Your Seatbelts
Ikalimang koleksyon ng mga tula ng Kilometer64
(
http://groups.yahoo.com/group/kilometer64/)


Sadyang pagbabyahe ang tema ng mga koleksyon ng Kilometer64 (KM64), isang grupo, o tawagin na nating kulumpunan ng mga kabataang makata na naglalakbay, tumatambay, at nagkatagpu-tagpo sa isang sulok sa malawak na cyberspace.

Ayon sa mensahe sa kanilang webpage: “Dito sa grupong ito, di kailangang magpagalingan, magpalaliman, ang mahalaga makagawa ka ng isang tulang magbibigay katuturan sa tintang iyong sinayang,” Nang-aanyaya ito ng bukas na pagbabahaginan at palitang-kuro sa anumang hinggil sa tula. Sa huling bilang, mahigit 300 na ang myembro ng KM64.

Sino ang naaanyayahan? Ang KM64 ay “pinasimunuan” ng ilang mga estudyante sa Taft Avenue. Ikalimang koleksyon ang Please Fasten your Seatbelts sa loob lamang ng mahigit isang taon. Bagamat hindi isang solidong grupo, ito’y isang aktibong grupo ng mga manunulat na naglalathala at nakikibahagi sa mga poetry reading at iba pang pagtitipon hinggil sa tula.

Ito’y bukas sa lahat, bagamat matingkad sa mga umiikot na tula sa web ang panlipunang komentaryo at kalakhang paggamit ng wikang Filipino. Mangyari pa’y tila may “di nasusulat” na pagkakaunawaan ang mga taga-KM64 sa pagiging “makabayan” ng kanilang panulaan. Sa pangalan pa lamang, maiisip na ang 40 taon ng Kabataang Makabayan o KM na itinatag noong 1964. May tendensyang malito ang usyoso sa direksyon ng KM64, lalo kung ang grupo ay makakasalubong lang sa internet. Maaaring hindi rin malinaw, kung bakit pinararangalan sa koleksyon ang mga rebolusyonaryong martir at makata gaya ni Wilfredo Gacosta. Ngunit sa introduksyon ng chapbook, naging malinaw si Alexander Martin Remollino ng KM64: “(ito’y)…mga tula ng pakikibaka para sa bayan…mga tula ng pagtalunton sa salimuot ng buhay.”

Paano ang pagtalunton sa pagtula para sa bayan? Sa unang bungad pa lamang, nagpapaumanhin na ang “Naligaw sa Pagtingin” ni Mary Jane Alejo ( “sadyang di pantay ating mga paa/ at kaya mo pang lakbayin ang ilang libong milya…/ may kalituhan man sa pagitan ng damdamin at tunguhin -- / natuto na akong hindi maligaw sa pagtingin.”)

Magtatanim ng pangamba sa mambabasa kung ituturing na “manifesto” ng grupo ang tulang “kip tiket por inspeksyon” ni Roy Monsobre: (kahit ano pwede/ kahit sino, anumang uri,/ kahit anong lengguwahe,/ kahit anong klase at istilo./ animnapu’t apat na kilometro…/). At sa chapbook, bagamat marami ang mga tulang “makabayan,” ito’y hindi nakaligtas sa mga tula ng tulirong pag-ibig, mala-ars poetica (“Ang makata’y magiging abo rin,/ ngunit hindi ang kanyang/ sipol at halina.”), ng rebeldeng psychedelia ( “toastedmarshamallow sa planet garapata”), at ng mala-Jose Garcia Villa na pagbibida (“Ang kinahinatnan ni Juan Tamad Habang Naghihintay Mabagsakan ng Bayabas sa Ilalim ng Puno ng Mansanas”).

Sa pagpasada sa chapbook ng KM64, matingkad ang dalawang suliranin ng sinumang nagnanais na tumula para sa bayan. Ang una ay sino ang bayan, o para kanino ang tula? Ikalawa’y paano? Paano maglilingkod sa bayan ang makata?

Ipinamamalas ng ilang tula ang karanasang aktibista sa lungsod. Ang “Araw ng Pagkakaibigan at Walang Tigil ang Ulan” ni Alejo, at isang halaw, ang “May Day” ni Spin ay parehong pumapaksa sa mga eksena sa isang rali.

Ngunit sa “May Day,” isinisiwalat: “tulad ng tipikal na cono/ Dapat sana’y nanonood/ Tayo ngayon sa Greenbelt 3…/ Pero para tayong nalilibugan/ tila may kumakati sa ating isipan…/Kaya agit tayong tumungo sa Recto…/ Sumigaw // ‘IMPERYALISMO, IBAGSAK!” Hindi mawari kung ito’y pagpuna (o pagkutya)-sa-sarili o seryosong pagpupugay para sa "kagitingan" ng uring perti-burgis.

Gayundin ang pakiwari ng “Ang Pagmamahal ay Pagrerebolusyon” ni Rheena, kung saan ang imahe ng “pagrerebolusyon” ay karanasang nakupot sa mga "pakikibaka" ng sektor ng kabataan.

Paliguy-ligoy ngunit literal si Rustum Casia sa “mars, intra at tamang pagdura ng plema”: “Ang langit sa piling ng masa. Ang makulay/ na kalawakan ng mga salita. Ang/ gobyerno sa kabundukan…/naroon ang mga guro ng kasaysayan./ ang lipunan para sa atin, isang malaking/ pamantasan.” Simple lang ang tulang “paglubog,” ngunit ito’y lunod sa hindi mawaring romantisismo na hindi naman matatawag na rebolusyonaryo, kundi, burgis?

Sa mga tula na nagpapakita ng pakikisangkot, simple at tiyak ang mensahe ng mga tulang “Gayagaya” at “Sabjektib kayo dyan” ni Roberto Ofanda Umil (bagamat maaaring pagmulan ng kalituhan ang mga pamagat). Samantala, may malalim na lungkot at pananalig sa “Walang Gabi” ni Umil. Sa tula, ang panunupil ay pambihirang itinutuon hindi sa mga karaniwang aparato ng estado o makapangyarihan (at maaaring nakatuon sa mismong pakikisangkot o “organisasyon.”) Ang nananaig ay ang personal na kaalaman, pananaliksik o paniniwala upang makarating sa “himlayang walang gabi.” Kung sa husay lamang ng imahe ay naiiba ito sa iba pang mga tula ng premyadong si Umil. Ngunit ano naman ang nais iparating?

Mahusay ang paglalarawan at komentaryo ng prosang tula ng “seryeng-Hotel” ni Kapi Capistrano (“Banyo Boy,” “Ang Restawrang Itim” at “Eden”), ngunit bakit nga ba ang kanlungan ng mayayaman ang sinisilip at naging paksa? Ang “Mucha’s Grasa” ay nagtatangka sa paglalantad ng kalagayan ng maralita, ngunit sa kanino nga bang punto de bista at lengguwahe?: (“madalas kasi ‘on the road ako’/ kaya eto ‘diet’…/ ako’y isang pulubi/) Tila nahuhumaling sa imahe ng kabaliwan si Remollino sa “Ang Lalong Baliw,” “Baka Sakaling Tubuan ng Katinuan” at “Emperador Nero, AD 2004.” Sa huli, waring hindi nagtitiwala ang makata na mauunawaan ng mambabasa ang alusyon kay Nero, kaya’t may talababa na mas mahaba pa kaysa sa mismong tula!

Naghahamon naman ang tulang walang pamagat ni Usman Abdurajak Sali: “sa mga bulaang pantas ng panitikan…/ nakangisi silang nakaupo sa matatayog na toreng-garing./ sila ang nagtatakda kung anong estilo ang makasining…/ ay! magiging abo-alikabok ang makukulay nilang balahibo!/ ang maniningil sa kanila’y apoy ng galit ng taas-kamao!”

Ito ang pagtatangka at simulain ng KM64 na kayang marating sa patuloy na pagsisikap ng grupo. Para sa maraming kabataang manunulat, matagal nang hinihintay ang isang organisasyon na may kababaang-loob (tulad ng “maamong baka” ni LuHsun) upang lumikha, magsuri, magpunahan at maglagom. Organisasyong patuloy na magpapaunlad at magpapayabong sa makabayang panulaan.

Marami pa ang maaaring paunlarin sa panulat ng mga taga-KM64. Maaari itong simulan sa tapat na pagsusuri sa sariling pinagmulan at paninindigan, unti-unting pagwawaksi sa aktitud at mga gawing petiburges sa paglikha ng sining, at muling-paghuhubog ng isang makauring pananaw na tiyak na kumikiling sa masang anakpawis.

Marahil ay hindi naman labis kung ating aasahan sa KM64 ang ibayong pagpupursige, at sa malao’y ang pagtahak sa rebolusyonaryong tunguhin na ibinandila ng KM noong 1964 o Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA noong 1971. Tungo sa isang masalimuot na paglalakbay, kapit lang!

Live Show, pelikula ni Jose Javier Reyes, 2001

ISA PANG TAKE SA LIVE SHOW

Live Show
Pelikula ni Joey Reyes
Di naipalabas noong 2001
dahil sa ban ni Gloria Macapagal-Arroyo


May itatanong pa ba kayo tungkol sa buhay ng isang torero? Marami pa siguro. Salamat sa ban ng bagong pangulo ng Pilipinas, napanood ko ang pelikulang Live Show sa isang gasgas at piniratang kopyang VHS.

Nang i- ban ang pelikula, maraming direktor, artista, at manggagawa sa industriya ng pelikula ang umalma laban sa censorship; laban sa “ultrakonserbatismo” ng simbahan
at estado; laban sa pagiging ”moral terrorists” nina Sin at Arroyo; at laban sa pagsikil
sa kalayaan sa pamamahayag ng mga alagad ng sining. Nagbitiw si Nicanor Tiongson, ang bagong- appoint na chair ng MTRCB. Si Klaudia Koronel, bida ng Live Show, sampu ng maraming kapanalig, ay taas-kamaong nagmartsa sa Mendiola.

Nang lumaon, nahati ang mga artista sa isyu, nang magbitiw ang ilang kasapi ng Directors’ Guild sa pamumuno ni Marilou Diaz-Abaya, direktor ng Jose Rizal. Mula sa censorship, ibinaling niya ang usapin sa mga “gamahang producers” at eksploytasyon ng mga artista. Si Gloria Arroyo naman, sa kanyang bahagi, ay nagpa- photo-op kasama sina Jolina at Rica sa Malacañang, at nagbigay ng 15% tax rebate sa industriya ng pelikula. Dagdag dito, pinanood din daw ng pangulo ang Live Show . Ayon sa kanyang pagsusuri, ang Live Show ay isang “ well-made, softcore pornographic film.”

Salamat sa ban ng pangulo, “ tapos” na ang lahat ng aberyang ito nang mapanood ko ang Live Show .

Toro

Ang mga sitwasyon at tauhan sa Live Show ni Jose Javier Reyes ay hindi na bago sa pelikulang Pilipino. Ang “toro” o live sex shows, at ang buhay ng mga torero’torera ay paksa rin ng marami nang nauna at “lehitimong” pelikula gaya ng Boatman ni Tikoy Aguiluz, Private Show at Curacha ni Chito Roño, Macho Dancer ni Lino Brocka, at iba pa.

Umiikot ang pelikula sa “testimonyal” ng bidang torero. Sa salaysay ni Rolly (Paolo Rivero), dinala ang manonood sa kanyang tirahang looban. Pumasada rin ang kwento sa buhay ng kanyang mga kaibigan at “katrabaho”: ang isa’y suicidal na ang tanging pangarap ay mayakap ulit ang ibinentang anak (Ana Capri), ang isa nama’y sa Japan na lang nakikita ang pag-asa at katubusan (Klaudia Koronel).

Sa lugar ng mga bugaw, tsismoso, manggagantso, raketir, sugarol at magnanakaw, nangangamba si Rolly na matulad “sa kanila” ang nakababatang kapatid na lalaki. Inihanda ni Reyes ang konteksto at tagpo para sa matingkad na paglalarawan ng buhay ng mga “antisosyal” at “lumpen.” Sa bungad ng pelikula, inilahad ang “kasaysayan” ng pamilya ni Rolly at ng kanyang putang ina (Daria Ramirez). Tulad ng mga tauhan at sitwasyong ibinubunsod nito, ang inilarawang panlipunang realidad at krisis sa Live Show ay hindi na bago.

Sa bakgrawnd ng isang bulok at dekadenteng kapaligiran, marami pang ibang tauhan at sitwasyon na inilahok sa pelikula upang mas mapasidhi ang drama ng gayong kalagayan. Ang nanay ni Rolly ay nakaratay at sa malao’y mamamatay dahil sa kanser sa matris. Nang yakapin ni Ana Capri ang kanyang anak, dinuraan siya ng bata. Mabubugbog at mamamatay rin ang isang baguhang magnanakaw na “nagrerekrut” sa kapatid ni Rolly. Ang “tanging disenteng babae” sa komunidad ni Rolly ay nag-OFW, gagahasain ng among dayuhan at ibabalik sa Pilipinas sa isang kahon. Mabubugbog at mananakawan ang baklang rekruter na pag-asa ni Klaudia Koronel. Rurok ng trahedya ang “pasya” ng nagretirong mag-asawang torero (Hazel Espinosa at isa pang aktor na hindi ko maalala ang pangalan). Na- lay-off sa trabaho ang lalaki, nag- call boy ulit siya. Nang magkasakit ang anak nila, napilitan silang bumalik sa pagtotoro. Kabaligtaran ng isang titillating fare ang trahedya ng eksenang ito.

Ayon kay Rolly, “tumitibay ang loob” niya dahil sa pagharap sa ganitong pang-araw-araw na katotohanan, kalagayan at sitwasyon. Paulit-ulit sa kanyang pagsasalaysay, sinasabi niyang hindi na siya marunong umiyak. Sunod-sunod na “kamalasan,”at walang puknat na pangangawawa sa mga tipikal na tauhan ang kwentong inikutan ng Live Show.

Maaari.

Pero maaari rin namang makita ang pelikula sa tradisyon ng mga mahuhusay na direktor na sina Brocka at Ishmael Bernal (direktor ng Himala at Manila by Night.) Sa tradisyon ng malay na pagtatalaga ng mga tauhan sa isang tiyak na kalagayang panlipunan, at matalas na komentaryo laban sa ipokrisya ng simbahan at iba pang institusyon — laban sa kabulukan ng dominanteng kultura at kaayusan ng lipunan sa pangkalahatan.

Hindi “malas” ang mga tauhan, may kongkretong kondisyong ugat ng kanilang kahirapan. Bagamat mahusay na naisakonteksto ni Reyes ang mga tagpo sa Live Show , nanatiling kawawa ang lahat ng kanyang tauhan. Sa Macho Dancer ni Brocka, pinatay ni Alan Paule – sparrow-unit-style — ang gahamang pulis na ulo ng sindikato. Sa dulo ng Live Show, ipapakita si Rolly na humahagulgol sa isang tulay.

Sex trip at bad trip

Tulad ng buhay ng mga tauhan sa Live Show, sala-salabid din ang mga isyu ukol sa pagbabawal ng pelikulang ito. Usapin lamang ba ito ng sining at pornograpiya, kalaswaan at pagkadisente, labanan ng mga moralista’t artista, o isang masalimuot na isyung pangkultura, pampulitika at pangekonomiya?

Nag-iisip ang manonood kung alin ang malaswa at hindi matanggap ng administrasyon sa Live Show . Ang eksena ng “bote” at “helikopter”? Ang eksenang nginaratan ng anak ang putang ina? Ang bangag na live show ni Klaudia? Ang maruming bunganga ng mga torero? Ang shooting ng porno para sa isang Koreano?

O ang mga eksena ng kahirapan? Ang malilibag na looban at eskinita? Ang mga manggagawang basta tinatanggal sa trabaho? Ang kawalang pag-asa habang nananatiling mayaman ang mga mayayaman? Ang lipunang nandidiri dahil mayroon itong putang kapitbahay? Nalalaswaan ba ang gobyerno sa mga realidad na bunsod ng sarili nitong kagagawan at kapabayaan?

Sa ganitong punto, maaaring “kasinlaswa”ng Live Show ang iba pang pelikulang kinailangang ipagbawal ng gobyerno dahil sa tapat na pagsasalarawan ng mga katotohanan sa lipunan. Kahit kailan, hindi naman “pagtatanggol sa moralidad” ang pangunahing dahilan sa paghihigpit — o pagluluwag – sa kalidad at tema ng mga pelikula sa bansa.

Hinahayaang mamayagpag ang “bold,” habang napapakinabangan itong behikulo para sa kita at eskapismo. Sa panahon ng mapanupil na rehimen ni Marcos, naghigpit sa mga pelikulang “bomba” — pero bawal din ang Sakada ni Behn Cervantes, pelikula ukol sa mala-pyudal na kalagayan sa Negros. Sa “demokratikong administrasyon” ni Aquino, naging uso ang ST ( at “TF” sa panahon ni Ramos), pero hindi naipalabas sa bansa ang klasikong Orapronobis ni Brocka, na pumapaksa mga grupong vigilante at polisiyang total war ni Corazon Aquino.

Sa Live Show , pinaninindigan ni Arroyo ang pagpanig sa “moral crusade” ng Simbahan, habang hinahati at pinatatahimik ang hanay ng umaalmang mga artista sa pamamagitan ng tax rebate – isang malaking “consuelo de bobo,” pero tunay na malaking bagay at kaluwagan din para sa pelikulang Pilipino. ( postscript: ngayo’y may 100% pagtaas sa buwis ng mga artista – sa kanila rin pala ipapapasan ang badyet para sa naunang pabor). Dahil totoo rin – isa nga namang “industriya” ang mainstream na paggawa ng pelikula sa bansa.

Pagkatapos ng tax rebate, inaasahan ang industriya na gumawa ng mga pelikulang “mas
kaayaaya” — para tumugma sa kampanyang “moral renewal” at “healing” ng bagong administrasyon ni Arroyo. Sa isang live show, nagtatanghal ang mga torero – kahit labag sa loob – para kumita, at para aliwin ang parukyano. Sa tusong panunupil ng gobyerno ni Arroyo, pinakamasakit na marahil para sa isang tapat na artista ang lunukin ang paralelismo nito sa nangyayari ngayon sa pelikulang Pilipino.

Bagamat humupa, hindi rito magwawakas ang isyu. Pinapipili ngayon ang mga
artista’t manunulat – magaala- Paolo Rivero ba sa Live Show o Alan Paule sa
Macho Dancer ? Hahagulgol ba o lalaban?

Cool Pieties, exhibit curated by Roberto Chabet, 2001

COOL PITIES

Cool Pieties
30 Young Artists at the SM Megamall Art Center
Curated by Roberto Chabet
August 25 - September 8, 2001

Till September 8 at the SM Megamall Art Center: large-scale hyperrealist paintings, found objects, scenes shot from a pinhole camera, videos, and close-up pictures of the female genitalia. The GND tibak may be attracted to a muralsize work depicting a pair of proletarians with clenched fists, the hammer and sickle insignia, and the words “Control the Machines Seize the Power” — but will be disappointed to find out the work is an Untitled. One titled “The Anatomy of Death and Desire” is but a canvass and aluminum diptych. Devotion to the conceptual and commiseration for representational art? Piety, or sheer pity?

Syempre, naubusan na ako ng Ingles.

Ang Cool Pieties ay eksibisyon ng 30 batang artista na karamiha’y galing sa UP College of Fine Arts at mga dating estudyante ng curator na si Roberto Chabet. Lahat ng trabaho ay nasa ilalim ng kolum na “ conceptual art. ” Ibig sabihin, nakasalalay ang gawa sa konsepto, vision o insight (o kawalan ng konsepto, vision o insight) ng artista. Nakasalalay ang mga trabaho sa isa o maraming mensaheng gustong iparating ng artista nang hindi (o sadyang) gumagamit ng mga “palasak” na simbolo o representasyon – kabaliktaran ng karaniwan sa kilusang social realism (SR) na malapit sa puso ng mga tibak. Karaniwang porma sa conceptual art ang box art at installation. “Uso” ito — malaganap na estilo mula pa noong 1950s sa Kanluran (“laos na kung tutuusin,” sabi nga ng isang matandang SR) pero patok pa rin sa mga batang artista na nasa eksena ng sining biswal dito sa Maynila.

Pananalig o panghihinayang? Ayon nga kay Mao sa Yenan Forum, hindi dapat magsara sa impluwensyang tradisyunal, luma (gaya ng pyudal o medieval), o dayuhan (gaya ng pagpipinta mismo – paglililok lang ang “sining biswal” dito sa Pilipinas bago dumating ang mga banyaga) sa sining. Kung gayon, okey lang gamitin ang estilong conceptual – basta’t sensitibo rin ang artista sa mga implikasyon ng porma sa mensaheng gusto niyang iparating. Halimbawa, ang box art ay maaari rin namang maging epektibo sa estilong SR. Hindi porke’t mala- MTV ang gawa mo ay kolonyal ka na at dekadente. (Ganoon ka- “humane, balanced at sound” ang pormulasyon ni Mao Zedong sa sining kaya basahin ninyo ang artikulong ”Mao Zedong’s Revolutionary Aesthetics...” ni Alice Guillermo para mas maintindihan pa ito.)

Sa Cool Pieties, mangangamba ang tagapanood sa “pananalig” – o pagkahumaling sa conceptual.
In fairness, may mga artistang kalahok sa eksibit na mahusay talaga sa teknik — “papasa” kumbaga — kahit pagbalibaligtarin pa nila ang mga estilo nila mula realismo ( hyperrealism pa nga), abstrakto o kung anupaman. Mayroon ding mga konsepto sa eksibit na “lapat sa lupa” at malinaw ang isinasaad na konteksto. Kaso, ang eksibit ay nasa tuktok ng megamol, pwedeng tsambang madaanan pero dadayuhin lang kung me kakilala ka roon, talagang interesado ka, o estudyante ka ng sining. Eniwey, ibang paksa na ang isyu ng espasyo.

Ang nakakatakot sa eksibisyon ay ang reartikulasyon ng “uso,” depinisyon ng “ cool” at ang nakakadismayang pagsakay ng ilang artista sa pagiging kontrobersyal- ergo-“epektibo” ng “ shock effect” ng kanilang mga naunang trabaho. Nakapanghihinayang, kung titigil sa argumentong “it’s an art exhibit, so it’s prestigious and legit.” Parang gusto mo na lang humiling na sana naman dumami pa ang mga artistang gustong maging mabuti at makabuluhan sa lipunan (marami rin ‘yan pero nasa malayo na, at hindi naman ibig sabihin na lahat tayong naririto ay walang kabuluhan). Parang gusto mo nang ipagdasal, pero alam mong ibubunsod din
ito ng mga kondisyon – gaya ng masikhay na pag-oorganisa ng mga tibak bago pa man lamunin ng kabalintunaang “eksena” ang mga batang artista; o di kaya ang paglabas ng mga artist sa mga tambayan nilang gallery at café at pakikisalamuha sa batayang masa. May kondisyong gaya ng pagigting ng krisis (nagmartsa din naman sila mula EDSA hanggang Mendiola nang patalsikin natin si Erap); at kung ano pang “mala- religious experience” (gaya ng pag-e-ED ng LRP) na yayanig at babago sa konsepto nila sa sining at lipunan. ‘Pag nangyari ‘yun sa’yo — ‘yun ang cool, pare.

Radyo, pelikula ni Yam Laranas, 2001



Radyo
pelikula ni Yam Laranas, 2001
Viva Films

Pagkatapos mong mapanood ang Radyo, parang gusto mo na ring gumawa ng pelikula. Ibinobrodkas nito ang nakakainggit na paglalaro ng mga biswal, masinsin na iskrip, at mahusay na pagganap ng mga aktor. Patok ang katatawanan, dapat asahan ang hindi inaasahan, at hindi nakaligtas sa satirikong estilo ng pelikula ang pagpuntirya sa dapat nitong patamaan.

Sa panimulang paglalarawan sa radyo bilang “pampagising,” parang ipininta sa mga eksena ang lawak at layo ng impluwensya ng masmidya partikular na sa kalakhang Maynila. Ipinakilala bilang mga tauhan ang mga regular na tagapakinig: sa mga eksena sa palengke, ang mga kalsada ng Maynila, sa loob ng dyip, sa almusal sa tahanan ng isang pulis, sa antuking inuman ng mga lasenggo, sa kumbento, at sa bahay ng nag-iisang si Ruben (Epi Quizon) — isang Magic Products promo boy na magiging serial killer dahil hindi napagbigyan ng DJ na si Lady X (Rufa Mae Quinto) ang kantang kanyang nirekwes.

Sa pelikula, ginawang payaso ang pulitiko; kita at patalastas lang ang mahalaga sa station manager; ma-epal ang naghahari-hariang bisor; inutil ang mga sikyu at pulis (kahit pa siya ang love interest ng bida), at iba pa. Animong ipinapakita ang daloy ng impluwensya at kapangyarihan na pumupuno sa isa ring makapangyarihan at maimplumwensiyang midyum na radyo. Kung sino ang kumokontrol sa palatuntunan at kung paanong “hahamakin lahat” para sa pagpapakete at pagbebenta ng mga produkto. Kung bakit nakakatawa – at nakakatakot – ang pagkahumaling ng sistema sa gawaing ito.

Para sa mga nag-enjoy at natuwa sa masining na estilo ng pelikula, halos walang teknikal o artistikong kapintasan ang Radyo. Mapapatawad ang maliliit na butas sa detalye ng kwento; kahit ang pag-ikot ng naratibo sa sunud-sunod na pagpatay sa mga babaeng biktima ay pwede namang palusutin— OA naman kung babasahan pa ito ng anti-kababaihang pakahulugan. Iyon nga lang, ang pelikula mismo ay isa ring produkto – patok naman ang paggamit ng kantang “Inlab” ni Blakdyak para maging themesong kumbaga, pero alam mong ang pelikula at kanta ay parehong produkto ng Viva (Films at Viva Records) kaya kailangang ipakete bilang iisa. Pati ang mismong pelikula ay apektado sa inihahayag nitong komentaryo, kaya nga talagang nakakatawa at nakakatakot ang comedy-suspense-thriller na pormula ng Radyo.

Still Lives, pelikula ni Jon Red; Motel, pelikula nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, 1999


Pelikula at Lipunan

Still Lives ni Jon Red
at Motel nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas

Mga pelikulang digital, 1999

Kasama kong nanood ng bagong short film ang kaibigang Film major. Paglabas namin sa sinehan, magkahalo ang reaksyon namin sa panghihikayat ng isang kaibigang kartunista:

“’Gawa rin kayo ng pelikula!” Sabi niya.

Madali na nga naman ‘yan ngayon, kaya optimistiko. Kasi naman, meron nang digital camera at kung anu-ano pang gadget/gaheto na nagpapaginhawa sa buhay natin. Ang kaso, kahit nga ang mga cellphone namin ng kaibigan kong Film major ay mga lumang modelong pinagsawaan lang ng mga kamag-anak. Tapos digital camera?

Alternatibo

Noong 1983, nang magsimulang gumawa ng pelikula ang aming kaibigang kartunista, P150 lang daw ang ginagastos niya sa film at pagpapaproseso ng 3-minutong pelikulang kuha sa 8mm o Super 8. Nang lumaon, sa dulo ng Dekada ’80, dumami ang tulad niyang nagka-interes sa paggawa ng maiikling pelikula. Umeksena ang “alternative cinema” sa sirkulo ng mga artist, kung saan nagsimula bilang mga “independent filmmakers” ang gaya nina Ian Victoriano at Raymond Red (na lumikha rin ng mga komersyal na pelikulang Bayani at Sakay, at nagwagi kamakailan ng Palm d’Or sa Cannes para sa shortfilm na Anino ). May mga institusyong sumuporta sa eksena, gaya na lang ng workshops ng Mowelfund, mga pasilidad ng PIA, at ang taunang Gawad CCP na nagsimula noong 1987.

Mula sa produksyong teknikal at artistiko hanggang sa paghahagilap ng pinansya, kalakhang “independent” ang filmmakers na ito. Kaya karaniwan sa kanilang mga pelikula ang temang personal at estilong eksperimental – “alternatibo,” kumbaga, sa komersyalisadong pormula ng Hollywood o ng lokal na industriya.

Kasabay lang siguro ng pagpatok ng cellphone – ginamit naman ng alternatibong cinema ang teknolohiyang digital para sa paggawa ng pelikula. Sa pamamaraan at midyum na mas mura at mas madali, nalikha ang mga pelikulang nasa format ng digital video, o ‘yung tinatawag ng ilan na “filmless films.”

Dalawa sa mga pelikulang ito ang Motel, isang trilohiya nina Ed Lejano, Chuck Escasa at Nonoy Dadivas, at Still Lives ni Jon Red (a.k.a. Juan Pula). Tulad ng mga kahanay nitong alternatibong pelikula, independent ang produksyon ng mga ito, low-budget, at eksperimental pa rin ang tirada. Ngunit katulad ng komersyal na sine, ang dalawa ay may “tiyak na iskrip at kwento,” – full-length, at gumamit pa nga ng ilang sikat na artista.

Still Lives


Iisa ang anggulo ng kamera sa Still Lives ni Jon Red. Parang sumisilip ang mga manonood mula sa loob ng isang salamin. Mula rito’y masisipat ang tagpo -- isang bungalow na may mesa sa gitna, mga upuan, tanaw ang banyo, tanaw ang pinto. Pinasisilip tayo ng pelikula sa “pugad ng mga operasyon” sa huling araw sa buhay ng isang druglord (Ray Ventura). Nagpaparada ang mga tauhang kasalamuha niya sa iisang tagpong ito – ang pinagkakatiwalaan niyang bata (Noni Buencamino), ang “iniligpit” na taksil (Allan Paule), ang bata niyang kabit (Ynez Veneracion), ang baklang kaibigan ng kabit (Chris Martinez), ang kanyang anak, mga kostumer na dyipni drayber, estudyante, ang pulis/imbestigador na “liligpit” sa kanilang lahat (Joel Torre), at siyempre, ang adik (Soliman Cruz).

Iisa lang ang anggulo ng kamera, ngunit hindi kabagut-bagot ang naging daloy ng naratibo. Kahit iisa ang anggulo, hindi kronolohikal at linyar ang pagkukwento -- nagbabago ang kulay at ilaw ng iisang tagpo sa mga salaysay na nagmumula sa iba’t ibang punto de bista. Ipinapakilala ang mga tauhan sa pamamagitan ng mga dramatikong sitwasyon, estilong testimonyal, reportahe, “dokumentaryo” at maging komersyal na anunsyo. Namaksimisa ang mga bentahe ng midyum na digital, na makikita sa mga effects ng pelikula. Gayunman, sumusulpot ang mga tanong sa detalye ng karakterisasyon ng ilang tauhan. Dinala naman ito ng mahusay na pagganap ng mga aktor na karamiha’y beterano na sa teatro at pelikula.

Sa pelikula, isinasalarawan ang buhay ng mga “lumpen” o latak ng lipunan bilang “still. ” Maaksyon ang buhay ng anti-sosyal na lumalabag sa batas, ngunit ipinapakita pa rin ito bilang “hindi gumagalaw,” gaya ng ipinapahiwatig ng nag-iisang anggulo ng kamera. Patung-patong na pahiwatig ang maaaring makuha mula sa estilong ito – nariyan din kasi ang alusyon ng pelikula genre na “still-life”sa sining biswal at pagpipinta. Sa “still-life painting,” paksa at idinidetalye ang mga bagay na hindi buhay, gaya ng mga prutas o plorera. Isa sa mga dahilan ng pagiging tanyag ng “still-life” sa Europa ay ang pagdami ng “middle class” na naghahanap ng “sining na pandekorasyon sa tahanan.”

“Masining” – ngunit mapanganib din -- ang estilo ni Red, kung ilalapat ang alusyon sa alternatibong cinema ng Ikatlong Daigdig, lalo pa’t sa isang pelikulang pumapaksa sa mga buhay na ayaw pag-usapan ng mga awtoridad at kinauukulan. Siguradong hindi “pandekorasyon” ang buhay ng mga lumpen sa Still Lives -- makapangyarihang komentaryo ito. Pero dahil walang paggalaw sa pagpapakilala sa mga tauhan, hindi matalas ang karakterisasyon ng magkakatunggali – kahit ang pagpapakita ng interes ng pulis at pusher sa tunay na buhay. Sumisilip ang mga manonood sa Still Lives, pero hindi tanaw ng manonood ang “nasa labas” kaya parang walang alternatibo.

Motel

Gaya ng sinasabi ng pamagat, umiikot ang kwento ng tatlong maiigsing pelikula sa Motel – ang ”makukulay na gusaling magkakadikit sa Pasig, Pasay, at Sta. Mesa.” Kolaborasyon ito ng tatlong filmmaker, ngunit mas mainam itong tingnan bilang tatlong magkakahiwalay na pelikula. Sa “unang kwarto,” paksa ang obsesyon at delusyon sa “My Boy Lollipop” ni Ed Lejano; “Gabing Taksil” ang kwento ng pagtuklas ni Chuck Escasa sa ikalawa; habang ang huling kwarto ay nakareserba naman sa mga kagilagilalas na pakikipagsapalaran ng isang “Desperado” sa pelikula ni Nonoy Dadivas.

Maselan ang mga paksa at sitwasyon sa pelikula ni Lejano. Hindi kronolohikal ang paglalahad ng kwento -- halatang “aral” ang mga biswal na “device” at metapora sa pelikula (ang direktor ay guro sa Film Department ng UP). Sa kabila nito, naging insensitibo pa rin ang pelikula sa paghawak ng conflict o tunggalian ng kwento. Ginawang karaniwan at para bang “inaasahan” ang pagguho ng homosekswal na relasyon ng isang “playboy” na talent scout at ng kanyang “faithful partner.” Susundan ng huli ang playboy sa motel, at dito sila magtutuos. Mahuhuli niya ang karelasyon na may kasamang bangag at menor de edad na babaeng talent -- na sa dulo ng pelikula ay maaatrasan pa ng kanilang kotse at itatambak sa bangin. Seryoso, sadya, at walang pahiwatig na sarkastiko ang paghahalu-halo ng mga kawawang tauhan sa kawawang kwentong ito. Pinalala pa ito ng mga alusyon sa Madame Butterfly, ang pinakapalasak na simbolo para sa kamartiran sa kasaysayan ng mga pelikula at dula na nahuhumaling sa Kanluran, kamachohan, at kaburgisan.

Naging mapaglaro at magaan naman ang dalawang sumunod na pelikula. Isang “Gabing Taksil” ang naranasan sa Valentine’s Day ng bidang si Bogs, isang binatilyo na sa unang pagkakataon ay “makikipagdeyt sa motel” sa kanyang sintang dalagita. Magsisimula ang pelikula sa palengke – halu-halong imahe sa karnehan, pwesto ng mga tulya at iba pang tindang kung hindi sariwa ay malansa – at magtatapos sa pagtuklas ni Bogs na hindi na pala birhen ang girlpren na si Alma. Magaan ang pagtalakay ng pelikula sa mabibigat na isyu – iniwan nito sa manonod ang resolusyon, at maging ang interpretasyon sa wakas ng kwento. Maaaring artistiko, ngunit maaari ring pag-iwas at “pagtataksil” sa pagbibigay ng malinaw na komentaryo hinggil sa mga isyung inilalahad ng pelikula.

Komedi ang “Desperado” ni Nonoy Dadivas. Mula sa panimulang eksena sa motel, ibinabalik ng pelikula ang mga mas naunang sitwasyon, at ipinapakilala ang mga tauhan. Ang kwento ay isinalaysay mula sa punto de bista ng bida, si Ely (binigyang-buhay ni Tado Jimenez), computer technician na desperadong “maka-iskor” pero napipigilan dahil sa kanyang “itsura,” at dahil sa itsura ng kanyang kapaligiran – sa isang malupit na lungsod, kasa-kasama niya ang kanyang macho at babaerong Boss J; may pagnanasa at awa siya sa asawa ng kanyang Boss, ang maganda at domestikadong si Daisy; ayaw naman siyang paunlakan ng kapitbahay na seksi ngunit mataray. Matapat at epektibo ang pangkantong lengguwahe at “soundtrack” na ginamit ng pelikula. Napalusot nito ang komentaryo sa hindi-katawatawang kabulukan ng lungsod sa pamamagitan ng walang-puknat na pagpapatawa.

Relasyon ang paksang hindi maiiwasan ng bawat pelikula – homosekswal sa “My Boy Lollipop;” sa pagitan naman ng dalawang “inosente” sa “Gabing Taksil.” Paimbabaw ang kontekstong inilatag ng dalawang naunang pelikula, ngunit isang malaking litrato ng Kamaynilaan ang isinasalarawan ng “Desperado.” Kasama rito ang mga tao, kalsada’t struktura na parang nakikipagkuntsabahan sa pagsasala-salabid ng mga relasyon – at pananaw, lalo na sa kababaihan – na inilalahad ng pelikula.

Pagpipilian

Dalawa lang ang Still Lives at Motel sa mga pelikulang nakapagpino na sa eksperimentasyon, at naka-igpaw sa napakapersonal na mga paksa ng “alternatibong” pelikula sa bansa. Para sa mga estudyante ng pelikula o para sa mga simpleng tagasubaybay at tumatangkilik sa eksena, magandang balita na tumatalakay na ng mga “di-abstraktong” paksa ang mga pelikulang ito. Siyempre, hindi naman mawawala ang personal na pananaw at estilo ng direktor; pero totoo ring marami pang mga isyu sa sining at lipunan – at usapin gaya ng distribusyon ng yaman at access sa teknolohiya – na kailangan ding talakayain at solusyunan.

Samantala, tuluy-tuloy lang ang paggawa ng bagong pelikula at paghahain ng alternatibo sa mga sineng nakasanayan. Para kahit hindi pa rin kami makagawa ng pelikula ng kaibigan kong Film major, marami pa ring pagpipilian.

Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas, 1998


MUOG NA BAKAL

Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas,
inihanda ng Instityut sa Panitikan at Sining ng Sambayanan (IPASA)
Gelacio Guillermo, editor

Mahirap sukatin ang lawak at tatag ng Muog. Ito marahil ang unang pagtatangka na ilapat sa isang kalipunan ang lawak at tatag ng isa pang di-masukat na entidad - ang rebolusyon, o ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas.

Nasa ikatlong dekada na ang demokratikong rebolusyong bayan na inilunsad ng muling-tatag na Partido Komunista ng Pilipinas o Communist Party of the Philippines (CPP) sa pamamagitan ng armadong sangay nito, ang Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA). Nilalayon ng CPP-NPA na putulin ang mga ugat ng kahirapan at ng buktot na kaayusan sa bansa - ang imperyalismong Estados Unidos, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Armado ang pangunahing porma sa pagdidiin ng pambansang soberanya at pagtatanggol sa demokratikong interes ng sambayanan. Sa kanayunan, unti-unting winawasak ang mga pyudal na relasyon sa produksyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Bilang pinakamarami sa lipunang Pilipino, kinikilala ng CPP ang uring magsasaka bilang pinakamaaasahang alyado ng rebolusyon.

Sila ang balon ng kasapian ng NPA, at ang kanayunan ang kanilang malawak na tanggulan.

O muog at kuta, fort o bastion. Kung sa simula’y marami tayong hindi maunawaan na konsepto ukol sa rebolusyon, ito marahil ang una nating mamamalayan sa Muog: hindi mahirap ipaliwanag sa mahihirap ang kahirapan sapagkat sila mismo ang nakadarama nito. Kapag naging malapit ka na sa kanila, hindi na problema ang ipaliwanag sa mga magsasaka ang problema nilang pyudalismo. Ngunit totoong mahirap ang masangkot sa rebolusyon, buhay-at-kamatayang pakikibaka ito. Para sa mga dinarahas sa buktot na kaayusan, hindi abstrakto, hindi lang konsepto at lalong hindi lamang “puro dugo” ang digmaan. Sila mismo ang ipinagtatangol ng rebolusyong bayan, sila rin ang nagpapalawak at nagsusulong nito. Sa pamamagitan ng mayamang prosang tinipon mula sa pakikibaka - mga liham, talakayang-buhay, talaarawan, reportahe, panayam, parangal at paggunita, pabula, dagli, sugilanon, maikling kuwento, at bahagi ng nobela - ay binibigyang-diin ng aklat ang pagturing sa kanayunan bilang “pampulitika, pang-ekonomiya, at pangkulturang muog na bakal ng rebolusyon.”

Pahaging sa introduksyon ni Gelacio Guillermo ang kahalagahan ng Muog sa kasaysayan ng Panitikang Pilipino. Bukod sa pagpapakilala ng bagong pormang gaya ng talakayambuhay o “panitikang saksi” (“Alyas Mario,” “Dolores,” atbp.), pinasisilip din ang mambabasa sa mga bagong pagpapahalaga at kulturang karakteristik ng kilusan: pagiging malapit sa masa, organisadong pagkilos, magiliw na pagturing sa “kasama” (comrade), pagkamuhi sa kaaway at iba pa. Sa isang seryosong larangang gaya ng rebolusyon, nagawa pa ring maglangkap ng katatawanan sa mga akdang “Temyo, Cleo at Banong,” “Magnanakaw” at “Ang Kagila-gilalas na Hapon ni Ka Goying.” Sa wika, pagpapayaman sa bokabularyong Pilipino ang pagpasok ng mga katutubong salita at terminong gaya ng bukatot at kitid sa “Palos;” bodong at sagang sa “Chagun.” Kapansin-pansin din sa kalipunan ang paglalangkap ng rebolusyonaryong nilalaman sa mga luma at tradisyunal na pormang “pampanitikan” gaya ng salidumay (“Ang Salidum-ay ng Fetad!”) ismayling (sa salaysay ng “Isa Ring Hukbong Pangkultura ang Bagong Hukbong Bayan”) composo (“Toto”) at maging ang pabula (“Ang Magkaibigang Alamid at Matsing at ang Masibang si Ahang.”) Ang mga ito’y makabuluhang mga ambag sa ating panitikan. Sa kabilang banda, ang ganitong paglalangkap ng abanteng kaisipan sa mga ritwal at pormang tradisyunal ay itinuturing naman ni Guillermo bilang simple ngunit makabuluhang pagbabago sa pang-araw-araw na buhay at kultura ng masa. Kung susuriin, ang introduksyon mismo ni Guillermo - sa pagtalakay nito sa mga katangian at mga tagumpay na naabot ng prosang mula sa kanayunan - ay isa ring napakahalagang dokumento ukol sa kasaysayan ng panitikan ng kilusan.

Dapat asahan sa Muog ang mga sulating hindi lang naglalahad ng aping kalagayan ng mga magsasaka sa isang pyudal na kalakaran. Makikita naman ito sa karamihan ng mga naratibo - matalas ang paglalantad sa tunggalian sa uri (class struggle). Sa kaso ng kanayunan - sa pagitan ng malaking panginoong may-lupa, asendero-komersyante-usurero at ng maliliit na magsasaka, manggagawang bukid, at sakada. Sa mga kuwento ay matutunghayan ang partikularidad ng pagsasamantala sa iba’t ibang lugar sa bansa, kasabay ng pagbibigay-paliwanag ukol sa ugat ng gayong kaayusan. Pinapatagos sa mga sulatin ang pagsusuri ng pambansa-demokratikong kilusan - ang mala-pyudal at malakolonyal na balangkas ng lipunang Pilipino.

Pinakamatagumpay ang Muog bilang “buhay” na dokumentasyon ng digmang bayan. Ang mga sulatin ay mula sa mga NPA mismo, mga kadre ng Partido, mga manggagawang pangkultura, mga aktibista, at maging ng mga premyadong manunulat na tulad nina Ricky Lee at Jun Cruz Reyes. Matapat ang paglalahad ng mga akdang mula sa punto de bista ng Pulang mandirigma. Dahil dito’y madaling nagkaroon ng hugis ang mga salitang “tambang,” “reyd” at “engkwentro” na higit sa malabo at kalakhang negatibong larawang ipinipinta ng mga report sa radyo, dyaryo o midyang kontrolado ng estado at malalaking korporasyon. Ang armadong pagkilos at ang pagkakaroon ng mga NPA ay matiyagang ipinaliliwanag sa masa. Halimbawa nito ang “Blood-brothers,” kung saan ang panimulang “stick ED” (educational discussion o pagtalakay sa isyu nang gamit ay patpat: “the rich stick being propped-up by the AFP stick and Marcos...”) ay humantong sa mutwal na pagtatanggulan at pakikipagsanduguan ng mga NPA at B’laan.

Maraming akda ang naglalarawan sa lubos na pagkagagap at pagsuporta ng masa sa armadong rebolusyon. Matingkad ang pagtalakay ng mga ito sa pasya ng masang magsasaka na ipagtanggol ang sariling kabuhayan kasama ang interes ng sambayanan - sa paglahok nila sa mga organisasyong masa, kundi man sa hukbong bayan mismo (“Karaniwang Tao ang Nagiging Kawal”). Makikita rin sa mga naratibo ang programang ipinapatupad sa rebolusyong agraryo - halimbawa’y sa “Sa Kabisayaan: Si Ka Luming, ang Rebolusyong Agraryo, at ang Armadong Pakikibaka,” at sa panayam na “Reaping the Grains of Success.”

Ikagugulat marahil ng ilan ang mga bagay ukol sa mga NPA na matutuklasan sa Muog. Halimbawa’y ang maayos na pakikitungo sa mga nahuling sundalong militar sa “Ang Mga Bihag” at “Tungkol sa mga POW (Prisoners of War).” Ipinakita sa “Trekking the Rugged Trails” ang pag-igpaw sa mababang pagtingin sa kababaihan. Pagsilip sa kasal-NPA ang “Romance in the Hills” at “Ang kasal nina Ka Amante at Ka Laura.” Sa “A Bubbling Discovery,” paggawa ng sabon ang proyektong pangkabuhayan na inilunsad ng mga pulang mandirigma sa Cordillera. Isang magsasaka naman ang matagumpay na inoperahan ni Ka Erning, isang dating sastreng protege ng medical team ng NPA, sa “Caring for the People.” Pinatitingkad ng mga sulatin ang itsura’t damdamin ng mga walang-pangalang NPA - ang mga pisikal at ideolohikal na pagbabago, mga takot, galit, pag-asa, at pananalig sa pagbubuo ng isang lipunang walang pagsasamantala.

Walang pang dokumentong papantay sa personal na damdamin at mga aktwal na karanasan sa digma na pinatatangkaang saklawin ng Muog. Mula sa mga taong bahagi at naging bahagi ng kilusan, mas mauunawaan ang kanilang personal na pagkiling sa mga prinsipyo, mas maiintindihan ang halaga ng sama-samang pagkilos. Kung para lamang ipaunawa ang mga tunguhin ng pambansa-demokratikong rebolusyong Pilipino sa paraang pinakamalikhain at pinakamalapit sa puso ay tunay ngang hindi matitinag ang Muog.

Jose Rizal, pelikula ni Marilou Diaz-Abaya 1998


Monumento

Jose Rizal
Direksyon ni Marilou Diaz-Abaya
GMA Films

Nakatanghal siya sa kung ilang monumento sa buong kapuluan. Tampok na kurso ang kanyang buhay mula sa kasaysayang pang-elementarya hanggang sa PI 100 sa kolehiyo. Nakatatak ang kanyang pangalan sa napakaraming lansangan. Nakaukit ang kanyang mukha sa ating piso.

Hindi nakapagtatakang isa na namang monumento ang itinayo para sa ating pambansang bayani . Sa pagkakataong ito, sa anyo ng pelikulang “Jose Rizal” ni Marilou Diaz-Abaya.

Aakalaing nakakapagal ang pelikula --tipong katulad ng walang kaluluwang centennial celebration na isinasagawa ng gobyerno at ng National Centennial Commission (na isa sa mga tumulong upang maisakatuparan ang proyektong ito). Bukod pa sa tumatakbo nang mahigit sa tatlong oras ang pelikula, mahirap umasa ng anumang bago sa isang kuwento na makailang-ulit nang inilahad sa iba’t ibang paraan. Ano pa ba’ng tungkol kay Rizal ang hindi nabanggit ng ating mga libro sa kasaysayan? Ano pa ba ang hindi natin napanood sa light and sound show sa Luneta, sa “Dalawang Bayani,” o sa “Rizal sa Dapitan?”

Sa simula pa lamang nito ay mabilis na napapapawalang-totoo ang mga ganitong palagay. Dito na marahil magsisimula ang ating listahan ng mga “hindi inaasahan” sa pelikula. “Hindi inaasahan,” dahil na rin sa relatibong “mababang kalidad” ng ilang pelikulang Pilipino -- “pang-sentenaryo” man o hindi -- sa kasalukuyan.

Pinasisilip kaagad ang manonood sa isang aspeto ng buhay ni Rizal (Cesar Montano), ang pagiging manunulat, habang masinop na inilalatag ang konteksto nito--ang kalagayan ng Pilipinas sa panahong iyon, ang pagmamalabis ng kolonyalismong Espanyol. Sa pagluluwal ng karakter ni Crissostomo Ibarra ng Noli Me Tangere at sa malaon, sa karakter ni Simoun sa El Filibusterismo (parehong si Joel Torre), ay ibinadya na ng pelikula na hindi karaniwan ang naratibo. Hindi inaasahan ang pagsasalabid sa paglalahad ng dalawang punto de bista -- ang isa’y sa paningin ni Rizal mismo (at sa pamamagitan ng pag-uusig ng kanyang abogado), at ang kabila’y sa pananaw ng kanyang mga akda.

Sa pagbaybay sa komplikadong buhay ni Rizal ay nagpakitang-gilas ang pelikula sa pagsasaliksik at biswal na detalye -- mula sa pagpasok ng batang Rizal (Dominic Guintu) sa Biñan, sa pag-aaral niya ng medisina, sa mga eksena ng salu-salo ng Kilusang Propaganda, sa pagtatatag ng La Liga Filipina, sa mga eksena sa Dapitan, sa mga eksena sa piitan, hanggang sa pag-usal niya ng “Consummatum est” sa kanyang kamatayan. Pahahangain ang manonood sa sinematograpiya ni Rody Lacap at sa disenyo ni Leo Abaya. Takaw-pansin din ang katakut-takot na digital effects ng pelikula--ang mga gamu-gamo sa kuwento ni Teodora Alonso, ang “rekonstruksyon” ng mga lumang gusali, ang landscape ng Bagumbayan. Epektibo rin ang paggamit ng black and white para sa mga eksenang mula sa mga nobelang Noli at Fili.

Hindi rin naman pahuhuli ang musikang inilapat ni Nonong Buencamino--ngayon lamang marahil tayo makakapanood ng pelikula na sinaliwan ng Philippine Philharmonic Orchestra sa kabuuan nito.

Nakikipag-usap sa Espanyol, Aleman at Bisaya ang Jose Rizal sa pelikula. Ngunit hindi lamang ito ang dahilan kung bakit masasabing kahanga-hanga ang pagganap ni Cesar Montano--walang bahid “action star” ang kanyang Jose Rizal. Isang parada pa ng mga artista sa pelikula at teatro ang may papel sa “Jose Rizal”. Dahil na rin sa makatotohanang pagganap nina Peque Gallaga (bilang Arsobispo Nozaleda), Jaime Fabregas (bilang Taviel, abogado ni Rizal), Pen Medina (bilang Paciano, kapatid ni Rizal) at ng iba pa kahit na minor ang papel (Fritz Infante, Joel Lamangan, Gina Alajar, Tanya Gomez, Irma Adlawan, Olga Natividad, atbp.), ay tumingkad din ang ilang tila hindi komportable--parehong sa bahagi ng artista at manonood--sa mga tauhang kanilang ginampanan. Laging agit ang Andres Bonifacio ni GardoVersoza, parang beauty queen pa rin ang Teodora Alonso ni Gloria Diaz, hindi mukhang Josephine Bracken si Chin-chin Guttierez, hindi bagay na Maria Clara si Monique Wilson.

Hindi maaaring hindi pansinin ang hinabing iskrip nina Ricky Lee, Jun Lana at Peter Ong Lim. Napakahirap na trabaho ang epektibong pagdurugtong-dugtong ng lahat ng mabibigat na detalye sa pelikula. Nagawa rin ng trio na makapaglangkap ng ilang mga magagaan o kakatwang linya at eksena (halimbawa’y “katarungan ng tsinelas ” ang matitikman ng makulit at pala-tanong na batang Jose Rizal), upang higit na maging buhay ng isang tao--at hindi lamang basta buhay ng isang henyo--ang kuwento na inilalahad sa pelikula.

Ngunit hindi pa tapos ang listahan ng mga “hindi inaasahan.” Sa pelikula, paulit-ulit at sa iba’t ibang mga pagkakataon ay ipinakita ang mga kahinaan ng ating pinagpipitaganang pambansang bayani. Madalas umiinit ang ulo ni Rizal sa pag-uusig ng sinserong abogadong Espanyol. Alter-ego ni Rizal si Crissostomo Ibarra, ngunit pagtatakhan kung bakit sa totoong buhay ay hindi siya “naging Simoun”--kung bakit hindi siya pumanig sa rebolusyon.

Isa sa mga pinakamahusay na eksena sa pelikula ang paghaharap ni Rizal at Simoun sa bisperas ng kanyang kamatayan. Nang-uusig dito, hindi na lamang ang abogado kundi maging ang nilikha niyang tauhan: bakit hindi itinuloy ni Rizal ang pagpapasabog ng lampara sa Fili? Bakit hindi payag si Rizal sa lupigin ang mga Espanyol? Tama ang isinagot ni Rizal sa kanyang tauhan--masyadong personal ang mga dahilan ni Simoun upang mag-aklas. Ngunit malalim na pagmumuni ang iiwanan ng mabigat na tanong at mariing pagsusumamo ni Simoun -- bakit hindi mo ako baguhin? Sa ganitong hudyat, hindi na lamang “ang lampara” ang pinasabog ni Diaz-Abaya.

Sa pangkalahatan ay hindi na lamang ang suliranin ng paglalahad ng buhay ni Rizal o ang problema ng paglalahad ng kasaysayan ang pinagtangkaan na lutasin ng pelikula. Ambisyoso ang proyekto sa pagtatangka nito na itanghal ang sarili --ang pelikulang “Jose Rizal” mismo--bilang muhon sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.